Followers

Thursday, December 21, 2017

Ang Bahay Naming Pahilis

Ang Bahay Naming Pahilis

Sa buong baryo ng Guruyan, ang bahay namin ang kakaiba, kaya ang mga nagdaraan ay laging nakatingala. Ako naman ay laging natutunaw sa hiya.
“Wow, ang ganda ng bahay nila. Paano kaya sila kung mahiga?” dinig kong puna ng babaeng mataba.
“Ang galing nga ng bahay-kubo nila! Kapag dumaan ang bagyo, baka liparin sila,” sabi ng kasamang bata.
Namumula ako kapag ang bahay namin ay kanilang pinupuna. Gusto kong mainis. Gusto ko ring matuwa. Halos ayaw ko nang lumabas at gumala-gala dahil yayayain lang ako ng aking kalaro. Gusto niya laging pumasok kami sa aming bahay-kubo.
Minsan, nagtatago ako kapag tumatawag si Doro kasi sigurado akong magpapagulong-gulong siya sa aming higaang kawayan. Gustong-gusto niya ang pakiramdam ng parang bolang gumugulong pababa.
Natutunaw ako sa hiya tuwing natutuwa si Doro, na gayahin ang nakapahilig na pintuan hanggang siya ay matumba.
Madalas, sumasama na lang ako kay Doro para hindi na siya pumasok sa aming dampa.
“Ellis, halika sa bahay ninyo. Doon tayo maglaro,” yaya sa akin ni Doro.
“Huwag na. Dito na lang tayo sa puno,” ang sabi ko.
“Gusto kong makapasok sa bahay ninyong nakatagilid. Bakit ayaw mo ba akong papuntahin?”
Parang gusto ko nang yugyugin ang sanga para mahulog siya, subalit napigilan ko ang aking sarili. Dali-dali akong bumaba sa puno ng kamatsile at iniwan ko si Doro.
Dumadagundong ang tawa ni Doro habang tumatakbo ako palayo.
“Ellis, pupunta ako sa bahay ninyong pahilis!” nakakainis pang sigaw ni Doro.
“Subukan mo. Susuntukin kita!” sigaw ko naman sa kanya.
“Ang suwerte niyo nga, ang bahay niyo lang ang hindi nagiba,” parang narinig kong sabi niya.
Mabilis akong nakarating sa bahay-kubo namin upang sikaping unatin ang mga nakatabinging dingding.
Itinulak ko nang buong lakas ang kahoy na haligi, pero walang nangyari. Pagtingin ko, tabingi pa rin ang mga dingding na sawali.
Pumunta ako sa likod at hinatak ang haligi, pero wala ring nangyari. Pahilis pa rin ang tingin ko sa haligi.
Naalala ko ang kawayang kinuha namin ni Papa sa may sapa. Agad kong itinukod iyon sa bahay naming malapit nang magiba. Gusto kong matuwa, pero malapit nang pumatak ang aking luha. Nang sinipat ko kasi ang aming dampa, wala ring nagawa ang kawayan ng aking ama.
Kumuha ako ng lubid na mahaba. Gamit ang hagdang kawayang kagagawa lamang ng aking ama, itinali ko ang bubong. Hawak-hawak ang dulo ng lubid, bumaba ako, saka umakyat sa puno ng mangga.
Naisip kong itali ang dulo ng lubid sa pinakamataas na bahagi ng puno ng mangga upang hindi tangayin ng hangin ang aming bubong. Pero, bago ko iyon nagawa, natanaw ko ang mga bahay sa paligid.
Ang bahay ni Aling Tali, ang natira ay apat na haligi.
Ang bahay ni Mang Damian, nasa kabilang bakod na ang kanilang bubungan.
Ang bahay ni Lolo Tasyo ay para nang nakaupo.
At, ang bahay ni Doro, nakita ko sa malayo. Nakatiwarik!
“Ganoon pala kalakas ang bagyo kagabi,” nasambit ko sa aking sarili. “Tama si Doro, masuwerte talaga ang bahay naming pahilis.”
Noon din ay bumaba na ako sa puno ng malaking mangga.
“O, Ellis, anong ginawa mo sa puno ng mangga?” tanong ng aking ina, nakararating pa lang. “Hawak mo pa ang lubid ng iyong ama.”
“Tinukuran mo pala ang bahay natin, anak,” sabi naman ng aking ama. Inilapag niya ang kawayang dala.
Natawa ako at napakamot pa. “Akala ko po kasi… ang bahay natin ay katawa-tawa.”
Halos magkasabay na napahagalpak sa tawa ang kanyang ina at ama.
“Anak, ang bahay natin ang pinakamatibay sa Baryo Guruyan,” sabi ni Mama.
“Ellis, ang bahay man natin ay pahilis, ito naman ang nagsalba sa buhay natin kagabi.”
“Magandang umaga po!” bati ni Doro sa amin.
Binati namin si Doro.
“Ang tibay talaga ng bahay-kubo ninyo!” sabi ng kaibigan ko.
“Oo naman! Kaya proud ako sa gumawa nito.” Niyakap ko ang tatay ko.
“At para lalong tumibay, nanguha na ako ng mga kawayan sa tabing ilog.”
“Yehey!” magkasabay naming sigaw ni Doro.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...