Ilang araw nang hinahanap ni Zenny ang kaniyang paboritong puting medyas.
Noong Linggo, tinanong niya ang kaniyang ina kung nakita nito ang puting medyas niya. "Naku, Zenny, nakalimutan mo naman ba?" natatawang tanong ng ina. "Opo." Kakamot-kamot sa ulo na tumalikod na si Zenny. Noong Lunes, hinalungkat niyang lahat ang laman ng kaniyang aparador, pero hindi niya nahagilap. Sa halip, ang lumang medyas na lamang ang kinuha niya. Noong Martes, hinalughog niya ang ilalim ng kaniyang kama, pero hindi niya nakita. Sa halip, ang maluluwag na medyas ang isinuot niya. Noong Miyerkoles, binusisi niya ang damitan ng kaniyang bunsong kapatid, pero hindi niya natagpuan. Sa halip, hindi magkapares na medyas ang kaniyang nagpagbuntunan. Noong Huwebes, kinalkal niya ang kanilang laundry basket, pero wala roon ang puting medyas niya. Sa halip, ang medyas na nagninisnis ang ginamit niya. Noong Biyernes, inisa-isa niyang idinutdot ang kamay sa mga sapatos na nakahilera sa kanilang sapatusan. Pero wala roon ang puting medyas niya. Sa halip, ang gamit nang medyas ng ate niya ang kaniyang hinugot. Noong Sabado, hindi na siya nakatiis. Nilapitan niya ang kaniyang ina, na kasalukuyang naglalaba ng kanilang mga damit. "Mama, nakita mo po ba ang puting medyas ko?" kakamot-kamot sa ulo na tanong niya. Nginitian muna siya ng kaniyang ina. "Nakalimutan mo na ba?" Lalong napakamot sa ulo si Zenny, pero parang may naalala siya. "Sorry po, Mama... Nakalimutan kong tuwing Sabado ka pala naglalaba, at hindi kita natutulungan. May praktis nga po kami ngayon ng sepak takraw," paliwanag niya. "Zenny, hindi lang iyon ang nakalimutan mo," natatawang tugon ng ina. Nakakunot-noong napaisip si Zenny. "Sobrang dumi at baho ng puting medyas mo. Isang Linggo mong ginamit, pero hindi mo nilalabhan." Napangiti si Zenny sa narinig. Bigla siyang nahiya sa sarili. "Sorry po ulit, Mama, kung tamad akong maglaba." "Dapat hindi, Anak... Dapat habang bata ka pa ay matuto ka nang maglaba, lalo na ng mga kasuotang panloob. Tinuruan na kita, hindi ba?" "Opo! Noong limang taong gulang ako, sumasali ako sa inyo ni Ate Jenny sa paglalaba. Gustong-gusto kong paglaruan ang mga bula." Ang kaniyang ina naman ang napangiti. "Hindi talaga laro ang paglalaba. Nangangailangan ito ng oras at pagtitiyaga." "Tama po kayo, Mama!" sabi niya. "Kailangang malinis at mabango ang damit na ating isusuot." "At hindi nanggigitata," dugtong ng ina. Kinuha nito ang paborito niyang medyas, saka itinaas. "Heto ang puting medyas mo... Nangingitim na." Mabilis na natakpan ni Zenny ang ilong niya. "Yay! Amoy-patay na daga." Nagtakip din ng ilong ang kaniyang ina, saka nagtawanan sila. Simula noon, naglalaba na si Zenny ng kaniyang medyas at iba niyang damit. At siyempre, araw-araw siyang nagpapalit ng medyas.Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment