Followers

Friday, December 1, 2017

Ang Aking Journal -- Disyembre, 2017

Disyembre 1, 2017 Pasado alas-singko nasa Baguio na kami. Nag-arroz caldo muna kami bago pumunta sa transient house namin. Hindi naman kami nakapagpahinga dahil after ng isang oras na pag-entertain sa amin ng landlady, pumunta na kami sa venue ng seminar. Doon na rin kami inabutan ng gutom. Mula roon, nabigo kami sa unang itinerary namin. Hindi kami pumasok sa Tam-awan Village dahil mahal ang entrance fee at mataas. Ayaw umakyat ng mga kasama ko. After niyon, nabugi na naman kami sa Bell Church. Nag-lunch break ang mga empleyado, kaya nagsara muna sila. Sa Strawberry farm kami dumiretso. Kahit paano, nasulit namin ang pasyal. Doon na rin kami kumain. Bumalik kami sa Bell Church. Nakapasok na kami. Nag-enjoy rin kami sa groupies namin. Babalik sana kami sa venue ng seminar, kaya lang nahirapan kaming mag-abang ng taxi. Past 2, napagdesisyunan naming umuwi na lang. Umidlip ako. Kahit paano, nabawi ko ang pagod at puyat ko. Nakakatuwa lang ang landlady dahil ipinagluto kami. Masarap din ang leche flan at relyenong bangus niya. Gusto ko pa sanang mag-night market, kaso kami lang yata ni Ma'am Bel ang willing umalis. Napagod din sila, lalo na't kulang kami sa tulog kagabi. Okay lang naman. Disyembre 2, 2017 Ang lamig sa madaling araw. Sumakit ang likod ko. Pero, thanks God dahil nakatulog ako nang mahaba-mahaba. Ang sarap naman ng almusal namin. Pinaghanda kami ng landlady. Andami kong nakain. Ang saya pa ng kuwentuhan pagkatapos. Inabot kami ng past 10 am, saka kami nakaalis. Ang itineraries namin ngayon: 456 Restaurant, Good Shepherd, Botanical Garden, at Burnham Park. Hindi naman namin nahintay ang night market dahil nilamig na kami at nagutom. Gayunpaman, sulit na ang 2nd day namin. Disyembre 3, 2017 Past 6 nang magising ako. Nakatulog ako kagabi nang maaga at maayos after ng masaganang hapunan. Pagkatapos ng masaya at masaganang almusal, nagpabili kami sa landlady at sa partner niya ng mga pampasalubong, habang inihahanda naman namin ang mga gamit namin. Naiayos ko na rin sa malaking plastic bag ang pine tree, na ibinigay sa akin ni Ate Mackie. Tuwang-tuwa ako dahil ako ang agad na nakasagot nang nagtanong kung sino ang gusto. Nilutuan pa kami ng lunch bago kami bumiyahe. Mapalad kami sa nakuha naming transient house. Masarap na magluto, hindi pa abusado sa presyo. At home talaga kami. Nang nasa bus na kami, pinost na niya ang picture namin. Ang ganda ng caption niya. Natagpuan niya ang real friendship sa amin. Though, alam kong may business side doon, mas malaki pa rin ang portion ng happiness na naramdaman niya habang kasalo namin sila. Extraordrinary experience! Before 10, nasa bahay na ako. Pagod at puyat, pero masaya ako. May naiuwi akong pasalubong sa aking mag-ina. Mayroon ding souvenir ng Baguio. Isa na rito ang pine tree na ibo-bonsai ko. Sulit ang gastos! Disyembre 4, 2017 Excited akong harapin ang pine tree ko, kaya maaga akong nag-gardening. Umaasa akong mabubuhay siya nang matagal. Plano kong bonsai-yin si Piny. Kahit mainit ang panahon, sinikap kong makatulog after lunch. Dalawang oras din akong nakaidlip. Bawi ko na ang puyat ko. Halos kay Piny na sentro ang atensiyon ko maghapon. Nakapag-dish garden din ako sa ilalim niya. At, nakapagbilad ng mga buto ng mga halamang nakuha ko sa botanical garden. Gabi ko na nagawa ang school works ko. Disyembre 5, 2017 Wala pa ring pormal na klase. Kulang ang mga teachers. May absent. May nasa palaro. Kaya naman, hindi kami nakapagpalitan