Followers

Sunday, September 27, 2015

AlDub Fanatic Nga Ba O Nambibiktima ng Fans?

Hindi lang fandom ang AlDub. Ginagamit na rin ito ng mga kawatan, para makapanloko ng kapwa.

AlDub fanatic nga ba o nambibiktima ng fans? Ikaw na ang humusga.

Noong Setyembre 27, 2015, pasado alas-nuwebe ng umaga sa isang sikat na fast food chain sa MOA ay nag-almusal kami ng anak ko para paghandaan ang pagpila sa Gabay Guro. Andaming tao doon kaya halos wala na kaming maupuan. Pero, may dalawang matandang babae na nag-alok sa amin ng table dahil hindi naman nila na-occupy ang dalawang upuan. Siyempre, tinanggap ko at nagpasalamat.

Magiliw ang isa sa aking anak. Tinatawag niya pang ‘baby’. Aniya, “Uy, kakain na ang baby.” Hindi ko sila inalok dahil alam ko’y tapos na silang kumain at parang may hinihintay lang sila.

“Kain ka na baby.” sabi pa uli ng magiliw na ale. Mukha siyang teacher kaya agad kong naisip na dadalo rin sila sa Teachers Fest.

“Dadalo rin po kayo sa Gabay Guro?” tanong ko sa kanialng dalawa.

Nabungol pa ang isa. Hindi agad niya na-gets. Ano raw iyon? Nang sinagot ko, sinabi niyang hindi sila guro. Agad namang sumagot ang magiliw na babae. Sabi niya, ang dalawa raw niyang anak ay guro. Sana raw ay pumunta.

"Anong division po ang anak niyo?" tanong ko. Pero, hindi niya naunawaan ang division. “Taga-saan po kayo?” tanong ko uli. Caloocan daw. Pagkatapos, ay may dumaang mga customer na kinawayan ng isang medyo bungol na babae.

“President ng AlDub.’ aniya sa kanyang kasama. Pagkatapos ay sinundan niya ang patungo sa may dulo.

“Gusto ko sanang makapasok doon. Pwede kaya ako kahit hindi ako guro?” tanong ng naiwang babae.

“Pwede naman po siguro. Hindi naman yata hahanapan ng ID basta po may ticket kayo.’’

“Ikaw may ticket na?”

“Wala pa rin po. Magbabaka-sakali pa lang po.”

“Sana makapasok ako. Government employee naman ako, e.” Narinig ko pang tinuran ng ale habang nagmamadali akong kumain kasi baka dumating na ang kasama ko. “Kaka-out ko lang.” patuloy niyang kuwento “Sa MalacaƱang ako nagtratrabaho.” Nilabas pa niya ang identification card niya. Mabilis lang niyang ipinakita sa akin. Nabasa kong attorney siya at Dumlao ang pangalan. Naalala ko ang text scam na nagsasabing nanalo ako sa electronic raffle draw ng isang foundation. Parang kapangalan niya.

Agad akong nagduda. Alam ko na ang intensiyon niya sa pakikipag-usap sa akin. Gusto niya akong linlangin, gamit ang pangalan ng AlDub. Hindi ko na siya tiningnan baka mahipnotismo niya ako. Patagilid ko na lang siyang tinatanaw. Hindi na rin ako naglabas ng cellphone dahil naglabas at nagparinig na lowbat siya. Ang kasunod niyon ay makikitext siya. Hinding-hindi ko naman ipapahiram sa kanya ang cellphone ko.

Hindi ko siya pinansin.

Panay pa rin ang salita niya. Taga-Bulacan daw si Maine. Taga-Bulacan din daw kasi siya. Tango lang ako nang tango, ngiti ang ngiti at subo nang subo.

"Ang yaman ni Maine.'' sabi na naman niya. Tumango lang ako.

Parang napansin niyang di ko na siya pinapansin kaya tumayo na siya't nag-ayos ng kanyang bag.

"Sana hindi sila magkatuluyan, 'no?"

Tango lang ang sagot ko sa kanya.

Nagmadali  na talaga akong kumain. Hindi ko na rin ipinaubos sa anak ko ang kinakain niya. Dinala ko na lang ang mga tira pati ang kape ko. Pero bago iyon, nagparinig din akong aalis na kami at pinabibilisan ko na ang pagkain ng anak ko.

“Mag-CR muna kaya ako.’’ sabi niya. “Hindi ka pa naman aalis, di ba?’’ tanong niya.

“Aalis na po.’’

“Sige. Diyan lang ‘yan. Di naman siguro ‘yan mawawala.” Iniwan niya sa table na kinainan nila kanina ang isang bag na parang bag ng laptop at tinungo niya ang mga kasamahan niya sa dulong bahagi ng establisyimento.

Hindi lumipas ang dalawang minuto, nilisan namin ang lugar na iyon. Wala akong pakialam sa bag niya. Alam kong may kasunod na eksena pa iyon kung magtatagal pa ako. Hindi ko man alam ang uri ng modus nila, pero alam kong magiging biktima ako ng isang panloloko kung magtatagal pa ako.

Mabuti na lang at nakalayo kami doon nang walang naging problema.

Sa lahat ng fans ng AlDub, mag-iingat sa kanila. Patawarin ako ng Diyos kung nagkakamali ako sa kutob ko. Pero ang mga inakto at sinabi nila ay hindi normal at talaga namang nakakaduda.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...