Followers
Tuesday, August 1, 2017
Ang Aking Journal -- Agosto 2017
Agosto 1, 2017
Kulang ako sa tulog, kaya halos wala ako sa mood magturo. Mabuti na lang, may Values Education mula sa Bethany kaya nakalibre ako sa isang section. Gayunpaman, nagturo ako sa advisory class ko-- AP at Filipino, gayundin sa last section. Nagpakopya lang ako sa Aquamarine. Tahimik sila. Akala kasi nila, galit na naman ako.
Bukas, e-enhance ko ang lesson ko sa iba. Sisimulan ko namang ituro ang aralin sa iba. I hope makatulog na ako nang maayos ngayong gabi. Apektado talaga ang teaching-learning kapag puyat.
Pagdating ko nga kanina, masakit ang ulo ko. Paggising ko, mga 5:20 masakit pa rin. Kung hindi nga lang ako nag-remedial reading sa mga beneficiaries ng Project Elevate Reading ng principal, baka mas maaga akong nakauwi.
Mabuti na lang, si Emily ang maayos ang health. Siya ang nagdilig at nagluto.
Haist! Ayaw ko ng ganitong pakiramdam!
Agosto 2, 2017
Hindi kami nakapagpalitan dahil absent si Mam Dang. Isa pa, culminating program ng Nutrition Month. Nanuod kami ng program at awarding.
Gayunpaman, makabulahan ang araw ng advisory class ko. May timelining activities ako para sa kanila. Na-enjoy nila ang pagsusunod-sunod ng mga pangyayari mula panahon ng mga Espanyol hanggang Amerikano, gamit ang mga larawan.
Sa Filipino, nagpanuod ako ng short.film at nagpa-groupwork. Gustong-gusto nila ang pagbunot ng kanilang tasks, like role playing, drawing, pantomiming, singing, dancing, making hugot, writing.poems, etc. Tinakot ko nga sila, na aalisin ko na ang groupwork. Ayaw nila. Naiingayan kasi ako kapag nagpe-perform na.
Gumawa muna ako ng summative test sa AP 6 bago ako umuwi. Gusto ko kasi sanang makabawi ng puyat dahil kinulang na naman ako ng tulog kagabi, kaya lang past 5:00 na ako nakarating.
Hindi ko alam kung bakit nahihirapan akong matulog nang maaga, gayong mag-isa lang ako sa kuwarto. Hindi ko tuloy maalis sa akin, ang pag-iisip at pagpapaplano.
Andami kong gustong gawin sa school. Gusto kong gumawa ng action research. Gusto kong matapos na agad ang Tambuli at anthology book namin. Naisipan ko ring i-display ang mga books ko at books ng LSP sa book shelf ko.
Kaya, kanina, ginawa ko. Nakiusap rin ako sa mga bata na tulungan akong i-promote ang books para makabili kami ng tv monitor. Sa bawat 5 books na pipiliin ng customer, magbabayad siya ng P1000. Nagkalibro na siya, nakatulong pa siya sa klase ko. Kailangan kasi talaga ang telebisyon para mapadali ang lesson.
Nag-post na rin ako. Pinangalanan ko iyon na TOPAZ Bookshop. Kahit paano, naka-attract ng atensiyon. Sana nga, makabili na kami ng tv.
Agosto 3, 2017
Gusto kong umabsent kanina dahil kapos na naman ang oras ng tulog ko. Isa pa, masama ang panahon. Kaya lang, mas pinili kong pumasok dahil nanghihinayang ako. Ayaw ko ring mapabayaan ang mga estudyante ko. Alam kong magsisipasok pa rin sila kahit maulan.
Tama ako. Halos kompleto pa rin sila. Wala pang sampu ang absent, hindi gaya sa ibang section.
Tama lang naman iyon. Nagpa-summative test kasi ako sa AP 6.
Nabigla ako sa school Filipino coordinator nang sabihin niyang bukas na ipre-present ang sabayang pagbigkas. Ni hindi pa nga kami nakapagpraktis. Mabuti na lang, walang palitan ng klase.
Agad kong prinaktis ang 21 pupils na nakakuha ng highest scores sa summative test. Kahit paano ay mahaba-haba na ang natapos namin.
After class, prinaktis ko naman ang isa kong pupil na lalaki para sa kanyang pagbigkas ng tula. Natuwa ako sa sarili ko. Napilitan akong tumula. Marunong pa rin pala akong bumigkas ng tula. Naalala ko tuloy ang sinalihan kong patimpalak.
Past 2:30, nasa Baclaran ako para bumili ng kulambo. Gusto ko kasing matulog nang mahimbing.
Ibinili ko rin sa Emily ng shorts at si Ion ang mga sando at shorts. Tuwang-tuwa sila. Masaya rin ako. Aanhin ko ang isang libo kung hindi naman ako nakapagpasaya ng tao?
Agosto 4, 2017
Past 7:30 ng umaga, nagparada kami. Pagkatapos, pormal na binuksan ang Buwan ng Wika. Nagkaroon ng maikling programa. Rumampa ang mga batang nakasuot ng kasuotang Pilipino.
Past 11, pinatawag ako at ni Mam Janelyn. Kinausap at in-orient kami ng ESP supervisor tungkol sa kanyang class observation sa August 8.
Ako na naman! Pangatlo na ito ngayong school year. Hindi bale, para naman ito sa aking development.
After class, isang masaganang kainan ang naganap. May libreng food mula sa pondo ng feeding program. Nagpapansit din ang estudyante kong kambal.
Before two, nagpatawag ng meeting ang punongguro. Hindi ako masyadong interesado, kaya nang dumating ang mga pupils ko na sinabihang kong bumalik para sa practice ng sabayang pagbigkas, agad ko silang hinarap.
Naging maayos at mabilis naman ang rehearsal. Nadagdagan na ang acts. Ikalawang araw pa lang naman, kaya sigurado akong mahahasa pa silang lalo after a week.
After ng meeting, nagkayayaan ang 1000+ group na mag-bonding sa JCo. Siyempre, isa na namang masaya at maingay na sandali ang naganap. Andami kong tawa!
Before 7, saka pa lang kami nakalabas doon. Kaya, past 8 na ako nakauwi sa bahay.
Agosto 5, 2017
Binigyan ko ng perang pamalengke si Emily. Inutusan ko rin siyang bumili ng tiles para sa ground floor namin. Panahon na para magkaroon kami ng maayos at magandang sala at dining area. Lagi na lang kasi kaming nasa kuwarto.
Habang wala siya, inasikaso ko ang mga sinampay. Pabugso-bugso ang ambon, kaya nakakainis.
Nag-edit ako ng nobela kong 'I Love Red 0.2.' Panahon na siguro para mag-self pub uli. Kailangan ko ng maraming stocks sa aking mini-bookshop.
Agosto 6, 2017
Excited akong pumunta sa Antipolo. Bitbit ko ang isang malaking cake, masaya kong binati ang mga anak ko. Kiniss ko sila sa noo. Kaya lang, biglang napalitan iyon ng disappointment. Nainis ako nang marinig ko mula kay Mama na nagugutom na sila. Agad ko silang binigyan ng puto na binili ko sa Goldilocks. Pagkatapos, nagsimula na akong magalit sa group chat na ginawa ni Jano. Sinabi kong nakakarimarim ang sitwasyon ni Mama. Walang makain. Wala ring tubig. Ni walang de-lata. Kung hindi ako dumating, ganoon din. Wala rin silang ulam. Tatlo-tatlo sila roon. Ni walang nakaalalang alamin kung may pagkain o wala. Matitiis ko pa ang gutom, pero ang makikita ko ang mga anak ko na nagugutom, hindi ko matatanggap iyon.
Sumubok pang magrason ni Jano. Bumawi na lang daw pagkaluto. Hindi na. Sagad na ako. Hindi man lang nila mapasarapan ang mga anak ko. Sa laki ng pagkakautang nila sa akin, ni hindi nila maibalik kina Hanna at Zildjian. Mabuti na lang talaga, napaaga ako.
Hindi ko kinaya ang loob ko. At kapag hinintay ko pa sila, magkakasagutan lang kami. Minabuti kong umalis na lang. Nag-iwan na lang ako ng pera kay Mama at sa panganay ko. Puwede naman silang umuwi na lang.
Hindi isyu ang gutom ko. Ang mga isyu ay ang kahihiyan sa side ng mga anak ko. Malamang magsusumbong sila sa ina nila. Ano na lang ang sasabihin? Nag-imbita tapos gugutumin. Hindi ko pa naman alam na nandoon na.
Nagtitipid ako kaya hindi na ako nag-grocery. Saka, magbibigay na lang kasi ako ng pera. Alam ni Mama ang kailangan niya, kaya better kung pera na lang.
Ang tagal nawala ang galit ko sa kanila. Nakauwi na ako lahat-lahat, naiinis pa rin ako. Nagkulong ako sa kuwarto.
Agosto 7, 2017
Marami akong nagawa kanina sa school. Nagturo. Nagpa-summative test. Nag-encode. Nag-edit ng article. Nag-post ng akda. Nagturo ng sabayang pagbigkas. Pagkatapos ng mga ito, naki-meet-up ako sa client ng Mortiartea. Kumita ako ng P500. Not bad! Nabawi ko na ang lugi ko noong naki-meet-up ako sa MOA.
Gabi. Nagtutor ako sa anak ng kapitbahay namin. Nagpaturo siya sa assignment niya sa division of fraction. Napansin kong nahihirapan siya sa multiplication. Hindi niya rin alam ang process long division. Gayunpaman, mabilis siyang matuto, sa tingin ko. Kaya, gusto ko siyang tutor-an hanggang matuto siya.
