Followers

Wednesday, September 2, 2015

Ang Aking Journal -- Setyembre, 2015

Setyembre 1, 2015
Matunog ang ubo ni Zillion. Mabigat din ang loob ko na iwanan siya sa teacher niya kaya lang kailangan dahil ngayon ang laban ng collaborative publishing. Maiinitan siya sa labas dahil hindi kami makakapasok sa contest area.

Antagal matapos ng contest. Pero ayos lang dahil nagawa naman ng dalawang team nang maganda at maayos ang output. Natuwa si Mam Jann. Alam kong may laban ang dalawa naming diyaryo. Mas maganda ito kesa last year.

Alas-kuwatro na kami nakabalik sa Gotamco. Tulog siya. MAbuti nga’t ganun dahil nakapagpahinga siya sa pag-ubo. Binalitaan pa ako ni Mam Joann. Pinainom daw niya ng oregano. Nice!

Tumawag si Emily bandang alas-7:30. Medyo masaya na siya dahil may ginagawang aksiyon ang agency. Baka this month ay makabalik na siya sa Bahrain. Sana naman.

Chinat ko naman ang kaibigan niyang si Cecil para ibigay ang mga numbers niya. Magpapanggap daw na kapatid niya par mas maalarma sila.



Setyembre 2, 2015
Naawa ako kay Zillion dahil gusto niya sanang umabsent. Nagbilin na siya na sabihin ko sa teacher niya na hindi siya papasok dahil hinihingal siya. Mabuti napilit kong pumasok. Andami ko kasing dapat ayusin sa school--- mga forms, paperworks, etc. Need ko ring magturo na.

Nang nahilamusan ko siya, lumakas nang kaunti. Kinarga ko na lang siya papuntang school.

Naharap ko ang klase ko. Naturuan ko sila ng multiplication of fractions. Tapos, na-meet ko ang mga journalism trainees na ilalaban bukas dahil pinatawag ako ng princpal at nina Mam Joan R. I gave a short talk. Nagtrain din ako kina Veronica at Jessica. Then, bago mag-uwian, nakagawa ako ng bulletin board para sa Teachers' Month. Nagpatulong ako sa isang estudyante.

Okay na si Zillion. Hindi ko na narinig umubo. Hindi na rin masyadong humihingal. Active na uli. Mabisa ang gamot na nabili ko. Thanks, God!



Setyembre 3, 2015
Maliksi na uli si Zillion. Gayunpaman, tuloy pa rin ang pag-inom niya ng gamot. Pero, kampante na ako na iwan siya sa teacher niya.

Bago mag-alas-otso ng umaga ay nasa PZES para sa individual category contests ng Pasay City Young Writers' Conference and Contests. Sina Veronica at Jessica naman ngayon ang lalaban. Malakas ang confidence ko na magagawa nilang manalo. Hindi man sila manalo. okay lang. Ang mahalaga, nabigyan ko sila ng chance para makasali sa journalism contest.

Nakakuwentuhan ko si Mam Fatima. Mahaba ang naging usapan namin habang naghihintay sa mga bata.

Nabulungan naman ako ni Mam Normina na panalo kami sa collab. Ayaw niya lang masyadong i-announce dahil confidential. Salamat sa Diyos dahil muli naming napatunayan na karapat-dapat kami at sulit ang gastos ng West Ditrict sa mga trainings namin.. Sa kabila ng mga naging problema at isyu sa grupo namin, nagawa naming umangat. I know, champion kami sa Filipino. Mahusay din ang pagkakagawa sa English kaya pwede rin kaming makapasok.

Bago mag-alas-dos ay nasa school na kami. Pagod na pagod ako pero masaya. May matatanggap kasi akong award bukas.



Setyembre 4, 2015
Halos ma-late na kami ni Zillion kanina. Pero, ayos lang. Naabutan ko naman ang mga bata sa pilahan.

Nagturo ako ng English sa unang period, instead na Math. Tapos, nagpasulat ako sa Sulating Pangwakas. Patay-oras ang ginawa ko dahil aalis kami bandang ala-1 ng hapon para sa PCYWCC awarding sa PZES.

