Followers

Tuesday, December 26, 2017

Ang Tisa ni Maestro 16

Hindi naman lahat kasiyahan ang nangyari. Dumating sa punto na kailangang masaktan ka at lumuha. May mga kaibigan ka kasing aalis at mananakit sa 'yo.
Unang umalis ay si Papang. Nang na-promote siya bilang master teacher, inilipat siya sa ibang paaralan. Palaisipan nga sa amin kung bakit, gayong may bakante pa naman sa school. Gayunpaman, wala siyang nagawa, lalo na ako. Wala pa rin naman kasing nagbago sa samahan namin. Madalas pa rin kaming nagkikita sa hideout. Tuloy ang ligaya, 'ika nga.
Nag-retire naman ang tinuturing kong ina sa school--- si Mamah. Siya lang naman ang isa sa mga nakakaunawa at sumusuporta sa kakayahan ko. Nang kahit ang principal namin ay binalewala ako, siya lang ang nariyan para palakasin ang loob ko. Wala rin naman akong magagawa. Kailangan na niyang isuko ang kanyang tisa. Matagal na siya sa serbisyo. Maraming utak na rin ang kanyang nahasa. Maraming buhay na rin ang kanyang nabago.
Malungkot lang dahil ilang taon lang kaming nagkasama. Isa pa, wala nang pumalit sa kanya bilang aking ina-inahan.
Ang hirap talagang maiwanan ng mahal mo sa buhay o ng kahit kaibigan. Kaya nga ako, hanggang maaari ay ayaw kong masyadong maging close sa mga kaibigan ko dahil nalulungkot ako kapag nagkalayo kami. Lalo na sa mga panahong iyon, solo living ako. Mag-isa sa buhay. Walang kasamang anak. Hiwalay sa asawa.
Dumating pa sa point na isang member ng 3some ay kailangang magpalipat sa kanilang bayan upang doon na magturo. Ang saklap. Ang 3some na naging 2some ay nag-iisa na lang.
Minsan, sa sobra kong kalungkutan, naitanong ko sa kanila? Ano na ang tawag sa akin?
Wholesome?
Onesome?
Hay, buhay! Lagi na lang ba akong iiwanan? Di bale, kako, "handsome" pa rin naman ako. Life goes on. Lumayo lang sila, pero hindi nakalimot o makakalimot sa mga pinagsamahan namin.
Mag-isa ako sa school. Mag-isa akong lumaban sa mga liko. Imbes na matakot ako at maduwag na kalabanin, kalampagin, at gisingin ang pusong mapag-imbot at mga utak-talangka ng aking mga kasamahan, sinige ko ang pag-post ng mga orihinal na quotes at mga akda kong tula, sanaysay, at kuwento na makakadurog sa mga puso nila. Ang intensiyon ko ay puro. Magbago sila, iyon ang hangad ko. Ngunit, hindi. Minasama pa nila ako. Pinag-initan ako. Isama pa ang inggit sa mga katawan nila.
In fact, tinanggal sa akin ang Filipino coordinatorship nang gano'n-gano'n lang. Walang pasabi. Nakakasama ng loob. Binastos nila ako.
Dahil doon, tinanggihan ko ang pagiging school paper adviser. Okay na rin iyon, at least, nakapag-publish kami ng isang issue. Nalaman nila na worthy ako sa larangan ng journalism. Okay na rin iyon dahil nakapagpokus ako sa pagsusulat.
Ibinigay naman pilit sa akin ang grade leadership para sa school year . Hindi ko nais maging leader. Since, walang tumatanggap, ako na. Pero, sabi ko, huwag silang mag-expect sa akin. Kapag hindi ko gusto ang ginagawa ko, hindi kanais-nais ang resulta nito, sabi ko pa. Isa pa, gusto kong magpakatatay sa anak ko. Sa school na kasi magki-Kinder. Iiwanan sa akin ng ina dahil siya ay mangingibang-bansa.
Nagkabalikan na pala kami. After two years...
Sa ikatlong taon ng ikaapat kong punongguro, mas lalong uminit ang pagkamanunula(t) ko. Naragdagan rin ang naiinis sa akin dahil sa mga binibitiwan kong salita, na ikinasugat ng puso nila.
Minsan, naging issue ang ulam sa In-Service Training for Teachers (INSET).
Nakalagay sa matrix na may nakalaang budget para sa pagkain. May nagtanong kung bakit wala naman kaming nakaing pinakbet at daing na bangus sa tanghalin. Kaya, nang nahawakan ko ang pirmadong matrix, naibulalas.kong "Peke ito!" Wala rin sa loob ko na sulatan iyon ng peke, gamit ang laois na hawak-hawak ko.
Nakakatawa dahil saka namang pagpasok ng principal. Narinig niya ang salitang 'peke'. Mabuti na lang, hindi niya ako kinumpronta. At, agad naman kasing nagsalita ang faculty president namin. Ayon sa kanya, peke naman talaga dahil parang limang matrix na ang umiikot at ginagamit. Hindi tuloy namin malaman kung alin doon ang tunay.
Gusto kong ipahayag na hindi maaaring gumawa ng matrix or project/program proposal, tapos hindi ipapatupad. Pirmado pa naman ng superintendent. Magiging dahilan iyon corruption dahil stated doon ang budget sa limang araw na seminar.
Sana kung walang pagkain, wala ring pekeng matrix.
Haist! Naging masama pa ako sa mata ng iilan. Gayunpaman, thankful ako dahil mas marami ang natuwa sa nangyari. Natuwa rin ako dahil kayang-kaya kong ipahayag ang nasa isip at puso ko, lalo na't nasa katuwiran ako.
Pagkalipas ng ilang araw, naka-block na ako sa FB ng dalawa kong kaguro. Nakakatuwa! Nabawasan ang mga hunghang kong kaibigan. Hindi naman inaano. Hindi naman sila ang kinakalaban ko, e. Akala siguro, malaking kawalang sila sa friend list ko.
Uminit lalo ang dila at lapis ko.
Kaya, isang mainit na summer... isa na namang kaguluhan ang kinasangkutan ko.
Summer reading class...
Mainit ang dugo sa akin ng master teacher, na kasamahan ko sa grade level. Gumawa siya ng paraan para mainis niya ang sarili niya. Hindi na nga tumulong sa paggawa ng camp, gusto pang manira ng display. Kung kailan kasi may darating na bisita, saka siya nagkandaugaga sa pagturo sa mga campers.
Pakitang-tao. Noong wala, kumukuya-kuyakoy lang siya. Dekorasyon sa school. Nagta-time in and out lang para sa certificate at service credit.
Ang masama pa, siya pa ang may ganang magdabog. Nagtapon-tapon at nagbagsak-bagsak pa naman ng monobloc chair. Tinanong ko siya kung sino ang kaaway niya. Ako pala. Hindi ako hinarap. Lumayo at nagdadaldal. Ako naman, para maunawaan niya, nagsalita ako nang malakas. Lumapit ang manugang, huwag ko raw bastusin ang nanay niya. Leche flan! Sino kaya ang bastos?
Ang dahilan pala, ang activity outputs na gusto niyang isabit sa banderitas. Awkward! Sinabihan ko raw ng pangit ang mga gawa ng  mga bata. Naging sinungaling pa ako. Samantalang ang sabi ko, "Huwag diyan. Papangit ang banderitas." May dikitan talaga ng mga output. Hindi sa banderitas isinsabit. Unang-una, mabigat.
Sumatotal... ako pa ang nag-sorry kinabukasan. Nagbati na rin kami ng manugang niya, na sinulian ko ng kandila. Ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi ko na sila babanggain. Hindi na rin ako magiging totoo sa sarili ko. I will play a game.
Simula noon, panandalian kong itinago ang aking panulat. Pinatulog ko muna si Makata O.

