Followers
Monday, April 18, 2016
Tagapagdala ng Mensahe
"Magandang umaga po sa inyong lahat!" bati ng 66-anyos na lola sa harapan ng mga Kristiyano. "Salamat sa Panginoon dahil binigyan Niya ako ng pagkakataong magbigay ng patoto. Hindi man ako nabiyayaan ng mga perpektong mata, biniyayaan naman Niya ako ng isip, puso, mga anak at apo."
Tinanggal niya ang kanyang salamin sa mata. Bulag na nga ang isa niyang mata, malabo pa ang kabila. Gayunpaman, nakita niya sa mga kapwa niya Kristiyano ang pagkaawa sa kanya.
"Napakabuti ng Diyos sa akin, kaya kahit sinubok Niya ang pananampalataya ko sa Kanya, ay hindi ako sumuko," patuloy niya. "Buntis ako noon sa pangalawa kong anak, nang duguin ako. Natakot ako, siyempre. Hindi ko pa naman kasi kabuwanan. Nagpatingin ako noon sa klinika, pero pinayuhan akong magpatingin sa espesyalista o kaya sa Maynila. Hindi raw niya kaya ang problema ko. Malaking problema iyon para sa akin. Pera ang isa sa mga dahilan. Subalit, nang lumapit ako sa aking lola, hindi niya ako binigo. Praise, God dahil agad siyang nagbigay ng limang daan piso para sa pagluwas ko at pagpapadoktor ko sa Maynila. May pamasahe pa ako pabalik. Sabi niya, huwag kong iparaspa ang anak ko dahil siya ay magdadala ng kaluwalhatian ng Diyos. Hindi ko man noon naunawaan ang katuturan ng winika niya, sinunod ko pa rin siya. Hindi ko piniling iparaspa ang sanggol sa aking sinapupunan. Blessing din naman dahil nailuwal ko siya nang maayos--- malusog at normal."
Saglit siyang huminto upang punasan ang luha sa kanyang mata.
"Salamat sa Diyos, binigyan Niya ako ng mabuting kaisipan, katatagan, espiritu, at anak na magdadala ng kaluwalhatian para sa Panginoon. Salamat sa Diyos dahil ang anak na muntik ko nang malaglag at muntik ko nang maiparaspa ay naging tagapagdala ng mensahe ng Panginoon. Salamat sa Kanya, dahil may mga tao Siyang ginamit upang maging ganap ang kanyang pagiging misyonero. Muli, magandang umaga sa inyong lahat."
Nagpalakpakan ang lahat, gayundin ang lumuluhang pastor.
"Salamat, Mama! Salamat sa pagsilang mo sa akin. Thank you, Lord..." Tuluyang yumugyog ang mga balikat ng pastor sa harap ng kanyang mga kapatiran. Ngayon niya lamang kasi iyon narinig mula sa kanyang ina.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment