Followers
Thursday, August 12, 2021
Handa Kami
"Papa, totoo po bang may parating na bagyo?” tanong ko.
"Oo, Kurt, kaya maghanda na kayo," sabi ni Papa.
Hinanap ko kaagad ang mga ate ko.
"Ate Princess, Ate Britney, maghanda tayo para sa paparating na bagyo," sabi ko.
"Pero paano?" tanong ni Ate Princess.
"Ayaw ko! Naglalaro tayo ng mga manika. Normal at natural na pangyayari lang naman ang bagyo. Dalawampu o mahigit na beses bumabagyo sa isang taon," paliwanag ni Ate Britney.
"Pero iba ang parating na bagyo. Sabi sa balita, mas malakas ito kaysa sa mga naunang bagyo. Kaya, mas mabuting maghanda tayo," sabi ko.
"Ate, tama siya. Dapat maghanda tayo," sabi ni Ate Princess kay Ate Britney. "Nakita ko rin sa tv ang mga pinsalang ginawa ng bagyong Yolanda. Maaaring mangyari sa atin kung hindi tayo maghanda.”
Sandaling nag-isip si Ate Britney, saka tumayo. "Kayong dalawa, pareho kayong kakaiba! Hindi ako tutulong sa inyo. Maglaro na lang ako kaysa sumali sa inyo." Pagkatapos, iniwan na niya kami.
Bumaba kami ni Ate Princess at pinag-usapan ang tungkol sa paghahanda.
Lumipas ang sampung minuto, napagsama-sama na namin ang bagay na kailangan para sa gagawin naming emergency kit. Naihanda namin ang flashlight, posporo, lighter, kandila, bottled water, mga de-lata, biscuits at crackers, first aid kit, lubid, Swiss knife, compass, at marami pang iba. Inilagay namin ang lahat ng iyon sa isang plastic box na may masikip na takip. Pagkatapos, bumalik kami sa itaas upang makuha ang aming mahahalagang papel at dokumento, tulad ng mga sertipiko ng kapanganakan.
Nagulat kami ni Ate Princess nang makita namin si Ate Britney na inaayos ang aming mahahalagang dokumento. Ngumiti siya sa amin.
"Tinutulungan ko na kayo. Pinagalitan kasi ako ni Lola Carmen. Tama kayo... Pasensya na," sabi ni Ate Britney.
"Ayos lang, Ate Britney!" sabi ko.
Tatlo na kaming nagplano ng mga susunod na hakbang.
Maya-maya, tinulungan namin si Papa sa paghahanda ng paligid ng aming bahay. Habang pinuputol niya ang ilang mga sanga ng puno, kinokolekta naman namin ang mga iyon.
Tumulong din kami sa pag-aayos ng mga sirang bintana at iba pang bahagi ng aming bahay. Sinuri din niya ang koneksyon sa kuryente.
Pagkatapos, nagsaing at nagluto kami ng adobo. Dinoble namin ang karaniwang dami ng mga iyon upang hindi kami magutom kapag magtagal ang bagyo.
Tumawag si Mama mula Hong Kong upang kumustahin kami.
"Handa na talaga kami," sabi ni Papa. "Ang lahat ng ito ay dahil kay Kurt, na laging handa. Boy scout talaga! Hinikayat niya kaming maghanda.
"Wow! Ang galing naman ni Kurt! Nakakatuwa! Masayang-masaya ako kahit hindi ko kayo kasama ngayon. Panalangin ko palagi ang inyong kaligtasan. At huwag niyo ring kalimutang magdasal," sabi ni Mama.
"Opo, Mama!" sabay-sabay naming sagot.
"Ingat din po, Mama!" sabi ko.
Salamat, pagpalain kayo ng Diyos!” sabi ni Mama bago siya nagpaalam.
Habang rumaragasa ang bagyo, nananalangin kami na sana’y walang sinoman ang mapahamak.
Nakaragdag sa takot sa amin ang tila sumisipol na hangin. Hinahampas nito ang mga sanga ng puno ng caimito. Parang pinasasayaw rin nito ang aming bahay.
Nagpatuloy ang matinding ulan.
"Diyos ko!" bulalas ni Ate Princess. "Tingnan ninyo, baha na sa labas."
Sumilip ako sa bintana. Nakita ko ang dahan-dahang pagtaas ng tubig. "Naku, paano kung umabot sa bahay natin?" tanong ako.
"Huwag kang mag-alala. Ligtas tayo rito," sabi ni Ate Britney.
Makalipas ang ilang minuto, napasigaw kami nang nawala ng kuryente.
"Papa! Papa!" sigaw ni Ate Princess.
"Ate, huwag kang magpa-panic. Nandito kami." sabi ko sa kanya. Lumapit ako sa kanya. "Nasa baba si Papa."
Lumapit din si Ate Britney kay Ate Princess. "Puntahan natin si Lola Carmen," sabi niya.
Nakaramdam kami ng kaligtasan nang magkasasama kami, pero lalong lumakas ang hangin. Talagang nakakatakot! Madalas kaming sumisigaw sa tuwing may maririnig kaming ingay sa bubongan. Natatakot kaming mawala o baka liparin ang mga yero.
"Huwag kayong mag-alala. Ligtas tayo kasi nagdasal tayo sa Diyos na protektahan tayo," sabi ni Lola Carmen.
"Opo, totoo po ‘yan, Lola," sabi ko. "At saka, naghanda po kami." Niyakap ako ni Lola Carmen.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment