Followers

Friday, July 2, 2021

Panic Disorder

Ang panic disorder ay hindi maipaliwanag na pagkabahala na nararamdaman ng isang tao. Ito ay paulit-ulit na pag-atake ng pangamba o panic attacks sa magkakahiwalay na pagkakataon, na may kasamang matinding pagkatakot. Ito ay sinasabayan pa ng mga pisikal na karamdaman katulad ng mabilis na pagpintig ng puso, kahirapan sa paghinga, pagpapawis, panginginig, pagkirot ng dibdib, pagkahilo, at iba pa. Minsan, inaakala ng mga taong may hindi normal na pagkabahala o may panic disorder na ang mga nabanggit na sintomas ay indikasyon ng iba pang malalang karamdaman tulad ng sakit sa puso o pagkawala ng kontrol. Subalit ang totoo, maaaring maiwasan ang mga nararamdamang ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga naturang pangyayari o lugar na nagbibigay sa kanila ng pagkabahala. Maraming bagay ang nakapagdudulot ng panic disorder. Karaniwan sa mga ito ay ang hindi magagandang pangyayari sa buhay at biglaang pagbabago ng buhay tulad ng pangmatagalang kawalan ng hanapbuhay at pagkawala ng mahal sa buhay. Kapag ang tao ay nasa matinding problema, natural na gumagana ang utak ng tao laban sa kawastuhan. Kadalasan, mali ang naiisip niyang solusyon. Ang panic disorder ay walang isang dahilan. Marami ang maaaring pagsimulan nito. Subalit, narito ang ilan sa nakadaragdag na dahilan. Una, dahilang biyolohika. Namamana ang panic disorder. Ayon sa mga pag-aaral, kapag ang isang miyembro ng pamilya ay may ganitong kondisyon, malaki ang tsansang maipapamana niya ito sa kaniyang kapamilya. Pangalawa, dahilang sikolohikal. Mas prone sa panic disorder ang mga taong malapit sa pagkabalisa, pesimista, at pakiramdam ng kulang sa seguridad. At pangatlo, dahilan sa kapaligiran. Malaki ang nagagawa ng environment sa pagkakaroon ng panic disorder ng isang tao. Ang mga negatibong karanasan niya noong bata pa siya, gaya ng kapahamakan, aksidente), malubhang suliranin, pagpapalit ng trabaho, problemang pakikipagkaibigan, at iba pa) ay mga dahilan rin nito. Hindi mahirap malaman kung ang isang tao ay nakararanas ng panic disorder. Biglaan at matindi siyang matakot na tumatagal ng ilang minuto kahit wala namang malinaw na panganib. Susundan pa ito ng apat (4) o higit pang sintomas. Maaari siyang makaranas ng panic attack. Ang panic attack ay paulit-ulit na atake ng pag-aalala at pagkatakot. Ang taong nakararanas nito ay kumakabog ang dibdib, nagpapawis, nanginginig, nahihirapan sa paghinga, nakakaramdam ng parang nabibilaukan, sumasakit ang dibdib o nabibigatan sa dibdib, nasusuka, nahihilo o nahihimatay, namumula at nanlalamig, nangingilabot o naamamanhid ang paanan, nalilito sa katotohanan (parang nananaginip), nalilito sa pagkatao (parang nasa labas ng sarili at walang kontrol), natatakot sa kamatayan, at natatakot mawalan ng kontrol o mabaliw. Pagkatapos makaranas ng unang panic attack, magsisimula nang mag-alala ang taong may panic disorder sa kahihinatnan ng mga atake. Maaari na siyang mag-aalala na mayroon na siyang seryosong sakit sa puso. Posible ring mag-aalala siya na baka mahimatay siya sa daan at walang tumulong. Malamang ay iniisip niya rin na siya ay magwala at mawalan ng kontrol. Hindi maiiwasan ang panic attack, subalit kayang iwasan ang pagsumpong nito. Dapat niyang palakasin ang kaalaman sa mga sintomas nito. Kumain siya nang sapat at panatilihing malusog ang katawan. Iwasan niya ang paninigarilyo at pagkakape, gayundin ang paggamit ng bawal na gamot at inuming may alcokol. Pangalagaan niya ang katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagtulog nang sapat. At magkaroon ng tamang mindset at positibong pananaw sa mga bagay-bagay. Hindi naman makatutulong ang pag-iwas sa mga bagay o gawaing nakakapag-trigger ng karamdaman. Lalo lamang nitong palalalain ang pagkabalisa. Halimbawa, takot siya sa matatao o saradong lugar. Kung patuloy niya itong iiwasan, maaari itong mauwi sa agoraphobia, kung saan matinding napipigilan nito ang aktibidad niya at maepektuhan ang trabaho, relasyon, at kalidad ng buhay. Kaya, marapat lamang na harapin niya ito nang paunti-unti hanggang sa masanay siya at makatakas sa takot na iyon. Nagagamot ang panic disorder sa pamamagitan ng medikasyon at psychological therapy. Dapat kumonsulta muna sa espesyalista upang mabigyan ng tamang gamot at maibigay ang angkop na terapi. Ang mga gamot na ipaiinom sa kaniya ay panandalian lamang ang epekto. Hindi nito tatanggalin ang karamdaman kundi pakakalmahin lamang nito ang pasyente. Ang cognitive-behavioral therapy naman ay makatutulong sa kaniyang pag-iisip at pag-uugali upang epektibong magamot ang panic disorder. Nakadisenyo ito upang tumulong na pagbutihin at baguhin ang hindi makatwirang dahilan na nagpapalala ng kanyang iniisip, at harapin ang kinatatakutang bagay o sitwasyon nang hinay-hinay. Halimbawa, takot siyang sumakay sa eroplano. Sa paulit-ulit na pagsasanay na harapin ang kinatatakutan niyang bagay, gawain o sitwasyon ay unti-unti rin siyang magiging komportable sa kaniyang ginagalawan at unti-unting mababawasan ang kaniyang pagkabalisa Hindi madaling harapin ang takot, subalit sa teraping ito ay matututo siya ng mga teknik para kumalma siya at mabawasan o mawala ang pagkabalisa. At anomang paraan ng paggamot sa panic disorder, napakahalaga ang aktibong partisipasyon ng kaniyang pamilya dahil sila ang magbibigay ng gabay at suporta para sa mabilis niyang paggaling. Patuloy din dapat siyang manalig sa Diyos upang malampasan niya ito.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...