Followers

Thursday, December 21, 2017

Aswang ang Lola Ko

Aswang ang Lola Ko

Noong unang gabi namin sa bahay ni Lola Pura, hindi ako makatulog. May kakaibang ingay akong naririnig sa labas. Parang may taong sumisilip sa bintana o hayop na nag-aabang sa labas.

Nagsumiksik ako sa tabi ng kapatid ko, pero hindi pa rin ako makatulog. Naiisip kong ang hugis-tao, ngunit parang ibong nasa paligid lang namin.

Kinabukasan, habang naghahain ng almusal si Lola Pura, pinagmasdan ko siya. Gusto ko sanang itanong kong may naririnig siyang kakaibang tunog. Hindi ko na lang siya tinanong dahil matapang siya kung tumitig. Naisip kong baka singhalan niya ako. Hindi siya madalas magsalita. Hindi ko siya kayang tingnan nang matagal. Pakiramdam ko, ayaw niyang makituloy kami pansamantala sa bahay nila.

"Kuya Nono, narinig mo ba kagabi ang ingay sa labas? Parang may tao," tanong ko, nang matapos kaming kumain.

Nasa kuwarto kaming magkapatid.

"Hindi. Nakatulog ako agad. Pagod tayo sa biyahe, e. Ano ba 'yon?"

"A, wala... Baka guniguni ko lang."

"Sige na, maghanap ka na ng damit mo. Ligo na tayo," utos ni Kuya Nono.

Agad akong tumalima.

Mayamaya, nahulog mula sa bulsa ng salawal ko ang piso. Gumulong iyon hanggang lumusot sa uwang ng tablang sahig ng aming higaan. Kitang-kita naming magkapatid kung paanong biglang nawala ang barya.

"Sayang 'yon!" Sumilip ako sa uwang, pero kadiliman lang ang nakita ko. "Kuya, ano kaya ang meron sa ilalim nito?"

Umiling lang si Kuya Nono saka lumabas. Nagpaiwan ako. Gusto ko kasing tuklasin ang sagot sa tanong ko.

Napansin kong hindi nakapako ang isang tabla, kaya inangat ko iyon. Napaurong ako nang isang parang balong malalim ang ilalim ng higaan namin. Naibagsak ko ang tabla.

"Kaya pala kagabi, para akong nakalutang sa hangin," sabi ko sa sarili ko.

Tumakbo ako palabas ng kuwarto. Paghawi ko ng nangingitim na kurtina, lumukso ang puso ko dahil nasa harapan ko na si Lola Pura. Nakalugay ang mahaba at maputi niyang buhok. Makasalubong ang mga kilay niya. Pinandilatan niya ako.

"Ano 'yon?" tanong ni Lola Pura.

"W-wala po." Umiwas ako sa tingin niya, at lumabas na ako pagkatapos.

Sa halip na sa ilog ako makarating para maligo, sa bahay ng aking mga pinsan ako napadpad.

"O, bakit namumutla ka?" tanong ni Ogie, ang panganay.

Tawa naman nang tawa si Buddy. "Nakakita ka ba ng aswang?"

Tumayo ang mga balahibo ko sa tanong ni Buddy. Tama yata ang hinala kong aswang si Lola Pura.

"Kuya Kulas, nakatikim ka na ba ng luto ni Lola?" nakangisi namang tanong ni Herbert, ang bunso.

Sabay-sabay na nagtawanan ang magkakapatid, kaya lalo akong natakot.

"Saan ba ang ilog dito?" Nanginginig ang boses ko.

"Doon," turo ni Buddy sa ibaba ng kanilang bahay.

Gusto ko sanang magpasama sa kanila, kaya lang baka tuksuhin nila akong duwag.

Naligaw ako sa paghahanap ng ilog. Kung saan-saang masusukal na bahagi ng kakahuyan ako nadako. Sigaw ako nang sigaw, pero walang nakakarinig sa akin.

Matindi na ang sikat ng araw nang makita ko ang pampang ng ilog. Pero, sa halip na si Kuya Nono ang naabutan ko, si Lola Pura ang natanaw ko.

Gusto kong mapaurong nang makita kong nakaluhod siya sa may harap ng tubig. Parang may dinudukwang siya. Sa tingin ko, may ginagawa siya sa kanyang mahabang buhok.

Nagulat ako nang bigla siyang luminga sa akin. Nagtama ang mga paningin namin. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Parang nagtayuan ang mga buhok niya.

Napatakbo ako palayo. Halos madapa at matumba ako sa pagkaripas ko ng takbo pabalik.

Naisip kong makitira na lang sa mga pinsan ko, habang wala pa ang mga magulang namin ni Kuya Nono.

Hangos akong dumating sa bahay ng mga pinsan ko. Naroon na si Kuya Nono. Bagong ligo na siya.

"Saan ka ba nanggaling? Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit naliligo ka sa pawis?" tanong ng kuya ko.

Halos gusto nang matawa ng mga pinsan namin. Siguro dahil hindi ako agad makapagsalita dahil sa hingal ko.

"Nakakita ka ba ng multo?" nakangiting tanong ni Buddy.

"Hindi multo... As.. Aswang!" Sa wakas, nakapagsalita na ako.

Naghagalpakan ang mga pinsan at kapatid ko.

"Ang aga-aga, may aswang," ani Kuya Nono. Nakipag-apir pa siya kay Buddy.

"Si Lola..." Hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil lalong lumakas ang tawanan nila.

Pagsapit ng tanghali, hindi ako umuwi sa bahay ng lola at lolo namin. Ayaw kong kumain ng luto niya. Naalala ko kasi ang karne ng baboy na inihain niya sa amin ni Kuya Nono kagabi. Ang lambot ng karne. Parang niluto sa malapot na malapot na laway. Nang kinain ko, masarap naman, pero kakaiba ang pagkaluto at hitsura niyon. Ang liliit ng pagkahiwa. Naisip ko tuloy na laman ng tao ang ipinakain sa amin.

Kahit mahapdi na ang sikmura ko, hindi talaga ako umuwi. Nanguha na lang ako ng bayabas sa may tabing ilog.

Inabutan ako doon ng alas-kuwatro ng hapon. Nag-alala ako dahil malapit nang gumabi. Wala akong magagawa kundi ang matulog pa rin sa kuwarto ng mga lolo at lola ko.

Pumunta ako sa sentro ng baryo. Gusto ko kasi sa mga mataong lugar.

"Ikaw ba ang apo ni Lola Pura?" tanong sa akin ng ale. May bitbit siyang malaki-laking isdang tulingan.

"Opo." Tiningnan ko siya. Naisip kong baka may sasabihin siya. Hindi nga ako nagkamali.

"Ang tanda na ng lola mo... Ang lakas pa rin. Parang aswang!" Tinalikuran na niya ako pagkatapos.

Sa umpukan ng mga tatay sa isang sari-sari store, narinig ko ang usapan nila. Tungkol iyon sa naririnig nilang kaluskos sa kanilang bubungan at silong. Naulinigan ko rin ang salitang 'aswang.'

Lalo akong natakot umuwi, kaya lang, mahapdi na ang sikmura ko.

Mabuti nga't pinakain ako ng tiyo at tiyo ko. Tiyempo kasing naghahapunan sila nang dumating ako sa kanila.

Madilim na nang pumasok ako sa bahay ni Lola Pura.

Nasalubong ko siya sa may sala. Hawak niya ang gasera.

Napaurong ako dahil galit na nakatitig sa akin si Lola Pura.

"Saan ka galing, Kulas? Maghapon kang wala," galit niyang tanong.

"Po? Kina Buddy po... Kumain na po ako."

"Aba, kung ganyan ka lagi, baka kainin ka ng aswang diyan sa labas."

