Followers

Thursday, December 21, 2017

Ayaw Ko Nang Maging Mangingisda

Sa tuwing aalis si Papa para mangisda, nakikita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. May ibinubulong pa siya sa aking ina. Pero, masaya naman siya tuwing darating siya.

Iba't ibang uri ng isda ang nahuhuli niya. May malalaki. May maliliit. May makukulay. May matitingkad. May nakakatakot. May pambihira at kakaiba. Pero, lahat ng inuuwi niya ay aming naiuulam at naibebenta.

"May dala akong kakaibang isda para sa aking mag-ina," masayang bungad ni Papa.

"Wow, parang rainbow!" Manghang-mangha ako sa dala niyang isda.

Minsan naman, malalaking pusit ang inuwi niya. Tuwang-tuwa ako sa mga galamay niyon.

Noong nakaraang buwan, kasinglaki ng batya ni Mama ang dala ni Papa.

"Ano po 'yan, Papa?" usisa ko sa aking ama.

"Ang tawag dito ay manta ray o pagi."

Malungkot si Papa dahil bawal daw manghuli at kumain niyon. Pero, sabi niya, patay na nang makita niya sa lambat.

Isang gabi, isang buhay na pawikan ang inuwi niya. Siyempre, tuwang-tuwa ako, pero sabi niya, pakakawalan din niya.

Nakahuli rin siya ng maliit na pating. Nalungkot kami dahil patay na iyon nang makita niya sa lambat.

Nalulungkot rin ako kapag nalulungkot si Papa. Masayang-masaya naman ako kapag nakangiti siya. Kaya nga, pinangarap ko ring maging mangingisda.

Malungkot na naman si Papa nang magpaalam siya kay Mama para sumama sa pangingisda. Pero, nang makita niya ako, ngumiti siya at kumaway pa.

"Papa, gusto ko po ng isdang pula," bilin ko sa kanya.

"Sige, ihuhuli kita ng isdang pula," masayang sagot niya.

Habang papalayo si Papa sa bahay, paliit nang paliit naman ang liwanang mula sa bitbit niyang lampara.

"Mama, gusto ko pong sundan si Papa," sabi ko sa aking ina. "Gusto ko pong makita ang mga ilaw sa dagat.

Pinayagan ako ni Mama, kaya tumakbo ako at hinabol si Papa.

"O, Poroy, bakit narito ka?" tanong ni Papa. Nakasampa na siya sa kanyang bangka at handa nang sumagwan.

"Wala po, Papa. Gusto ko lang pong makita ang mga ilaw sa laot. Gusto ko rin pong makita ang ilaw ninyo hanggang makarating sa mga ilaw na iyon." Itinuro ko pa ang mga ilaw sa laot.

"Sige, kapag malayo na ako, umuwi ka na, ha?"

"Opo, Papa. Ingat po!"

Tahimik kong pinagmasdan ang unti-unting paglayo at pagliit ng ilaw sa bangka ni Papa. Gustong-gusto ko talagang makarating sa may mga ilaw, kung saan papunta si Papa.

Masaya akong umuwi. Alam kong dadalhan ako ni Papa ng isdang pula.

Naabutan ko si Mama sa harap ng aming altar. Taimtim siyang nagdarasal, kaya hindi ko siya inabala. Dumiretso na ako sa aking higaan.

Kinabukasan, hindi tinig ni Papa ang gumising sa akin, kundi ang boses ni Mang Joselito. Siya ang kapitbahay namin, na isang ring mangingisda.

Agad akong bumangon, pero hindi ko na nahabol pa sina Mama at Mang Joselito. Ang nakita ko'y ang walang sinding lampara at mga maliliit na isda at isang malaking isdang pula.

Natuwa ako sa pasalubong ni Papa, pero nalungkot ako nang hindi ko siya makita, kaya sa dalampasigan ako pumunta.

"Napansin niyo po ba si Papa?" tanong ko kay Mang Agosto, habang siya ay nag-aayos ng lambat niya.

"Naku! Dinala sa center ang iyong ama. Natagpuan siya ni Mang Joselito kanina sa laot. Nanigas siya sa sobrang lamig. Muntik na ring tumaob ang kaniyang bangka dahil sa malalaking pating"

Humahangos akong tumakbo pauwi.

"Kaya pala laging malungkot si Papa tuwing maglalaot. Ayaw ko ang maging mangingisda." Hindi ko namalayang tumulo ang luha ko.

Isang oras ang lumipas, habang hawak-hawak ko ang pulang isda, dumating sina Mama at Papa. Halos mapalundag ako sa saya nang niyakap ko ang aking ama.

"Papa, akala ko... hindi na kita makikita."

"Anak, mahirap at delikado ang maging mangingisda, pero hindi titigil ang Papa mo dahil sa dagat ay maraming biyaya," sabi ni Mama.

"Gusto mo pa rin bang maging mangingisda paglaki mo?" nakangiting tanong sa akin ni Papa.

"Opo. Gusto ko rin po kasing makahuli ng pulang isda," mabilis kong sagot. Itinaas ko pa ang pasalubong sa akin ni Papa.

Nagtawanan kami. Nagkindatan pa sina Papa at Mama.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...