Hindi Ako Mahal ni Mama
Mahal na mahal ko ang aking ina, pero
hindi niya ako minahal.
“Lauro, kunin mo ang isang walis
tingting. Tulungan mo akong maglinis sa bakuran natin,” madalas sabi niya
tuwing umaga.
“Lauro, hugasan mo ang mga plato,”
utos niya tuwing matatapos kaming kumain.
“Lauro, tama na ang laro. Matulog na
tayo.” Tuwing hapon, iyan ang sabi ng nanay ko.
“Lauro, tulungan mo ako. Magtiklop
tayo ng mga nilabhan ko,” sabi ni Mama sa akin pagkatapos akong patulugin.
“Lauro, halika rito, tumingin ka sa
niluluto ko,” yaya niya sa akin.
“Lauro, maghain ka na’t kakain na
tayo,” utos na naman niya pagkatapos niyang magluto.
“Lauro, ikaw na ang maghugas ng mga
plato. May iuutos kasi ako sa kuya mo.”
Nagtatampo na talaga ako. Lagi na
lang kasi ako. Ako. Ako. At, ako!
Minsan pa nga, tinawag niya ako para
tulungan siyang maglaba. Mabuti na lang, natuwa ako sa mga bula.
Lalo akong nalungkot nang isinilang
si Laura.
“Lauro, bantayan mo ang kapatid mo,”
utos ng Mama ko.
“Lauro, ipagtimpla mo nga ng gatas si
Laura,” utos pa niya.
“Lauro, palitan mo ang lampin ni
Baby,” ang kanyang sabi.
“Lauro, iugoy mo naman ang duyan ni
Bunso,” untag pa ng nanay ko.
“Lauro, dahan-dahan naman sa pagbuhat
kay Laura. Mahina pa ang kanyang mga buto,” paalala niya sa akin.
Mabilis lumaki ang bunso kong
kapatid. Mas lalo ring dumami ang aking mga gawain.
“Lauro, napakain mo na ba ang kapatid
mo?” tanong ng ina ko.
“Lauro, huwag mawawala ang tingin mo
kay Laura,” aniya, kaya hindi na ako makapaglaro.
Nakakainis talaga. Hindi na ako
makapaglaro. Sunod-sunod ang utos niya. Samantalang, hindi naman niya maasahan
si Kuya.
“Lauro, paliguan mo na si Bunso.”
“Lauro, palitan mo ang bestida ni
Laura.”
“Lauro, suklayan mo naman ang kapatid
mo.”
“Lauro, ‘di mo yata nilagyan ng
pulbos ang likod ni Laura.”
“Lauro, nasaan ang kapatid mo?”
“Lauro, mahalin mo nang husto ang
kapatid mo,” minsang sabi ni Mama sa akin.
Mahal na mahal ko ang bunso kong
kapatid. Naramdaman ko rin ang pagmamahal sa akin ni Laura kahit hindi pa siya
gaanong makapagsalita. Pero, hindi ko naramdaman ang pagmamahal sa akin ni
Mama.
Isang araw, malungkot na nagpaalam si
Mama sa amin. Isa-isa niya kaming niyakap.
Lihim akong natuwa dahil sa wakas
makakapagpahinga na ako sa mga utos niya. Masaya ako dahil sa palagay ko,
makakalaya na ako sa mga gawain sa bahay.
“Lauro, ikaw na ang bahala kay
Laura,” bilin pa sa akin ni Mama.
“Po?” gulat
kong tanong sa aking ina.
“Naturuan na
kitang maging responsableng kuya, kaya tiwala akong maaalagaan mo si Laura.” Tinapik
pa ako ni Mama, saka tumulo ang aking luha. “Tinuruan ko na kayo ng kuya mo na
gampanan ang mga responsibilidad isang ama at ina.”
Nakita kong
malungkot si Kuya.
“Kailangan
mo pa po bang magtrabaho sa ibang bansa?” tanong ko kay Mama.
Tumango si
Mama. Naluluha na rin siya. “Kailangan, anak, para maibigay ko ang mga
pangangailangan ninyong magkakapatid, na hindi naibigay ng inyong ama.”
Noon din,
naunawaan ko na si Mama. Mahal na mahal niya pala kaming magkakapatid. Mahal
niya pala ako, kaya niya ako tinuruan ng mga gawaing bahay.
No comments:
Post a Comment