Agosto 8, 2017
Naging successful ang observation sa akin at sa aking klase ni Mam Diaz, supervisor ng ESP. Nagustuhan niya ang child-centered kong atake. Sa wakas, nakaranas akong mapuri ng observer. Very good daw ako.
Sobrang saya! Kung alin pa ang wala gaanong effort, iyon pa ang applauded. Samantalang ang AP6 ko, negative sa kanila.
Anyways, alam ko na ngayon. Iba-iba ang taste ng mga supervisors at principals.
Nag-remedial reading muna ako sa mga slow readers, bago nag-practice ng sabayang pagbigkas. Nakakapagod, pero masaya akong makita ang improvement nila.
Past 3, bumiyahe na ako pauwi.
Past 5, nasa bahay na ako. Hindi ko naabutan ang mag-ina ko. Alam ko na kaagad na nasa ospital sila dahil nag-chat si Emily sa akin. Hindi na raw kaya ni Zillion ang hingal niya. Sabi niya, hihintay nila ako, pero hindi na ako nahintay.
Nagpahinga muna ako. Antok na antok ako. Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi dahil sa ingay ng nebulizer na ginagamit kay Ion.
Before seven, nagpa-load ako para tawagan siya. Kaya lang, wala akong signal. Antagal kong naghintay. Nakiusap pa ako kina Epr, Gina, at Amy na kontakin siya, since OL ako sa FB. Nakisuyo rin ako kina Beverly at Heaven. Kaya lang, ako pa rin ang nakatawag. Dumating na kasi ang signal after more than one hour. Wrong timing ang signal.
Past nine naman ako nakapunta sa hospital dahil kumain muna ako. Kinuha ko rin ang nebulizer.
Naawa ako sa kondisyon ni Ion. Naka-oxygen siya. Pero, mukhang okay na siya. Mapula na ang mga lips niya.
Umalis ako at past 10 para magpahinga sa bahay. Gayunpaman, hindi naman ako agad nagpahinga. Naghugas muna at nagbanlaw ng mga nakababad na damit. Bukas, kailangan kong pumasok para mapapirmahan ang Philhealth form.
Agosto 9, 2017
Maaga akong gumising para dalawin at hatiran ng pagkain at mga damit ang mag-ina ko. Mabuti hindi mahigpit. Nakapasok ako agad.
Dahil shortened ang nga klase, hindi kami nagpalitan. Sinamantala ko naman iyon para magturo ng ESP sa advisory class ko. Na-enjoy nila ang topic dahil may mga kuwento akong noon lamang nila narinig. Mas nagiging interesado na sila sa buhay ko.
After dismissal, nagpraktis kami ng sabayang pagbigkas. Then, nag-post ako ng mga akda nila. Inantok lang ako sa hina ng net, kaya naglatag ako ng karton sa sahig. Umidlip ako. Kahit paano gumaan ang ulo ko.
Past 2, nagsimula ang LAC session. Antagal matapos, kaya almost five na akong nakadalaw sa aking mag-ina. Gayunpaman, natuwa akong makita si Ion na maayos na ang kalagayan. Masigla na uli siya. Wala nang oxygen. Naglalaro na sa cellphone. Magana na ring kumain.
Pagdating ko sa bahay, agad akong nagdilig ng mga halaman. Naglalaba rin ako habang naghahanda ng hapunan. Sayang, hindi natikman ni Emily at Zillion ang ginataang tulingan, na iniluto ko.
Agosto 10, 2017
Past 8:30 na ako nakarating sa SDO para dumalo sa seminar, kasi akala ko sabay-sabay kaming tatlo nina Sir Ren at Mam Edith. Nauna na pala sila. Nagsisimula na nang dumating ako.
Okay lang naman. Nakakahiya lang dahil kitang-kita ako pagpasok ko. Dramatic entrance. Hindi ako sanay nang nali-late. Hindi ko gusto ang pinagtitinginan ako.
Naging interesting ang mga topic lalo na sa AM session. Andami kong natutuhan. Empowered na empowered talaga ako. Angkop ang tema ng seminar.
Kaya lang, na-stress ako sa text messages ni Emily. Hindi pa rin sila pinapalabas ng hospital dahil hinahanapan sila ng certificate of distribution. Hindi naman ako nahirapan last time.
Na-bad trip talaga ako. Gusto ko nang lumipad pa-Cavite.
Nag-inquire ako sa accounting office. Tinuro ako sa admin. Wala! Hindi raw sila nag-i-issue ng ganoon.
Kaya, nang dumating ako sa DGMC, bandang 7:30 pm, si Emily ang napagbalingan ko. Inaway ko siya. Kung tutuusin, kasalanan niya talaga. Inuna niya ang package ni Mhel. Iniwanan niya si Ion sa kapitbahay, kaya nasobrahan sa laro. Lalo na't alas-10 na siya umalis sa bahay.
Kung umalis siya kasabay ng pagpasok ni Ion sa school, baka hindi na niya kailangan ibilin ang anak namin sa pangangalaga ng kapitbahay. Nakasama pa. Sobrang nakaka-stress.
Hindi ako puwedeng um-absent para lakarin ang hinihingi ng hospital.
Kapag nakauwi na sila bukas, may part 2 ang galit ko. Pareho ko silang pagagalitan. Hindi na nga nakakatulong sa pinansiyal, nakakabawas pa. Ang hirap!
Agosto 11, 2017
Sobra ang inis ko maghapon. Inaway ko si Emily nang tumawag siya. Kasalanan talaga niya kung bakit nagkandaletse-letse kami. Kung sino-sinong tao pa tuloy ang naabala. Ako, hindi makapagpokus sa meeting ng journalism dahil sa problema. Wala naman akong magagawa. Obligasyon ko ang inuna ko.
Past 12:30, nakabalik na ako sa school. Wala pa rin ako sa mood. Gustuhin ko mang gumawa ng mga kapaki-pakinabang para makalimutan ang problema, hindi ko pa rin nagawa. Hindi pa naman kaming 1000+ group natuloy sa TGIF bonding. Hindi rin ako nakaidlip nang matagal.
Nag-dilly-dally ako sa Baclaran. Ang bigat ng paa kong umuwi nang maaga dahil parang ayaw ko munang makausap si Emily.
Before 8, nasa bahay na ako. Wala akong imik. Nagpahinga ako sa kuwarto habang sila ay kumakain. Pagkatapos, naglaba ako. Kahit paano, nabawasan ang grudges ko.
Agosto 12, 2017
Maghapon akong tahimik. Ayaw ko pa rin siyang kibuin. Although, may tinatanong siya sa akin, ramdam niyang iniiwasan ko siya. Napaka-mean ko, perilo gusto ko lang malaman niyang nagagalit ako kapag nagkakasakit sila, lalong-lalo na kapag may malaking gastos. Oo, may Philhealth, pero may gastos pa rin. Idagdag pa ang abala at stress.
Agosto 13, 2017
Maghapon pa rin akong tahimik. Nag-encode lang ako nang nag-encode at nag-edit nang nag-edit. Sayang, walang internet. Nakadagdag pa sa kalungkutan ko.
Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit mas pinili ko ang pagiging tahimik. Alam kong nakakaapekto iyon sa pamumuhay at pakikitungo ko sa aking pamilya. Nakikita kong nahihirapan sila. Pero, mas ginusto kong pahirapan sila dahil pakiramdam ko, mas pinahirapan nila ang kalooban ko nitong huling mga araw. Ipinakita ko lang sa kanila ang resulta ng pagkakasakit at pagkakahospital. Ni halos wala nang laman ang ref. Wala nang makain at maulam. Ang hirap kasi ako lang ang nagpapasok ng pera sa bahay, tapos sila, ganoon na lamang ginastos ang pera.
Kung sana'y ibinili na lamang ng mga materyales o kasangkapan sa bahay, okay pa. Sana matuto na silang pahalagahan ang pera ko at ang health nila.
Sobra talaga akong nasaktan, lalo na kapag naiisip ko si Mama, at ang dalawa ko pang mga anak, na nangangailangan din.
Agosto 14, 2017
Pinilit kong humarap sa mga klase ko nang masaya. Mabuti na lang creative ako. May mga activity akong naipagawa sa bawat section, na nagustuhan naman nila.
Past 8, dumating si Emily. Mabuti na lang, nasabi ko na kay Ate Jing ang tungkol sa certificate of distribution. Natawagan na niya ang division office. Pinababa ko siya sa office at ipinatanong sa clerk kung ready to pick up na. Nang bumalik siya, nagtanong na siya kung paano pumunta doon. Lihim akong natuwa. At last, natapos din ang problema! And, at least, hindi nasayang ang punta niya. Hindi ko na kailangang ma-bad trip.
Past 3:45 na ako nakaalis sa school. Nag-practice pa kasi ng sabayang pagbigkas at pinost ko sa wattpad ang mga akda ng pupils ko.
Pagdating ko sa bahay, tahimik pa rin ako. Ramdam kong walang na-refund si Emily. Naubos ang P5k na binigay ko. Wala man lang bumalik kahit singkong duling. Kaya ako naiinis. Ni pambili ng gatas, wala na.
Agosto 15, 2017
Hindi ko na alam kung ano ang ituturo ko sa mga klase ko. Sobrang delayed na ang periodic test. Tapos, kanina may memo na naman. Sa August 24 na naman daw. Aruy! Grabeng pasakit nila. Sana sinabi na lang nila na teachers' made test na lang. Andami kasi nilang arte. Gusto pa divisionwide, hindi naman nila kayang i-sustain. Haist!