Nagkaproblema pa ang pupil ko na si John Gil dahil pinagbantaan ng dalawang Grade 4 pupils na papatayin. Inayos ko muna. Inis na inis ako sa ugali nung dalawa. Mga buwisit kong umasta! Akala nila ay biro lang ang pumatay.

Ewan ko kung over-acting ako kanina pero ang gusto ko lang naman ay maayos ang aaway nila. Na-trauma kasi si JC. Natatakot umuwi mag-isa kaya nagpatext sa kanyang ama para sunduin siya sa uwian.

Bago kami nakaalis, naayos na. Ang bilis! Parang ako pa ang ama ni JC. Pinatawad niya lang agad ang dalawang nambanta sa anak niya. Wala akong nagawa kundi patawarin din sila.

Antagal ding nagsimula ng awarding. dalawang oras yata kaming naghintay. Pero, sulit naman ang paghihintay dahil wagi ako kay Jessica. Second siya sa Science Reporting. Panalo rin si Marian na tinulungan ko. Ang suwerte ni Ms. Kris. Kaya lang sayang, di sila nakapunta.

Nabigo naman kaming makuha ang championship sa Collaborative Publishing. Nanalo lang kami sa Filipino ng Best in Sports Page at sa English ng Best in Feature Page at Editorial Page. Sa tingin ko, nasabotahe ang resulta. Gayunpaman, okay lang. Thankful na rin ako dahil makakarating pa rin ako sa regional level at may chance para sa national level sa Koronadal City.

Bigo man ako kay Veronica, ayos lang din. May next year pa naman.

Alas-siyete na kami nakauwi. Sobrang pagod pero sobra-sobra ang saya ko. Napatunayan ko na naman ang worth ko sa journalism. Sana magbago na ang mababang pagtingin nila sa akin.



Setyembre 5, 2015
Alas-otso ng umaga, nakaalis na kami sa boarding house. Patungo na kami sa Antipolo para bisitahin si Mama. Siyempre, hindi ko kinaligtaan ang paggrogroseri. Halos isang buean rin akong di nakadalaw kaya slam kong marami siyang pangangailangan. Hindi nga ako nagkamali pagdating namin bandang alas-onse. Tuwang-tuwa at nagpasalamat siya sa pagdating namin. Aniya pa, talo ko raw ang mga babaeng manugang niya. Alam na alam ko ang mga pangangailangan niya. Natuwa rin ako sa appreciation niya. Pasasalamat na rin iyon sa mga blessings na natatanggap ko.



Setyembre 6, 2015
Pagkatapos kong mag-almusal, nagsulat lang ako ng mga sanaysay. Akala nga ni Mama ay may sakit ako. Inabutan nga ako ni Flor na nakahiga lang. Kaya, maya-maya ay bumangon na ako para mananghalian naman.

Alas-dose, bumiyahe na kami ni Zillion pabalik sa Pasay. Kailangan makabalik kami doon dahil mag-grogrocery pa ako at maghahanda ng lesson para bukas.


Alas-dos y medya na kami nakarating ni Zillion sa boarding house. Umidlip kami. Paggising ko, isinend (send) ko na kay Sir Erwin ang file ng Chapter 1 to 3 ng study niya.  Natuwa at nagpasalamat siya. 



Setyembre 7, 2015
Simula na ang pagpo-focus ko sa aking pagtuturo. Medyo naninbago ako ng kaunti pero nagawa ko namang maging clear ang discussion. Mayroon lang talagang estudyanteng sadyang mahirap makaunawa.

Nagturo ako sa mga babae ng doxology. No effort kasi pinanuod ko na lang sa kanila ang video ng We Are All God's Children, habang may training kami ni Jessica.

Pagod na pagod ako maghapon. Ni-rush ko pa ang TQC schedule at ang LMS namin. Mabuti naipasa namin bago mag-uwian. Walang pahinga. Hindi man lang ako nakaidlip dahil kailangan ko pang magbanlaw ng mga binabad na damit kagabi. Tapos, nag-prepare pa ng lesson. Okay lang. Teacher e. Pati sa bahay, dala-dala ang mga gawain sa paaralan.