Paghihintay

Isang oras nang naghihintay si Sandra, kaya gusto na niyang umalis sa kinatatayuan niyang veranda ng isang magarang hotel.

Alumpihit na lalapitan ni Ronnel ang dalaga, kaya lang ay nagsimula nang magkislapan sa himpapawid ang fireworks at sabay nilang pinagmasdan ang mga salitang nabuo nito.


"Will you marry me, Sandra?" usal ni Ronnel, sabay talikod bago pa siya maabutan ni Alex ---ang tunay na mahal ni Sandra. 

Thursday, December 21, 2017

Aswang ang Lola Ko

Aswang ang Lola Ko

Noong unang gabi namin sa bahay ni Lola Pura, hindi ako makatulog. May kakaibang ingay akong naririnig sa labas. Parang may taong sumisilip sa bintana o hayop na nag-aabang sa labas.

Nagsumiksik ako sa tabi ng kapatid ko, pero hindi pa rin ako makatulog. Naiisip kong ang hugis-tao, ngunit parang ibong nasa paligid lang namin.

Kinabukasan, habang naghahain ng almusal si Lola Pura, pinagmasdan ko siya. Gusto ko sanang itanong kong may naririnig siyang kakaibang tunog. Hindi ko na lang siya tinanong dahil matapang siya kung tumitig. Naisip kong baka singhalan niya ako. Hindi siya madalas magsalita. Hindi ko siya kayang tingnan nang matagal. Pakiramdam ko, ayaw niyang makituloy kami pansamantala sa bahay nila.

"Kuya Nono, narinig mo ba kagabi ang ingay sa labas? Parang may tao," tanong ko, nang matapos kaming kumain.

Nasa kuwarto kaming magkapatid.

"Hindi. Nakatulog ako agad. Pagod tayo sa biyahe, e. Ano ba 'yon?"

"A, wala... Baka guniguni ko lang."

"Sige na, maghanap ka na ng damit mo. Ligo na tayo," utos ni Kuya Nono.

Agad akong tumalima.

Mayamaya, nahulog mula sa bulsa ng salawal ko ang piso. Gumulong iyon hanggang lumusot sa uwang ng tablang sahig ng aming higaan. Kitang-kita naming magkapatid kung paanong biglang nawala ang barya.

"Sayang 'yon!" Sumilip ako sa uwang, pero kadiliman lang ang nakita ko. "Kuya, ano kaya ang meron sa ilalim nito?"

Umiling lang si Kuya Nono saka lumabas. Nagpaiwan ako. Gusto ko kasing tuklasin ang sagot sa tanong ko.

Napansin kong hindi nakapako ang isang tabla, kaya inangat ko iyon. Napaurong ako nang isang parang balong malalim ang ilalim ng higaan namin. Naibagsak ko ang tabla.

"Kaya pala kagabi, para akong nakalutang sa hangin," sabi ko sa sarili ko.

Tumakbo ako palabas ng kuwarto. Paghawi ko ng nangingitim na kurtina, lumukso ang puso ko dahil nasa harapan ko na si Lola Pura. Nakalugay ang mahaba at maputi niyang buhok. Makasalubong ang mga kilay niya. Pinandilatan niya ako.

"Ano 'yon?" tanong ni Lola Pura.

"W-wala po." Umiwas ako sa tingin niya, at lumabas na ako pagkatapos.

Sa halip na sa ilog ako makarating para maligo, sa bahay ng aking mga pinsan ako napadpad.

"O, bakit namumutla ka?" tanong ni Ogie, ang panganay.

Tawa naman nang tawa si Buddy. "Nakakita ka ba ng aswang?"

Tumayo ang mga balahibo ko sa tanong ni Buddy. Tama yata ang hinala kong aswang si Lola Pura.

"Kuya Kulas, nakatikim ka na ba ng luto ni Lola?" nakangisi namang tanong ni Herbert, ang bunso.

Sabay-sabay na nagtawanan ang magkakapatid, kaya lalo akong natakot.

"Saan ba ang ilog dito?" Nanginginig ang boses ko.

"Doon," turo ni Buddy sa ibaba ng kanilang bahay.

Gusto ko sanang magpasama sa kanila, kaya lang baka tuksuhin nila akong duwag.

Naligaw ako sa paghahanap ng ilog. Kung saan-saang masusukal na bahagi ng kakahuyan ako nadako. Sigaw ako nang sigaw, pero walang nakakarinig sa akin.

Matindi na ang sikat ng araw nang makita ko ang pampang ng ilog. Pero, sa halip na si Kuya Nono ang naabutan ko, si Lola Pura ang natanaw ko.

Gusto kong mapaurong nang makita kong nakaluhod siya sa may harap ng tubig. Parang may dinudukwang siya. Sa tingin ko, may ginagawa siya sa kanyang mahabang buhok.

Nagulat ako nang bigla siyang luminga sa akin. Nagtama ang mga paningin namin. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Parang nagtayuan ang mga buhok niya.

Napatakbo ako palayo. Halos madapa at matumba ako sa pagkaripas ko ng takbo pabalik.

Naisip kong makitira na lang sa mga pinsan ko, habang wala pa ang mga magulang namin ni Kuya Nono.

Hangos akong dumating sa bahay ng mga pinsan ko. Naroon na si Kuya Nono. Bagong ligo na siya.

