Followers
Wednesday, September 2, 2015
Next on Nixon (1)
"Ser, ser... geseng na po," sabi ni Yaya Muleng habang hawak at niyuyugyog ang talampakan ni Nixon.
"Fuck off!" bulyaw ng 18-anyos na amo. Muntik pa nga niyang masikaran si Yaya Muleng dahil ayaw na ayaw niya na hinahawakan ang talampakan niya. "Ayokong pumasok!"
"Piro, Ser... pinapagiseng ka po nina Madam at Sir. Magagalet na naman sela sa aken."
"Wala akong pakialam! Get lost!" Nagtalukbong pa siya ng comforter.
Walang ano-ano, walang kasing-lakas na hinila ni Yaya Muleng ang comforter. Sa edad na 38, malakas pa ito.
Napamura si Nixon. "Akin na 'yan!"
"Ayoko! Marome na 'to kaya lalabhan ko na. Bomaba ka na. Si yu dir." Nilambingan pa nito ang boses.
Walang nagawa ang amo. Napasigaw na lang uli siya. Ubod ng lakas. Para siyang sinapian ng limang espiritu ng leon. Sinubukan niya pang batuhin ng unan ang atribidang katulong.
Halos araw-araw silang ganito. Kung hindi siya bubuhusan ng tubig sa tainga, iipitin ng sipit ang kaniyang ilong. Kung hindi siya dadaganan, ihuhulog siya sa kama. Natutuwa si Yaya Muleng na gawin iyon sa senyorito. Labis-labis naman ang pagkakairita ni Nixon sa yaya. Pero, hindi naman siya nagtatanim ng sama ng loob. Bilin at utos kasi iyon ng mga magulang niya. Sinusunod lamang ito ng katulong.
"Sumusobra ka na, Yaya Muleng!" minsan paniningil ni Nixon sa yaya. "Patayin mo na lang kaya ako."
"Sarreh naman po! Eh, otus po nina Madam at Ser kanena bago sela omales." Nakapamaywang pang nagrarason si Yaya Muleng.
Ginaya naman ni Nixon ang buka ng bibig ng yaya. "Kadugay mo na sa Manila, di ka rin marunong mag-Tagalog. Sinasadya mo lang yata para inisin ako, e."
"Huy, Nixon. Wala kang pakealam sa langgwids ko. Di mo ba alam na ito ang osu ngayon?"
"Anong osu?" Napapangiti na siya.
"Osu... Yung.. yung.. trending ba."
"Ah, uso!? Yay! Kelan pa nauso ang gan'yang language?"
"Hay nako! 'Kala ko ba makabagong kabataan ka na. Baket de mo alam ang pabibi langgwids... Kaluoy ka man, Dung!"
Tawa nang tawa si Nixon habang ipinagtitimpla siya ni Yaya Muleng ng hot chocolate drink.
Minsan, napipikon talaga si Nixon kay Yaya Muleng, pero hindi niya talaga magawang magalit nang husto rito. Isipin pa lang niya ang sakripisyo nito sa kaniya ay sapat ng dahilan upang matawag siyang inggrato kung gagawin niya iyon. Ang totoo, madalas naman siyang napapangiti ng yaya. Naging parang ate na rin niya ang tsimay slash yaya ng pamilya sa loob ng dalawampu't limang taon. Ni hindi na nga ito nakapag-asawa dahil sa paninilbihan sa kanilang pamilya. Maliban sa sinasabihan nitong pangit ang sarili at walang magkakagusto rito, ayaw talaga nitong mag-asawa dahil ayon dito, pamilya na ang turing nito sa Robles Family.
"Ba-bye, Nixon. Tik kir! Si yu litir," malambing na paalam ni Yaya Muleng kay Nixon habang ini-start naman ng amo ang kaniyang kotse.
Kumaway na lang ang amo bago umandar ang sasakyan.
Ngiting-ngiti naman si Yaya Muleng habang hinihintay na makalabas ng gate ang red car.
