Kinabukasan, kahit kulang ako sa tulog, pinilit kong makapasok para makita ang girlfriend ko. Oo, ang girlfriend ko-- si Riz.
Kami na!
Hindi na kailangan pang ipaliwanag. Mahal na mahal namin ang isa't isa. Gusto ko ngang maiyak nang magkita na kami sa school. Walang salitang lumabas sa mga bibig namin. Nagyakap kami. Kung hindi nga lang nakakahiya na doon pa kami magpakita ng aming pagkasabik sa isa't isa, baka hindi ko na napigil ang sarili ko.
Hinawakan ko na lang ang kamay niya at sabay kaming naglakad sa pasilyo nang walang iniintinding tao sa paligid. Pakiramdam ko, kami lang ang nilalang sa paligid. Feeling ko nakalutang kami sa ulap.
"Salamat, Riz," pabulong kong sabi. Sinulyapan ko rin siya.
Nginitian niya ako nang kay tamis. Pinisil niya pa ang kamay ko. "Salamat din! Matagal ko nang pangarap ang pagkakataong ito."
Wow! Ang sarap sa tainga! Pareho pala kami ng pangarap.
Maghapon kaming wala sa sarili. Hindi yata kami natuto sa mga lesson. Okay lang. Sabi namin ay magse-self study na lang kami. Hindi ko rin naman hahayaang masira ang concentration namin sa pag-aaral. Dapat pa nga ay maging inspired kaming pareho dahil kami na. Hindi ko lang alam kong paano tuluyang mawawala ang pagkagusto sa akin ni Fatima. Ang sama na naman kasi ng mga tingin niya sa amin. Nakakasugat, sabi ni Riz.
"Huwag mo na lang pansinin," payo ko sa kanya.
"E, para kasing mangangain ng tao."
"Di ka pa nasanay dun. Basta, relax lang. Hindi na niya tayo magagalaw dahil may record na siya. Hindi pa nga niya ako nabayaran, 'di ba?"
"Oo nga, e, tapos ayan na naman siya..."
"Magsasawa rin yan..."
"Paano kung hindi?" makahulugang tanong ni Riz. May nakita akong lungkot sa mata niya.
Idinampi ko ang palad ko sa pisngi niya at nilapit ko ang mukha ko sa kanya. "Sa'yo lang ako, Riz. Sa'yo lang..."
Hindi na kumibo si Riz.
No comments:
Post a Comment