"Saan ka ba nanggaling? Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit naliligo ka sa pawis?" tanong ng kuya ko.

Halos gusto nang matawa ng mga pinsan namin. Siguro dahil hindi ako agad makapagsalita dahil sa hingal ko.

"Nakakita ka ba ng multo?" nakangiting tanong ni Buddy.

"Hindi multo... As.. Aswang!" Sa wakas, nakapagsalita na ako.

Naghagalpakan ang mga pinsan at kapatid ko.

"Ang aga-aga, may aswang," ani Kuya Nono. Nakipag-apir pa siya kay Buddy.

"Si Lola..." Hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil lalong lumakas ang tawanan nila.

Pagsapit ng tanghali, hindi ako umuwi sa bahay ng lola at lolo namin. Ayaw kong kumain ng luto niya. Naalala ko kasi ang karne ng baboy na inihain niya sa amin ni Kuya Nono kagabi. Ang lambot ng karne. Parang niluto sa malapot na malapot na laway. Nang kinain ko, masarap naman, pero kakaiba ang pagkaluto at hitsura niyon. Ang liliit ng pagkahiwa. Naisip ko tuloy na laman ng tao ang ipinakain sa amin.

Kahit mahapdi na ang sikmura ko, hindi talaga ako umuwi. Nanguha na lang ako ng bayabas sa may tabing ilog.

Inabutan ako doon ng alas-kuwatro ng hapon. Nag-alala ako dahil malapit nang gumabi. Wala akong magagawa kundi ang matulog pa rin sa kuwarto ng mga lolo at lola ko.

Pumunta ako sa sentro ng baryo. Gusto ko kasi sa mga mataong lugar.

"Ikaw ba ang apo ni Lola Pura?" tanong sa akin ng ale. May bitbit siyang malaki-laking isdang tulingan.

"Opo." Tiningnan ko siya. Naisip kong baka may sasabihin siya. Hindi nga ako nagkamali.

"Ang tanda na ng lola mo... Ang lakas pa rin. Parang aswang!" Tinalikuran na niya ako pagkatapos.

Sa umpukan ng mga tatay sa isang sari-sari store, narinig ko ang usapan nila. Tungkol iyon sa naririnig nilang kaluskos sa kanilang bubungan at silong. Naulinigan ko rin ang salitang 'aswang.'

Lalo akong natakot umuwi, kaya lang, mahapdi na ang sikmura ko.

Mabuti nga't pinakain ako ng tiyo at tiyo ko. Tiyempo kasing naghahapunan sila nang dumating ako sa kanila.

Madilim na nang pumasok ako sa bahay ni Lola Pura.

Nasalubong ko siya sa may sala. Hawak niya ang gasera.

Napaurong ako dahil galit na nakatitig sa akin si Lola Pura.

"Saan ka galing, Kulas? Maghapon kang wala," galit niyang tanong.

"Po? Kina Buddy po... Kumain na po ako."

"Aba, kung ganyan ka lagi, baka kainin ka ng aswang diyan sa labas."

Tumayo ang mga balahibo ko sa katawan.

"Dapat bago mag-alas-sais ng gabi, narito ka na." Matigas ang pagkakasabi niyon ni Lola Pura.

"Opo." Agad akong pumasok sa kuwarto. Wala roon si Kuya Nono. Siya siguro ang naririnig kong naghuhugas ng mga plato sa kusina.

Umubo ang lolo ko sa kanilang kuwarto, na katabi lamang ng aming kuwarto. Naisip ko, "Aswang din kaya siya?" Lalong akong natakot pagkatapos.

Pangalawang gabi ko sa bahay ni Lola Pura. Tulad noong unang gabi, hindi rin ako makatulog. Naririnig ko ulit ang mga narinig ko.

Pero, dahil sa pagod, nakatulog rin ako.
Alas-siyete na nga nang bumangon ako.
Binati ako ni Lolo Ben. Kahit wala na siyang ngipin, simpatiko pa rin siya. Hindi siya nakakatakot dahil maamo ang kanyang mukha.

Hinainan niya ako ng almusal --mainit na kapeng barako at nilagang saging.

"Gusto mo nito?" Ipinasilip niya sa akin ang laman ng nangingitim sa uling na kaldero.

Parang akong masusuka nang makita ko ang parang nilawayang karne.

"Hindi na po. Tama na po ito," tanggi ko.

Tahimik kong tinapos ang aking pag-aalmusal. Naisip kong baka nasa ilog si Lola Pura, kaya hindi ko naririnig ang masungit niyang boses.

Sinamantala ko ang pagkakataon na makausap si Lolo Ben. "Totoo po ba ang aswang?" tanong ko.

Napangiti ang lolo ko. "Ewan ko. Hindi pa ako nakakita."

"Si Lola po..."

Noon ko lang narinig ang tawa niya. Ang cute niya!

"Hindi aswang ang lola mo. Marami ang nagsasabi sa baryong ito na aswang nga siya, pero... kanino ka maniniwala, sa akin o sa kanila?"

Parang napahiya ako. "Kasi po..." Sinabi kong lahat-lahat ang mga nakita at naramdaman ko.

Tumawa muna si Lolo Ben, bago nagsalita. "Kuliglig ang tawag sa mga insektong naririnig mo kapag gabi... Mayroon ding kuwago sa paligid. Nakakatakot din ang iyak niya, kaya akala mo'y may aswang... Gerilya ako dati. Ang bahay na ito ay pinalagyan namin ng underground para diyan magtago si Lola Pura mo kapag may paparating na mga Hapones. Diyan din namin iniimbak ang mga pagkain namin dahil kinukuha nila."

Unti-unti na akong nakukumbinsi ng kuwento ni Lolo Ben.

"Ang ulam sa kaldero ay pinalambot nang husto ng lola mo para hindi ako mahirapang ngumuya," patuloy na kuwento ng lolo ko.

Napangiti ako. Ang cute niya kasi.

"Ang nakita mo naman sa ilog, ang lola mo iyon. Ganoon siya maghugas ng ulo at buhok niya. Hindi siya galit. Natural sa kanya ang magkasalubong ang mga kilay at masakit kung tumitig. Ang boses niya ay nakakatakot. Sanay kasi siyang magalit sa mga pinsan mo, lalo na kapag umaakyat at nangunguha ng mga hilaw pang bunga ng mga puno."

Napatango-tango ako.

"Akala rin ng mga tao rito, aswang ang lola mo. Pero, kung aswang ba siya, buhay pa kaya ako ngayon?"

"Hindi na po."

"Ibig sabihin, guniguni at haka-haka lang iyon. Ang tao ay sadyang mapanghusga. Ang panlabas na anyo lamang ang ating nakikita... Mabait ang lola mo. Mahal na mahal niya tayo."

Kumbinsido na akong hindi aswang si Lola Pura.

Si Abdul

Isang umaga, dumating si Abdul at kanyang ina sa silid aralan ng Kinder-Asul.


"Magandang umaga po, Bb. Galang!" bati ng ina. 


Nahihiya ring bumati si Abdul sa guro. Siya ay nakayuko.


"Ililipat ko na po siya sa Marawi dahil lagi po siyang umiiyak kapag umuuwi," sabi ng ina. 


"Naku, Misis, ako na po ang humihingi ng pasensiya. Hindi po siya nagsusumbong sa akin." 


"Kahapon niya lang din po ipinagtapat sa akin."


Hinarap ni Bb. Galang ang kanyang mga mag-aaral. "Totoo ba ang sinasabi ni Abdul? Magtapat kayo."


"Opo. Kakaiba po kasi ang mga ginagawa niya," pag-aamin ni Christian. 


"Hindi po siya kumakain ng mga pagkaing ibinibigay namin sa kanya," sabi naman ni Lita.


"Si Allah raw po ang sinasamba nila at Koran ang kanilang Bibliya," turan ni Andrea.


"Hindi po namin siya maintindihan. Kakaiba po siya, kaya hindi na namin siya pinapansin," sabi ni Lorna.


“May sinasabi rin po siya sa amin. Hindi raw po sila kumakain kapag Ramadan,” kuwento ni Eddie. Eid-al-Fitr 


“Eid-al-Fitr ang tawag doon, Eddie. Ito ang pagtatapos ng pag-aayuno at pananalangin,” paliwanag ng guro.


"Si Abdul ay Muslim. Marami man silang tradisyon at kultura, na iba sa mga katulad nating Kristiyano, siya ay katulad natin-- isang Pilipino.


"Sorry po. Naunawaan na po namin," sabi ni Christian. "Abdul, huwag ka nang lumipat. Dito ka na lang uli mag-aral."


Humingi ng tawad ang mga kaklase ni Abdul. Nakipagkamay siya sa kanila.


Simula noon, kaibigan na ang turing nila kay Abdul.

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...