ng klase. Okay lang naman sa akin. Nagturo at nagpa-group work ako sa tatlong subjects ko sa VI-Topaz. Buong araw iyon. Enjoy naman sila. And, I'm sure, natuto sila sa kanilang sariling efforts. Tama ang nabasa ko: "Don't teach the children what to think. Teach them how to think." Pinatawag ako ng principal. Ni-remind ako tungkol sa annual report at school paper. Hindi ko talaga siya kayang hindian. Gusto ko pa rin siyang tulungan, kahit ayaw ng iba. Natulungan ko rin si Chealsey, na kumuha ng Good Moral Certificate. Nag-issue na rin ako ng Form 138 at napa-certify ko na. Chinat kasi ako ng Mommy niya kagabi. Hindi ko rin kayang i-disappoint, lalo na't kailangan na niyang mag-exam sa Manila Science High School. After class, umuwi agad ako. Naghanda ako ng IM's at iba pang ipapasang report. Hindi naman natuloy si Epr. Makikituloy raw siya, kaso sa katrabaho na lang niya siya makikitulog habang naglalakad ng papeles pa-abroad. Natanggap ko na rin pala ang copy ng "Story of Life." Disyembre 6, 2017 Nagpalitan na kami ng klase. Kaya lang, naubos ang oras ng adviser ng Aquamarine sa kanilang recess. Hindi ko sila naturuan. Naipadikit ko lang ang visual aids ko para makopya nila habang nagre-recess. Nainis ako nang nagpa-meeting pa tungkol sa ERP. Bukas na raw ang evaluation. Masyado na akong cramming. Hindi ko na matapos-tapos ang school paper at annual report. Past 3 na ako umuwi. Kahit paano ay may nagawa ako para sa annual report. I doubt na aabot iyon sa due date na December 22. Nainis pa ako kay Emily pag-uwi ko. Rereklamuhan pa ako ng pagod niya. Masyado kasi siyang nagpapaalila sa kapitbahay. Hindi naman niya obligasyong bantayan ang anak. Tapos, sa akin dadaing. Ako nga, never na dumaing sa kanya. Siya kaya ang bumiyahe umaga't hapon nang malaman niya. Siya rin kaya ang mag-handle ng mga klase. Hindi pa nakuntento, pinilit pang magpa-tutor si Bubot. Hindi man lang naisip na ayaw nga, dahil hindi makabayad. Hindi rin ako inisip na baka may ginagawa akong learning materials, na siyang priority ko. Bad trip! Nakaka-bad trip talaga. Disyembre 7, 2017 Wala na namang palitan ng klase dahil absent ang isang adviser. Ni-prorate ang mga estudyante niya. Ako naman, hindi tumanggap ng dahil wala naman akong turo sa kanila. Isa pa, magugulo lang ang klase ko, lalo na't may groupwork na sila. Enjoy na enjoy sila sa pagsusunod-sunod at pagpapangalan sa mga pictures ng mga naging pangulo ng Pilipinas. Hinayaan ko silang mag-isip at magdesisyon. Effective naman kasi talaga. Nakapag-almusal pa ako habang gumagawa sila. Sa Filipino 6, nagbasa ako ng akda ko, bilang springboard sa aralin namin. Natuwa sila. Nakakainis lang dahil apektado sila sa temporary-ng regulations like bawal dumaan sa ganyan, sa ganito; bawal umihi nang sabay ang dalawang lalaki; at iba pa. Nakakainis! May bisita lang, kailangan talagang magpahipokrito. Hindi na lang gawin ang kinagawian. Ano na lang ang iisipin ng mga estudyante? Ayaw ko talaga ng plastik at hypocrite! Kaya, habang naghihintay ng oras ng pag-time out, gumawa-gawa muna ako mg annual report. Tumakas ako nang 1:30 na. Kailangan daw ang mga ERP team, habang may bisita at evaluation ng project. Diyos ko po! Mabuti sana kung may overtime pay! Wala, e! May maririnig pa ako kapag nagpameryenda siya. Sobrang antok at pagod ko nang dumating ako. Umidlip ako. It was past 4:30 nang bumangon ako para magmeryenda at mag-print ng summative test sa AP6. Hindi ko muna pinansin si Emily. Kaya naman, nakapag-print din ako ng certificate para sa