Followers

Friday, April 8, 2016

Ang Sorpresa

Sa isang fellowship, niyaya ni Elmer si Lourdes, na kasintahan niya sa loob ng anim na taon. Sa oras na iyon, nakaplano ang kanyang proposal. Kinausap niya ang pastor upang isagawa ang plano.
Alam niyang mahirap ito, pero naniniwala siyang magugustuhan ni Lourdes ang kanyang sorpresa.
Pagkatapos, magbigay ng mensahe ang pastor, nanalangin siya. Nagpuri. Nagpasalamat. Humingi ng kapatawaran. At humiling sa Panginoon. "O, Diyos, sana po ay gawing mong mabubuting Kristiyano ang dalawang ito. Pag-ugnayin Mo sila tungo sa kaluwalhatian mo. Ito po ang aming samo't pagsamba, sa pangalan ni Hesus. Amen."
Nagsiupuan na ang mga nagsimba. Hinawakan naman ni Elmer ang kamay ng kasintahan at hindi niya ito pinaupo. "May sasabihin sa atin si Pastor."
Nagitla si Lourdes. "Ano raw?"
"Basta..."
"Lourdes... Elmer, ikinagagalak ng sambahayang ito, na kayo ay nagmamahalan."
Napangiti si Lourdes. Nagpalakpakan ang mga kapatiran nila. Lalong tumaas ang kumpiyansa ni Elmer na tatanggapin ng dalaga ang iaalok niya rito.
Mula sa ibabaw ng pulpito, binuksan ng Pastor ang bagong-bagong Bibliya. "Ayon sa Chapter 1, verse 1 ng Elmer..." Napangiti ang pastor, bago tumingin sa magkasintahan.
Abot-tainga ang ngiti ni Elmer. Blangko naman ang mukha ni Lourdes.
Lumapit ang pastor, dala ang Bible. "Lourdes, ang Bible na ito ay inihahandog sa'yo ni Elmer. Tanggapin mo ito. Nakapaloob dito ang mensahe at isang simbolo, na inaasam ng lahat ng babae.
Tinanggap iyon ni Lourdes. Nagpasalamat siya.
"Buksan mo na," sabi ni Elmer.
"Huwag na. Salamat. Salamat din po, Pastor."
"Welcome... Buksan mo na. May nakaipit diyan," tugon ng pastor.
Kinikilig na ang mga kapatiran nila. Nag-aabang ng nakaka-in love na tagpo.
"Pastor... a, e, hindi po kasi ako nagbabasa ng Bible."
"I know, pero kailangan mong malaman ang sorpresang inihanda ni Elmer para sa'yo..."
"Matagal na rin po akong sumasama sa pagsimba sa church niyo, pero hindi po nangangahulugan na gusto ko na pong magpabautismo sa inyo. Hindi po papayag ang mga magulang ko. Pasensiya na po. Hindi ko po matatanggap ang librong ito." Ibinigay niya ang Bibliya kay Elmer.
Nalungkot si Elmer. Walang lumabas na salita sa kanyang bibig.
"Lourdes, makinig ka..." anang pastor.
"Sorry po. Kailangan ko na pong umuwi."
Sinundan ni Elmer ang kasintahan, habang tahimik na tahimik ang simbahan.
Sa labas ng compound ng church, tumigil ang dalawa.
"Hindi ba't nag-usap na tayo?" pasinghal na sabi ni Lourdes. "Ayokong magpabautismo! Hindi mo naman ako nasorpresa. Nakakalungkot lang. Lagi na lang ba nating pag-aawayan 'to?"
"Lour..."
"Buwisit!"
Tahimik na binuklat ni Elmer ang Bible. Tumambad kay Lourdes ang card na may nakasulat na "Will you marry me?" Sa bandang baba nito ay naka-ribbon ang gintong singsing.
Natigilan si Lourdes. Nabusalan niya rin ang bibig niya. Kapagdaka'y hinawakan niya ang Bible at akmang kukunin kay Elmer.
Mabilis na naisara ito ni Elmer. "Hindi pala ikaw ang karapat-dapat kong maging kabiyak. Paalam." Pagkatapos niyon, iniwan niya si Lourdes na umiiyak. Bumalik siya sa simbahan.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...