Setyembre 8, 2015
Sit-down Strike sana ngayon ng mga guro, kaso hindi ko naman nagawa dahil kailangang magturo. Wala namang suporta from the office or from the collegues. nag-post na nga ako kagabi pa ng picture ng advertisement from  ACT. BAlewala. Nakaupo naman kami dahil may values lesson ang mga bata mula sa Bethany Baptist Church. Ilang minuto lang naman.

Na-highblood pa ako dahil wala na ngang assignment ang karamihan, mali-mali pa ang sagot nila sa board. Naasar ako sa kabobohan ng mga estudyante ngayon.

Maghapon nila akong ininis. Ang gugulo at ang iingay nila. Kaya, binalaan ko sila na maiiiwan ang mga walang gawa. May parusa pa ang mga maililista. Ang mga parusa ay magsusulat ng balita, tula, sanaysay at kuwento. Naku, andaming naiwan. Wala pang 1/4 lang ang nakauwi agad. Nakapag-practice na kami lahat-lahat ng doxology at nakagawa na ako ng dalawang tarpapel ay hindi pa rin kumikilos sina Kevin, Wranz, Keith, Jowie, Clint, Riley ay Kaymond. Sila ang mga suki sa katamaran at kadaldalan. Muntik na si Jefferson. May sundo na nga siya. May sundo na nga rin si Kevin. Alas-kuwatro y medya ko na sila pinakawalan. Bukas ay may continuation. Hindi ko na sila palalampasin.

Nakita ng nanay ni Wranz kung paano ko ginising si Zillion. Kinausap niya ako pagkatapos. Nag-PM pa siya. Humingi ng apology sa katamaran ng anak niya. Wala raw palang ballpen kaya di nagsulat. Di naman iyon ang problema. Dapat nagsabi sa akin.

Dahil sa nangyari, halos kinapos na ako ng oras. Wala akong naisulat na article ngayong araw. Nakipag-chat pa sa akin si Ms. Kris. Na-isyu na naman siya at si Marian. Kinagabihan. Nakipag-chat rin sa akin si Mam Loida. Tungkol din dun ang pinag-usapan namin. Naiinis ako sa mga ginagawa ng mga kasamahan namin.

Nainis din ako kay Mhel. Nag-comment ba naman sa picture na tinag ko kay Zillion. Hindi ko na nga siya in-accept, nagawa pang gumawa ng paraan para makautang uli sa akin. Wala na talagang hiya. Hindi niya pa nga nabayaran ang P1500 na nauna niyang inutang, mangungutang na naman. Ano naman kaya ang pakialam ko sa lending niya. Nasa abroad na nga siya, ako pa ang pinipeste. Hindi naman ako sa kanya nakalapit nung siya ang meron. Hindi niya yata maalala ang mga ginawa niya sa akin.

Minsan, hindi masamang maging maramot.



Setyembre 9, 2015
Hindi ko pinapasok ang mga estudyante kong walang diary. Andami nila. Wala pa yata sampu ang nakapasok agad. Ang iba, nagsulat muna bago nakapasok. Ang ilan naman, maghapong nasa labas. Pinauwi ko naman ang mga estudyante kong pasaway na sina Kevin, Keith, Jowie, Clint, Riley ay Kaymond. Hindi naman sila pinalabas ng gurad kaya nandun lang sila sa baba. Maya-maya, dumating na ang nanay ni Keith dahil nabalitaan na ng kapitbahay. Nag-usap kami. Natuwa ako sa napagkasunduan namin. Pagkatapos, ang nanay naman ni Jet ang dumating. Naasar ako. Ipapakausap ba naman sa akin ang lola. Walang kuwenta. Gusto pang ilipat ng ibang section. Ang sabi ko, "Sige po, kung tatanggapin siya doon." Bago naman mananghalian, ang lola naman ni Riley ang dumating. Paluin ko raw ang apo niya. Sabi ko ay hindi ako namamalo.

Inspired akong magturo kahit naging magulo ang klase ko dahil may nakaupo sa labas ng classroom ko. Nakuha ko na ang tamang disiplina sa kanila. Sana ay ma-maintain ko.

Maaga kaming nakauwi ni Zillion kahit nagpractice ako ng doxology sa mga pupils ko at nag-train ako kay Jessica ng science reporting.