mga perfect attendance awardees. Disyembre 8, 2017 Kakaunti lang ang pumasok sa klase ko. Mga 27/44 lang yata. Gayunpaman, itinuloy ko ang pagbibigay ng summative test. Tapos, nagpa-group activities ako. Enjoy na enjoy at game na game sila. Walang palitan ng klase. Tig-kakaunti lang kasi ang estudyante namin. After class, kinausap ko si Ma'am Dang. Sinabi kong tanggalin na nila ako sa CIP team para magawa ko ang annual report at school paper. Or else tatlong tasks ang hindi ko magagawa. Umuwi ako before 2 pm. Pagdating ko, umidlip ako. Sinabayan ako ng mag-ina ko kaya past five na kami nagising at nagmeryenda. In-overtime ko naman ang paggawa ng Form 138. Issuance na kasi bukas. Na-identify ko na rin ang 16 na academic achievers, na ipre-present ko sa HPTA meeting. Disyembre 9, 2017 Mas maaga pang umalis si Emily kaysa sa akin dahil kailangan niyang sunduin sa bus terminal ang biyenan ko, si Nanay Mila. Dahil hindi niya kasama si Zillion, hindi ako agad nakaalis. Pinagluto mo muna siya ng almusal. Sabay kaming kumain. Maliwanag na nang umalis ako. Late ako ng almost 30 minutes. Nakaka-inspire talagang mag-aral. Ang sarap makipagtalakayan. Kaya lang, parang hindi pa ako ready kanina. Before 12, nasa school na ako. Pinaghandaan ko ang HPTA meeting at bigayan ng card. More than half ng klase ko ang dumating na parents at guardians. Gayunpaman, tuloy ang meeting. Successful naman. Nasabi kong lahat ang mga naihanda kong sasabihin. Past five, nasa CUP na ako para sa second at last period ng masteral class ko. Nagbigayan lang ng reports. Nakuwentuhan. Before six, uwian na. Inabot naman ako ng traffic. Past 8 na ako dumating sa bahay. Masaya akong sinalubong ni Zillion. Nagpapakitang-gilas sa lola niya. Disyembre 10, 2017 Natatawa ako sa kapitbahay kong may pagkabading. Nagpaparinig. Obvious na apektado siya sa hindi ko pagpansin sa kanya. Bakit kasi namimilit siyang kaibiganin ko siya? Masama nga raa ang ugali ko. E, siya ano? Gumagawa ng kuwento. Kunwari may kausap sa cellphone. E, halos siya lang naman ang nagsasalita. Monolugue?! Tsismoso kasi siya, kaya ayaw ko siyang kausap at kaibigan. Maglaway siya sa akin. Besides, hindi rin ako apektado kung magalit siya sa akin. Hangga't mayabang siya at hangga't akala niya makukuha niya lahat ng atensiyon ng kapitbahay niya, hindi ako lalapit sa kanya. Masyado akong busy para sa tsismisang gusto niya. Nainis rin ako sa principal. Heto ang chat niya: Pls dont forget GAD, SC Activities, my AP also counts, scouting red cross as well. I hope by Dec 15 the draft is ready na thanks and happy working. Heto naman ang reply ko: Im sorry to say this: Parang hindi aabot. 10% palang po. Hindi ko mabigyan ng 100% focus. Andami ko rin pong responsibilities. Sunday na lang po ang pahinga ko, gawa ng masteral class ko. Paano ako pag Monday-Friday? Ni wala nga akong hawak na mga pictures mula sa mga coordinators. Ako po ba lahat? Parang hahanapin ko pa at idadownload isa-isa ang pictures ng mga activities nila. Ang hawak ko lang po ay ang sa INSET. Need pa ng list ng nga seminars and workshops. Mag-iisip pa po ng mga suitable words. Kahit po si Superman, hindi po kakayanin ang deadline. Dead po talaga ako nito. Sagot niya, Froilan don't be negative it doesn't mean to say na if I gave u the responsibility lahat sa iyo, u gather data fr coors, if anu png di natapos by 15 I will check it, Tomorrow I will call the OIC in charge to meet all the subject coors to provide u all the data u need. Sagot ko naman, That's great, Ma'am. I thought layouting lang ang task ko. It turned out na pati data gathering and documentation pa pala. May task pa po ako daily sa advisory class ko. Hindi po pwede ma-compromise iyon because that is really my task. Now, if they can supply me with the data, I can assure you of an annual report on Dec. 22. Sige. Hihintayin ko ang data, na galing sa mga coordinators. Disyembre 11, 2017 Nagsawa sa groupwork ang mga pupils ko, pero alam kong enjoy na enjoy sila. Pagaling sila nang pagaling. After class, nagpa-meeting ang mga MTs tungkol sa annual accomplishment na ipinagagawa sa akin ng principal. Ipinatawag ang mga coordinators para humingi ng narrative report ng kanilang activities. Nabawasan ako ng pasanin. Naramdaman kong game silang tumulong. Ngayong araw, dalawang problema ang naging bahagi ng buhay ko. Una, ang problema ng mag-aama. Estudyante ko ang isa. Nagpaalam silang lilipat na ng school dahil iniwanan sila ng ilaw ng tahanan. Third party ang dahilan. Naiiyak pa ang ama habang kaharap ako. Nakita ko ang sarili ko sa kanya. Pinayuhan ko siyang maging matatag. Sabi ko pa, mapalad siya sapagkat nasa kanya ang dalawa nilang anak. Pangalawa, ang lola ng estudyante kong nagpakita ng ari sa dalawa niyang kaklase, kaya nakita ng tindera sa kalye. Very cool naman ang lola. Masarap siyang kausap. Very witty kasi siya. Open-minded pa. Past 4, nasa bahay na ako. Umidlip ako after kong magkape. Then, before dinner, hinarap ko ang LET reviewer ni Emily. Na-excite akong sagutan iyon at turuan siya. Kung marami nga lang akong time... Kaso, may seminar na naman ako bukas sa Pansol, Laguna. Disyembre 12, 2017 Maaga naman akong nakarating sa DO, pero nahuli kami ng pagbiyahe patungo sa Blusyl Resort, Pansol, Laguna. Na-late kasi si Ma'am Edith. Hindi agad kami nakasakay sa coaster ng Pasay. Hindi pa puwedeng gamitin ang L300 na isa dahil basag ang windshield. Pinaghintay kami ng two hours bago kami pinag-commute. Past nine na kami nakarating sa venue. Okay lang naman. Hindi naman kaagad sila nagsimula. Naabutan pa namin ang energizer nila. Nag-enjoy naman ako sa servant leadership training. Medyo awkward lang dahil hindi ko halos sila kakilala. Mangilan-ngilan lang ang nakasama ko dati sa mga seminar, training o workshop. Nahiya ako nang nag-groupings na. Namili pa ako ng bilang. Hindi ko kasi narinig na up to 8 lang. Nag-nine pa ako. Nang-ookray pa naman resource speaker. Haist! Gayunpaman, marami akong napulot. Nakaka-enjoy rin naman ang nga activities niya. Maaari kong ma-adapt ang mga iyon para sa aking mga klase. Natulog ako nang maaga. Hindi na ako nag-swimming at sumali sa socialization. Disyembre 13, 2017 Kahit paano naging maayos ang tulog ko, sa kabila ng kawalan ng kumot at aircon sa room naming mga boys. Mabuti na lang ay nakatapat ang higaan ko sa bintana, kaya nabuksan ko iyon para pumasok ang hangin. Medyo maingay lang ang mga kasamahan ko. Labas-masok at patay-sindi ngbilaw. Nakakaistorbo ng tulog. Gayunpaman, okay na iyon kaysa sa wala talagang tulog. Naging maayos din ang ikalawang araw ng seminar-training. Past 4 na kami nakatapos. Nakakapagod, pero masaya akong umuwi. Before 8, nasa bahay na ako. Disyembre 14, 2017 Sinimulan kong tanggapin sa puso ko ang gawaing iniatang sa akin ng principal. Kahit mahirap at kahit hindi na ako magkandaugaga, positibo pa rin akong matatapos ko ito. Kahit hindi pa nagpasa ang iba ng narrative report, okay lang sa akin. Since, sabi niya naman na huwag aking maging negative. Naisingit ko pa rin ang pagtuturo. Past five na ako nakaalis