BOOKLET PROJECT
1.
Gusto Kong maging Guro
Gusto kong maging guro balang araw.
Gustong maging nars ni Amanda.
Gustong maging sundalo ni Bernie.
Gustong maging arkitekto ni Rolando.
Gustong maging doktor ni Dolores.
Gustong maging piloto ni John.
Kaya, mag-aaral kami nang mabuti.
2.
Magandang Umaga!
Iinat-inat muna saka babangon mula sa kama.
Aayusin ang higaan, kasama ang kumot at unan.
Dudungaw sa bintana at ngingitian ang mga ibon.
Haharap sa salamin at magsusuklay ng buhok.
“Meow!” babatiin si Muning sa sulok.
Saka lalabas sa kuwarto nang kay saya.
“Magandang umaga!” bati niya sa pamilya.
3.
Magbilang Tayo!
Magbilang tayo!
Isa, dalawa, tatlo…
May tatlong aso.
Apat, lima, anim, pito…
May pitong pato.
Walo, siyam, sampu…
Sampu ang paruparo.
4.
Sabado
Sabado ngayon!
Maglilinis ako sa aking kuwarto.
Sa paglalaba ni Mama, tutulong ako.
Magpapalit din kami ng kurtina sa sala.
Sa hardin, tutulungan ko si Papa.
Makikipaglaro din ako kina Ate at Kuya.
Ang saya-saya talaga kapag Sabado!
5. Pamamasyal
Mamamasyal kami ngayon!
Sasakay kami sa padyak.
Sasakay rin kami sa traysikel.
Susunod, sa dyip naman.
Pagkatapos ay sa bus.
At panghuli na sa tren.
Yehey! Nasa Luneta na kami!
6. Mga Sangkap
Handa na ang mga sangkap.
Sago at gulaman,
Minatamis na langka at saging,
Mais, ube, pinipig, kaong,
Kinaskas na yelo, gatas,
At mangga o kaya ay leche flan.
Heto na ang haluhalo!
7. Magalang
Magandang umaga po!
Kumusta po kayo?
Makikiraan po.
Maraming salamat po!
Pasensiya na po.
Mano po!
Ang galang naman ng batang ito.
8. Almusal
Mainit na kanin,
pritong itlog,
daing na isda,
ginisang gulay,
matamis na saging,
at sariwang gatas
ang almusal ko ngayong araw!
9.Isang Linggo
Masaya ang pamilya ko `pag Linggo.
Sabik akong pumasok sa eskuwela `pag Lunes.
Nais ko pang natututo pagdating ng Martes.
`Pag Miyerkoles, kay taas pa ng aking interes.
`Pag Huwebes, punong-puno na ng kaalaman.
At `pag Biyernes, andami ko nang natutuhan.
Sa araw ng Sabado magpapahinga ako!
J. Diary
Ano kaya ang isusulat ko?
Hmmm, alam ko na!
Ang aking nararamdaman,
Ang aking mga plano sa sarili
Ang aking mga alaala at naiisip
At ang mga pangyayari kahapon
Ay aking isusulat sa aking diary.
K. Batang Iskawt
Ako ay matapat, mapagkakatiwalaan,
Matulungin, palakaibigan,
Mapitagan, magalang,
May sariling paninindigan,
Matipid, disiplinado,
At malinis sa isip, sa salita at sa gawa
Dahil ako ay isang batang iskawt.
L. Pakinggan Mo
Ang twit-twit ng ibon,
Ang unga ng kalabaw,
Ang ngiyaw ng pusa,
Ang tiktilaok ng manok,
Ang kokak ng palaka,
At ang kwak-kwak ng pato
Ay kay sasarap pakinggan.
M. Maglaro Tayo!
Ako ay may saranggola.
Ako ay may baril-barilan.
Ako ay may mga holen.
Mayroon akong yoyo.
Mayroon akong trumpo.
May manika naman ako.
Halikayo, tayo nang maglaro!
Ilaw ng Tahanan
Siya ang isa sa aking mga magulang.
Siya ang aking ina.
Siya ang aking nanay.
Siya si Mama.
Siya naman si Mommy.
Siya ang aming ilaw ng tahanan.
Mahal na mahal namin sila.
Ang Uod
Napansin ni Dandoy ang mga berdeng uod sa puno ng kalamansi.
Kinakain nito ang mga dahon.
“Baka makalbo ang kalamansi namin,” sabi ni Dandoy.
Kumuha siya ng patpat. Nais niya itong alisin upang hindi na
lumubha ang pinsala.
Subalit, gusto naman niyang makita itong lumaki.
“Sige na, munting uod, kumain ka nang marami. “
“Gusto kong makita kang maging paruparo.”
Ang Hardin ni Lola
Si Lola ay mahilig magtanim
Mayroon siyang magandang hardin.
May mga halamang ornamental siya.
May mga halamang gamot din siya.
At siyempre, may mga tanim siyang gulay.
Tingnan mo! Dali, tingnan mo.
Magtatanim na naman siya.
Si Bantay
Mabait at maamong alaga si Bantay.
Ngunit siya ay matapang na bantay.
Mahilig siyang matulog sa umaga. Gising naman siya sa gabi.
Siya ang matiyagang bantay sa aming bahay.
Tinitiyak niyang walang makakapasok sa aming bakuran sa
gitna ng aming pagtulog.
Galit siya sa mga magnanakaw.
Tinatahulan naman niya ang mga kapitbahay na maiingay.
Trangkaso
Sobrang sakit ng katawan ko noong Linggo ng gabi.
Nakaramdam ako ng kakaibang lamig, kaya nagsuot ako ng
makapal na jacket.
Nahulaan ko na agad na may trangkaso ako.
Nakakatakot man, pero nilabanan ko ang nakahahawang sakit
upang hind maging Omicron.
