Followers

Saturday, January 30, 2016

Isang Gabi ng Pamamalakaya

Maaga pa lang ay namalengke na ako ng mga babauning pagkain. Bumili rin ako ng gasolina para sa makina ng bangkang aming gagamitin sa pamamalakaya. Iba naman ang naatasang bumili ng yelo at magbuhat nito patungo sa sasakyang-pandagat namin. May mga magsusuri naman ng makina at kabuuang bahagi nito, gayundin sa mga banyera, plastic, at lambat.

Nang araw na iyon, muli na naman kaming dadayo sa karagatan ng Samar upang doon ay makipagsapalaran. Ilang araw na rin kaming dumarayo dahil tila naubos na ang mga isda sa karagatang sakop ng aming bayan.

Buo ang loob namin na makakahuli kami ng mas marami kaysa sa mga una naming huli.

Bago tuluyang dumilim, naghahanap na kami ng mapupuwestuhan. Marami-rami na rin ang mga bangkang magbabakasakali sa gabing iyon ng masaganang huli, kaya mas mahirap ang makakita ng perpektong lugar na aming pakakawalan ng lambat.

Habang naghahanap, napansing kong nagkalat ang mga ibong puti sa karagatan. Animo'y mga senyales sila ng presensiya ng mga isda dahil
sa tubig sila nakatingin. Ang iba nga'y nakaabang na sa mga boya ng lambat.

Natuwa ako. Ganoon din kasi karaming ibon ang nakita noong unang beses kong sumama sa paglalaot at unang beses na nakaranas ako ng masaganang huli.

Kaya lang, lumayo pa ang bangka namin doon sa may mga ibon. Hindi ko na inusisa ang timonero kung bakit. Nanghinayang lang ako.

Nakahanap na kami, ilang minuto ang lumipas. Malayo kami sa mga bangkang nauna pa kaysa sa amin.

Pagkatapos maipakawala ang mahabang lambat para sa tamban--- mumurahing isda ngunit masarap kapag inihaw, muli kong namasdan ang paroo't paritong mga ibon. May dumapo pa nga sa aming boya. Kinatuwa kong muli ang pangitaing iyon.

Tatlong oras din kaming naghintay. Kasama na doon ang aming paghahapunan. Kasama na rin doon ang pagdaan ng dalawang malaking pating at ang paglitaw ng malaking pusit, na hindi nila nahuli, gayundin ang kuwentuhan.

Natakot ako sa kuwento ng kasamahan namin tungkol sa isdang may tulis. Bigla na lang daw itong tatarak sa mukha ng mangngisda, lalo na kapag may hawak kang ilaw, petromax, flash light o kahit anong maliwanag na bagay. Nakakatakot. Ayoko na tuloy dumukwang sa dagat.

Sa loob ng tatlong oras na iyon, narinig namin ang tatlong magkakasunod na putok ng dinamita. Hindi ko alam na ganoon pala ang tunog ng dinamita. Kung hindi nga lang nila pinag-usapan, hindi ko malalaman. Talamak daw talaga ang ilegal na pangingisda, kaya naman apektado ang maliliit na mangingisda, na kagaya namin.

"Aria!" bulalas ng lider namin, matapos niyang malamang lumubog na ang mga boya.

Isang madugong aksiyon ang naganap. Mabilisang paghila ng lambat paahon sa bangka. Sa bawat paghila ay kumikinang ang lambat dahil sa masaganang huli. Sobra ang tuwa ko, naming lahat. Hindi ko na lang ininda ang sugatang kamay ko dahil sa tusok ng palikpik ng isda.

Walang mapagsidlan ang aming ligaya. Wala na rin akong mahihiling pa sa gabing iyon. Naranasan at nakita ko na halos lahat ng mga bagay tungkol sa dagat at pangingisda. Nakita ko na rin kung paanong ang mga isda mismo ang lulukso sa aming bangka. Pakiwari ko noon, nasa mundo ako ng pantasya. Pambihira ang tagpong iyon. Tila nagsi-circus ang mga isda. Mabuti na lang, maliliit lang sila. Hindi sila ang isdang may tulis, kundi tumarak na ang isa sa dibdib ko.

Wala na rin kaming mapagsidlan ng aming mga isda. Napuno na ang dala naming dalawampu't anim na banyera. May tatlo pa kaming lambat na tatanggalan ng isda.

"Ikarga natin at ibenta sa mambabagoong," suhestiyon ng isa naming kasama.

"Lulubog tayo," sagot ng aming lider.

"Tawagin natin ang mga kasamahan natin," banat naman ng isa. Kinuha ang cellphone at tumawag.

Isang malaking problema tuloy ang maraming huli. Ikakapahamak naming lahat kapag ikinarga namin ang lambat na 'mata-mata' kung tawagin ang huli. Hindi rin namin puwedeng iwanan ang mga lambat, dahil magagalit ang may-ari.

Wala kaming nagawa kundi magtawag ng saklolo mula sa 'kapit-bangka'.Ibinigay namin ang huling tatlong lambat na punong-puno ng isda. Laking pasasalamat nila sapagkat wala pa silang huli. Hindi pa raw lumubog ang mga boya nila.

Habang hinihintay silang makatapos sa pagtatanggal ng isda sa lambat, sinabi ng lider namin na ang bangkang iyon ang gumamit ng dinamita kanina. Ang mga isdang dapat sa lambat nila pumasok, sa lambat namin dumiretso. Natawa ako. Ang karma nga naman, marunong!

Habang dahan-dahan na bumiyahe pauwi ang aming sasakyan, iniisa-isa ko ang mga aral sa buhay ng karanasang iyon.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...