sa school. Marami naman akong na-accomplish ngayong araw. Kasama na rito ang pagsasayos ko ng teacher's table at ang pag-i-install ko ng Office sa desktop. Malaki ang maitutulong niyon sa mga gawain ko. Salamat sa CD ni Sir Joel K! Disyembre 15, 2017 Dumating na ang principal mula sa ilang araw na seminar, pero hindi man lang niya kinumusta ang annual accomplishment report na pinagagawa niya sa akin. Pinalapit niya lang sa akin si Papang. May ikunuwento pa nga. Naisip ko, guilty siya. Anyways, hinarap ko naman ang report niya kahit nagkaklase pa ako. Hindi ko nga lang matapos-tapos dahil kulang sa oras. Isa pa, hindi naman naibigay sa akin ang lahat ng narrative report mula sa mga school coordinators. Nag-overtime pa ako. Pagdating sa bahay, haggard na ako. Hindi ko naman naharap kasi ang inuna ko ay ang mga assignments ko sa masteral. Disyembre 16, 2017 Maaga akong nakarating sa school. Nakain ko pa ang kakaning binili ko sa Tanza at ang ubas na baon ko. Naging makabuluhan ang first period ko. Marami akong natutuhan. After class, pumunta ako sa school. Naglinis ako ng classroom ko. General cleaning iyon, pero hindi ko natapos. Itinabi ko muna ang mga kapapelan. Babawasan ko na kasi. Itatapon ko na ang mga dapat itapon. Past 4, bumalik na ako sa CUP para sa last period ko. Nakinig lang ako sa mga reporters. Wala ako sa mood makipagtalakayan. Napagod ako nang husto sa paglilinis. Na-traffic ako, kaya past 9:30 na ako nakauwi. Nalipasan na ako ng gutom. Hindi ako nakakain nang maayos at sapat. Disyembre 17, 2017 Sobrang lamig ng umaga, kaya halos hindi rin ako nakatulog nang maayos. Gayunpaman, sinimulan ko nang masigla ang araw ko. Nag-almusal akong kasalo sila. Nag-gardening. Nagluto ng pananghalian. Naglinis sa kuwarto. After lunch, saka ko hinarap ang mga tasks ko sa school. Pinagsasabay ko ang annual report at school paper. Before 3, dumating ang mga pinsan ni Emily na sina Ate Jovy at Ate Mercy. May dala silang palabok, cake, at softdrinks. Kahit nahihiya ako, humarap ako sa kanila lalo na't maayos naman silang kaharap. Nagustuhan nga nila ang bahay at garden namin. Past 4 sila umalis. Nagmeryenda uli kami. Blessed din sina Ion, Laly, at Nanay. May mga aguinaldo sila galing sa mga bisita. Pagkatapos, saka ko uli hinarap ang mga trabaho ko. Namalayan ko na lang na gabi na at kailangan nang maghapunan. Haist! Parang ang bilis ng araw. Pasukan na naman. Disyembre 18, 2017 Umaga pa lang, nainis na ako sa ingay ng advisory ko. Malaki talaga ang epekto kapag wala ang student-leader ko. Absent siya. Na-stress talaga ako sa annual accomplishment report ng principal. Andami pang hindi nag-submit ng kanilang narrative reports at photos. Hindi ko matapos-tapos. Natuwa na sana ako dahil may mga nagpapasa pa, kaya lang nainis lalo ako nang malaman kong nakasara ang Learning Resource Center. Kailangan kong mapiktyuran. Kailangan ko ring magamit sa klase ko habang may ginagawa. Ang nangyari... isinauli ko ang mga binayad ng pupils ko para sa pagkain sa Christmas party. Hindi ako nagalit. Gusto kong ma-realize nilang wala silang disiplina. Konektado rin iyon sa isyu ng nakasarang LRC. Sabi ko nga kay Ma'am Anne, "Pang-display lang pala 'yon!" Naisip ko pa, kaya nila tinanggap ang offer ng Jollibee ay dahil kailangan ng tv monitor sa LRC. Tapos, hindi naman nila ipapagamit sa teachers at pupils. Masisira lang dahil nakaistambay. Haist! Utak-ipis. Past 1:30, umuwi na ako. Past 3 ako dumating sa bahay. Natulog ako. Past 5 na ako bumangon. Pagdating iyon ng aking mag-ina mula sa school. Akala ko magkakasakit na ako. Ang bigat kasi ng katawan ko. Thanks, God! Disyembre 19, 2017 Kakaunti na lang ang pumasok sa klase ko. Marahil, apektado sila ng desisyon kong walang Christmas party. Okay lang naman dahil pressured pa rin ako sa annual report ni Ma'am. Kaya lang, mas na-stress ako nang malaman ko mula kay Ma'am Dang na mabi-breach of contract si Ms. Kris dahil hindi nakabuo ng 900 orders sa Jollibee. Siya pala ang nakapirma. Hindi ko alam iyon. Hindi alam ng Grade Six na may ganoong kontrata. Kung alam ko, tiyak susuportahan ko siya at hindi ko isusuli ang mga bayad ng pupils ko. Pipilit kong magkaroon ng party kahit pagod at puyat ako sa kagagawa ng report. Ang kaso, naisuli ko na. Final na ang decision ko. Past 2 na ako umuwi. Nasa bus ako nang tumawag si Ms. Kris. Kinumpirma niya lang ang sinabi sa kanya ni Ma'am Dang at binabaan niya na ako. Well, galit siya, pero may dahilan naman ako. Hahayaan ko muna siyang mag-conclude. Later, I know mare-realize niya na hindi niya dapat ako sinisisi. Ayaw kong mag-away kami dahil sa walang kabuluhang bagay. Isa pa, marami akong bagay na kinonsedera sa desisyon ko. Naging firm lang ako sa sinabi ko sa pupils ko, na "Bigyan niyo ano ng rason para walang party." Right ko iyon. Umidlip ako after meryenda. Bumangon ako mga 8 na yata. Ikinuwento ko kay Emily ang mga nangyari. Convinced na siya kung bakit hindi ako a-attend sa Christmas party ng faculty. Gusto ko lang namang ipaalam at iparamdam sa kanila na napagod ako nang husto sa annual report. Hindi ko gawain iyon, pero akala nila, ako pa ang humihingi ng pabor. Wow, huh! Disyembre 20, 2017 Nakatulog ako nang mahaba-haba kagabi. Kahit paano, nanumbalik ang sigla ko. Kaya naman, marami akong nagawa, lalo na't umalis ang mag-iba ko. Nag-Christmas party sila. Nagkapaglinis sa kuwarto at sa sala. Nakapagbanlaw rin ako ng mga damit. Hinarap ko naman nang pasalit-salit ang report. Umuusad na kahit paano. Kinausap na ako ni Ms. Kris sa chat. Akala ko, galit siya sa akin. Ang hula ko, absuwelto na ang kaso nila sa Jollibee. Thanks, God! Nag-rant, este nag-post ako sa FB. Sabi ko lang naman, "Na-UNSEEN-ZONED ka na ba? Ang sakit, 'no?" Humaba ang mga comments dahil kina Papang at Janelyn. Talagang bubuhayin ko na si Makata O sa January 2018. Hindi na maganda ang ipinapakita ng principal sa mga kasamahan ko. Nakakasakit na siya. Disyembre 21, 2017 Nakakatawa na nakakainis ang nangyari kaninang umaga sa garden. Paggising ko kasi at pagdungaw sa bintana, mga tae ng pusa ang nakita ko. Tumaas agad ang bp ko. Kaya, nang bumangon ako, dinakot ko agad. Tiyempo namang nakita ko ang isa sa mga pusa ng kapitbahay ko, na malamang iyon din ang tumae. Hinagis ko sa pusa. Sapol! Tuwang-tuwa ako kasi kapag gusto mo raw matanggal ang bastos na ugali ng pusa, isubsob mo raw ito sa sarili niyang tae. Hindi ko man naisubsob, naitapal ko naman sa mukha. Kaya lang, nagwala ang may-ari --- si Mr. Bukbok. Hindi man niya ako pinangalanan, alam kong ako ang dinadabugan niya. Bago iyon, nagparinig muna, gaya ng madalas niyang gawin. Bakla yata, e. Great! Nasira ko ang araw niya. Susunod, ihahagis ko na ang tae ng pusa niya sa mukha na niya nang malaman niya kung gaano kabaho. Kami ang nagsa-suffer sa baho at langaw. Another is ang pagkukumahog ng admin ko na makuha ang file ng annual report. I-unseen-zone ko kasi siya. Humingi siya ng sorry. Ang karugtong, hindi ko na nabasa. Mayamaya, chinat na ako ni Papang at ni Ma'am Edith. Ang sumatotal, sinira na lang nila ang kandado