Uminom ako ng mabisang gamot. Nagsuob ako, gamit ang asin at
luya.
Nagpahinga ako. Gayunpaman, umabot ng tatlong araw ang aking
trangkaso.
Mabuti na lang, trangkaso lamang iyon at hindi Covid-related
na sakit.
Kagubatan
Napakahalaga ng kagubatan sa buhay ng mga tao at mga hayop.
Dito kumukuha ang mga hilaw na produkto ang mga tao, gaya ng
troso, prutas, kasuotan, at iba.
Nagdudulot din ito ng proteksiyon sa mapaminsalang baha at
bagyo.
Dito namamahay ang maiilap na hayop.
Ang mga hayop ang nagpaparami sa mga puno at halaman.
Ang mga puno at halaman ang pinagkukunan natin ng ating mga hilaw
na kagamitan at pagkain.
Kung patuloy na sisirain ang mga kagubatan, nanganganib ang
buhay nating lahat.
Ang Aking Ina
Napakabuti ng aking ina.
Pinalaki niya ako nang maayos.
Pinapagalitan naman kapag nakagagawa ng pagkakasala.
Itinatama niya ang aking mga pagkakamali.
Pinapayuhan niya ako palagi.
Lagi niya akong pinaaalalahanang gumawa nang mabuti sa
kapwa.
Kaya iniidolo ko ang aking ina.
Tamboring Tansan
Mangolekta na ng mga tansan.
Ihanda ang pako, martilyo, at alambre
Pitpitin na ang mga tansan.
Butasan ng pako ang mga pinitpit na tansan.
Tuhugin ang mga ito ng alambre.
Yehey! May tamborin na tayo!
Mamayang gabi, mangangaroling na tayo.
Alkansiya
Nag-iipon ako, kaya ako ay may alkansiya.
Araw-araw, hinuhulugan ko ito ng limang piso.
Kaya, sa isang linggo, nakaiipon ako ng tatlumpu't limang
piso.
Kung maghuhulog ako hanggang isang buwan, magkano na ang
pera ko?
Aha! Makaiipon ako ng isandaan at limampung piso.
Kung itutuloy ko hanggang isang taon, magkano na kaya?
Wow! Magkakaroon ako ng isang libo't walong daang piso.
Libangan
Marami akong libangan upang hindi masayang ang oras ko.
Mahilig akong magbasa, lalo na ng mga aklat-pambata.
Mahilig akong magkulay, gumuhit, at magpinta.
Mahilig akong magbisikleta upang makakita ng magagandang
tanawin.
Mahilig akong magsulat ng mga tula, kuwento, at iba pang
akda.
Mahilig akong magtanim ng mga halaman.
Darating ang panahon, ang mga hilig kong ito ay
pagkakakitaan ko.
Ang Aking Hardin
Maaliwalas at malamig sa aming bakuran dahil sa aking
hardin.
Marami akong koleksiyon ng mga halaman dito.
Mayroon akong iba’t ibang uri ng cactus, rosas, fern,
at gumamela.
Mayroon din akong mga mumurahing halaman, pero kay gagandang
tingnan.
Dahil sa mga halamang ito, sariwang hangin ang dulot nito sa
amin.
Marami ring ibon, paruparo, at bubuyog ang mga dumarayo sa
aking hardin
Dito sila nakakapagpahinga, nakakain, at nakapagpaparami.
Si Andres Bonifacio
Siya ay matapang na tao.
Siya ay tinawag na Supremo.
Itinatag niya ang Katipunan.
Ipinaglaban niya ang ating kalayaan.
Kahanga-hanga ang kaniyang katapangan.
Siya raw ang unang pangulo.
Siya ay isang bayaning Pilipino!
Ang Gatas
Sa nutrisyon, ito ay punong-puno.
Kalsiyum at protina ay taglay nito.
Ito ay nagpapalakas ng ating mga buto,
Nagpapaganda ng timbang, at nagpapatalino.
Sa mga lutuin at pagkain, bidang-bida ito.
Anomang edad, nangangailangan nito.
Kaya, isang basong gatas ay iinumin ko
Tuwing bago matulog at sa almusal ko.
Pagbabasa
Sa pagbabasa, ako’y sumasaya.
Ang memorya at pokus ko’y gumaganda.
Mga bagong salita aking nakikilala.
Maraming kaalaman akong natutuhan.
Nagagamit ko nang wasto ang aking emosyon
Lumalawak ang aking imahinasyon.
Nakakaaliw talagang magbasa!
Magsasaka
Kahanga-hanga ang mga magsasaka.
Hindi matatawaran ang kanilang sipag at tiyaga.
Sa kanilang pagsasaka, napapakain nila ang buong bansa.
Mga gulay, prutas, at kaning inihahain sa mesa, sila ang
nagtanim at nag-alaga.
Napakahalaga nila sa agrikultura.
Kaya, pahalagahan din natin sila.
Ang kanilang mga produkto at ani ay tangkilikin sana.
Si Herming
Ang alaga kong pusa ay kay lambing.
Siya si Herming, na palagi kong kapiling.
“Meow,” sabi niya bago mahihimbing.
“Meow,” ang bati niya sa aking paggising.
“Meow,” iyak niya kapag may hihingiin.
Agad ko siyang paiinumin o pakakainin.
“Meow,”pasalamat niya sa akin.
Ang Aking mga Kalaro
Sina Joy, LeLit, at Nene ay
masayahing kong mga kalaro.
Naglalaro kami ng bahay-bahayan,
luto-lutuan, at piko.
Minsan, binibihisan
namin ang aming mga manika.
Minsan naman, ang
nilalaro namin ay jackstone o goma.
Madalas, isinasali
kami ng mga lalaking kaibigan namin.