Ginabi ako ng uwi dahil miniting kaming remedial teachers niya sa kanyang reading project. Nai-suggest ko pang hatiin na lang ang 50 pupils sa 8 para mapokusan namin. Kasi mahirap ma-contain ang mga bata after dismissal. Tumatakas. Unlike sa kanya-kanya hawak, may sense of ownership at responsibility na kami sa bawat hawak namin. Agad namang nag-agree si Mam. Hindi lang ako sure kung natuwa ang mga kasamahan ko, since magiging araw-araw kaming magtuturo. Unlike noong dati, na once a week lang. Nababagalan kasi ako sa reading development ng mga bata. Nakakaawa rin, at the same time. Grade Six na, slow readers pa rin. What a heck?!
Gusto ko nang kibuin ang mag-ina ko. Binibiro-biro na nila ako. Haist! Kaunti pa...
Agosto 16, 2017
Halos wala naman kaming turo kanina. Nag-meeting kaming Grade Six teachers about incoming Science Month Celebration sa September. Inabot kami ng past nine doon.
Nasimulan ko na rin ang school paper. Nagbago ako ng layout. Mas gusto ko ang bago.
Nakaka-stress kung tutuusin ang mga tasks ko--advisorship, school paper, rehearsal, at remedial reading, pero kinakaya ko. Enjoy naman. In fact, kanina kahit naiinis ako sa isang estudyanteng Grade Six na, pero hindi pa halos letter reader. Back to basic dapat ang atake sa kanya. Nakakalungkot isiping may ganoong sitwasyon. Ano ang remediation ng mga lower grade teachers? Bakit kami ang kailangang mag-suffer? Bakit ipinasa?
Gayunpaman, gagawin ko ang aking makakaya para mapabasa siya. Mabuti na lang kahit paano, may mabilis na development sa iba kong nire-remediate.
Nag-meeting kaming BOD, kaya ginabi na ako ng uwi.
Agosto 17, 2017
Na-late ako kanina. Mabagal kasi ang bus na nasakyan ko. Kaya naman, nakapagbasa pa ako ng akda ko sa wattpad. Nakakatawa lang dahil naluha ako. Na-inspired na naman tuloy akong basahin iyon sa advisory class ko. Kaya, after ng seatwork ko sa AP6, binasa ko iyon sa kanila. Na-inspired sila sa kuwento. May naluha rin. Tapos, pinasulat ko sila ng akda nila.
Walang palitan ng klase dahil nag-meeting ang tatlo kong kasamahan. Ako, habang nagtuturo sa trainees ko sa collaborative publishing, nagbabantay ako sa nasa classroom. Mabuti na lang talaga at may maaasahan akong leaders. Nasasawata nila ang mga kaklase nila.
Nakapagturo rin ako ng pagsulat ng dalit.
Sobrang hectic ang schedule ko. Nag-remedial reading, nagturo ng collab, at nagrehearse ng sabayang pagbigkas. Tinapos ko na ang act. Pagpupulido na lang ang gagawin sa mga susunod na araw.
Past 7 na ako nakauwi. Pagod na pagod ako, pero fulfilled. Medyo apektado nga lang ang dealings ko sa aking mag-ina. Hindi bale, babawi na lang ako sa mga susunod na araw.
Good morning, Sir Rem! Wala pa akong nagawang DLP for 2nd grading. Baka may picture ka ng objectives na toka sa akin..wala talaga akong naisave, e.
Agosto 20, 2017
Nagbigay ako ng pamalengke kay Emily. Masaya siyang umalis para mamalengke. Ako naman ay nag-edit ng akda ko, habang binabantayan si Ion. Nanunuod lang naman siya ng tv.
Naging masagana at masaya uli ang kainan namin. Iba talaga ang feels kapag walang away o tampuhan.
Hapon, pagkatapos kong magkape, nag-gardening ako. Na-miss ko ang paghahalaman. Dalawang linggo rin akong hindi man lang humawak ng lupa.
Agosto 18, 2017
Masigla akong pumasok. Dahil dito, nakapag-rehearse pa ako ng sabayang pagbigkas bago ko isinama ang apat na estudyante para sa unang training ng collaborative publishing.
Sa ABES kami nag-training instead sa JRES. Naging ka-team ko uli si Sir Bagsik. But, this time sa collab na. Dati, sa broadcasting kami magka-team.
May bago kaming kasamahan, kaya medyo nangangapa pa. Gayunpaman, naging productive naman iyon dahil kahit paano ay may natutuhan ang mga bata.
Dahil natapos bandang alas-dose ang training, nakabalik pa kami sa GES bago nag-uwian ang mga bata. Nakapag-remedial reading pa ako. Nag-train din uli ako sa collab writers ko, habang nagprapraktis naman ng sabayang pagbigkas. Grabe! Andami kong energy.