ng classroom ko para makuha nila ang draft ng report sa desktop. Nanalo ako! Epektibo rin ang pagkukunwari kong may sakit. Naniwala sila at nakonsensiya. Nakonsensiya? Maybe... Basta, naging matagumpay ako sa laro ko. Gusto kong malaman nilang hindi madali ang panggagamit nila sa akin. Stressful. Hindi naman nila na-compensate ang pagod at time na ginugol ko. Oras na para sa personal needs at family ko, kinain pa ng report. Pati ng pupils ko, apektado. Tama lang marahil ang ginawa ko. Disyembre 22, 2017 Nakahinga na ako nang maluwag. Hindi ko na kailangan pang ma-stress sa annual report ng principal. Naipakita at naiparamdam ko naman sa kanya at sa mga kasamahan ko, na stress ang dahilan ng sakit ko. Effective ang drama. Kaya naman, nakapag-post ako ng aking mga akda, gayundin ng sa mga bata. Naisingit ko rin ang Tambuli, na maaari ring maging sanhi ng pagkaulit ng pangyayari. Kapag nakitaan ko ng kahungkagan ang pinuno ko, malamang ay hindi ko iyon ipa-publish para wala siyang achievement. Naiinis kasi ako sa ugaling mapanggamit at insensitive sa damdamin ng iba. Hindi ako nag-gardening maghapon dahil mayamaya ang ambon. Isa pa, iniwasan ko si Mr. Bukbok. Ayaw kong makita siya sa labas. Ayaw kong pinariringgan niya ako. Disyembre 23, 2017 Nagpaka-busy ako sa pagtapos ng school paper. Kahit paano, marami akong naidagdag. Nakapag-post din ako sa wattpad at blogger. Hindi nga lang ako nakatulog. Ewan ko! Hindi talaga ako takaw-tulog. Gabi, nagdesisyon akong hindi sumama kina Emily sa pagpunta kay Kuya Rudy, ang asawa ng pinsan niya. Wala ako sa mood. Gusto ko lang mag-stay sa bahay. Disyembre 24, 2017 Hindi ako sumama kina Emily sa party sa Bacoor. Mabigat ang katawan ko. Mas pinili ko pa ang maglinis at maglaba. Nakapag-post din ako sa wattpad. Kaya lang, hindi ako nakapag-grocery sa Puregold. Hintay kasi ako nang hintay sa kanila. Wala silang dalang susi. Past 7 na dumating ang mag-ina ko. Saka lang ako nakapag-grocery sa Alfamart. Masaya ako sa ikalawang Pasko namin sa bahay. Hindi ko na kailangang magluto dahil naki-party sila sa mga kapitbahay. May mga parlor games at giveaways pa. Bukod doon, may uwi rin sila mula sa Bacoor. Sinalubong ko naman ang Pasko sa panunuod ng tv at pag-inom ng light beer. Solb na! Disyembre 25, 2017 Past 12:30 na kami natulog kanina. Nagising naman ako bago mag-alas nuwebe. Masigla akong naglinis pagkatapos mag-almusal, kaya lang nainis ako sa mga pronouncement ni Emily. Tuwing Pasko talaga, nauulit ang pag-aaway namin. Kung ano-ano kasi ang sinasabo niya. Hindi pinag-iisipan ang binibitawang salita. Nagrereklamo siya, na akala mo ay ginutom. Samantalang lahat ng kinikita ko ay nakikinabang siya. Pangmatagalan ang bagay na prino-provide ko para sa kanila. Ni hindi ko halos iniisip ang mga pangangailangan ko tulad ng brief, sapatos at iba pa. Siya, lipstick lang, irereklamo pa niya sa akin. Mautusan lang, bibilangin na. Minsan, nakakawala rin ng respeto ang kakitiran ng utak niya. Hindi marunong magpasalamat. Binigyan na lahat-lahat, ang titingnan pa ay ang maliit na bagay na hindi ko naibigay. Samantalang ang ina at mga anak ko sa Antipolo, hindi ko pa nabigyan. Mabuti sana kung may ipinapasok siyang pera sa bahay. Ako naman lahat, e. Sinabi kong lahat 'yan sa kanya. Tumigil din siya dahil binalaan ko sa siya. Mauulit talaga ang nangyari kapag magsalita pa siya. Babalik siya sa mga magulang niya kapag nagpakatimang siya sa paniniwala niyang wala sa hulog. Totoo ngang ang taong walang kakuntentuhan ay hindi kailanman maliligayahan. Umidlip ako pagkatapos maligo para ma rin mawala ang inis ko. Past 4, dumating sina Kuya Rudy at Ate Mercy. Hinatid nila si Nanay. Kaya napabangon ako. Nag-stay sila ng ilang minuto. Pag-alis nila, binati na ako ni Emily. Good thing, na-realize niyang siya ang mali. Disyembre 26, 2017 Dahil napuyat ako kagabi sa kahihintay kay Emily, (Nakipag-videoke siya sa kapitbahay.) past 9:30 na ako bumangon. Bawing-bawi ang puyat. Nag-almusal lang ako't naligo, saka umalis na ako patungong Antipolo para bisitahin si Mama. Past 2 na ako nakarating. Namili pa kasi ako. Disyembre 27, 2017 Namahay ako kagabi sa bahay ni Mama. Pagising-gising ako, lalo na't malamok at malamig dahil nakatutok sa akin ang electric fan. Gayunpaman, may mga panaginip ako. Napanaginip ko nga si Sir Bob. Malaman-laman ko, may patay pala siyang kamag-anak. Nabasa ko sa FB. May pahiwatig talaga ang panaginip... Si Mama naman, imbes na hayaan akong matulog, ginising niya ako ng tawag niya. Akala niya kung may sakit pa rin ako. Kaya, kahit pinilit kong matulog uli, hindi na ako nakatulog. Past nine, bumiyahe na ako pabalik sa bahay. Past two na ako dumating. Nagpahinga ako kaagad pagdating ko. Kahit masakit ang ulo ko, okay lang dahil nakita ko naman ang mabuting kalagayan ni Mama. Nalungkot lang ako sa ubo niya. Isang linggo na raw iyon. Sana gumaling na siya. Disyembre 28, 2017 Nakapagbabad ako sa higaan hanggang alas-otso. Kung hindi lang maingay sa labas si Mr. Bukbok, makakatulog pa sana ako hanggang 9. Okay na rin iyon dahil nakatakda ang pag-grogrocery at pamamalengke ko. Nine-thirty to eleven-thirty, nagawa ko iyon. Pagdating, nagluto naman ako. Nakakatuwang maghanda ng pagkain para sa pamilya lalo na kapag appreciated ang luto mo. Inaabangan at pinaghahandaan ko rin ang pagbisita ng 1000 friends ko. Nakahanda na ang lulutuin at macaroni salad, kung sakaling natuloy sila. Disyembre 29, 2017 Pagkatapos kong mag-almusal, bandang alas-nuwebe, nag-general cleaning ako sa kuwarto ko. Sinabayan ako ni Emily. Naglinis din siya sa kuwarto nila at sa kusina. Pagkatapos, inabangan ko ang chat ng 1000 friends ko. Sabi nila, dadalaw sila ngayon o bukas. Hindi sila nagparamdam. It means, hindi tuloy. Okay lang naman. Nakapagpahinga at nakapagbasa ako sa hapon. Ang sarap talaga kapag walang pasok! Disyembre 30, 2017 Ngayong araw, hinarap ko naman ang journal ko. Nag-encode ako nang nag-encode. Gayunpaman, ako pa rin ang nagluto. Siningit ko rin ang paglilinis sa kuwarto. Nag-chat kaming 1000 group. Hindi sila matutuloy sa pagbisita sa akin dahil masakit ang likod ni Papang. Okay lang naman. Wala pa naman akong na-prepare na pagkain, maliban sa macaroni salad. Si Kuya Emer naman, dito makiki-celebrate ng New Year. May kainuman na ako. After kong umidlip, tinapos ko na ang book 2 ng Moymoy Lulumboy. Kailangan ko nang mabili ang book 3 and 4. Disyembre 31, 2017 Before lunch, dumating si Kuya Emer. Naabutan niya akong nagluluto ng ulam. Hapon, umidlip kami. Paggising, naisipan ng magkapatid na namalengke. Nagpadala na lang ako ng pera. Pagdating nila, sinimulan ko na ang paghahanda. Inspired akong magluto. Inabangan ko talaga ang 12. Hindi man ako ang tipo ng taong ma-ritual, masaya naman akong nakita ang mga kasama ko, na masaya. After mag-ingay ng motor si Kuya Emer at magtorotot si Ion, nagsalu-salo na kami. Second New Year namin dito. Sana tuloy-tuloy ang aming kasaganaan. One pm, natulog na ako. Tinabihan ko si Ion habang nagliligpit pa sila.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...