Followers

Saturday, November 2, 2024

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Martino #1

Bilang mag-aaral sa Grade 6, nahihirapan si Martino sa kaniyang mga aralin, lalo na’t apektado siya ng mga problemang pampamilya. Hindi siya makapokus sa klase dahil punong-puno ang isip niya ng mga bagabag. Palagi siyang nag-iisip ng mga solusyon para makatulong siya sa kaniyang mga magulang. Ayaw niyang nakikita at naririnig ang kaniyang ama at ina nagsisigawan at nagsasakitan.

 

Pagkatapos nilang maghapunan mag-ina, hinarap na niya ang kaniyang mga takdang-aralin. Inuna niyang gawin ang gawain sa Araling Panlipunan at Filipino. Balak naman niyang magpaturo sa Math sa kaniyang ina. Kaya nang matapos ang gawain sa dalawang asignatura, tinungo niya ang ina sa sala.

 

“Mama, paturo po ako,” sabi niya. Dalawang beses na niyang sinabi iyon, pero parang walang narinig ang kaniyang ina. Naunawaan naman niya iyon, kaya naghintay siyang matapos itong mag-chat.

 

Pagkatapos ng isang chat, pumindot uli ang kaniyang ina sa cell phone nito. Naisip niyang ka-chat nito ang kaniyang ama—na dapat ay kanina pa nakauwi.

 

Madalas ginagabi ng uwi ang kaniyang ama, kaya madalas din ang pag-aaway ng kaniyang mga magulang.

 

Isang gabi, umuwing lasing ang ama ni Martino. Bukod pa rito, kakarampot na lang ang perang sinahod nito sa trabaho dahil ipinang-inom sa beerhouse. Kaya naman, nagalit ang kaniyang ina. Pinagsasampal nito ang kaniyang ama hanggang sa mag-away at makasakitan sila.

 

Nang gabing iyon, hindi siya makaalis sa kaniyang kinatatayuan. Gusto niyang ihakbang ang kaniyang mga paa upang lapitan sila. Tila wala ring lumalabas na boses sa kaniyang bibig. Ilang beses na siyang sumigaw ng “Tama na! Tama na!” Subalit hindi siya pinakikinggan ng mga ito.

 

Tumigil lang ang dalawa nang sugatan na ang bibig ng kaniyang ina, at namimilipit sa sakit ang kaniyang ama dahil sa tadyak sa harap.

 

“Kailan ka ba titino, Marcus?” naiiyak na tanong ng kaniyang ina. “Lumalaki na ang anak mo. Gusto mo bang gayahin ka niya? Mahiya ka naman.”

 

“Wala akong ginagawang masama,” tugon ng ama. “Ikaw ang dapat mahiya. “Iyang makitid mong utak ang dapat mong baguhin kasi kapag hindi na ako makapagtimpi, iiwanan na kita.”

 

“E, `di iwanan mo! Kaya kong buhayin si Martino nang mag-isa. Kung ganitong buhay lang naman ang maibibigay mo sa amin, `di bale na lang.”

 

Lumabas na ang kaniyang ina. Dumaan ito sa kaniya, sa may pintuan, pero hindi niya naramdamang nasagi siya nito.

 

“Mama? Mama!” tawag niya, pero hindi ito lumingon. “Si Papa…” Hindi pa rin makatayo ang kaniyang ama. Gusto niya itong lapitan at tulungan, pero mas matimbang ang kaniyang ina.

 

“Bumalik ka rito!” sigaw ng ama.

 

Akala niya, siya ang sinabihan, kaya huminto siya, saka bumalik sa kuwarto. “Papa, bakit po?”

 

“Bumalik ka rito, Cristina!”

 

Hindi siya ang tinawag nito, kaya umalis na siya nang nagtataka. Parang hindi siya nakikita ng kaniyang ama.

 

Sa sala, naabutan niyang umiiyak ang kaniyang ina, habang dinadampian ng ice bag ang bibig nito.

 

“Mama, okey ka lang po ba?” tanong niya.

 

“Sawang-sawa na ako sa buhay na ito. Parang hindi ko na kaya,” sambit ng ina.

 

Awang-awa na siya sa kaniyang ina. Marami beses na niyang nakikita itong nasasaktan. Natuto na nga itong lumaban. Tumibay na nga ng katawan nito sa pananakit ng ama. At sa tingin niya, malapit na itong mawalan ng pakiramdam.

 

“Walanghiya siya! Nagagawa pa niyang magloko sa kabila ng kahirapan sa pamumuhay. Sana pinayagan niya na lang akong magtrabaho kesa umasa sa kakarampot niyang suweldo, na ipinambibisyo pa.”

 

Akala niya, kinakausap siya nito. Natigilan siyang bigla.

 

“Mabuti na lang, tulog na si Martino. Hindi na niya narinig ang away namin. At hindi na niya nakita ang sakitan namin.”

 

Nakurot niya ang kaniyang pisngi. “Gising ako, Mama.”

 

“Nawawalan na rin ako ng panahon sa kaniya dahil sa mga problema. Diyos ko, tulungan mo ako,” patuloy ng ina. Lalo pa itong ngumuyngoy.

 

“Mama, tama na.” Tinapik niya ang balikat ng ina, ngunit nakita niyang hindi nito naramdaman ang kamay niya.

 

Tumayo ang ina. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa mapansin niyang patungo ito sa kaniyang kuwarto.

 

Naguguluhan siya. Bakit hindi siya nakikita ng kaniyang mga magulang? Napapikit siya upang isipin ang nangyari sa mga nakalipas na sandali.

 

Bumukas ang pintuan. Ipinikit ni Martino ang kaniyang mga mata upang hindi malaman ng kaniyang ina na gising pa siya, at hindi nito isiping narinig at nakita niya ang lahat.

 

Marahan at maingat na lumapit ang ina niya sa kaniya. Inayos nito ang kumot na nakatapik sa kaniyang katawan. Ramdam niya ang pag-aalala nito sa kaniya, ngunit wala itong binigkas ni isang salita hanggang tahimik itong lumabas sa kuwarto.

 

Sa mga sandaling iyon, wala pa rin siyang makapang paliwanag kung bakit narinig at nakita niya ang mga pangyayari kanina. At lalong gumulo ang isipan niya nang makita ang sarili na nakahiga sa kama.

 

Tiningnan niya ang oras sa wall clock. Pasado alas-diyes na ng gabi. Oras na nga upang matulog siya. Natanaw pa niya ang kuwaderno sa Mathematics at iba pang mga gamit sa kaniyang study table.

 

Bumigat pa nang husto ang kalooban niya dahil naalala niyang hindi pa rin niya kayang sagutin ang Math problems. Gusto niyang umiyak dahil sa mga problemang pampamilya, kasabay ng pag-atake ng problemang pampagkatuto.

 

Muling niyang ipinikit ang mga mata, kasunod ang malalim na paghinga. Umusal siya ng dasal para sa Panginoon. Hangad niya ang mga kasagutan sa kaniyang katanungan at mga solusyon sa kaniyang mga problema.

 

Hindi agad dinalaw ng antok si Martino. Sa halip na mabugnot, sinamantala niya iyon upang magplano. Naisip niyang kailangang gumawa siya ng paraan upang mahinto na ang kaniyang ama sa pagbibisyo.

 

Bago siya nakatulog, buo na ang kaniyang loob. Planado ang gagawin niya.

 

-------

 

“Madlangdiwa, Martino,” rollcall ng kaniyang guro.

 

“Present!” mabilis niyang sagot.

 

“Nasaan ka?”

 

“Nandito, Sir.” Itinaas pa niya ang kaniyang kamay.

 

“Kanina, wala ka sa upuan mo.”

 

“Kanina pa po ako nandito.”

 

“Okay!” Napailing na lamang ang guro. Saka nito itinuloy ang pagtsek ng attendance.

 

Dumadagundong ang dibdib ni Martino nang tumayo na ang kanilang guro. Ugali pa naman nitong mag-check ng assignment bago magsimulang magturo. Tiyak na mapapagalitan na naman siya nito.

 

“Okay! Let’s check your assignment,” deklara nito. “Martino, please write your answer on the board.”

 

Napapikit na lamang si Martino. Inisip niyang nasa kuwarto siya—nakatalukbong pa rin ng kumot.

 

 

--------

 

“O, Martin, hindi ba’t nagpaalam ka kanina sa akin. Bakit nandito ka?” tanong ng ina pagkatapos nitong itaas ang kumot, na nakataklob sa katawan niya.

 

Parang napipi si Martino.

 

“May lagnat ka ba?” Hinipo ng ina ang kaniyang leeg at noo. “O, parang may sinat ka. Mabuti, hindi ka na pumasok. Sige na, hubarin mo na iyang uniporme mo, at magpalit ng pambahay. Kukuha ako ng gamot para makainom ka.”

 

Labis ang pagtataka ni Martino sa sarili. “May kakayahan ba akong mag-teleport at maging invisible?” tanong niya.  

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...