"Hay, naku! Late na naman ang batang iyon. Bahala nga siya! Makapaglaba na nga!" wika ng maid.
----
Sinikap ni Nixon na pumasok sa klase ni Prof. Dimasalang nang hindi siya nito mararamdaman at makikita. Nagulat siya nang marinig niya ang matandang boses ngunit may kapangyarihan.
"Come in front!" utos ng professor.
Natigilan siya ng ilang segundo.
"I said... come in front, Mr. Nixon Robles! You owe us an explanation for your habitual tardiness."
Narinig niyang nagtawanan ang mga blockmates niya nang nakita nilang pumitlag siya. Napikon siya kasi pati si Sandy na kaniyang kaibigan ay paimpit ding tumawa.
"Sorry, Sir..." sabi ni Nixon nang nakalapit na siya sa propesor.
"It's not enough!"
"O-our family doctor say it's... it's insomniac, Sir."
"Do you think I'll believe you?"
"You should, Sir.''
Tumawa si Prof. Dimasalang. Nadala ang klase niya kaya nagkaroon ng malakas na tawanan sa classroom. Lalong napika si Nixon. Gusto niyang manapak ng propesor.
"Shut up!" sigaw ni Nixon sa mga kaklase. Gusto niya talagang sigawan ang maestro. Sa mga kaklase na lamang niya iyon ibinunton. Nanahimik naman ang klase.
"Well... if it is your reason... then, give me the contact number of your doctor."
"I can't!" mabilis niyang tugon.
"Why? I just wanna know..."
"What if I..."
"No what ifs! Estudyante ka lang. You have to follow. And if you can't follow, leave this institution! You're not belong here!"
Nanginginig na ang mga kamao ni Nixon. Hindi niya na talaga kayang tanggapin ang mga salitang iyon ng kaniyang propesor. Madalas siyang pag-initan ng matanda, pero iyon na yata ang pinakamatindi para sa kaniya. Kaya bago pa siya makagawa ng hindi niya magugustuhan nito, nag-walk out siya. Nagliliyab ang kaniyang ulo.
Sa restroom niya natagpuan ang sarili. Hindi niya alam kung paano nadurog ang timba doon.
"Bakit nabasag 'to?'' Narinig niya ang janitor. Nakita pa niya mula sa salamin na tiningnan siya nito. Hindi na lang siya kumibo. Naghilamos na lang siya kunwari.
Paglabas niya sa restroom ay nakabungguan niya si Sandy. Napamura silang pareho.
"Gago ka talaga! Nananadya ka ba?" Agad na nakakawit sa kuwelo ang kamay ni Nixon at nakaamba sa mukha ng kaibigan, na bigla namang tinakasan ng dugo.
"H-hindi! Hindi, 'tol" sagot niya. Sa taas nitong 4'9" ay bigla itong umangat hanggang anim na pulgada.
"Fuck off!" pahagis na binitiwan siya ni Nixon. "Para 'yan sa pagtawa mo kanina. Kulang pa 'yan, loser."
"Sorry na. 'Di ko naman sinasadya, e."
"Lumayo ka sa harapan ko baka 'di kita matantiya!" sigaw pa niya kay Sandy bago tuluyang lumayo.
----
Nagulantang si Nixon. "What's your question, Madam?"
Nagtawanan ang buong klase, maliban sa kaniya at ng propesora.
Bago pa siya makapagsalita ng hindi maganda, nag-excuse siya, bitbit ang notebook.
Naririnig pa niya ang mga masasakit na salita ng professor kahit nakalayo na siya. Pakiramdam niya, pinagkakaisahan siya ngayong araw. Kaya, nagdesisyon siyang umuwi na lang.
Pinaharurot niya ang kaniyang sasakyan. Gusto na lang niyang matulog para makalimot. Gusto sana niyang makauwi nang mabilisan.
Muntik na siyang makabangga ng motorsiklo nang bigla siyang huminto sa red light. Mabuti, walang pulis.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment