Followers

Thursday, September 3, 2015

BlurRed: Capital Letters

''Tawag ka na." utos ko kay Gio. Pinagtulakan ko pa siya.

"Ikaw na. Ikaw ang dadalaw, e." Hinila naman niya ako. 

Muntanga lang kami doon sa harapan ng bahay nina Riz. Antagal naming nagtalo bago ko nagawang tumawag. Mabuti si Riz agad ang lumabas. Bakit kasi ngayon pa ako nahihiya?

"Uy, kayo pala! Pasok kayo!" Nakita ko kung gaano kasaya si Riz nang makita kami. Hinawakan niya pa ang kamay ko pagkatapos niyang makipag-gimme five kay Gio. "Di man lang kayo nagtext."

"Eto kasing si Red, bigla-bigla." Nauna pang pumasok si Gio. 

"Sorry naman... Andiyan sina Tito at Tita?" tanong ko naman kay Riz. Hawak pa rin niya ang kamay ko.

"Wala pa. Nasa work si Papa. Si Mama, nag-grocery. Lika na."

Ang suwerte ko... Tiyempo, wala ang parents niya. Nahihiya na tuloy ako ngayong makaharap sila. Maganda naman ang intensiyon ko kay Riz pero nagkaroon lang ako ng hiya although willing  naman akong sabihin sa kanila na nagkakagustuhan na kami ng anak nila.

Kaaalis lang daw ng Mama niya kaya, mahaba-haba rin kaming masolo ni Riz. Hindi naman balakid sa amin si Gio. Nanuod lang siya ng TV habang nagkukuwentuhan kami ni Riz.

Parang miss na miss namin ang isa't isa samantalang halos araw-araw naman kaming magkasama.

"Kung magiging tayo ba... okay lang kina Tito at Tita?" Nilakasan ko ang loob ko na itanong iyon. Nasa balkonahe na kami. 

Namula at natigalgal si Riz. Ilang segundo rin kaming nagtitigan. "Alam mo ang sagot diyan, Red..."

Hindi ko siya maintindihan. Okay ba o hindi? Pero, di na ako nagtanong tungkol doon. "Mahirap itago ang feelings, Riz. Sana ramdam mo na... na mahal kita." Hinuli ko ang kamay niya. Pinisil nang bahagya. Pinakiramdaman. Hindi naman niya binawi.

"Ramdam ko. Salamat! Sana... karapat-dapat pa akong mahalin." Yumuko siya. Alam ko ang tintakbo ng isip niya. Iniisip na naman niya ang masamang karanasan niya kay Leandro.

"Karapat-dapat kang mahalin, Riz. Hindi mahalaga sa akin ang..." Hindi na nasabi. "Mahal na mahal kita."

Tumitig siya sa akin. Nangusap ang kanyang mga mata. Tila sinasabi niyang hindi pa siya handa. Maya-maya, binawi na niya ang kamay niya. 

"Sandali lang... Ibabalik ko lang ito." Binuhat na niay ang tray na may mga baso at platito.

Sayang! Hindi niya ako sinagot..

Hindi rin naman siya agad bumalik. Nakipagkuwentuhan na siya kay Gio sa loob. Naki-join na rin ako sa biruan at tawanan. 

Ilang minuto pa, dumating na ang Mama ni Riz. Natuwa siya nang makita kami. Kahit ramdam ko ang pagtanggap sa amin ng kanyang ina, nahihiya pa rin ako. Kaya, sampung minuto pa ang lumipas nagpaalam na kami ni Gio. 

Nalungkot ako nang kaunti dahil hindi pa handa si Riz na sagutin ako. Pero, nang nasa bahay na ako, natanggap ko ang kanyang text messages.

"MAHAL NA MAHAL RIN KITA, RED!" Capital letters talaga. Yes! Sinagot na niya ako. Gusto kong bumalik sa kanila para mayakap siya pero di ko ginawa. Nag-load na lang ako at tinawagan siya. 

Walang mapagsidlan ng ligaya ang puso ko. Ibang-iba ito sa pagsagot sa akin ni Dindee. Iba talaga kapag mahal mo talaga ang isang tao. 

Hindi ko na yata mahihintay na pumasok bukas. Ang bagal ng oras. 



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...