Mababait din sina
Totoy, Luis, Pablo, at Ping-Ping.
At parang
magkakapatid na ang turingan namin.
Isang araw, napadpad ako sa isang hardin.
Kay gaganda ng mga halaman at pananim!
Makukulay ang mga bulaklak ay kay samyo.
Maraming lilipad-lipad na bubuyog at paruparo.
Napalitan ng ligaya ang kalungkutan ko.
Naglaho rin ang lumbay sa aking puso.
Pangako, babalik ako.
Buhay at Biyaya
Napakahalaga ng tubig sa buhay ng bawat tao.
Kung walang tubig, wala ring buhay sa mundo. Katulad ito ng
hangin na dahilan ng ating paghinga. Katulad din ito ng pagkain na nagpapalakas
ng resistensiya.
Kaya, ang pinagkukunan ng tubig ay huwag nating dumihan. Huwag
nating hayaang tuluyang masira ang ating kalikasan.
Ang tubig sa ating kapaligiran ay buhay at biyaya ng
Maykapal.
Ang Aking Tatay
Ang aking tatay ay magaling na karpintero.
Siya ang kilalang-kilala sa aming maliit na baryo.
Isa siya sa mga gumawa ng paaralan namin.
Siya rin ang gumawa ng ilang bahay namin.
Mahirap ang kaniyang trabaho, pero marangal.
Kaming magkakapatid ay patuloy na nakakapag-aral.
Kaya, ipinagmamalaki at pinasasalamatan namin siya.
Bakasyon
Noong Mayo, namasyal kami sa Batangas.
Naligo kaming mag-anak sa dagat.
Napakalinaw at napakalinis ng tubig doon.
Kulang ang dalawang araw na bakasyon
Kaming lahat ay talagang nasiyahan.
Walang humpay ang aming tawanan at kainan.
Hindi ko malilimutan ang alaalang iyon.
El Niño
“Nararamdaman mo ba ang init at
alinsangan?”
“Naku, umiinit na
naman ang temperatura ng tubig sa Dapat Pasipiko!”
“Tiyak na
magdudulot ito ng mainit at tuyong panahon sa ating bansa.”
“Magbibitak-bitak
ba ang mga palayan?”
“Matutuyot din ba
ang mga puno at halaman?”
“Opo! Ilan lamang
ang mga iyan sa epekto ng El Niño.”
Bakuna
Sabi nila, parang
kagat lang daw ng langgam.
Pero, sabi rin
nila, nagbibigay ito ng proteksiyon.
Handa na ako…
Kakayanin ko.
Aray! Masakit ang
tusok ng karayom.
Pero, mabilis lang
mawala ang sakit.
Kayang-kaya!
Kayang-kaya ko nang laban ang mga sakit.
La Niña
Naku, panahon na naman ng La Niña!
Mas marami at mas
madalas na ang pag-ulan.
Maaaring magdulot
ito ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa madalas na
pagbaha, posibleng kumalat ang mga sakit.
Maaari ding masira
ang mga tulay, gusali, at kalsada.
Maaapektuhan nito
ang agrikultura at ekonomiya ng bansa.
Makatutulong ang pagtatanim
ng maraming puno.
1.
Ano ang La La Niña?
2.
Ano-ano ang maaaring idulot ng La Niña?
3.
Paano naaapektuhan ng La Niña ang agrikultura?
4.
Paano naaapektuhan ng La Niña ang ekonomiya?
5.
Ano ang maitutulong mou pang mabawasan ang
masamang epekto ng La Niña?
Pagtutulungan
Tinutulungan ni Abet ang kanilang ama.
Nag-aayos sila ng sirang kagamitan, gaya ng mesa.
Tinutulungan din ni Janet ang kanilang ina.
Naglalaba sila ng kanilang mga damit at kubre-kama.
Tinutulungan naman ni Jun-Jun ang ate nila.
Naglilinis sila sa kanilang sala, gayundin ang mga kuwarto
nila.
Ang saya-saya talaga ng nagtutulungang pamilya!
1.
Ano ang tulong na ginagawa ni Abet sa ama?
2.
Ano ang tulong na ginagawa ni Janet sa ina?
3.
Ano ang tulong na ginagawa ni Jun-Jun sa ate?
4.
Ano ang magandang resulta ng pagtutulungan ng
pamilya?
5.
Bakit mahalaga ang pagtutulungan sa loob ng
pamilya?
6.
Sampaguita
Araw-araw, huling pumapasok si Joseph sa klase.
Bukod sa luma na, gusot pa ang kaniyang uniporme.
“Magandang umaga po, Ma’am,” ang kaniyang bati.
Babatiin din siya ni Ginang Del Monte, sabay ngiti.
Magbubulungan naman ang aking mga kaklase.
“Hindi mo po siya pinagagalitan `pag dumarating nang huli?”
“Nagtitinda siya ng sampaguita sa gabi,” sagot ng guro kay
Billy.
1.
Sino ang araw-araw huling pumapasok sa klase?
2.
Paano mo ilalarawan ang uniporme ni Joseph?
3.
Bakit nagbulungan ang mga kaklase ni Joseph?
4.
Bakit hindi pinagagalitan ni Ginang Del Monte si
Joseph kahit huli na sa klase?
5.
Dapat bang kutyain o hangaan si Joseph? Bakit?
Maglalaro
“Halika na,” aya ni Ken kay Sandro.
Sabi pa niya, “Magbasketbol
na tayo.”
Pinaikot-ikot pa
niya sa daliri ang bola.
“Hindi ako
makakapaglaro,” tugon nito.
“May sakit ako
ngayon. Trangkaso yata ito.”
“Ganoon ba? Sige,
magpagaling ka na, ha?”
“Sige, Ken…
Paggaling ko, maglalaro tayo.”
1.
Sino-sino ang magkalaro?
2.
Ano ang kanilang lalaruin?
3.
Bakit hindi makakapaglaro si Sandro?
4.
Ano ang nais gawin ni Sandro kapag gumaling na?
5.
Paano kaya maiiwasan ang pagkakasakit, gaya ng
trangkaso?
Pulut-pukyutan
Alam mo ba na ang pulut-pukyutan ay ang pulot na gawa ng mga
bubuyog na tinaguriang pukyutan?
Ang mga bubuyog ay nagtitipon ng mga nektar mula sa
bulaklak. Pinoproseso nila ang mga naipong nektar hanggang maging makapal at
malagkit. Ginagawa nila ito upang protektahan ang kanilang mga kolonya.
Ito ay tinatawag ding pulut-panilan at pulut-ligwan.
Matamis ang pulut-pukyutan, pero mayaman sa mga nutrisyon. Maaari
nitong mapabuti ang kalusugan ng ating puso.
Karangalan
Masipag pumasok sa eskuwela si Patricia.
Palagi siyang nagpapakita sa klase ng disiplina.
Nakikinig siya nang mabuti sa mga guro niya.
Mabilis niyang natatapos ang mga gawain.
Gumagawa rin siya ng mga takdang aralin.
Masigla siyang sumasali sa mga talakayan.
Kaya naman siya ay nagkamit ng karangalan.
1.
Sino ang masipag pumasok sa eskuwela?
2.
Ano ang palagi niyang ipinapakita sa klase?
3.
Ano-ano pa ang ginagawa niya sa klase?
4.
Ano ang nakamit ni Patricia?
5.
Katulad ka rin b ani Patricia? Bakit?
Si Aling Lagring
Biyuda na si Aling Lagring. Dalawang taon nang namayapa ang
kaniyang asawa.
Siya na lang ngayon ang nagtataguyod sa dalawang anak.
Sinisikap niyang mapag-aral ang mga ito. Kaya, nagtitinda siya ng mga lutong
ulam. Dahil dito, nakakaraos sila sa araw-araw.
Kahanga-hangang ina talaga si Aling Lagring!
Henyo ng Bilyaran
Kilala mo ba si Efren “Bata” Reyes?
Siya ay henyo ng bilyaran. Sumikat siya sa loob at labas ng
ating bansa. Maraming torneo na siyang napanalunan. Ang husay niyang magmadyik
ng mga tira. Kahit imposibleng pumasok, nagagawa niya.
Kaya nga, tinagurian siyang ‘The Magician.’
Anahaw
Ana: “Ito pala ang anahaw. May berde, malalapad, at pabilog
na dahon. Matinik din ang tangkay.
Rosa: “Oo, at alam mo bang ito ay ginagamit na pampubunong
sa bahay kubo?”
Ana: “Talaga? Ang galing naman. Balita ko, puwede rin itong
gawing pandekorasyon.”
Rosa: “Tama ka! Pinatutuyo ang mga dahon nito at
kinukortehang puso.”
Ana: “Bukod sa dahon, maaari din daw gamitin ang puno nito
bilang haligi ng bahay kubo.”
Rosa: “Totoo iyan! At nakakain din daw ang mga bunga nito.”
Ana: “Wow! Kaya pala ang anahaw ang pambansang dahon ng
Pilipinas!”
Ang Liham
Disyembre 23, 2023
Mahal Kong Paz,
Magandang araw!
Kumusta ka na
riyan sa America? Siguro ay sobrang lamig diyan ngayon.
Ako rito sa
Pilipinas ay mabuti naman. Masaya ako dahil dalawang araw na lang ay Pasko na.
Napakasaya ng Pasko rito sa ating bansa, kaya sana sa susunod na taon, dito na
magdiwang ng Pasko. Nasasabik na akong makita kang muli.
Mag-iingat
kang palagi. Hangad ko ang iyong kaligtasan at kasiyahan sa araw-araw.
Ang iyong kaibigan,
Kris
Binhi
Nilipad ng malakas na hangin si Binhi patungo sa malayong
lugar.
Gusto niyang tumakbo subalit natangay siya ng rumaragasang
putik. Nagdilim ang paligid niya. Matagal siyang nanatili roon-- nalulungkot.
Isang araw ay unti-unti siyang itinutulak ng mga tumubong
ugat. At natanaw niya ang mga halaman, puno, hayop, at insekto sa paligid.
“Magiging puno na ako!” sigaw ni Binhi.
Prutas o Gulay?
Madalas na tanong ng iba, ang kamatis ba ay prutas o gulay?
Ang kamatis ay prutas dahil ito ay may mga buto. Ito ay
umuusbong mula sa bulaklak.
Napagkakamalan itong gulay dahil madalas gamitin sa mga
lutuin. Hindi ito masyadong matamis, kaya ginagamit sa pagluluto.
Prutas man o gulay sa iba, ang kamatis ay masustansiyang
pagkain.
Kahon
“Tao po!” tawag ng lalaki sa labas ng bahay nila.
“Ano po iyon?” tanong ni Aris, pagsungaw sa pintuan.
“May nagpadala para kay Aris daw,” tugon nito.
“Naku, wala akong order at wala akong pambayad.”
“Bayad na ito, kaya tanggapin niyo na lang po.”
Napilitang tanggapin iyon ni Aris, at agad binuksan,
“O, Diyos ko, maraming salamat sa biyayang ito!”
Ang Kabibe
Isang umaga, nasa dalampasigan si Mariel.
Nahalina siya sa malinaw at mala-kristal na tubig. Paglusong
niya sa tubig, nakita niya ang kakaibang kabibe. “Ang ganda naman nito! Iuuwi
ko ito sa bahay,” sabi niya.
