Followers

Sunday, August 13, 2017

Gustong-gusto ni Divino sa Hospital


"Parang kagat lang ito ng langgam," malambing na sabi ng doktor kay Divino.

"Totoo iyon, Divino," sang-ayon ng ina, habang hawak ang kamay ang anak.

"Ready ka na?" Nginitian at kinindatan pa ng doktor ang pasyente.

Tumango lang si Divino.

"Wow! Ang bait naman ng batang ito, Mommy. Kaya pagkatapos nito, bibigyan ko siya ng premyo."

Namilog ang mga mata ni Divino dahil sa narinig.

"Sige na, Divino. Tingin ka sa kisame. Pagkatapos, magbilang ka ng isa hanggang sampu. Marunong kang magbilang, hindi ba?"

"Opo!" mabilis na sagot ni Divino.

"Bilang na, anak," utos ng ina.

Mabilis namang kumilos ang doktor.

"Isa... dalawa... tatlo... apat... lima... anim... pito... walo... siyam... sampu!"

"Ayan, tapos na? Naramdaman mo ba ang kagat ng langgam?" tanong ng doktor.

"Hindi po!"

"Talaga? Ang galing naman. Hindi ka natatakot sa ineksiyon. At dahil diyan, may..." May dinukot ang doktor sa kanyang bulsa. "...lollipop ka sa akin! Premyo ko sa 'yo dahil mabait ka at hindi ka natatakot sa karayom."

"Thank you po!"

"You're welcome, Divino. Magpagaling ka, ha? Bye!"

"Salamat po, Dok!" sabi naman ng ina ni Divino.

Pagkaalis ng doktor, hindi nagpumilit si Divino na kainin na anglollipop kahit ayaw ng kanyang ina. Umiyak pa siya, kaya pinagbigyan na lamang siya.

"Mommy, ang sarap palang maospital. Mabait ang doktor at ang mga nars. Gusto ko po dito lagi."

"Naku, hindi maaari, Divino. Mas baleng nasa bahay lang tayo basta hindi ka magkakasakit."

"Basta... gusto ko po dito."

Madalas magkasakit si Divino dahil sa kanyang kalikutan at kakulitan. Kaya naman, madalas din siyang naoospital. Subalit, imbes na ikatakot niya, nasisiyahan pa siya. Unang-una, hindi siya naoobligang mag-aral, magbasa, at magsulat. Napagbibigyan siyang maglaro sa cellphone. At, higit sa lahat, may premyo siya mula sa mga doktor at nars.

Kaya naman, kung hindi tuwing ikalawang buwan, buwan-buwan siyang nagkakasakit at naoospital. Hindi niya alam na nahihirapan pareho ang kanyang ina at ama.

Isang araw, nagsabi siya sa kanyang ina na hindi siya makahinga. Nagpasugod siya sa hospital.

Nanatili siya doon ng dalawang araw at dalawang gabi. Sa ikatlong gabi, nakikita at naririnig niyang nagtatalo ang kanyang mga magulang. Kahit musmos pa lamang siya, alam niyang ang dahilan ng kanilang pagsasagutan ay ang pambayad sa hospital. Nagkaproblema ang mga papeles nila para makakakuha ng benepisyong medikal.

"Kasalanan mo ang lahat ng ito, Gracia! Nag-iisa na nga lang iyang anak mo, hindi mo pa maalagaan! Saan tayo kukuha ng pambayad ngayon? Palaki nang palaki ang bayarin natin habang nandito kayo!" galit na sabi ng ama.

"Huwag naman tayong magsisihan, Phil. Magtulungan na lang tayo."

"Magtulungan? Paano?"

"Kaunting sakit lang, dinala mo kaagad dito. Hindi mo muna ginamot sa bahay. Aber, saan ako kukuha ng pera?"

"Sige, sa susunod, hindi ko na siya dadalhin sa hospital. Mamatay na lang siya sa bahay, ganoon ba?"

"May namamatay ba sa hika? Naku, Gracia! Bahala ka na nga! Dito na kayo tumira. Wala na akong magagawa." Mabilis na umalis ang ama.

Nalungkot si Divino. Hindi niya alam na nahihirapan pala ang kanyang magulang sa tuwing nagpapaospital siya.

Nakita niyang nagpahid ng luha ang kanyang ina.

"Mommy, sorry po. Hindi na po ako magkakasakit. Ayaw ko na pong magpaospital."

Umiyak lang nang umiyak ang kanyang ina. Naawa siya rito. Alam niyang hindi na naman kikibuin ng daddy niya ang mommy niya. Ayaw niya rin namang tumira sa hospital, gaya ng sabi ng kanyang ama.

Kaya, simula noon, ayaw na niyang magkasakit. Ayaw na rin lalo niyang magyaya sa hospital. Nagpapaalaga na lamang siya sa kanyang ina sa bahay kapag hinahapo siya.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...