Followers

Tuesday, December 26, 2017

Ang Tisa ni Maestro 16

Hindi naman lahat kasiyahan ang nangyari. Dumating sa punto na kailangang masaktan ka at lumuha. May mga kaibigan ka kasing aalis at mananakit sa 'yo.
Unang umalis ay si Papang. Nang na-promote siya bilang master teacher, inilipat siya sa ibang paaralan. Palaisipan nga sa amin kung bakit, gayong may bakante pa naman sa school. Gayunpaman, wala siyang nagawa, lalo na ako. Wala pa rin naman kasing nagbago sa samahan namin. Madalas pa rin kaming nagkikita sa hideout. Tuloy ang ligaya, 'ika nga.
Nag-retire naman ang tinuturing kong ina sa school--- si Mamah. Siya lang naman ang isa sa mga nakakaunawa at sumusuporta sa kakayahan ko. Nang kahit ang principal namin ay binalewala ako, siya lang ang nariyan para palakasin ang loob ko. Wala rin naman akong magagawa. Kailangan na niyang isuko ang kanyang tisa. Matagal na siya sa serbisyo. Maraming utak na rin ang kanyang nahasa. Maraming buhay na rin ang kanyang nabago.
Malungkot lang dahil ilang taon lang kaming nagkasama. Isa pa, wala nang pumalit sa kanya bilang aking ina-inahan.
Ang hirap talagang maiwanan ng mahal mo sa buhay o ng kahit kaibigan. Kaya nga ako, hanggang maaari ay ayaw kong masyadong maging close sa mga kaibigan ko dahil nalulungkot ako kapag nagkalayo kami. Lalo na sa mga panahong iyon, solo living ako. Mag-isa sa buhay. Walang kasamang anak. Hiwalay sa asawa.
Dumating pa sa point na isang member ng 3some ay kailangang magpalipat sa kanilang bayan upang doon na magturo. Ang saklap. Ang 3some na naging 2some ay nag-iisa na lang.
Minsan, sa sobra kong kalungkutan, naitanong ko sa kanila? Ano na ang tawag sa akin?
Wholesome?
Onesome?
Hay, buhay! Lagi na lang ba akong iiwanan? Di bale, kako, "handsome" pa rin naman ako. Life goes on. Lumayo lang sila, pero hindi nakalimot o makakalimot sa mga pinagsamahan namin.
Mag-isa ako sa school. Mag-isa akong lumaban sa mga liko. Imbes na matakot ako at maduwag na kalabanin, kalampagin, at gisingin ang pusong mapag-imbot at mga utak-talangka ng aking mga kasamahan, sinige ko ang pag-post ng mga orihinal na quotes at mga akda kong tula, sanaysay, at kuwento na makakadurog sa mga puso nila. Ang intensiyon ko ay puro. Magbago sila, iyon ang hangad ko. Ngunit, hindi. Minasama pa nila ako. Pinag-initan ako. Isama pa ang inggit sa mga katawan nila.
In fact, tinanggal sa akin ang Filipino coordinatorship nang gano'n-gano'n lang. Walang pasabi. Nakakasama ng loob. Binastos nila ako.
Dahil doon, tinanggihan ko ang pagiging school paper adviser. Okay na rin iyon, at least, nakapag-publish kami ng isang issue. Nalaman nila na worthy ako sa larangan ng journalism. Okay na rin iyon dahil nakapagpokus ako sa pagsusulat.
Ibinigay naman pilit sa akin ang grade leadership para sa school year . Hindi ko nais maging leader. Since, walang tumatanggap, ako na. Pero, sabi ko, huwag silang mag-expect sa akin. Kapag hindi ko gusto ang ginagawa ko, hindi kanais-nais ang resulta nito, sabi ko pa. Isa pa, gusto kong magpakatatay sa anak ko. Sa school na kasi magki-Kinder. Iiwanan sa akin ng ina dahil siya ay mangingibang-bansa.
Nagkabalikan na pala kami. After two years...
Sa ikatlong taon ng ikaapat kong punongguro, mas lalong uminit ang pagkamanunula(t) ko. Naragdagan rin ang naiinis sa akin dahil sa mga binibitiwan kong salita, na ikinasugat ng puso nila.
Minsan, naging issue ang ulam sa In-Service Training for Teachers (INSET).
Nakalagay sa matrix na may nakalaang budget para sa pagkain. May nagtanong kung bakit wala naman kaming nakaing pinakbet at daing na bangus sa tanghalin. Kaya, nang nahawakan ko ang pirmadong matrix, naibulalas.kong "Peke ito!" Wala rin sa loob ko na sulatan iyon ng peke, gamit ang laois na hawak-hawak ko.
Nakakatawa dahil saka namang pagpasok ng principal. Narinig niya ang salitang 'peke'. Mabuti na lang, hindi niya ako kinumpronta. At, agad naman kasing nagsalita ang faculty president namin. Ayon sa kanya, peke naman talaga dahil parang limang matrix na ang umiikot at ginagamit. Hindi tuloy namin malaman kung alin doon ang tunay.
Gusto kong ipahayag na hindi maaaring gumawa ng matrix or project/program proposal, tapos hindi ipapatupad. Pirmado pa naman ng superintendent. Magiging dahilan iyon corruption dahil stated doon ang budget sa limang araw na seminar.
Sana kung walang pagkain, wala ring pekeng matrix.
Haist! Naging masama pa ako sa mata ng iilan. Gayunpaman, thankful ako dahil mas marami ang natuwa sa nangyari. Natuwa rin ako dahil kayang-kaya kong ipahayag ang nasa isip at puso ko, lalo na't nasa katuwiran ako.
Pagkalipas ng ilang araw, naka-block na ako sa FB ng dalawa kong kaguro. Nakakatuwa! Nabawasan ang mga hunghang kong kaibigan. Hindi naman inaano. Hindi naman sila ang kinakalaban ko, e. Akala siguro, malaking kawalang sila sa friend list ko.
Uminit lalo ang dila at lapis ko.
Kaya, isang mainit na summer... isa na namang kaguluhan ang kinasangkutan ko.
Summer reading class...
Mainit ang dugo sa akin ng master teacher, na kasamahan ko sa grade level. Gumawa siya ng paraan para mainis niya ang sarili niya. Hindi na nga tumulong sa paggawa ng camp, gusto pang manira ng display. Kung kailan kasi may darating na bisita, saka siya nagkandaugaga sa pagturo sa mga campers.
Pakitang-tao. Noong wala, kumukuya-kuyakoy lang siya. Dekorasyon sa school. Nagta-time in and out lang para sa certificate at service credit.
Ang masama pa, siya pa ang may ganang magdabog. Nagtapon-tapon at nagbagsak-bagsak pa naman ng monobloc chair. Tinanong ko siya kung sino ang kaaway niya. Ako pala. Hindi ako hinarap. Lumayo at nagdadaldal. Ako naman, para maunawaan niya, nagsalita ako nang malakas. Lumapit ang manugang, huwag ko raw bastusin ang nanay niya. Leche flan! Sino kaya ang bastos?
Ang dahilan pala, ang activity outputs na gusto niyang isabit sa banderitas. Awkward! Sinabihan ko raw ng pangit ang mga gawa ng  mga bata. Naging sinungaling pa ako. Samantalang ang sabi ko, "Huwag diyan. Papangit ang banderitas." May dikitan talaga ng mga output. Hindi sa banderitas isinsabit. Unang-una, mabigat.
Sumatotal... ako pa ang nag-sorry kinabukasan. Nagbati na rin kami ng manugang niya, na sinulian ko ng kandila. Ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi ko na sila babanggain. Hindi na rin ako magiging totoo sa sarili ko. I will play a game.
Simula noon, panandalian kong itinago ang aking panulat. Pinatulog ko muna si Makata O.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...