Followers

Tuesday, August 29, 2017

Ang Magkaibigang Langaw

Ang Magkaibigang Langaw

 

 

Sina Lan at Gaw ay magkaibigang langaw.

Isang araw, naisipan nilang magpahinga sa nakasabit na sandok.

"Gaw, tingnan mo ang ale," turo ni Lan sa may-ari ng karinderya. "Bugaw siya nang bugaw ng mga langaw."

"Oo nga, ayaw na ayaw niya sa mga katulad natin. Bakit kaya?" Napaisip bigla si Gaw.

"Ayaw niya sa atin kasi raw marumi tayo. Para sa kanila peste tayo," hinanakit ni Gaw.

"Hindi totoo iyan, Gaw. Halika, tingnan natin ang kanilang kusina." Hinila niya ang kaibigan at sabay silang lumipad patungo roon.

Sa ibabaw ng mga kaserola sila pumuwesto upang hindi sila makita ng mga kusinero.

Pinagmasdan nila ang mga ito gayundin ang mga kapwa nilang langaw na nanginginain sa mga sangkap katulad ng karne, isda, gulay, rekado, hipon, at iba pa.

"Lan, Lan, tingnan mo ang matabang kusinero..." tawag ni Gaw sa kaibigan.

"Hala! Ang pawis niya, tumutulo na sa kanyang niluluto. Yak, kadiri!"

"Tingnan mo ang isa," turo ni Gaw sa payat na kusinero. "Tingnan mo kung paano niya hugasan ang mga sangkap."

"Pambihira! Dugyot siya. Hindi niya hinugasan nang mabuti. Ipinatong niya lang sa lababong marumi."

Napasigaw si Gaw, nang ang matabang kusinero ay nagsimulang magprito. "Susmaryasep! Kulay tsokolate at malabo na ang mantikang kanyang ginamit."

Tinapik ni Lan ang balikat ni Gaw. "Gaw, kumamot pa sa ulo niya ang isa."

"Dali, Gaw, ang hibla ng buhok niya. Mahuhulog sa sabaw!" sigaw ni Lan.

Agad na nilipad ni Gaw ang hibla. Naisakay niya iyon sa kanyang pakpak, ngunit nabigo siyang madakma ang isa pang buhok. Kaya tuluyang nahulog iyon sa sabaw.

Nanlumo ang magkaibigang langaw sa kanilang mga namasid at natanaw.

Lumipad sila nang lumipad hanggang sa isang sanga ng puno sila napadpad.

"Ngayon, Lan, sabihin mo nga sa akin na ang katulad natin ay peste," malungkot na saad ni Gaw.

"Hindi tayo peste. Nabubuhay tayong mga langaw dahil may mga basura, may mabaho, at may marumi sa mundo ng mga tao," paliwanag ni Lan.

"Isa pa, tinutulungan natin silang ipaalam sa kanila na kailangan nilang maglinis kapag malangaw."

"Hindi tayo peste!" sabay nilang sigaw.

 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...