Ang Huni ni Kalaw
Sa
kagubatan ng Lambak ng Cagayan, nakatira si Kalaw. Mahilig siyang magmasid
habang tahimik na binabantayan ang kaayusan at kalinisan ng kapaligiran.
Isang
araw, habang lumilipad si Kalaw, napansin niya ang mga basurang lumulutang-lutang
sa Cagayan River. Agad siyang pumaimbulog upang saklutin ang mga iyon. Dahil sa
dami, hindi niya nadala ang lahat ng nakita niya.
Pagkatapos maghanap ni Kalaw ang basurahan upang itapon
ang mga nasaklot niyang basura sa ilog, hinanap niya ang mga kaibigan.
“Lawin, Francolin, halikayo,” hinihingal niyang aya sa
dalawa. “Tulungan ninyo akong saklutin ang mga basura doon sa may ilog sa
Peñablanca.”
“Ha? Basura? Bakit may mga basura?” tanong ng ibon-manok.
“Mga salaula sila! Sinisira nila ang kalikasan,”
nanggagalaiting sabi ni Lawin.
“Masasamahan niyo ba ako?” untag niya.
Nagtinginan muna sina Francolin at Lawin.
“Patawarin mo ako, Kalaw, kung hindi ako makatutulong sa
`yo. Naghahanap ako ngayon ng pagkain ng mga inakay ng aming kabiyak,” tugon ng
lawin.
“Gustuhin ko man, subalit hindi ako makakasama sa `yo
dahil hindi gaanong mataas ang aking lipad. Sadyang may kalayuan ang Peñablanca...
Patawad, Kalaw,” sabi naman ni Francolin.
“Nauunawaan ko kayo. Sige, paalam sa inyo.” Agad na lumipad
si Kalaw upang itago ang kalungkutan niya. Labis ang kaniyang kabiguan sa pagtanggi
at pagdadahilan ng matatalalik na kaibigan.
Dumapo si Kalaw sa pinakamataas na sanga ng apitong. Mula
roon ay tanaw na tanaw niya ang kahabaan ng ilog. Pinag-isipan niya roon kung
ano ang gagawin sa kaniyang problema.
Nang makaisip, mabilis siyang lumipad upang hanapin ang
kinaroroonan ng mga hayop. Ginamit niya ang kaniyang malakas at matinis na huni
para ipaalam sa mga hayop ang suliranin.
“Huwag magtapon ng basura sa ilog!” paulit-ulit niyang
babala sa mga nakikita niyang usa, baboy-ramo, unggoy, at bayawak.
Hindi siya pinansin ng mga ito. Ang isa ngang unggoy ay
dinilaan pa siya. Ang isa namang usa ay tumakbo at nagtago lang nang makita
siya. Ang baboy-ramo at bayawak naman ay tinaasan lamang siya ng kilay.
Lalong nalungkot si Kalaw sa mga inasal ng mga hayop.
Subalit hindi siya sumuko. Nag-isip pa siya ng paraan habang nagpapahinga sa
isang sanga ng matandang nara.
“Alam ko na!” bulalas ni Kalaw nang makaisip na.
Pagkatapos,
lumipad siya patungo sa ilog upang hanapin ang mga kakilalang hito, tilapya,
dalag, at biya.
Bawat isang makita niya ay binabati niya, saka sinasabi
niya ang kaniyang naisip. “Inaanyayahan ang lahat sa paglilinis sa ilog ngayong
darating na Linggo!”
Bawat isang makakita at makarinig sa inanunsiyo niya ay
bigla na lang lumubog sa tubig. Sumisid. Nagtago.
Nadoble ang kalungkutan ni Kalaw pagkatapos niyang maranasan
ang pagwawalambahala sa kaniya ng mga isda. Subalit hindi pa rin siya sumuko.
Muli siyang nag-isip ng paraan habang naghahanap ng mapagpapahingahan.
Mula
sa tuktok ng bundok, natanaw niya ang butas-liwanag ng kuweba sa Peñablanca.
Doon siya dumaan.
Tahimik
siyang naghanap ng bahagi ng kuweba kung
saan niya isasagawa ang plano. Ayaw niyang mabulabog ang mga paniki roon.
“Doon!”
bulalas niya nang makakita.
Pagkatapos,
hindi na nag-aksaya ng panahon si Kalaw. Nag-ipon siya ng mga tuyong dahon at
sanga ng mga halaman at puno. Nangalap siya ng maliliit na buto at bunga ng mga
punongkahoy. Nanguha rin siya ng luwad at dagta ng puno. Kahit pagod, sinikap
niyang maisagawa ang plano. Magtatakip-silim na nang matapos siya.
Mula
sa mga iyon, nakabuo siya ng mensahe.
“Sama-sama
tayong magtulungan para sa mas ligtas at mas masayang tahanan,” basa niya. “Bukas,
makikita nila ito. Sana mahikayat ko sila,” sabi niya habang nasisiyahan sa
kinalabasan ng kaniyang ginawa.
“Ik-ik!”
Napabalik
siya ng lipad nang marinig at makita ang batang paniki. “Kumusta, bata?
Nagustuhan mo ba?”
“Opo!
Ang ganda ng sining mo, saka ang mensahe.”
“Talaga?
May mahihikayat kaya sa patalastas na iyan?” natutuwang tanong ni Kalaw.
“Sigurado
po ako, meron. Saka yayayain ko ang mga kaibigan ko para mabasa rin nila ito.”
“Salamat
naman kung ganoon. Maaari mo bang ipagsabi pa ito sa mga magulang mo?”
“Sige
po. Maaari din po silang tumulong sa pagpapakalat ng mensaheng iyan.”
“Maraming
salamat uli sa iyo, Paniki. Tatanawin kong utang na loob ang gagawin mo.”
“Huwag
na po kasi para naman po ito sa kalikasan.”
“Tama!
Pero bakit ang aga mong nagising?”
“Kasi
mahilig po akong tumuklas ng mga bagay-bagay.”
“Pareho
tayo.”
Natawa
sina Kalaw at Paniki.
“Sige
na. Paalam na sa `yo.”
“Paalam!”
Punong-puno
ng pag-asa ang puso ni Kalaw nang makalabas siya sa kuweba. Dumiretso siya sa
kaniyang tahanan upang magpahinga. Sa daan, humuni siya nang humuni habang
binibigkas ang mensaheng iniwan sa kuweba.
Kinabukasan,
nakaramdam ng sakit at pagod si Kalaw. Nagdesisyon siyang manatili muna sa
kaniyang tirahan upang magpahinga.
Nang
handa na siyang lumibot-libot, saka naman bumagsak ang malakas na ulan. Walang
tigil na ulan.
Paglipas ng dalawang araw, saka lamang siya muling
nakalipad.
Lumipad siya nang lumipad. Iniwasan niya ang mga
kaibigang ibon, ibang hayop, at ilang isda, na nambalewala sa kaniya. Nagkubli
siya sa mataas na puno habang pinagmamasdan ang mga kilos ng mga ito.
Maya-maya, natanaw niyang lumapag sa lupa nang magkasabay
sina Francolin at Lawin.
“Sama-sama
tayong magtulungan para sa mas ligtas at mas masayang tahanan,” magkasabay na
awit ng kaniyang mga kaibigang ibon.
Hindi
pa lumipas ang isang minuto, lumabas naman mula kung saan-saan sina Usa,
Baboy-Ramo, Unggoy, at Bayawak. “Sama-sama tayong magtulungan para sa mas
ligtas at mas masayang tahanan.” Sabay-sabay na umawit ang mga ito.
Naiiyak
sa tuwang nagpakita si Kalaw sa mga ito. “Maraming salamat sa inyo! Akala ko,
binalewala ninyo ako.”
Nagpaliwanag
ang bawat isa.
“Walang
bale ang mga iyon. Ang mahalaga ngayon, may katulong na akong mahalin, alagaan,
at protektahan ang tahanan natin,” sabi ni Kalaw. “Sama-sama tayong magtulungan
para sa mas ligtas at mas masayang tahanan.”
Nag-aawitan
silang lahat habang binabaybay ang dalampasigan upang simulan ang paglilinis.
No comments:
Post a Comment