Setyembre 10, 2015
Dumating ang nanay nina Clint at Kaymond. isa-isa ko silang kinausap. Nagkasundo kaming magtutulungan para sa mga bata. Sinabi kong hindi muna sila makakatanggap ng grades. Nakausap ko na rin ang lola ni Jet. Nagkasundo rin kami. Pero, wala pa rin namang pagbabago ang apo niya.

Nainis din ako dahil mas lalo yatang dumami ang walang assignment. Halos kalahati ng klase ko ay nasa labas. Antagal nila bago nakapasok. NAiwan pa ang mga lalaking pasaway.

Ala-una, nag-meeting kaming GPTA Officers. Isa sa mga agenda ay ang oath-taking namin bukas sa Cuneta Astrodome. Hindi ako masaya sa uniform namin. Ang iksi ng manggas. Nakikita ang payat kong braso. Hmp!

After ng meeting, sumabay ako kina Donya, Mumu at Intruder sa hideout. Sumabay rin sa amin si Don Facade. Kaya lang hindi nakarating sina Plus One at Papang dahil sa biglang pagbuhos ng malakas na ulan. Okay lang naman.

Alas-otso na yata kami nakauwi.



Setyembre 11, 2015
May lagnat si Zillion kaninang madaling-araw. Ang init niya. Pero paggising niya, normal na ang temperature niya. Ayaw niya nga lang pumasok. Hindi naman ako pwedeng umabsent dahil may affair ako as borad of director ng GPTA.

Pinainom ko siya ng gamot sa ubo bago kami umalis. Okay naman na siya kaya di ko na siya pinainom ng Tempra.

Inihabilin ko siya kay Mam Leah since, kasama ko si Mam Joann, an teacher ni Ion, sa Cuneta Astrodome.

Excited ako sa oathtaking pero parang niloko lang kami ng mga politiko. Inimbitahan kami para sa kanilang political campaign. Halos nagsalita lahat ang mga tatakbong konsehal at vice-mayor, na kung saan mayor lang at congresswoman lang ang in-expect ko. Parang mali yata kami ng napuntahan. Nagutuman pa kami. May packed lunch naman, pero di malasa ang pagkain. Nakadalawa tuloy ako sa sobrang gutom. May naipasalubong pa ako kay Mam Leah.

Nakatulog si Zillion nang puntahan ko sa Kinder room kaya nakampante ako although may lagnat daw sabi ni Mam Leah. Pinauwi ko muna ang mga bata bago ko siya nabalikan. Doon na ako nag-train kay Jessica.

Ayos talaga si Mam Joann. Binilhan niya ng Tempra ang anak ko. Tiningnan niya pa ang temperature. Umuwi na lang kami kaagad since natapos naman ni Jessica ang article niya.

Masama talaga ang pakiramdam ni Ion kaya nakatulog siya after naming gawin ang assignment niya. Hindi na naman siya nakapaghapunan.



Setyembre 12, 2015
Nag-worry ako sa lagnat ni Zillion nang madaling-araw. Sobrang init. Nag-pray na lang ako dahil wala akong magawa. Nakatulong din kahit paano ang pagpunas ko sa kanya ng bimpo. Okay lang kahit napuyat ako. Ayaw niya ngang pumasok. Handa na rin sana akong di pumasok kaya lang napilit ko siyang sumama sa akin. Ayaw niya lang talagang magklase. Kaya, sa classroom ko lang siya. Nakatulog siya nag mahaba-haba doon. Nakakain rin ng lunch.

Natuloy ang TQC namin. Nag-discuss na kami noong umaga pa lang. At nung pinatawag namin si Mam Lolit, nagpicture-taking na lang kami.

Nagbayad muna ako ng bill sa SM at nag-grocery sa SW bago kami umuwi ni Ion. Mas sumama yata ang ubo niya. Nag-worry na naman ako. Nagsuka siya ng plema. Nilagnat uli. Tapos, hindi na naman kumain.

Andami kong problema...

Si Emily pa. Tinawagan ako ng katrabaho niya dati sa Saudi. Ikinukulong na raw si Emily ng amo niya. Kinuha na rin ang pera niya. Diyos ko! Ano na ba ang nangyayari sa kanya?!

