Followers

Tuesday, November 12, 2024

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Totong #2

 “Totong! Totong!” Nasa labas pa lamang si Mang Edung ay nagsisigaw na ito.

 

Biglang ginapangan ng takot si Totong. Napatigil siya sa pagsalok ng tubig sa balon. Napalapit at napakapit sa kaniya ang mga kapatid niya.

 

Hindi takot sa ama ang dumaloy sa katawan niya, kundi takot sa sasabihin nito.

 

“Edung, ano’ng nangyari? Bakit hinahanap mo si Totong?” nag-aalalang tanong ni Aling Marissa paglabas nito sa kanilang kubo.

 

Bantulot na lumapit si Totong sa ama.

 

Kinuha naman ni Aling Marissa ang bayong, na kinalooban ng mga pagkaing binili nito sa sentro ng kanilang baryo.

 

“Usap-usapan ngayon ang nangyari dito kahapon,” simula ng ama. Hinihingal man, nagawa nitong akbayan si Totong.

 

Hindi lamang si Totong ang nakapansin at lihim na natuwa sa simpleng kilos ng ama.

 

“Narinig kong may plano sa `yo si Ka Oka. Anomang oras ngayong araw, lulusob uli sila rito,” patuloy ni Mang Edung.

 

“Diyos ko,” bulalas ni Aling Marissa. “Ano’ng gagawin natin ngayon, Edung?”

 

Tahimik lang si Totong. Kahit may nadiskubre siyang pambihirang kakayahan, labis pa rin ang pangamba niya para sa kaniyang pamilya, lalo na ang mga nakababatang niyang kapatid.

 

“Umalis ka muna rito, Totong. Doon ka muna sa gubat. Magtago ka roon,” utos ng ama.

 

“Pero paano kayo?” tugon niya.

 

“Ikaw lang naman ang kailangan niya.”

 

“E, ‘di ba po kahapon, sinaktan nila kayo?”

 

“Hahasain ko ang itak ko para sa kanila.”

 

“Walang magagawa ang itak, Edung. Kilala natin sila,” singit ng ina. “Ano’ng panama natin sa mga baril nila? Paano kung hindi lang tatlo o apat ang tauhan niyang bumalik dito?” Halos maiyak na si Aling Marissa. “Pumasok na muna tayo rito… Magluluto na rin muna ako para makakain na tayo. Diyos ko, Diyos ko.”

 

Sumunod si Mang Edung sa asawa, gayundin ang dalawang bata, pero hindi si Totong.

 

“Tatapusin ko lang po ang pagsalok ng tubig,” sabi niya.

 

“Sige na. Sumunod ka kaagad,” sagot ng ama.

 

Napangiti ang puso ni Totong sa ipinakita at ipinadamang pag-aalala, malasakit, at pagmamahal sa kaniya ng ama, na noon lamang niya naranasan. Nais niyang gumising sa katotohanang hindi iyon ang kaniyang totoong ama, pero gising na gising pala siya. Katulad ng paglipad niya sa tulong ng mga ibon at katulad ng kakayahan niyang makipaglaban, gamit ang kaniyang saklay, totoong-totoo ang mga nangyayari sa buhay niya.

 

----

 

Pagkatapos magpaalam sa mga magulang at kapatid, nilisan niya ang kanilang tahanan. Nakayapak niyang nilakad ang daan patungo sa paborito niyang lugar sa gubat. Tanging lumang saklay at kaunting pag-asa ang kaniyang dala-dala. Umaasa siyang maililigtas niya ang kaniyang sarili at pamilya.

 

Subalit sa kalagitnaan ng kaniyang paglalakad, naluluha siyang naalala ang naging usapan nilang magpapamilya.

 

“Huwag mo kaming alalahanin dito. Kaya kong protektahan ang nanay at mga kapatid mo,” sabi ng kaniyang ama.

 

“Pero, Tatay, tama si Nanay… Wala tayong laban sa kanila. Paano kung raratratin kayo rito habang wala ako?”

 

“Hindi naman siguro, at sana huwag naman.”

 

“Umalis na tayo rito, Edung,” panukala ng maybahay.

 

“At saan naman tayo pupunta? Nandito ang kabuhayan natin. Wala akong alam na trabaho kundi ang pagtatanim.”

 

“Mas mahalaga ang buhay, Edung.”

 

Hindi kumibo ang padre de pamilya. Tiningnan lang siya nito, gayundin ang mga kapatid at ina niya.

 

 “Kung ayaw mong umalis, hayaan mo na lang kami ng mga anak mo… Magtratrabaho ako sa Maynila para mabuhay… Gusto ko na ring pag-aralin ang mga bata,” patuloy ni Aling Marissa.

 

“Tumigil ka, Marissa! Hindi iyan ang solusyon sa problema,” singhal ni Mang Edung.

 

“E, ano? Ang lumaban kay Ka Oka? Pera ang kapangyarihan niya. E, tayo, ano?”

 

“Si Kuya Totong, nakakalipad siya!” bulalas ni Malot. “May kapangyarihan ang saklay niya!”

 

Mabilis na tinakpan ni Nognog ang bibig ng kapatid niya. “Huwag kang sumali sa usapan nila. Makinig lang tayo.”

 

“Babalik ako sa baryo. Hihingi ako ng tulong kay Kapitan Huleng,” mahinahong sabi ni Mang Edung.

 

“At sa palagay mo, matutulungan niya tayo?Bukod sa alam nating kayang suhulan ni Ka Oka kahit sino, magawa niya lang ang kasamaan niya, ay kaya pa niyang pumatay ng mga inosenteng tao.”

 

Hindi nakakibo ang ama ni Totong. Ramdam niya ang aw anito sa kaniya at sa pamilya.

 

“Hindi kita sinisisi sa ginawa mo, Anak,” sabi ng ina sa kaniya. “Kung hindi ka sana nakialam sa ilegal na gawain ni Ka Oka, hindi tayo humantong sa ganitong sitwasyon… Paano tayo ngayon? Nakakalipad ka ba talaga? Kaya mo ba silang labanan?” Tuluyan nang bumagsak ang mga luha nito.

 

“`Nay, hindi ko po alam kung kaya ko pang gawin iyon,” malungkot na tugon ni Totong. Napatingin sa kaniya ang mga kapatid, na tila may nais itanong. “Pero noong isang araw, pagkatapos kung iligtas si Tatay sa posibleng tuklaw ng makamandag na ahas, lumipad ako patungong Maynila.”

 

“Anak?” naguguluhang tanong ni Mang Edung.

 

Tumango-tango muna si Totong. “Opo, `Tay, totoo iyon, pero naglahong bigla ang ahas nang mapatay ko, kaya nagalit lang kayo sa akin.”

 

“Patawad, Totong… Salamat!” Napayuko na lamang ang anak.

 

“Pagkatapos po niyon, namasyal ako sa Maynila. Gabi iyon… Napatunayan ko uli na may kakaiba sa akin at sa saklay ko… At nagalit ako sa mga taong nagtatapon ng basura sa ilog—sinisira nila ang kalikasan, pinagsabihan ko sila. Gusto nila akong saktan, kaya napilitan akong lumaban.”

 

“Ang galing-galing ni Kuya Totong, Kuya Nognog!” bulalas ni Malot.

 

“Oo nga! Kayang-kaya niya tayong ipagtanggol kay Ka Oka,” sang-ayon ni Nognog.

 

Ngumiti muna si Totong saka nagpatuloy. “Tatay, Nanay, Nognog, at Malot, may kaloob sa akin ang Diyos… Gusto kong tanggapin ito.”

 

“Salamat sa Diyos dahil binigyan ka ng kapangyarihang ganyan,” sabi ng ama. “Sige, Anak, tanggapin mo… Nandito kami para suportahan ka.”

 

Pinigilan ni Totong ang pagtulo ng kaniyang luha, kaya sandali siyang yumuko habang nagsasalita. “Gusto ko po sanang maging katulad sa superhero, na sinusubaybayan natin sa radyo.”

 

“Oo, Anak! Kayang-kaya mo `yon!” sang-ayon ng ina.

 

Nag-yehey naman ang dalawa niyang kapatid.

 

Nagpatuloy sa paglalakad si Totong. May direksiyon na ngayon ang buhay niya. Hindi man siya nakapag-aral, kagaya ng kaniyang mga magulang, sisikapin naman niyang tuparin ang pangako sa Panginoon—na siya’y magiging bayani ng kalikasan. Patitigilin niya ang mga taong sumisira sa mga nilikha ng Diyos.

 

Nilakad-takbo niya ang paboritong lugar sa gubat na iyon. Humanga siya sa gilas, bilis, at liksi niya. May kaunti pa siyang pagtataka, pero naniniwala siyang bahagi iyon ng kaloob ng Diyos sa kaniya.

 

----

 

"Mga kaibigan kong ibon... ako'y inyong ilipad. Dalhin niyo ako sa lugar ng mga mapaminsalang tao. Nais kong imulat kung gaano kahalaga ang kalikasan,” sigaw ni Totong sa ituktok ng mataas na talon.

 

Nagsiliparan patungo sa kaniya ang mga namumungad na ibon sa kagubatan.

 

Tumingala si Totoong sa langit. "Panginoon, handa na po akong maging tagapagtanggol ng kalikasan. Salamat po, O, Diyos sa biyayang ito!"

No comments:

Post a Comment

Booklet Project: Babasahin

  BOOKLET PROJECT   1.       Gusto Kong maging Guro Gusto kong maging guro balang araw. Gustong maging nars ni Amanda. Gustong mag...