Followers

Sunday, September 6, 2015

Paano Sumulat ng Sanaysay?

Ang pagsulat ng sanaysay ay katulad ng pagbisita sa isang tahanan. Ang manunulat ay kailangang gawin ang tatlong hakbang upang tanggapin o papasukin siya sa bahay ng may-ari.
Hindi madaling makapasok sa isang bahay ng hindi mo kakilala. Maaari ka kasing pag-isipan na may masamang balak. Gaya ng pagsusulat, mahirap makuha ang interes ng mga mambabasa, lalo na’t may kanya-kanyang hilig ang bawat isa.
Ang sanaysay ito ay makakatulong upang maunawaan mo ang pagsulat ng sanaysay.
Tatlong talata lamang ay makakabuo na tayo ng sanaysay. Ang unang talata ay ang introduksyon. Ang pangalawa ay ang katawan ng sanaysay. Pangatlo naman ang konklusiyon. Huwag kakalimutan ang pamagat.
Ang pamagat ang pinakapangalan mo. Pagkatapos mo kasing kumatok sa pinto ng mambabasa, sasabihin mo ang pangalan (pamagat) mo. Kapag hindi ka kilala o hindi ito interesante, malamang ay pagsasarhan ka kaagad ng pinto. Hindi ka ito babasahin. Minsan, maiksing pamagat (pangalan) ay katanggap-tanggap na. Madalas, kapag weird ang titulo, iyon pa ang interesting basahin. Depende sa may-ari ng bahay (mambabasa). Kaya nga, alamin mo kung sino ang iyong mga readers (may-ari ng bahay).
Paano ba pumili ng pamagat?
Huwag kang obvious. Ang title, maiksi man o mahaba, ay dapat interesting. Parang ang taong may bitbit na bag ng mga gamot, shampoo o stop pain, ang may bitbit na Bibliya, ang may sunong na sofa, ang may hawak na sobre o ang may saklay na frame. Sila ang mga taong madalas napagsasarhan ng pinto o gate dahil nakikita agad ng reader ang kanilang pakay. Kailangan sa title pa lang ay may mystery na.
Huwag ding OA. Baka hindi mo naman kayang bigyan ng tamang paliwanag pagdating sa loob. Pumasok at nagpakilala ka kasi bilang misyonerong Mangyan pero nagbenta ka lang pala ng tuyong isda o ng encyclopedia.
Pumunta na tayo sa unang bahagi ng sanaysay —ang introduksiyon. Ito ay ang maiksing deskripsyon mo sa iyong sarili. Kailangang related ang titulo sa introduksyon. Kung nagpakilala ka as Doktor Aldub, kailangang magsabi ka ng mga medical terms.Huwag kang magkunwari dahil mapagkakamalang kang baliw o kaya kawatan.
Maraming paraan ng pagpapakilala sa sarili (introduksiyon).
Una, question (patanong). “Gusto niyo po bang gamutin ko kayo?” Doktor ka kasi, di ba?!
Pangalawa, declarative (pasalaysay). “Nakarating na ako sa iba’t ibang panig ng mundo dahil lamang sa aking panggagamot. Ang tanging hindi ko pa nagagalugad ay ang kontinenting Antarctica.” Ito ay paasalaysay dahil nagsaad ito ng isang pangyayari.
Pangatlo, shocking statement (nakakagulat na pahayag). “Twenty years old pa lang ako ay nakapag-opera na ako ng tumor sa utak ng isang matanda.” Nakakagulat talaga dahil ang doktor ay nag-aaral ng sampung taon.
Pang-apat, quotation (kasabihan). Para kang makata nito. Sabihin mo, “An apple a day keeps the doctor away.” May connect sa'yo as doctor. Tapos banatan mo pa, “Pero di mo na kailangan ng apple dahil nasa harapan mo na ang doktor.” Lolz. Lagi mo lang tatandaan na banggitin kung sino ang pinagmulan ng quote. Kung ikaw mismo, no problem. Ingat ka baka makasuhan ka ng plagiarism.
Panglima, anecdote (anekdota). Ito ay maikling salaysay na may aral sa buhay. Halimbawa: “Minsan, naglalakad ako sa isa sa mga kalsada sa Europa nang makita ko ang matandang babae sa may tabi ng basurahan. Naglahad siya ng kamay. Humihingi. Hindi ko siya pinansin dahil ako ay nagmamadali. Pero nang maalala ko ang aking ina sa Pilipinas, binalikan ko siya ngunit pagbalik ko'y wala na siya.” Ganun lang.
Pang-anim, survey. Madalas ito ay patanong like “Magagaling po ba ang mga Pilipinong doktor? O kaya, "Anong sakit ang hindi kayang gamutin ng doktor?”
Pangpito, definition (kahulugan). Magbibigay ka ng salita at ang depinisyon. Make sure it is related to your topic. Halimbawa, “Ang narcolepsy ay isang medikal na kalagayan ng tao na kung saan ang pasyente ay bigla na lang makakatulog kahit nagtratrabaho, naglalakad, nagsasalita o iba pa.”
Marami pang paraan para simulan ang sanaysay. Pwede kang mag-discover. Paglaruan mo ang mga salita. Ang mahalaga ay naengganyo mo ang maybahay na manatili ka sa kanyang tahanan. Makikita mo, may nakahain nang pagkain para sa'yo dahil nagustuhan niya ang introduksiyon mo. Ayaw ka na niyang paalisin.
Kampante na sa'yo ang reader (house owner). Ituloy mo na. Dumiretso ka na sa pakay mo. Ito na ang katawan ng sanayasay (body). Ito ang nilalaman ng iyong saloobin at kaalaman. Sabihin mo nang lahat dahil nag-eenjoy na ang reader. Huwag ka lamang liliko. Huwag mong pansinin ang ayos ng kanilang bahay baka bigla ka na lang palayasin at pagsarhan ng pinto. Kung doktor ka, mga usaping-doktor at medisina ang inyong pag-usapan. Yun lang! Dapat malinaw at direct to the point ang mga banat mo.
Pinakamainam na magkaroon ng tatlong talata sa body. Ang bawat isa ay konektado. Ganito:
1. “Bata pa lamang ako, gusto ko nang maging doktor. Kahit pagiging guro ang gusto ng mga magulang ko para sa akin, hindi ko sila sinunod. Suwail kasi ako. Pasaway.”
2. Kaya nagsumikap ako. Lumuwas ako sa Maynila. Nagtrabaho sa gabi. Nag-aral sa umaga. Sa awa ng Diyos at sa tiyaga at katatagan ko, nakapagtapos ako ng medisina dahil sa pagko-callboy ko. Joke lang.“
3. Ngayon nga ay isa na akong matagumpay na manggagamot. Laki ako sa hirap kaya tumutulong ako sa aking kapwa dahil naniniwala akong ang lumilingon sa pinanggalingan ay malayo pa ang nararatingan.”
Tapos na ang katawan ng sanaysay. Huwag kang matakot maglabas ng mga informative at entertaining words dahil iyon ang misyon ng sanaysay o ng pagpunta mo sa isang bahay. Huwag masyadong seryoso. Magpatawa ka minsan para di maboring ang reader.
At ang panghuli, ang konklusiyon. “Hindi ka makakapasok konklusiyon.” Lolz.
Ito ay ang kabuuan ng mga sinabi mo sa unahan. Isang talata na may isang pangungusap ay pwede na. Basta ba ma-move mo ang may-ari ng bahay. Manabik siya sa iyong pagbalik. Maiyak siya. Maging thankful. Pwede ring mainis mo. O kaya mainvite. O mayaya mong mag-aral ng pagkadoktor. Halimbawa, “Kung ako ikaw, magdoktor ka.”
Ang lahat ng ginawa mo sa introduksiyon ay maaaring mo ring gawin sa konklusiyon. Ang tanging kaibahan ay nagpapaalam ka na, this time. Ang pagsulat ng sanaysay ay katulad ng pagbisita sa isang tahanan. Ang manunulat ay kailangang gawin ang tatlong hakbang upang tanggapin o papasukin siya sa bahay ng may-ari.
“Sana magkita pa tayo. Sana madalaw mo ako sa clinic ko. Dalaw lang. Dapat wala kang sakit.”
Ganyan…
Sulat na ng magandang sanaysay at bumisita sa bahay ko.

8 comments:

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...