Nang nagkakape na ako, tinext ko ang agency. Humingi ako nang tulong. Tumawag naman sila after thirty minutes. Aaksyunan daw nila. Nagtext uli bandang gabi. Nakatawag na raw siya sa agency ng Bahrain. Ipinababalik na nila si Emily. Sana nga.



Setyembre 13, 2015
Nilagnat na naman si Zillion sa madaling-araw hanggang alas-dose. Nang nawala, naglaro na siya.
Nagpaload ako para matawagan si Emily at ang amo niya. Di ko naman nakontak ang alin man sa numerong binigay niya. Tinext ko na lang ang roaming niya. Maya-maya, tumawag na siya. Natuwa ako sa magandang balita niya. Nakabalik na siya sa Bahrain. Thanks God! Nabawasan ang pag-alala ko.
Nakatulog kami ni Ion hanggang quarter to six. Medyo masama na naman ang pakirandam niya pero nawala naman after thirty minutes. Mabuti uminom siya ng milk. Patuloy pa rin ang pagpapainom ko sa kanya ng mucolytic syrup. Matunog pa rin kasi ang ubo niya.



Setyembre 14, 2015
Okay na si Zillion. Napaliguan ko na siya. Pero nakita ko ang pamamayat niya. Matamlay pa rin siya konti.
Nalimutan ko mang maghanda ng visual aid sa Math, nagturo pa rin ako. Hindi lang nakipagpalitan si Mam Rose kaya may back log na naman ako. Bukas pa naman ako oobserbahan. Baka di ko na mahabol ang lesson ko sa Section Mercury.
Hapon. Pagkatapos kung ma-train si Jessica, umuwi na kami ni Zillion. May lagnat na naman siya. Siguro nalamigan lang siya sa aircon. Pinatulog siya ni Teacher Joann. Paggising, umiiyak na siya. Mainit. Nawala rin naman nang mapainom ko ng Tempra.
Nahihirapan na ako sa pauulit-ulit niyang pagkakasakit. Bukod sa magastos, abala pa.



Setyembre 15, 2015
Bumabawi si Zillion sa tulog.Ayaw niya pang gumising at pumasok. Hindi naman pwede kasi oobserbahan ako ngayong araw ni Mam Lolit. Tapos, magbibigayan pa ng grades sa adviser.

Napagalitan ko nga siya dahil ang bagal pang kumilos.

Hindi naman ako masyadong natuwa nang hindi na ako in-observe ni Mam De Paz. Handang-handa ako sa observation. Kaya lang ayaw na niyang pumunta sa akin dahil masakit daw ang mga tuhod niya. Okay.

Gayunpaman, nagturo pa rin ako ng maayos sa klase ko gaya nang dapat kong ginawa kung naroon siya.



Setyembre 16, 2015
Hindi ko na pinapasok si Zillion, though kasama ko siya sa pagpasok ko. Wala kasi si Teacher Joann. Nasa District Palaro siya. Okay naman siya. Andami pa rin niyang fans. Kaya lang, nahihiya ako kapg umuubo na siya. At halata na rin ang pagpayat niya. Sana bumalik na ang dati niyang katawan.

Nagturo ako ng masigasig. Agad nilang na-gets ang lesson ko. Siguro dahil madali lang ang 'Renaming decimal to fraction'. Isa ring dahilan, marahil ay ang pagiging inspired ko. Pag masaya kang nagturo, mga mag-aaral ay talagang matututo.




Setyembre 17, 2015
Hindi ko uli pinapasok si Zillion dahil nasa District Palaro pa rin ang teacher niya. Natuwa naman ang mga estudyante ko sa magkaternong suot namin. Naging pansinin kami. Pareho kasi kaming naka-red checkered long sleeves polo.
Pagkatapos ng investiture ng girl scouts ay nag-hideout kami. Naroon sina Donya Ineng, Mumu, Intruder, Plus One at Papang. Andami kong natutunan at napag-alaman. Grabe! Hindi pala ako updated sa mga issue. Dati, wala akong pakialam. Ngayon pala ay kailangan kong makialam.
Nag-tantrum si Zillion mula pa sa hideout dahil ginising ko lang para makauwi na kami. Past 9:30 na kami nakauwi sa boarding house.



Setyembre 18, 2015
Ayaw na namang pumasok ni Zillion sa klase niya. Nawili na sa klase ko. Masaya kasi siya doon. Kung pwede lang sana. Kaso, may test sila ngayong araw.

Wala pa ring palitan ang Grade V teachers. Bukod kasi sa hindi kami kompleto dahil wala si Sir Rey, noong Lunes pa, busy rin si Mam Dang sa paghahanda para sa Girls' PlayDay. Paos pa si Mam Rose. Okay lang. Napokusan ko tuloy ang mga estudyante ko. Nakapag-award pa nga ako sa anim sa kanila ng "Good Behavior Award'' at "Achievement Award".

Tumanggi ako na magging facilitator sa Playday. Nanguha na lang ako ng mga larawan sa mga present at former V-Mars pupils ko. Nakakapagod din. Alas-kuwatro na kami nakauwi ni Zillion.



Setyembre 19, 2015
Sa school na kami nag-almusal ni Zillion. May general assembly kasi ng mga teachers at parents. Bigayan na rin ng report card.

Naging successful rin ito. Wala nga lang kalahati ang mga dumalo. Marami ring guro ang di dumatng. Sa Grade V nga, ako lang ang present. Wala namang problema. Basta ako, nakapag-issue ako sa mga magulang ng card. Nakapag-talk rin ako kahit paano. Nagmamadali na kasi ang iba.

Nag-meeting pa kaming mga GPTA officers tungkol sa nalalapit na World Teachers' Day sa October 5, 2015. Pasado-alas-dose na kami natapos. Nag-tantrum na si Zillion dahil masakit ang ulo.

Sa sobrang pagod namin, nakaidlip kami after lunch. Nakabawi na rin kami sa ilang araw na pagod at puyat.



Setyembre 20, 2015
Alas-nuwebe pa lang ay nasa Harrison Plaza na kami ni Zillion. Nagbayad ako ng RCBC bill at  namili. Nag-grocery rin kami pagkatapos naming mag-lunch. Bonding naming dalawa.

Sobrang init maghapon. Hindi ako nakatulog nang husto. Gayunpaman, marami naman akong natapos at nagawa—both household chores and articles. Naihanda ko na rin ang lesson at material ko para bukas. 



Setyembre 21, 2015
Napalo at nakurot ko nang husto si Zillion dahil pasaway sa paggising at pagkilos nang mabilis. Halos ayaw niyang tumalima. Nakakainis! Ayoko pa naman na nali-late ako kapag Lunes. Mabuti na lang, hindi naman kami masyadong nahuli sa flag ceremony.

Wala na namang kaayusan ang schedule at palitan. Umalis ang MT naming kasama. May seminar daw sila for three days. Ayos lang naman. Nagturo pa rin naman kami at nagpalitan. 

Nagdala ng pizza at softdrink ang nanay ni Jessica. Blowout niya sa pagkapanalo ng anak niya sa science reporting. Ayos! Nakalibre ng meryenda.

Dumating na si Epr. Sana magtagal naman namin siyang makasama.



Setyembre 22, 2015
Nagpa-summative test ako sa Math. Inspired din akong magturo ng Hekasi at English.

Ngayong araw ay may pasaway lang na estudyante na inuwi ang kapatid na masakit ang ngipin. Nadawit pa ang kasamahan ko sa GPTA dahil sinamahan silang umuwi. Nagalit ako dahil pinayagan silang lumabas ng school na hindi ko alam. mas nainis ako sa guro ng Grdae 3 na nag-utos pa sa estudyante ko. Although, kapatid niya iyon, hindi niya dapat inobliga dahil may sarili rin siyang disposisyon.

Sana malaman niya na nainis ako sa aksyon niya kahit pa buntis siya. Sana, bilang guro, alam niya ang tama at mali. Labas kami sa problema niya. Natural lang na mag-alala ang estudyante ko sa kapatid niya, pero mali na siya pa ang gumawa ng paraan. Siya dapat ang umasikaso, hindi ang estudyante ko.

Nawala naman ang inis ko pagkalipas ng ilang minuto. Ayaw ko na lang na maulit ang lahat. Nakausap ko na rin ang nanay ni Kiana. Bukas, sana makarating ang magulang ni Jomelbert. Sumama rin kasi siya sa paghatid. Hindi dapat.