Naglakad-lakad pa siya upang maghanap ng iba. Subalit, hindi
pa siya nakalalayo ay napasigaw siya sa sakit.
Napaupo siya sa buhanginan, at nakita ang dugo sa paa.
Aguinaldo
Noong Pasko, nakatanggap siya ng mga regalo.
Binigyan siya ng laruan ng kaniyang Ninong Julio. Binigyan siya ng damit ng
kaniyang Ninang Maya. Mayroon ding mga nagbigay ng pera sa kaniya. Umabot iyon
ng mahigit isang libong piso.
Nais niyang ipunin iyon para sa kaniyang baon. Pero, gusto
rin niyang bumili ng mga libro.
Munting Palaka
Sa likod ng silid-aralan, sinikap ni King na hanapin ang
palaka.
“Munting palaka, magpakita ka na sa akin,” pakiusap niya.
Hinawi niya ang mga damo roon, pero wala siyang nakita.
Wala rin ang palaka sa gilid ng putol na puno ng kahoy.
Lumipas ang sandali, nakarinig siya ng kokak sa ilalim ng
bao.
“Huli ka! Nandito ka lang pala, munting palaka,” sabi niya.
Subalit, nabitawan niya ang palaka nang ito ay nagsalita.
Ginisang Ampalaya
Mapait ang ampalaya, kaya hindi ko gusto. Kahit igisa pa ni
Mama sa kamatis at itlog, hindi ko talaga nagustuhan. Parang umiinom ako ng
mapait na gamot kapag kumakain ako ng ampalaya.
Hindi ako noon kumakain ng ampalaya. Pero, nang nalaman kong
masustansiya pala, kumakain na ako ngayon ng ampalaya.
Habang tumatagal, nawawala na ang mapait na lasa. Habang
tumatagal, hinahanap-hanap ko na ang ginisang ampalaya ni Mama.
Ako si Juanito. Ako ay isang Bikolano.
Nakatira ako sa rehiyon ng Bikol. Ang wikang sinasalita ko
ay Bikol. Ito ang opisyal na wika ng
anim na lalawigan. Ang mga ito ay Albay, Camarines Norte, Camarines Sur,
Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.
Ako ay Pilipino.
Si Pepe
Malawak ang kaalaman ni Pepe sa iba’t ibang paksa.
Mahilig siya sa medisina at sining. Manunulat siya at
nobelista. Ang dalawa sa mga tanyag niyang akda ay ang Noli Me Tangere at El
Filibusterismo. Siya ang nagtatag ng samahang La Liga Filipina. Sa pamamagitan
nito ay mapayapa ang kaniyang pag-aalsa laban sa mga Kastila.
Siya si Jose Rizal, ang ating pambansang bayani.
Karapatan ng mga Bata
Alam mo ba ang mga karapatan ng mga bata?
Karapatan nilang maisilang at magkaroon ng pangalan at
nasyonalidad. Karapatan nilang magkaroon ng payapang tahanan at pamilyang
mag-aalaga at magpakakain sa kanila maayos upang maging malusog. Karapatan
nilang makapag-aral at magkaroon ng edukasyon, malinang ang kanilang mga
kakayahan. Karapatan nilang makapaglaro at makapaglibang. Karapatan din nilang
magpahayag ng sarili, mamuhay nang walang takot, maging ligtas, at maging
malaya.
Igalang natin ang mga karapatan nila.
Sinaunang Alpabeto
Alam mo bang may sinaunang alpabeto na ang mga Pilipino bago
pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas? Ito ay tinatawag na baybayin.
Ang baybayin ay nasa anyong pantigan na may tatlong patinig
at umaabot sa labing-apat na katinig. Ginamit ito ng mga katutubong Pilipino.
Sinasabing lahat sila ay marunong magbasa at magsulat sa baybayin. Ang balat ng
punongkahoy at kawayan ang karaniwang gamit nilang sulatan.
Ang baybayin ay bahagi ng kulturang Pilipino.
Suman
Masarap magluto ng sumang malagkit ang nanay ko.
Gustong-gusto ito ng aming mga kababaryo.
Tumutulong ako sa pagtitinda ng sumang malagkit ng nanay ko.
Kaya pagpasok ko sa eskuwela, may baon na ako.
Ngayong araw, ilalako ko ang labindalawang suman. Ibebenta
ko ito ng labinlimang piso bawat piraso.
“Sumang malagkit! Bili na po kayo ng sumang malagkit!” sigaw
ko.
Kulintang
Mayaman ang Pilipinas sa instrumentong pangmusika. Ito ay
maaaring hinihipan, kinakalabit, o pinupokpok
Ang kulintang ay isang instrumentong pinupukpok. Ito ay
binubuo ng isang pahalang na hanay ng walong maliliit na gong.
Ito ay ginagamit sa mga pagdiriwang gaya ng binyag, kasal,
pista, at iba pa. May ilang pamilya sa Maguindanao na dalubhasa sa ganitong uri
ng sining.
Ang tradisyon ng pagtugtog ng kulintang sa Pilipinas ay
bahagi ng kultura ng mga pangkat-etniko sa Mindanao.
Mga Itlog ng Pawikan
Masayang naglalaro ng buhangin sina Elma at Hera sa
dalampasigan.
“May mga itlog!” bulalas ni Hera. “Elma, tingnan mo. Dali!”
“Mga itlog ng pawikan ang mga ito,” sabi ni Elma nang makita
iyon.
“Ano ang gagawin natin? Kukunin ba natin at iuuwi para
lutuin?”
“Naku, hindi puwede! Kailangan nating ipaalam ito sa
barangay para maprotektahan. Kailangang dumami ang mga pawikan sa karagatan
dahil paubos na ang lahi nila.”
Ganoon nga ang ginawa nila, kaya pinuri at pinasalamatan
sila ng taumbayan.
Tara na sa Tanza!
Ang Tanza ay isang primerong klaseng munisipalidad sa
lalawigan ng Cavite. Ito ay dating kilala bilang Santa Cruz de Malabon.
Ang Tanza ay isa sa dalawampu’t tatlong lungsod at bayan sa
Cavite. Ito ay may apatnapu’t isang barangay.
Ang Tanza ay ang lugar kung saan nanumpa si Emilio Aguinaldo
bilang pangulo ng Pilipinas. Dito rin ipinanganak si Felipe G. Calderon, na
siyang sumulat ng burador ng Malolos Constitution.
Makasaysayan, payapa, at maunlad ang bayang ito, kaya tara
na sa Tanza!
5Rs
Madaling masolusyunan ang problema sa basura kung isasagawa
ang 5Rs (Refuse, Reduce, Reuse, Repurpose, Recycle).
Tumangging sa produktong makadaragdag lang ng basura.
Bawasan ang paggamit ng mga produktong magpaparami ng basura. Gamiting muli ang
mga bagay na maaari pang gamitin, sa halip na ibasura. Gamitin sa ibang paraan
ang mga bagay na patapon na. Gumawa ng bagong bagay mula sa mga patapong bagay.
Ang solusyon sa problema sa basura ay nagsisimula sa
tahanan.
Pag-iimbak ng Pagkain
Napakahalaga ng ag-iimbak ng pagkain.
May maihahain tayo sa ating hapag sa panahon ng biglaang
pangangailangan o krisis. Maiiwasan ang pag-aaksaya at pagtatapon ng labis na
pagkain sa panahong marami ito, gaya ng mga prutas at gulay. Makatutulong ito
upang hindi tayo magkasakit mula sa mga sirang pagkain. Mababawasan ang
pag-angkat ng mga inimbak at nakalatang kung mayroon na nito sa ating bansa. Makadaragdag
ito sa kita ng pamilya kung gagawin nating kabuhayan at makapagbibigay pa ng
kita sa mga taong walang trabaho.
Mahalaga talaga ang pag-iimbak ng pagkain, at nakalilibang pa!
Tatlong Sangay ng Pamahalaan
May tatlong magkakaugnay na sangay ang pamahalaan ng
Pilipinas-- ang tagapagbatas, tagapagpaganap, at tagahukom.
Ang Kongreso at Senado ay binigyan ng kapangyarihan ng
Saligang Batas upang gumawa ng mga batas.
Sa Pangulo ng Pilipinas naman ibinigay ang kapangyarihan ng
tagapagpaganap. Ipatutupad niya ang mga batas bilang pinakamataas na pinuno ng
bansa.
Ang mga korte ay may kapangyarihan bilang tagahukom. Ang
Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas ang pinakamataas na katawang panghukom ng
bansa.
Dapat alam ito ng bawat Pilipino.
Ding, Ding, at Dong
Binuksan ng magkakapatid na sina Dang, Ding, at Dong ang
kani-kaniyang alkansiya. At sabik na sabik nilang binilang ang mga ito.
“Siyam na raan, walumpu’t walong piso!” masayang sabi ni
Dang.
“Isang libo, dalawampu’t pitong piso ang pera ko!” masiglang
sabi ni Ding.
“Walong daan, animnapu’t limang piso lang ang naipon ko,”
malungkot na sabi ni Dong.
“Huwag kang mag-alala, Dong, bibigyan kita ng limampung
piso,” sabi ni Dang.
Nagbigay rin si Ding ng isandaang piso, kaya natuwa na si
Dong.
Ruby, Emerald, at Sapphire
Sina Ruby, Emerald, at Sapphire ay magkakapatid.
Magkakamukha man sila, pero magkakaiba ang kanilang paborito
at hilig.
Iba-iba rin ang kanilang mga paborito. Paboritong kulay ni
Ruby ang pula. Paboritong kulay ni Emerald ang berde. Asul naman ang paboritong
kulay ni Sapphire.
Pero, silang tatlo ay pawang mahihilig magpinta.
Disyembre 30
“Nanay, bakit po tinawag na Araw ni Rizal ang ika-30 ng
Disyembre? Kaarawan po ba niya ngayon?”
“Noong Disyembre 30, 1896 kasi ang araw kung kailan siya ay
namatay. Hindi ba’t binaril siya ng mga sundalong Espanyol sa Bagumbayan?”
“Ang kamatayan pala ng ating pambansang bayani ang ating
ipinagdiriwang, hindi ang kaniyang kamatayan.”
“Tama ka dahil ang kamatayan niya ang nagpapaalala sa mga
Pilipino na inaalay niya ang kaniyang buhay para sa bayan.”
“At dahil sa kaniyang kamatayan, nagising ang kamalayan ng
mga Pilipino na ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas.”
Sabay-sabay
Naghahanda kami ng simple, pero masasarap na pagkain, gaya
ng pansit, pritong manok, hamon, buko salad, malagkit na kakanin, halayang ube,
menudo, at iba pa. Bumibili rin kami ng mga bilog na prutas gayan ng suha,
dalandan, pakwan, melon, kahel, at iba pa. Lahat kami ay magsusuot ng mga damit
na polka dots. At maglalagay kami ng mga barya sa aming mga bulsa. At
bago sumapit ang Bagong Taon, mag-iingay na kami, gamit ang aming mga torotot.
“Siyam, walo, pito, anim, lima, apat, tatlo, dalawa, isa,”
sabay-sabay naming bilang.
“Manigong Bagong Taon!” ang bati naman namin sa isa’t isa.
Maging Ligtas sa mga Sakit
Ang pagpapanatili ng malusog at ligtas sa mga sakit ay dapat
palagiang ginagawa.
Palagiang maghugas at magsabon ng kamay. Maaari ding gumamit
ng alkohol at hand sanitizer. Gumamit ng face mask o magtakip ng
bibig kapag uubo at babahing. Lumayo rin sa mga taong umuubo. Iwasan kusutin
ang mga mata
Gawin ang mga ito sa tuwi-tuwina!
Ang mga Badjao
Ang mga Badjao ay kadalasang nagtatayo ng tahanan sa may
tabing-dagat. Minsan naman, sila ay nakatira sa mga bangkang-bahay. Ang pangunahin
nilang hanapbuhay ay pangingisda. Kaya, mahuhusay silang gumawa ng mga gamit sa
pangingisda, gaya ng lambat at bitag. Gumagawa rin sila ng mga vinta. Magagaling
din silang sumisid ng mga perlas. Naghahabi naman ng makukulay na banig ang mga
kababaihang Badjao.
Paggalang
Ang paggalang sa kapuwa ay hindi lamang sa pagmamano. Hindi
rin lang ito tungkol sa paggamit ng ‘po’ at ‘opo’ sa pakikipag-usap. Ito ay
maaaring ipakita sa iba't ibang paraan. Ito ay maaaring sa pagrespeto sa oras
ng pamamahinga ng iba. Ang pakikinig sa nagsasalita ay isa ring paggalang. Ang
pagiging tahimik habang may nag-aaral ay pagpapakita rin ng paggalang.
Samakatuwid, uri ng paggalang ang lahat ng gawaing nagpapakita ng respeto sa
kapuwa.
Ahas
"Ay, may ahas!" sigaw ni Lucas. "Bilis,
patayin natin."
"Huwag dahil maaari tayong maparusahan," sabi ni
Juan. "Ayon sa batas, ang pagpatay, pananakit, o paghuli ng mga hayop,
gaya ng ahas, ay iligal. Maaaring makulong at magmulta ay sinomang mapatunayang
lumabag sa batas na ito. Kaya humingi na lang tayo ng tulong sa barangay upang
maibalik sa kagubatan ang ahas.
"Mabuti pa nga. Tara na!"
Ang mga Planeta
Ang mga kinikilalang planeta sa
kalawakan ay Mercury, Venus, Mars, Jupiter, Saturn, Uranus, Neptune, at Earth.
Ang Mercury ay pinakamaliit at pinakamalapit sa araw, samantala ang Venus ang
pinakamainit at ang pinakamaliwanag sa himpapawid. Ang Mars ay pulang planeta,
na may malamig na klima. Ang Jupiter ay dalawang beses ang laki sa
pinagsama-samang planeta. Ang Saturn ay katatangi-tangi dahil sa mga singsing
na yelo, samanatala ang Uranus ay may kakaibang pag-ikot. Ang Neptune ang
pinakamalayo sa araw, kaya ito ang pinakamalamig at pinakamadilim. At ang Earth
o Mundo ay ikatlong planeta mula sa araw at ang tanging planetang may buhay.
Oregano
Ang oregano ay isang uri ng halamang-gamot. Mabisa itong
panggamot para sa ubo at sipon. Magpakulo lamang ng isang tasang sariwang dahon
sa tatlong tasa ng tubig. Ilaga ito sa loob ng sampu hanggang labinlimang
minuto. Tatlong beses itong inumin sa isang araw.
Maaari ding pigain na lamang ang sariwang dahon. Kung
kinakailangan, lagyan ng pampatamis, gaya ng pulot.
Pandaka Pygmaea
Alam mo bang ang Pandaka Pygmaea ay dating itinuturing na
pinakamaliit na isda sa mundo?
Ito ay isang uri ng isdang tropikal na nabubuhay sa
tubig-tabang. Maaari ding ituring ito bilang isa sa mga pinakamaikling isdang
pantubig-tabang. Ang mga lalaki nito kapag nasa hustong gulang ay umaabot
lamang ng 1.1 sentimetro. Samantala, ang mga babae ay umaabot ng 1.5
sentimetro.
Unti-unti na itong nauubos at nawawala sa tinuturing na
nawawala sa Pilipinas. Ang polusyon sa tubig at reklamasyon ng mga lupa ang mga
itinuturong dahilan ng pagkaubos nito.
Mag-ehersisyo Tayo!
Marami ang magagandang dulot ng pag-eehersisyo.
Maayos na pinagagana nito ang puso at baga ng tao. Kapag
maayos na nakadadaloy sa buong katawan ang hangin, nangangahulugan ito ng
kasiglahan.
Ang pag-eehersisyo ay nagpapataas din ng tiwala sa sarili.
Napagaganda nito ang pisikal na kaanyuan, kaya nawawala ang hiya sa
pakikihalubilo.
Ang pag-eehersisyo ay nakapagpapanatili ng maganda at
saktong hubog at timbang ng katawan. Nakatitipid sa kasuotan ang nag-eehersisyo
sapagkat hindi niya kailangang bumili kapag tumaba o pumayat.
Kaya mag-ehersisyo na tayo!
Gabriela Silang
Noong ika-19 ng Marso 1731,
nang siya’y isilang
Siya ang unang babaeng namuno
sa himagsikan
Nang mabiyuda siya,
ipinagpatuloy niya ang laban.
Naging inspirasyon ang
kaniyang giting at katapangan
Siya ay “Unang Babaeng
Heneral” ang katawagan
“Unang Babaeng Martir” ay isa
pang pagkakakilanlan.
Dinakip at binitay nang may
pagmamahal sa bayan.
Bituing-dagat
“Wow! Andaming
bituing-dagat!” bulalas ni Kayla, sabay dampot sa isa.
