Followers

Friday, July 9, 2021

Magkaiba ang Pagiging Introvert at Social Anxiety Disorder

Isa ka rin ba sa nagtatanong kung introvert ka lang o may social anxiety disorder (SAD) ka na? O isa ka sa mga taong nagsasabing ang pagiging introvert at pagkakaroon ng SAD ay iisa? Well, marami talaga ang nagkakamali sa bagay na ito. Kaya, dapat mong malaman ang katangian ng isang taong introvert, gayundin ng taong nakararanas ng social anxiety disorder. Simulan natin sa introvert. Ang pagiging introvert ay isang ugali ng tao, kung saan ayaw niya lang makisalamuha sa kapwa. Bukod dito, narito pa ang ilan sa mga katangian niya. Mas gusto niya ang kaunting kaibigan at one-on-one na pakikipag-usap. Ayaw niya ng tropa. Siya ang taong mahilig sa malalim at makabuluhang usapan sa limitado o maliit na grupo ng tao. Hangga’t maaari siya at isang kausap lamang ang nais niya, lalo na kapag kasundo, kaibigan, o may malalim siyang relasyon dito. Hindi siya nababagot o nalulungkot kahit mag-isa lamang siya. Ang totoo, mas masaya siya kapag mag-isa sa bahay o sa mga gawain. Mas nararamdaman niya ang pag-iisa kapag siya ay nasa pagtitipon at salusalo. Mas epektibo siya kapag mag-isa, kaya marami siyang nagagawang kapaki-pakinabang na bagay at gawain. Kailangan niyang magpahinga bago at pagkatapos makihalubilo sa (mga) kapwa. Iritado siya kapag matagal ang ginugol niyang oras sa pakikipag-usap. Pakiramdam niya napagod ang kaniyang isip, kaya ang tanging solusyon ay manatili siya sa bahay o magkulong sa kuwarto nang matagal upang manumbalik ang sigla niya. Malalim siyang mag-isip. Masining ang kaniyang mga ideya at kaisipan. Mahilig siyang mag-isip ng magaganda at makabuluhang bagay, kaya tuwing may mga katanungang mahirap sagutin, siya ang nakasasagot. Matagal siya bago magsalita o hindi siya basta-basta nagbabahagi ng ideya. Prinoproseso niya nang mabuti ang mga sasabihin, bago bigkasin kaya natatagalan siyang magbitiw ng mga salita. At mas gusto niya ang pakikipag-usap nang hindi personal o hindi face-to-face. Ayaw niyang nagiging center of attention siya. Nakapagdudulot ito sa kaniya ng iritasyon. Mas gusto niyang kumilos o gumawa nang tahimik at hindi pinapansin. Mas epektibo niyang nagagawa ang mga gawain kapag walang nakatingin. Ayaw rin niyang pinupuri o makatanggap ng mga recognition. Siya ang taong masaya nang magtrabaho behind the scenes. Mas gusto niya ang pasulat na komunikasyon kaysa sa pasalita. Mas naipapahayag niya ang kaniyang ideya, kaisipan, at saloobin kapag isinusulat niya ang mga ito. Mas gusto niya ang pagsusulat kaysa sa pagsasalita. Mas gusto niyang magtrabahong mag-isa kaysa gumawa nang kasama ang grupo. Hindi naman sa hindi siya epektibo kapag nasa grupo. Mas nakapopokus kasi siya kapag walang kausap at mga naririnig. Sa palagay niya, mas kapaki-pakinabang siya kapag solo siya sa isang gawain. Mahusay siyang magbasa ng isip ng tao. Dahil tahimik siya kapag kasama ang karamihan at mahilig siyang magmasid, nabibigyan niya ng kahulugan ang mga kilos at gawi ng mga taong nasa paligid niya. Mas gusto rin niyang making kaysa magsalita. Nahihirapan siyang mag-adjust kapag may bagong gawain. Mas gusto niya ang mga nakasanayang bagay, kaya naman tumataas ang presyon ng kaniyang dugo kapag nahaharap siya sa isang di-pamilyar o bagong lugar, sitwasyon o gawain. Ayaw niya sa networking. Naiirita siya kapag kailangang manghikayat ng tao. Siya ay hindi mahusay sa marketing o sales talk. Napapagod agad siya kapag hindi niya mapasunod o mahikayat ang isang tao. Para sa kaniya, hindi siya nababagay sa mga samahan o organisasyon. Bago natin kilalanin ang mga katangian ng taong may social anxiety disorder (SAD), linawin ko lang na ang SAD ay isang mental na karamdaman at nagdudulot ito ng negatibong epekto sa iba’t ibang aspekto ng buhay ng tao. Iniiwasan niya ang pakikihalubilo at pagtatanghal sa madla. Nababalisa siya kapag humaharap sa maraming tao. Ayaw na ayaw niya ang public speaking at ang pagtatanghal sa entablado dahil takot siyang mabiktima ng maling panghuhusga. Masyado siyang kritikal sa kaniyang sarili. Iniisip niyang hindi sapat ang kaalaman at kakayahan niya para sa iba. Kulang siya sa tiwala sa sarili kaya nagiging pesimistiko at negatibo siya. Ito rin ang dahilan ng kaniyang pagkabalisa at hindi pagkakaroon ng pokus sa kaniyang gawain. Nakararanas siya ng mga pisikal na sintomas ng SAD pagkatapos maharap sa kinatatakutang sitwasyon, gaya ng paninikip o pagkabog ng dibdib, pagbilis ng tibok ng puso, panginginig, pagpapawis, pagduduwal, at iba pa. Nahihirapan siyang kumawala sa anxiety, kaya madalas natatagpuan niya ang sarili sa piling ng alak at iba pang bisyo. Dahil dito, umiiwas din siya sa pakikipag-usap sa iba. Ayaw niya rin ng eye contact. Kampante siya kapag kaharap niya ang mga taong gusto niya o taong gusto at tanggap siya. Kabaligtaran naman ang nararamdaman niya kapag may ibang tao sa kanilang tahanan o may hindi pamilyar na tao siyang kasalamuha. Nahihirapan siyang bumuo ng matatag na pagkakaibigan at relasyon sa kapwa. Siya ay madalas wala o kakaunti ang kaibigan. Gustuhin man niyang magkipagkaibigan o makipagrelasyon, hinahadlangan siya ng takot niyang ma-reject. Nababalisa siya kapag may nakatingin sa kaniya habang siya ay may ginagawa. Ayaw niya nang may nakatingin sa kaniya habang kumakain o iba pang gawain. Napi-pressure din siya kapag binabantayan ang oras niya, gaya kapag kumukuha ng pagsusulit. Nababalisa at natatakot din siyang ipakilala ang sarili sa grupo ng tao. Hindi siya kampante kapag nakaharap, katabi, o nakatingin ang kaniyang boss, teacher, o sinomang may awtoridad sa kaniya. Ayaw niyang nakikipag-usap sa mga persons-in-authority dahil nakararamdam siya ng hindi maipaliwanag na kaba at takot. Nangangamba siyang mapansin ng iba ang mga sintomas ng kaniyang karamdaman. Ikinahihiya at ikinatatakot niyang kapag inatake siya sa gitna ng maraming tao o habang siya ay nagtatanghal. Ang isiping iyon ay lalong nagpapalala sa kaniyang anxiety. Natatakot siyang madiskubre ng kapwa niya ang katauhan niya. Naniniwala siyang hindi siya magaling. Nababalisa siyang isipin na baka hindi siya maunawaan kapag ipinagtapat niya ang kaniyang mga pinagdaraanan. Kulang siya sa paninindigan, kaya nagiging sunod-sunuran na lamang siya. May tendency siyang suportahan ang maling ideya para lang hindi siya magkaroon ng problema sa pagpapahayag ng kaniyang ideya at saloobin. Hayan! Sana naliwanagan ka na. Uulitin ko, magkaiba ang introversion (pagiging introvert) at social anxiety disorder. At upang mas maliwanag, idagdag ko lamang ang mahahalagang impormasyong ito. Ang introvert na tao ay walang itinatago. Malaya siya. Hindi niya iniisip ang sasabihin ng iba. Ang pagiging introvert ay inborn samantalang ang SAD ay nade-develop lang at napag-aaralan. Ang SAD ay may kinalaman sa takot sa maraming tao. Ang pagiging introvert ay kagustuhan lang ng isang tao na mapag-isa. Tanggap ng taong introvert ang kaniyang kondisyon, samantalang ang taong may SAD ay nagiging judgmental sa kaniyang sarili. Kaya namang makisalamuha sa kapwa ang introvert, pero hindi ang taong may SAD. Nililimitahan ng taong introvert ang socialization. Pinalulungkot naman nito ang taong may SAD. Nagagamot ang social anxiety. Nababago naman ang pagiging introvert. Nahihirapan lang kumalma ang taong introvert sa harap ng mga tao, subalit hinding-hindi naman nagiging komportable ang taong may SAD. Kaya naman ng introvert ang public speaking, pero ang taong may SAD, iniiwasan niya ito kahit sa anong paraan. Ang SAD ay may elemento ng hiya, samantalang ang introversion ay wala. Ang tanong: Ang taong introvert ba ay maaaring magkaroon ng social anxiety disorder? Ang sagot: Oo! Maaaring makaranas nito ang introvert. Kaya nga dapat may sapat siyang oras upang kumalma. Nakatutulong ang pag-iisa upang mapaghandaan niya ang pagharap sa mga tao. Introvert ka man o may social anxiety disorder, mahalaga ang pagkakaroon ng lakas ng loob upang gawin ang isang bagay na higit mong kinatatakutan. Ang pakikitungo sa kapwa ay may higit na kabuluhan kaysa sa pag-iwas sa kanila. Hindi nakakatakot ang pagharap sa tao. Ang nakakatakot ay kapag wala ka nang makita o makasalamuhang tao.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...