Tumayo ang mga balahibo ko sa katawan.

"Dapat bago mag-alas-sais ng gabi, narito ka na." Matigas ang pagkakasabi niyon ni Lola Pura.

"Opo." Agad akong pumasok sa kuwarto. Wala roon si Kuya Nono. Siya siguro ang naririnig kong naghuhugas ng mga plato sa kusina.

Umubo ang lolo ko sa kanilang kuwarto, na katabi lamang ng aming kuwarto. Naisip ko, "Aswang din kaya siya?" Lalong akong natakot pagkatapos.

Pangalawang gabi ko sa bahay ni Lola Pura. Tulad noong unang gabi, hindi rin ako makatulog. Naririnig ko ulit ang mga narinig ko.

Pero, dahil sa pagod, nakatulog rin ako.
Alas-siyete na nga nang bumangon ako.
Binati ako ni Lolo Ben. Kahit wala na siyang ngipin, simpatiko pa rin siya. Hindi siya nakakatakot dahil maamo ang kanyang mukha.

Hinainan niya ako ng almusal --mainit na kapeng barako at nilagang saging.

"Gusto mo nito?" Ipinasilip niya sa akin ang laman ng nangingitim sa uling na kaldero.

Parang akong masusuka nang makita ko ang parang nilawayang karne.

"Hindi na po. Tama na po ito," tanggi ko.

Tahimik kong tinapos ang aking pag-aalmusal. Naisip kong baka nasa ilog si Lola Pura, kaya hindi ko naririnig ang masungit niyang boses.

Sinamantala ko ang pagkakataon na makausap si Lolo Ben. "Totoo po ba ang aswang?" tanong ko.

Napangiti ang lolo ko. "Ewan ko. Hindi pa ako nakakita."

"Si Lola po..."

Noon ko lang narinig ang tawa niya. Ang cute niya!

"Hindi aswang ang lola mo. Marami ang nagsasabi sa baryong ito na aswang nga siya, pero... kanino ka maniniwala, sa akin o sa kanila?"

Parang napahiya ako. "Kasi po..." Sinabi kong lahat-lahat ang mga nakita at naramdaman ko.

Tumawa muna si Lolo Ben, bago nagsalita. "Kuliglig ang tawag sa mga insektong naririnig mo kapag gabi... Mayroon ding kuwago sa paligid. Nakakatakot din ang iyak niya, kaya akala mo'y may aswang... Gerilya ako dati. Ang bahay na ito ay pinalagyan namin ng underground para diyan magtago si Lola Pura mo kapag may paparating na mga Hapones. Diyan din namin iniimbak ang mga pagkain namin dahil kinukuha nila."

Unti-unti na akong nakukumbinsi ng kuwento ni Lolo Ben.

"Ang ulam sa kaldero ay pinalambot nang husto ng lola mo para hindi ako mahirapang ngumuya," patuloy na kuwento ng lolo ko.

Napangiti ako. Ang cute niya kasi.

"Ang nakita mo naman sa ilog, ang lola mo iyon. Ganoon siya maghugas ng ulo at buhok niya. Hindi siya galit. Natural sa kanya ang magkasalubong ang mga kilay at masakit kung tumitig. Ang boses niya ay nakakatakot. Sanay kasi siyang magalit sa mga pinsan mo, lalo na kapag umaakyat at nangunguha ng mga hilaw pang bunga ng mga puno."

Napatango-tango ako.

"Akala rin ng mga tao rito, aswang ang lola mo. Pero, kung aswang ba siya, buhay pa kaya ako ngayon?"

"Hindi na po."

"Ibig sabihin, guniguni at haka-haka lang iyon. Ang tao ay sadyang mapanghusga. Ang panlabas na anyo lamang ang ating nakikita... Mabait ang lola mo. Mahal na mahal niya tayo."

Kumbinsido na akong hindi aswang si Lola Pura.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...