“Naku, huwag! Ibalik mo `yan
sa tubig! Dali!” sawata ni Karla sa kapatid.
Agad na ibinalik ni Kayla ang
bituing-dagat. “Bakit mo ako pinigilan?”
“Hindi mo ba alam na
ikamamatay ng bituing-dagat ang paghawak mo?”
Lalong naguluhan si Kayla.
“Bakit? Hindi ko naman pipiratin, e.”
“Hindi makahihinga ang
bituing-dagat kapag wala sa tubig, at nalalason ito sa carbon dioxide.”
“Ngayon, alam ko na, magiging
masaya na lang tayong tingnan ang mga bituing-dagat sa ilalim ng dagat.”
Pambubulo
“Daddy, bakit ayaw mo pong tanggalin ang mga uod sa
mga dahon?” usisa ng anak.
“Mahalaga sila sa polinasyon,” tugon ng ama.
“Ano ang polinasyon?”
“Ang polinasyon o pambubulo ay paglilipat ng mga bulo
sa pamamagitan ng mga insekto, hayop, hangin, tubig, o kahit halaman mismo
upang maparami ang mga halaman.”
“Ah, kaya pala hinahayaan mo lang ang mga uod at higad
na manginain ng mga dahon dahil nagiging paruparo sila.”
“Tama ka! Bukod doon, hinahayaan ko rin ang mga ibon,
bubuyog, paniki, at iba pa. Siyempre, tinatanggal ko naman ang mga pesteng
insekto, na sumisira lang ng mga halaman.”
9-Anyos na Batang Basurero, Pinarangalan
Pinarangalan ang nuwebe anyos na si Abet Gaboy noong
ika-29 ng Enero sa Barangay Tapat dahil sa pagsauli niya ng bag na naglalaman
ng pera at mahahalagang dokumento.
Si Abet ay kasalukuyang nangangalkal ng basura nang
mapansin niya ang itim na bag. Pagbukas niya sa bag, laking gulat niya nang
makita ang nakasobreng pera. May mga papeles din na nakalagay sa plastik na
enbelop. Dahil sa takot, dinala niya iyon sa pinakamalapit na barangay.
Nagbigay ng munting pabuya si Ginoong Lancer Mendo,
isang abogado, bilang pasasalamat kay Abet.
Susuportahan
Simula
Kindergarten hanggang Grade 4, magkaklase na sina Jayson at Ramil. Naging
matalik na magkaibigan na rin sila kinalaunan. Palagi silang magkasama sa
pagpasok, at madalas silang nagtutulungan sa mga gawaing pampaaralan.
Isang araw,
kinausap sila ng kanilang gurong tagapayo, at binigyan sila ng pagsusulit. Kung
sino ang makakuha ng mas mataas na iskor, siya ang ilalaban sa pandibisyong quiz
bee sa Filipino.
“Ang sasabak
sa quiz bee sa susunod na linggo ay si… Jayson!” deklara ng kanilang
guro.
“Ang galing
mo, Jayson! Susuportahan kita,” masayang bati ni Ramil sa kaibigan.
1. Kailan nagsimula ang pagiging magkaklase at matalik na
magkaibigan nina Jayson at Ramil?
2.
Ano-ano ang
palagi at madalas nilang gawin?
3.
Bakit sila
kinausap ng kanilang guro isang araw?
4.
Paano tinanggap
ni Ramil ang pagkatalo?
5.
Kung si Ramil ang
nakakuha ng mataas na iskor sa pagsusulit, ano kaya ang magiging reaksiyon ni
Jayson?
Pagsisipilyo
Galing ako kanina sa aking
dentista!
Dalawang beses pala dapat
nagsisipilyo sabi ng dentista ko. Huwag daw kalimutang magsipilyo sa gabi, at
gawin ito pagkatapos maghapunan. Dalawang minuto raw ang dapat itinatagal ng
pagsisipilyo. Payo pa niya na sipilyuhan ang loob, labas, itaas, ibaba, harapan,
at likuran ng ngipin. At magpalit daw ng sipilyo tuwing ikatlo o ikaapat na
buwan.
Ngayon, alam ko na kung paano
ko aalagaan ang aking mga ngipin!
1.
Ayon sa kaniyang
dentista, ilang beses dapat magsipilyo?
2.
Ilang minuto
dapat sinisipilyo ang mga ngipin?
3.
Tuwing ilang
buwan dapat magpalit ng sipilyo?
4.
Bakit hindi dapat
kalimutang magsipilyo sa gabi?
5.
Kung hindi
maisasagawa ang mga payo ng dentista, ano-ano kaya ang posibleng mangyari?
Ito ay hindi literal na ngipin ng leon. Lalong hindi ito
basta damo lang. Ito ay pambihirang uri ng bulaklak.
Bukod sa taglay na tingkad ng dilaw nitong bulaklak,
napakikinabang ang lahat ng mga bahagi nito. Ang ugat nito ay puwedeng kainin
at gawing tsaa. Ang mga dahon nito ay sagana sa mga Bitamin A, C, at K, at iba
pang mineral. At ang bulaklak nito ay nagtataglay ng fiber na mabuti sa digestive
system. Nakatutulong din ito upang magkaroon ng malinaw na mata.
Ang ngiping leon o kilala sa tawag na dandelion ay may
malaking ambag sa kalusugan, sa kusina, at industriya ng kosmetiko.
1.
Saan kilala ang halamang
‘ngiping leon’?
2.
Anong kulay ang
bulaklak ng ngiping leon?
3.
Paano napakikinabang
ang ugat ng ngiping leon?
4.
Ano-ano ang
naibibigay sa taong kumakain ng dahon ng ngiping leon?
5.
Bakit mahalaga sa
kalusugan ang bulaklak ng ngiping leon?
No comments:
Post a Comment