Kabataan, wala ka mang pera ngayon, marami ka namang panahon at oras. Mayaman ka! Idagdag pa diyan ang iyong kalakasan.
Huwag mong sayangin ang bawat sandali sa mga walang kabuluhang gawain. Iwasan mo ring aksayahin ang iyong lakas at enerhiya. Mahalaga ang dalawang ito upang mapaghandaan mo ang mga darating pang araw sa iyong buhay.
Kapag lumipas na ang iyong kabataan, maaaring mapera ka na dahil may maganda kang trabaho. Oo, malakas ka pa rin at malusog ngunit ikaw ay kapos na sa oras at panahon. Malamang, may mapapabayaan kang parte ng iyong buhay. Maaaring ito ay pag-ibig, pamilya o kaibigan.
Lilipas ang marami pang taon, katandaan na ang iyong kahahantungan. Sabihin na nating may pera ka pa rin dahil all the time ay nagtrabaho ka noong malakas ka pa, ngunit wala ka nang lakas ngayon para ma-enjoy ang oras at pera mo. Gustuhin man ng isip mo, hindi mo na talaga kakayaning ibalik pa ang kabataan. Mahina ka na. Maghihintay ka na lang ng takdang panahon para sa iyong pagpanaw.
Kaya, kabataan, pahalagahan mo ang bawat sandali. Ang oras ay natatapos. Ang pera ay nauubos. Ang lakas ay nauupos.
No comments:
Post a Comment