Followers
Friday, July 9, 2021
Congrats, Batch 2020-2021!
Parang nabunutan kayo ng tinik sa dibdib
Mapapahinga na rin ang inyong mga isip
Dahil sa wakas, tapos na ang inyong pakikipaglaban
Sa modules, na parang walang katapusan
Dahil sa wakas, tapos na ang inyong pakikipagtagisan
Sa online class, na hindi kayang tumbasan ang silid-aralan.
Sa inyong pagtatapos, mga magulang ay nakahinga
Dahil sa wakas, hindi na sila magkakandaugaga
Hindi na sila magwawala, magagalit, at sisigaw
Kapag tinatamad kayo at ayaw gumalaw
Hindi na sila magpapakaguro at magtuturo
Dahil ang school year na ito ay tapos na.
Tapos na nga ba? O baka ito’y bagong simula?
Paano na? Kayo ba’y natututo nga ba talaga?
Sa bahay, nagaganap ba ang teaching-learning process?
O baka naman sa inyong bahay, palagi lang recess?
Sa inyong modular learning at online class, natuto ba?
Sa paggabay ng mga magulang at guro, edukasyon ay sapat na ba?
Sa inyo, mga graduates nitong school year 2020-2021,
Ang aking pagbati ay katulad ng pagbati ko noong nakaraan
Masaya-masayang ako sa inyong pagtatapos
Kahit may pandemya, nalampasan pa rin ninyo ang unos
Pero hindi ko alam kung ano ang inyong nararamdaman
Alam kong may kulang at may nais kayong balikan.
Huhulaan ko… at hayaan ninyo akong isa-isahin ko
At ipaalala ko sa inyo ang mga ito.
Una, ang pagbangon ninyo sa umaga—eksayted man o hindi
Basta ang alam ko, eksayted kayong pumasok palagi
Sa classroom ay may tawanan, kulitan, at asaran
Bukod doon mas marami kayong natututuhan
Hindi ko lang alam kung ang mabubuti ba o mga kalokohan
Basta ang sigurado ako, mas enjoy kayo kapag nasa paaralan.
Pangalawa, ang oras ng klase, kung saan seryoso si Sir o Ma’am
Alam ninyong dapat kayong magseryoso upang matuto, pero ewan
Ewan ko kung pumapasok ba sa kukote ang araling pinag-aaralan
Ewan ko kung bakit kay sarap pa ring pumasok sa paaralan
Dahil kahit kayo’y naguguluhan o nalilito sa pinag-uusapan
Masaya pa rin kayo dahil sama-sama kayong tinuturuan.
Masaya kayo kapag ang guro ay may pinapagalitan
Masaya kayo kapag ang kaklase ninyo’y pinapalakpakan
Dahil sa kahit mabagal ang pagkatuto o kahit kaunting natutuhan
Umuuwi pa rin kayong may bitbit na bagong kaalaman,
Pambihirang karanasan, at walang katumbas na kasiyahan.
Panghuli, ang oras ng uwian, kung kailan sobrang ingay ng lahat
Nagtuturuan kung sino ang mag-aayos ng mga upuan at magwawalis ng kalat
Minsan naman, ay magpapaiwan kahit hindi naman cleaner
Paano ba naman, si Crush ay isa sa mga nakatokang sweeper.
Kung gaano kayo nabagot sa oras habang nasa klase
Kabaligtaran talaga iyon dahil hindi pa naman talaga kayo uuwi
Dadaan pa sa mga tindahan o kaya’y sa bahay ng kaklase
Maglalaro sa kalye dahil hindi ninyo magawa kapag nasa klase.
Andami pa. Andami-dami pang alaala ang na-miss ninyong talaga
Walang kasingsaya ang pag-aaral kapag nasa eskuwela
Para sa inyo, ang paaralan ay inyongtahanan
Dahil ang mga kaklase at mga guro ay nananahan.
Kay sayang maging estudyante, hindi ba?
Pero, noon iyon… noong wala pang pandemya.
Isang taon din kayong namalagi at kinulong sa bahay
Isang taon pa… Isang taon pa. Sigurado ako, kayo’y masasanay.
Muli, ipinapaabot ko ang aking mainit na pagbati
Congrats, Batch 2020-2021!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment