Followers

Sunday, April 24, 2016

Ang Tisa ni Maestro 14

Kahit hiwalay kami ng asawa ko, at nasa kanya ang anak namin, hindi pa rin nabawasan ang dedikasyon ko sa aking sinumpaang trabaho. Oo, apektado lang ang katawan ko, pero hindi ang kakayahan kong maging guro. Ilang buwan lang namang akong nawala sa sarili. Hindi halos makakain at makatulog, ngunit nang lumaon at nang matanggap ko, balik na sa normal ang buhay ko. Parang walang nangyari. Parang binata na uli ako. Nagdagsaan na ang mga trabaho ko. Andiyan ang pag-devote ko ng isang araw (Sabado) upang ipasyal ang mga estudyante ko. Nag-e-educational trip kami. Sa Luneta lang. Pasyal. Kuwentuhan. Laro. Tinuturuan ko rin sila kung paano linangin ang mga talento nila. Sinubsob ko rin ang sarili ko sa pagsusulat sa wattpad. Ginagamit ko ang mga akda ko sa aking mga lessons, bilang springboard. Pinangatawanan ko na rin si Makata O. Sumusulat ako ng mga tula at quotes na patama sa mga kasamahan ko o sa mga maling gawain sa paaralan, pamayanan, maging sa bansa. Kaya nga, nang nagpalit ng punungguro, kilalang-kilala na si Makata O. At, maging siya ay nakakatikim ng matatalim na letra ng makata. Sa panahong ito, napakataas na ng pagpapahalaga ko sa bawat mag-aaral. Ang bawat isa sa advisory class ko ay inaari ko bilang anak ko. Ama na rin ang turing nika sa akin. Kaya naman, kahit sadya silang makukulit, hindi ako agad-agad na nagagalit at sumusuko. Hindi na ako ang dating Hitler. Never na ako namalo. Isa na lang ang hindi ko puwedeng alisin--- ang pagpapatilya. Tinatanong ko naman sila. Pataas o pababa? Minsan, dinadaan ko sa biro. Halika, magmamadyik ako. Palulutangin kita. Ayun! Lulutang talaga sila sa hangin, kapag hinila ko na pataas ang patilya nila. Gayunpaman, walang magulang ang nagreklamo sa akin. Kakampi ko sila. Nauunawaan ako nila, pati ng mga anak nila. At, ipinagpapasalamat ko iyon sa Panginoon. Bilang alagad ng literatura, ang parusang iginagawad ko sa estudyante ko kapag nagkakasala sa aking klase ay pagsusulat. Pinasusulat ko sila ng tula, sanaysay o kuwento. Ginagawa ko ito sa mga bakanteng oras nila o namin. Maganda naman ang naidulot nito sa aking klase. Tumahimik na, naging disiplinado pa. Hindi rin naman kasi mahilig ang iba sa pagsusulat, kaya mas pinipili nilang manahimik at maging disiplinado para hindi sila maparusahan. Bilang reward naman, ipinopost ko ang mga akda nila sa FB page at FB group naming KAMAFIL. Natutuwa sila at ang kanilang mga magulang sa kanilang achievement. Lalo pa nga silang natuwa nang, bago matapos ang school year ay naglabas kami ng isang magasin na kinapapalooban ng lahat ng kanilang mga akda. Binigyan ko silang lahat upang may souvenir sila. Sa ikalimang taon kong guro sa pampublikong paaralan, maraming-marami na akong karanasan. Nag-seminar sa ibang bayan, kasama ang mga ka-close na co-the eachers. Nag-out-of-town. Nag-hideout. Speaking of hideout... Ang hideout ay isang boarding house ng mga kaguro ko. Nabuo ito kasabay ng pagkakabuo ng 3some. Ang 3some ay grupo naming tatlo. Ako, si Mamu at si Papang. Kami raw ang matalino, maganda at mayaman. Magakakaiba kami ng personalidad, pero magkakasundo sa mga usapang pangkaisipan, pangkabuhayan, at pangkalokohan. Naging matunog ang grupo namin kaya hindi naglaon, lumawak ito. Nadagdagan nf mga miyembro. Naging mas masaya ang hideout. Dati, kape at tinapay lang ang meryenda namin doon. Nagsimula kami sa mga ulam na masasarap gaya ng tuyo, tinapa, sardinas, at itlog na maalat. Ang masaya sa hideout, nagsasaya lang kami at nagpapalitan ng mga kuro-kuro. Nawawala ang pagod namin sa maghapong trabaho kapag naroon kami. Ang saya! Ang saya-saya... Hindi naman lahat kasiyahan ang nangyari. Dumating sa punto na kailangang masaktan ka at lumuha. May mga kaibigan ka kasing aalis at mananakit sa'yo. Unang umalis ay si Papang. Nang na-promote siya bilang master teacher, inilipat siya sa ibang paaralan. Palaisipan nga sa amin kung bakit, gayong may bakante pa naman sa school. Gayunpaman, wala siyang nagawa, lalo na ako. Wala pa rin naman kasing nagbago sa samahan namin. Madalas pa rin kaming nagkikita sa hideout. Tuloy ang ligaya, 'ika nga. Nag-retire naman ang tinuturing kong ina sa school--- si Mamah. Siya lang naman ang isa sa mga nakakaunawa at sumusuporta sa kakayahan ko. Nang kahit ang principal namin ay binalewala ako, siya lang ang nariyan para palakasin ang loob ko. Wala rin naman akong magagawa. Kailangan na niyang isuko ang kanyang tisa. Matagal na siya sa serbisyo. Maraming utak na rin ang kanyang nahasa. Maraming buhay na rin ang kanyang nabago. Malungkot lang dahil ilang taon lang kaming nagkasama. Isa pa, wala nang pumalit sa kanya bilang aking ina-inahan. Ang hirap talagang maiwanan ng mahal mo sa buhay o ng kahit kaibigan. Kaya nga ako, hanggang maaari ay ayokong masyadong maging close sa mga kaibigan ko dahil nalulungkot ako kapag nagkalayo kami. Lalo na sa mga panahong iyon, solo living ako. Mag-isa sa buhay. Walang kasamang anak. Hiwalay sa asawa. Dumating pa sa point na isang member nh 3some ay kailangang magpalipat sa kanilang bayan upang doon na magturo. Ang saklap. Ang 3some na naging 3some ay nag-iisa na lang. Minsan, sa sobra kong kalungkutan, naitanong ko sa kanila? Ano na ang tawag sa akin? Wholesome? Onesome? Hay, buhay! Lagi na lang ba akong iiwanan? Di bale, kako, "handsome" pa rin naman ako. Life goes on. Lumayo lang sila, pero hindi nakalimot o makakalimot sa mga pinagsamahan namin. Mag-isa ako sa school. Mag-isa akong lumaban sa mga liko. Imbes na matakot ako at maduwag na kalabanin, kalampagin, at gisingin ang pusong mapag-imbot at mga utak-talangka ng aking mga kasamahan, sinige ko ang pagpost ng mga orihinal na quotes at mga akda kong tula, sanaysay at kuwento na makakadurog sa mga puso nila. Ang intensiyon ko ay puro. Magbago sila, iyona ang hangad ko. Ngunit, hindi. Minasama pa nila ako. Pinag-initan. Isama pa ang inggit sa mga katawan nila. In fact, tinanggal sa akin ang Filipino coordinatorship nang ganun-ganun lang. Walang pasabi. Nakakasama ng loob. Binastos nila ako. Dahil doon, tinanggihan ko ang pagiging school paper adviser. Okay na rin iyon. At least, nakapag-publish kami ng isang issue. Nalaman nila na worthy ako sa larangan ng journalism. Okay na rin iyon dahil nakapagpokus ako sa pagsusulat. Ibinigay naman pilit sa akin ang grade leadership para sa school year 2015-2016. Hindi ko nais maging leader. Since, walang tumatanggap, ako na. Pero, sabi ko, huwag silang mag-expect sa akin. Kapag hindi ko gusto ang ginagawa ko, hindi kanais-nais ang resulta nito, sabi ko pa. Isa pa, gusto kong magpakatatay sa anak ko. Sa school na kasi magki-Kinder. Iiwanan sa akin ng ina dahil siya ay mangingibang-bansa. Nagkabalikan na pala kami. After two years...

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...