Nagbayad ako sa bahay ngayong araw. Four thousand. Tapos, binigyan ko rin si Mam Joann ng 2k para sa tutorial kay Ion at P500 si Mam Leah para sa pagpapakain niya sa anak ko. Natuwa sila. Ako rin ay nagpapasalamat sa pagmamalasakit nila kay Zillion.



Setyembre 23, 2015
Hindi kami nagpalitan dahil prinorate (prorate) ni Mam Sibonga ang iilang pupils niya. Nasa akin ang wala pang sampung estudyanteng lalaki. Naiinis ako pag may ibang seksiyon sa klase ko dahil parang may espiya. Hindi talaga ako mapakali. Gusto ko, advisory class ko lang ang nasa classroom ko. Gayunpaman, wala akong nagawa o magagawa. Nagturo pa rin ako nang nagturo. 

Bukas, sana maayos na ang schedule namin. 




Setyembre 24, 2015
Inspired akong magturo. Panay ang patawa ko. Enjoy na enjoy naman ang tatlong section na tinuruan ko. Nakakatulong talaga ang smile kasi mas natututo sila.
Nakipagbonding din ako kay Mam Rose after lunch. We had a nice though short conversation. Kailangan ko na kasing magturo sa advisory class ko.

After class, hinintay ko si Zillion na magising. Napatulog kasi siya ni Mam Joann. Alas-kuwatro na yata nang nakauwi kami.
Buong akala ko ay okay na ang slacks na hiniram ko kay Teacher Joann. Malaki pala kay Ion. Kaya dali-dali ko itong pina-repair. Grabe! Two hundred twenty pesos ang bayad ko sa pagpaliit at pagpa-zipper. Sana bumili na lang pala ako. Baka magalit pa ang hiniraman ko.
Habang nagpaplansta ako, pakiramdam ko ay tratrangkasuhin ako. Ang sakit ng katawan ko. Mabuti na lang pinagpawisan ako pagkatapos. Nakatulong ang paracetamol. Mag-eenjoy pa rin ako bukas sa biyahe.




Setyembre 25, 2015
Pasado alas-sais ng umaga ay umalis na kami ni Ion sa boarding house. Kami ang pinakaunang dumating sa school. Antagal nilang dumating. Mabuti nakapag-almusal na kami. Alas-siyete y medya na kami nakaalis sa Gotamco.
Ang saya ng biyahe namin. Tapos, ang sarap pa ng lunch na inihanda sa amin ng pamilya ni Mam Anne.

Pasado ala-una y medya, bumiyahe naman kami papuntang La Union. Nakarating kami doon bandang alas-kuwatro. Kumain muna kami bago pumunta sa ilog. Ang ganda ng ilog. Andaming bato. Kumuha nga ako ng dalawa. Souvenir.
After dinner, nag-check in kami sa isang pinakamalapit na inn. Gusto kasi namin ang mas komportable kami. Maingay sa venue ng kasalan kaya baka di kami makatulog.



Setyembre 26, 2015
Sobrang lamig sa hotel na tinuluyan namin. Hindi yata ako nakatulog nang mabuti. Inubo pa ako. Pero, okay lang, masaya pa rin naman. Panay ang kainan namin. 

Ang saya sa kasalan. Si Zillion naman ay naging very good. Lumakad siya. Kaya lang, panay ang ngawa ng kapartner niyang flower girl. Ang pangit tuloy nila sa picture. 

Unforgetable ang araw na iyon. Kahit, pagod kaming lahat, punong-puno ng mga ngiti ang aming mga labi. Andami naming captured moments. Sila pala kasi sila ang kasama sa entourage. Photographer lang nila ako.

Alas-sais ay umalis na kami sa Anduyan. Naiba ang plano. Hindi na kami magsa-side trip. Okay lang.

Alas-onse y medya na kami dumating ni Ion sa boarding house. Safe and sound. Thanks God!





Setyembre 27, 2015
Kagabi, plano ko na talagang dumalo sa Gabay Guro Teachers’ Fest sa MOA Arena. Kapag may nagyaya sa akin, pupunta talaga ako. Kaya nang nag-chat si Sir Randy, tinanong ko siya kung di siya pupunta doon. Sa Manila Zoo talaga ang gusto niyang puntahan, kasama ng pamangkin niya. Gusto naman niya kaya, sumang-ayon siya na MOA kami pumunta.

Past nine ay umalis na kami boarding house. Very late na kami sa pilahan dahil nag-almusal pa kami. Alas-diyes y medya naman sila dumating. Kasama ni Sir Randy ang pamangkin at kapatid niya.
Siguro ay kalahating oras kaming pumila. Until, nagdesisyon siyang  umalis na lang dahil wala na raw ticket para sa mga walk in. Nalungkot kami. Sayang ang chance naming manalo ng house and lot at iba pang prizes.

Dumiretso na lang kami sa Manila Zoo. Tuwang-tuwa naman ang dalawang bata. Naging magkasundo sila.


Past 3 na kami naghiwa-hiwalay. Nakakapagod pero masaya. 



Setyembre 28, 2015
Balik-eskuwela pagkatapos ng saya. Nalungkot at nainis ako sa dami ng pupils ko na hindi gumawa ng mga assignments. Hindi agad sila nakapasok sa classroom. Nakita pa ng mga parents ang katamaran ng mga anak nila. Hindi rin tuloy ako nakapagturo sa kanila. Mabuti nga't hindi na rin nakipagpalitan si Mam Rose. Makati rin kasi ang lalamunan ko. Nang magtuturo na ako sa Section Earth, hindi na ako nagpumilit magsalita, lalo't pasaway na naman sila. Nag-iba na ang boses ko. Masakit kapag pinipilit kong magsalita. Naging tahimik na lang akong maghapon. Nag-writing lesson na lang kami, since gusto iyon ng mga bata.

After class, nagpameeting si Archie tungkol sa disaster preparedness. Pagkatapos niya, si Mam Deliarte naman. Alas-4 pasado na kami nakauwi.



Setyembre 29, 2015
Malala na ang lagay ng lalamunan ko. Hindi na ako makapagsalita nang malakas pero sinikap kong magturo. Wala akong sinayang na oras at schedule. Lahat ng klase ko ay pinasukan ko. Mas naging effective pa nga yata ako. Hehe
Dumating ang dalawang male parents. Hindi sila nakaasta sa akin. Tameme. Pasaway kasi ang mga anak nila. Una ko pang nakausap ang nanay ni Keith. Natutuwa raw siya at natatakot sa akin ang anak niya. Mas maganda raw ang style ko dahil natututo ang bata.
Si Jet na lang talaga ang malaki kong problema. Hindi ko na alam kong paano ko pa siya makakaya. Ang katamaran at kabagalan niya ang hadlang sa kanyang pagkatututo.



Setyembre 30, 2015
Nagturo pa rin ako kahit paos ako. Sa advisory class ko, naging maayos ang discussion ko. Sa Section Mercury, ganun din. Medyo, nawala lang ang interes ng iba kaya sinimulan ko silang pagawain ng self-computation nila ng kanilang grade sa Math sa second grading. Sa Section Earth, naging joker ako. Ayoko na kasing ma-stress pa ako. Tanggap ko na, na wala silang interes sa edukasyon. Maalala man lang nila ang mga patawa ko. Para akong si Mr. Ben.

nasa labas sina Kaymond, Jet at Clint maghapon. Pasaway pa rin. Natutuwa pang naroon sila. Ayaw pa nilang tapusin agad ang mga gawain. Hindi nila alam, mas natutuwa ako dahil wala sila sa loob. Mas magandang agturo pag wala sila.

Binisita ako ng nanay ni Jowie. Naunawaan ko na siya ngayon. hapon, bago mag-uwian, ihiharap naman niya ang kanyang anak sa akin. Bibigyan ko siya ng isa pang pagkakataon. Mabait naman sila kaya ayos lang.

Nagkaroon ng meeting ang mga magulang ng Kinder, Grade 1 at Grade 2 para sa ''Oral Health Project'' ng DepEd at Colgate-Palmolive. Pumirma ako sa kasunduan na aalagaan nila ang ngipin ng anak ko sa loob ng tatlong taon.

Ang sakit ng katawan ko nang umuwi ako. Para akong tratrangkasuhin. 























No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...