Followers

Tuesday, July 20, 2021

Pagtitibi (Constipation)

Nahihirapan ka bang dumumi? Constipated ka, Kapatid. Ilabas mo iyan dahil may masamang epekto iyan sa iyong katawan. Ang constipation (pagtitibi) ay isang uri ng kondisyon sa digestive system na nagdudulot ng pagtigas ng dumi ng tao na lubhang napakahirap na ilabas. Bata o matanda man ay maaaring maapektuhan ng kondisyong ito. Nangyayari ang pagtitibi dahil ang malaking bituka (colon) ay labis na sumisipsip ng mga tubig o likido na nasa mga pagkain sa loob nito. Resulta rin ito ng kakulangan sa pagkilos o ehersisyo ng isang tao, gayundin ng ilang uri ng mga gamot na kaniyang iniinom, pagkaing kinakain, at ng kaniyang edad. Habang nagkakaedad ang tao, mas nahihirapan ang panunaw. Malaki rin ang kinalaman ng pag-inom ng tubig sa pagtitibi. Ang kakulangan sa pag-inom ng sapat na dami ng tubig ay maaaring magresulta sa constipation. Ang kakulangan sa mga pagkaing mayaman sa fiber ay sanhi rin ng kondisyong ito. Itinuturo ding dahilan ng pagtitibi ang iba’t ibang pinsala sa katawan o karamdaman. Ang pagtitibi ay may dalawang uri-- ang primary constipation at secondary constipation. Gayunpaman, magkapareho ang mga sintomas nito. Ang Primary constipation ay ang pinakakaraniwang uri ng pagtitibi. Ito ay nahahati pa sa tatlong mga uri --ang slow-transit constipation, pelvic floor dysfunction, at normal-transit constipation. Ang Slow-transit constipation ay ang uri na kung saan nababawasan ang paggalaw ng mga bituka, samantalang ang paggalaw ng pagkain mula sa umpisa hanggang sa dulo ng digestive tract ay bumibilis. Nagdudulot ito ng kabag, pagkabalisa, at dalang ng pagdudumi. Ang Pelvic-floor dysfunction ay tinatawag ding outlet constipation. Ito ay ang hindi maayos na paggalaw ng mga kalamnan sa sahig ng mga balakang kaya ito ay nagdudulot ng hirap sa pagdudumi. Karaniwang nakararanas ng matinding pag-ire sa pagdudumi ang sinomang meron nito. Ang Normal-transit constipation ay maaaring dulot ng pagtaas ng psychosocial distress. Dito ay normal ang paggalaw ng mga bituka at paglabas ng mga dumi ng taong meron nito, subalit inaakala niyang tinitibi siya, ang totoo may mga pagkakataon talaga na matigas ang kanilang mga dumi, na sinasabayan pa ng kabag. Ang Secondary Constipation naman ay dulot ng problema sa metabolismo na gawa ng hypothyroidism. Maaari din itong resulta ng mga problemang neurolohikal, katulad ng multiple sclerosis, pinsala sa spinal cord, Parkinson’s disease, celiac disease, colon cancer, stroke, at autonomic neuropathy. Ang pagkakaroon ng mga problema sa mga kalamnan sa balakang na may kinalaman sa pagdudumi ay maaari ding magdulot ng pagtitibi, katulad ng kawalan ng kakayahan ng mga kalamnan sa balakang na mag-relax sa tuwing dumudumi, kawalan ng mga kalamnan sa balakang na ayusin ang pag-relax at pagpisil (dyssynergia), at paghina ng kalamnan sa balakang. Ang diabetes at pagbubuntis ay maaari ding magdulot ng constipation. Malalaman mong constipated ka kung labis kang nahihirapan sa pagdudumi, kung lumulobo ang iyong tiyan, may kabag ka, nawawalan ng ganang kumain, pinupulikat o sumasakit ang tiyan o naduduwal ka. Minsan naman, may pagkakataong may kasamang dugo ang dumi ng taong may pagtitibi. Kung pabalik-balik na ang pagtitibi o constipation, malamang maraming ang mga sanhi nito, katulad ng pagbara sa malaking bituka. Mapanganib ang pagkakaroon ng pabalik-balik na constipation, kaya nararapat na maging maingat. Kung ikaw ay matanda na, buntis, hindi mahilig uminom ng tubig, kulang sa fiber ang kinakain, kulang sa mga pisikal na aktibidad o ehersisyo, uminom ng mga gamot para sa hypertension at mga sedatives, opioid painkillers, at antidepressants, may problemang psychological, kagaya ng depresyon o anxiety, at may problema sa pagkain, prone ka sa pagtitibi. Kapag hindi agad maagapan ang pagtitibi, ito ay maaaring magdulot ng almuranas (hemorrhoids), paghina ng immune system, fecal impaction, mood swings, pagsakit ng ulo (headache), pagkawala ng appetite, pagkahapo (fatigue), skin eruptions (acne, skin rashes, hives, boils and inflamed skin), bad breath (halitosis), pagsakit ng likod (back pain), pagtaas ng cholesterol, brain fog (pagkakamakalimutin, pagkawala sa pokus o pagbagal ng pagkatuto), at pagtaas ng timbang (obesity). Huwag kang mag-alala! May mga paraan para lunasan ang pagtitibi (constipation). Uminom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw. Makatutulong ito upang madaling mailabas ang mga dumi mula sa tiyan. Iwasan ang labis na pag-inom ng mga inuming may caffeine, gaya ng kape, soda, energy drink, at iba pa. Nagdudulot ang mga ito ng pagkatuyot. Mag-ehersisyo nang regular sa loob ng 30 minuto bawat araw. Ugaliing magbawas kaagad kapag nakaramdam ng pangangailangan na dumumi. At kumain ng mga pagkaing balanse at mayaman sa fiber, gaya ng mga prutas, gulay, at whole-grain na tinapay. Kung hassle sa ‘yo ang pag-inom at pagkain ng may fiber, good news, merong First Vita Plus Natural Health Drink Dalandan, na tutulong sa iyo upang mawala ang iyong pagtitibi. Binubuo ito ng limang gulay (malunggay, dahon ng sili, talbos ng kamote, uray, at saluyot) at nilahukan pa ng dalandan extract. Kapag malalala ang kaso ng constipation, may iba’t ibang uri ng gamot o kaya ay mga laxatives, na maaaring ireseta sa iyo ng doktor. Papalambutin at padudulasin nito ang mga dumi sa tiyan upang maginhawa mo itong mailabas. Kailangang ilabas ang dumi. Huwag mong ipagwalambahala ang pagtitibi. Constipation is not okay, kaya huwag ka nang mag-atabuli. Lunasan ito agad upang lalabas ka sa banyo nang nakangiti.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...