Pero, alas-singko inantok ako, kaya umidlip muna ako sa classroom. Past 5:30 na ako umalis. Ayaw ko naman talagang umuwi agad dahil bad trip ako sa maybahay ko. Tinext ba naman ako ng kung ano-ano. Nakakapang-init ng dugo. Sinasabayan niya ang inis ko.
Nasira niya ang araw ko. Maganda na sana... Tsk tsk.
Sisingilin pa ba niya ako ng utang niya sa kaibigan niya dahil sa pagpapahospital ni Ion? Sana ginawan na niya ng paraan. Ako lang ba talaga ang maglalabas ng pera? Pagod na pagod na ako. Mamasamain pa kapag napagsabihan siya. Sige! Pagbibigyan ko siya. Ako pa ba ang babanggain niya? E, lahat na ng kabaitan at pagiging mabuting asawa at ama, ibinigay at ipinakita ko na. Lahat ng pangangailangan nila, napro-provide ko. May kulang pa pala...
Agosto 19, 2017
Halos nasolo ko ang bahay dahil nag-MTAP si Ion. Sinamahan siya ni Emily. Maghapon sila doon. Nanuod lang ako ng tv at nag-encode.
Pagdating nila, biniro-biro ako ng maybahay ko. Bati na kami.
Agosto 20, 2017
Nagbigay ako ng pamalengke kay Emily. Masaya siyang umalis para mamalengke. Ako naman ay nag-edit ng akda ko, habang binabantayan si Ion. Nanunuod lang naman siya ng tv.
Naging masagana at masaya uli ang kainan namin. Iba talaga ang feels kapag walang away o tampuhan.
Hapon, pagkatapos kong magkape, nag-gardening ako. Na-miss ko ang paghahalaman. Dalawang linggo rin akong hindi man lang humawak ng lupa.
Agosto 21, 2017
Maghapon kaming nasa kuwarto lang. Masama ang lagay ng panahon dahil sa bagyong Isang. Okay lang naman dahil andami kong na-encode.
Gabi. Natapos ko na ang nobelang 'Maybe This Time'. Kapag may time, ii-edit ko ito at hahanapan ng publisher.
Agosto 22, 2017
Maaga akong nagising para hindi ako ma-late. Hindi nga ako na-late, pero late namang sinuspende ang klase. Nakakainis! Nasayang lang ang pamasahe ko. Dapat itinulog ko na lang. Nabalahaw tuloy ako sa Baclaran. Past 8 na ako nakauwi't nakapag-almusal.
Hindi bale, worth it naman ang maghapon ko dahil natapos ko nang i-edit ang 'Maybe This Time' ko. Ready to publish na ito. Sana mahanap ko ng publisher as soon as possible.
Agosto 23, 2017
Nagsimula na, sa wakas, ang first grading test. Kompleto na ang test questionnaires at bubble sheets. May schedule na rin kami. Tatlong subjects ang ibinigay namin sa mga bata. Bukas tatlo uli. Dalawa na lang sa Friday.
Eleven ang uwian ng mga bata. Ako, nag-stay pa hanggang past 4. Inipon ko kasi ang novel kong 'BlurRed' na nasa blogsite ko para i-edit. Gusto ko na ring wakasan ito para ready na for submission or publishing.
After kong manuod ng 'Wildflower,' pinanuod ko si Ion ng mga Math videos, na na-download ko kanina sa school. Gusto kong makatulong iyon sa kanya.
Agosto 24, 2017
Ikalawang araw ng test. Naging maayos naman. Nakapagpa-check pa ako ng mga answer sheets. Satisfied ako sa result sa Filipino. Dalawa ang nakakuha ng 48. Seventy-five percent ang pumasa.
After class, nag-stay uli ako sa school. Nag-wattpad ako, umidlip, at nag-wattpad. Before 4 ako umalis. naman Nagpadala ako ng pera (P340) through Cebuana sa Simpleng Book Club para sa bayad ng anthology book, kung saan kasama ang isa kong akda.
Past 5:30 ako nakauwi sa bahay. Pagod, pero masaya ako ngayong araw dahil may na-accomplished ako. Naibalik ko pa ang drive ko para magsulat.
Medyo na-highblood lang ako kay Ion nang naghahapunan na kami. Pasaway kasi. Ang hirap pakainin. Nalaman ko pang halos walang bawas ang baong tubig. Gusto yatang magkasakit. Pinagalitan ko. Binalaan ko. Bawal na siyang magkasakit dahil magagalit na talaga ako nang husto. Kaya, kako, ingatan niya ang kanyang sarili.
Agosto 25, 2017
Natapos na ang test, pero hindi pa na-shade-an lahat ng mga bata ang bubble sheets. Okay lang naman, alam ko, hindi pa naman iyon kokolektahin.
After class dismissal, nag-stay ako sa school. Nagsulat uli ako. Past 4:30 na ako lumabas sa classroom ko. Dahil dito, inabutan ako ng malakas na ulan sa biyahe hanggang sa pagbaba ko. Basang-basa ako nang makauwi ako. Ayos lang naman.
Agosto 26, 2017l
Inatupag ko maghapon ang pag-encode ng mga raw scores from the traditional class records to the e-class records. Nakakatuwa! No need to compute or to use calculator. Naalala ko tuloy noong una. Mano-mano pa. Napakahirap...
Kinailangan ko ring mag-aral ng pagsulat ng maikling kuwento para sa mga Kinder at Grade 1 bilang paghahanda sa seminar-workshop sa August 29-31. Inimbitahan ako ng division. Malaking responsibilidad ito, pero kapag nagawa ko ang expectation nila, malaking karangalan din ang hatid nito sa akin.
Ini-scan ko ang mga akda ng pupils ko. Baka sakaling mairekomenda ko. Good thing, may mga napili akong maaaring makuha, kung gugustuhin nila ang gawa ng mga estudyante. Gusto ko rin namang makatulong sa mga bata.
Agosto 27, 2017
Gaya kahapon, nag-encode lang ako halos maghapon. Naisingit ko rin ang pagsusulat. Gusto kong madugtungan ang lahat ng mga nasimulan kong nobela. Time lang talaga ang kulang sa akin. Gayunpaman, susubukan ko. Kailangang maging inspired uli ako.
Hapon, bago dumilim, nag-gardening ako. Natuwa ako sa grass na tumatkip sa lupa. Hindi ko na kailangang bumili ng bermuda, frog o carabao grass.
Agosto 28, 2017
National Heroes' Day ngayon at huling araw ng long weekend. Pakiramdam ko, nakapagpahinga ako ng napakahaba. Marami rin akong na-accomplished. Sayang nga lang, walang signal ang internet. Lesser ang nagawa ko. Mas marami pa sana akong natapos.
Naturuan ko rin si Ion sa pagbabasa. Kahit paano may mga natatandaan na siyang English words. Mahirap talagang ituro ang langauge na ito, pero kung aaraw-arawin o pagtitiyagaan, hindi imposible.
Nakapag-update rin ako ng nobela kong 'Ang Babae sa Underground.' Napagdesisyonan ko ring gawing superhero story ang isa kong akda at isama sa nasimulan kong superheroes piece.
Bukas, back to work ako. Action, rather. Kasama ako sa Big Book Making Workshop. Tatlong araw akong wala sa klase ko. Haist! Maiiwanan ko na naman ang mga pupils ko.
Agosto 29, 2017
Hectic ang schedule ko ngayong araw. Kinailangan kong maging time conscious nang nasa school pa ako.
Nag-almusal. Nagbilin sa mga batang iiwanan ko. Nagpa-finalize ng bubble sheets. Nakiusap sa mga co-teachers para i-handle ang pupils ko. Nag-practice ng sabayang pagbigkas. Nagsundo ng isang trainee ng collaborative publishing. Nakiusap kay Sir Vic na ihatid ang mga collab trainees sa ABES in my behalf. At, nag-workshop.
Ang workshop ang umubos sa oras ko. But, worth it naman. Marami akong natutuhan. Kahit published author na ako, crucial pa rin ang nalaman ko kanina. Kinailangan ko kasing ibagay ang akda ko sa kakayahang magbasa ng Kinder at Grade 1. Para tuloy akong nagsulat ng bago. Dalawa lang ang naipasa ko. Okay na iyon. Bukas naman. Babawi ako.
Past 7 na ako nakauwi. Nagpagupit pa kasi ako. Pumila pa roon.
Agosto 30, 2017
Nag-final rehearsal kami kanina ng sabayang pagbigkas. Kahit paano, nakita ko ang readiness nila. Hindi man pang-contest, alam nasa performance level naman.
Naipasabay ko rin ang collab publishing trainees ko kay Ma'am Dang, since sa JRES rin naman ang training nila.
Past 8, nasa PBES na kami ni Ma'am Joann para sa ikalawang araw ng Construction of Big Books Workshop. Nakapagpasa ng aking ikatlong akda bandang alas nuwebe. Before 10, nakasulat na sana ako ng ikaapat, kaya lang ipinahinto na ang pagpasa dahil marami na raw. Hindi na kaya ng illustrators. Kaya naman, tumambay na lang kaming writers. Nagkuwentuhan na lamang kami.
Ang ganitong pagtitipon ay nakakabuo talaga ng bagong pagkakaibigan. Nakakakilala. Nakakapulot ng idea. At, nagkakaroon ng bagong oportunidad.
May bago akong papasuking writing work. This time textbook naman. Filipino Grade 4. Ito na marahil ang katuparan ng aking pangarap. Sana matuloy. Ibinigay ko na ang resume ko. Gagawa na lang ako ng sample na aralin. I hope magawa ko before Monday.
Before the workshop ends, nakasulat pa ako ng isang kuwentong pambata. Tapos, inatasan pa ako ni Ma'am Mina na magbigay ng impression bukas sa closing program. First time ko, kaya hindi ko hinindian. Alam kong bini-build-up niya ako.
Dumaan ako sa school para i-confirm kay Sir Erwin kong tuloy ba ang seminar namin sa Laguna sa September 1-2. Hindi na raw. Sayang... Pero, okay lang, makakagawa ako ng iba.
Past 7:30 na ako nakauwi dahil nag-draft pa ako ng tula na babasahin ko bukas sa pagbibigay ko ng impresyon tungkol sa workshop.
Agosto 31, 2017
Naging matagumpay ang sabayang pagbigkas. Halos sabay-sabay. Malakas ang boses. Maraming formations. Nakakatuwa ang feedback. May nagsabing kinilabutan siya. May nagtanong rin kung ilalaban namin iyon. Panalo naraw kasi. Sabi ko naman, maraming elemenys ang kulang, like audio and costume. Sapat na sa akin ang presentation lang at may naka-appreciate. Worth it ang pagod.
Past 1:30, pumunta kasi ni Ma'am Joann sa DO para naman sa closing program. 4:30 pm pa naman nagsimula.
Isa ako sa naatasang magbigay ng impression. Kagabi pa ay naisulat ko na ng piyesa ng tula.
Tula ang ginawa ko, instead na speech or sanaysay para maiba naman.
Narito ang aking binigkas:
Tula ng Impresyon
Ako ay nagulat nang todo
Nang si Ma'am Mina'y pinatawag ako
Upang magbigay ng impresyon ko
Ukol sa workshop na ito.
Kahit takot akong humarap sa tao,
Tinanggap ko ito nang buong puso.
Kaya, mga kaibigan ko
Hayaan sana ninyo ako,
Na saglit na magkuwento
Maaari bang mahiram ko
ang mga tainga ninyo?
Salamat, mga kaguro!
Alam niya ba kung paano
Ako'y napasama rito?
Nang MTOT, noong Mayo,
Si Ma'am Mina, sa 'ki'y nagtampo.
Hindi ko raw naibabahagi
ang aking talento.
Di nakaimik, ngumiti na lang ako,
Pero ang totoo, nabagbag ang puso ko.
Nais ko naman talagang
ibahagi ang kakayahan ko,
Ngunit hindi ko alam kung paano.
Kaya, nang kami ay muling nagkatagpo,
Kinausap niya ako,
Pinagpasa ng mga kuwento.
Isasama niya raw ako sa memo.
Agad akong nagpasa ng mg akda ko
Dahil ayaw kong siya'y muling magtampo.
Heto na nga ako...
Heto na nga tayo...
Matapos ang tatlong araw na madugo,
Tayo ay natuto, lumago...
Pambihira talaga ang karanasang ito!
I'm sure, hindi lang ako
Ang nagsasabi nito...
Kayo rin, tama ba ako?
Muli, maraming salamat po,
Ma'am Mina, sa oportunidad na ito!
Laht kami—kaming naririto
Ay talagang natuto nang husto
Sa larangang aming gusto.
Ang mga manunulat ay humusay lalo...
Ang mga ilustrador, naging astig na totoo.
Sa iyo, LRDMS queen, kami ay saludo!
Salamat po!
Sana'y hindi ko kayo nabigo.
Ang programang kagaya nito
May potensiyal, may puso...
Dapat nating suportahan ito
Upang talento ng mga guro
Lalong umusbong o kaya'y mabuo.
Walang magsasabing, 'Sayang ang oras ko sa palihang ito,"
Sapagkat ito'y produktibo
Para isa bawat batang PasayeƱo
Upang interes sa pagbasa'y tumubo.
Salamat sa lahat ng nasa likod nito!
Sir Noel, na aking bagong idolo.
Sa iyo, ako'y lubos na natuto.
Hindi pagsisipsip ang tawag dito,
Kundi pagsasabi ng totoo.
Nariyan rin si Sir Comia,
Ma'am Salaysay,
Ma'am Ramos,
Ma'am Martino,
Sir Torres...
Mga punungguro,
Sa pagpayag na kami'y dumalo.
Kay Ma'am Leny
Sa pagkanlong sa amin.
At sa masipag nating pinuno
At reyna ng SDO---
Ma'am Evangeline Ladines,
Magandang hapon po!
Maraming salamat sa suporta ninyo
Sa ganitong proyekto—
Isang makabuluhang proyekto!
Maraming salamat po!
"Tell me and I forget, teach me and I may remember, involve me and I learn" –Benjamin Franklin
Natuwa sila, sa tingin ko, lalo na si Ma'am Mina. Ramdam ko ang kanyang ligaya nang marinig niya ang aking mga tinuran.
Past 6 na natapos ang program. Eight na yata ako nakauwi. Pagod man, masaya naman. Fulfilled.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment