Ang Pangako
Madalas
magtalo ang magkaibigang sina Lawson at Analou sa mga bagay-bagay na ginagawa
nila. Dahil maunawin si Analou, hindi kaagad siya sumusuko sa pagpapaalala kay
Lawson.
"Tawid
na tayo. Dali!" Hinila ni Lawson si Analou habang malalayo-layo pa ang mga
rumaragasang sasakyan.
Walang
nagawa si Analou kundi ang tumakbo nang mabilis dahil hindi siya makawala sa
kamay ni Lawson. Bumisina nang bumusina ang mga sasakyang muntikan nang
madisgrasya dahil sa kanilang pagtawid.
"Gusto
mo bang magpakamatay? Ha? Bakit hindi ka makapaghintay sa traffic light?"
galit na galit si Analou.
"Ang
bagal mo kasi!"
"Parati
kang ganyan! Sumunod tayo sa batas trapiko para hindi tayo mapahamak. Hindi na
nga ako sasama sa 'yo!" Naglakad palayo si Analou.
Agad
namang hinabol at hinarang ni Lawson ang kaibigan. "Sorry na...
Hindi na mauulit."
"Sorry? Paulit-ulit ka na lang nagso-sorry hindi
ka naman nagbabago. Lagi kaya tayong muntikan nang mapahamak dahil sa mga
maling aksiyon mo. Kahapon, na-jaywalking tayo.
Mabuti na lang napakiusapan natin ang law enforcer, kung hindi baka
maghapon tayong nagwalis sa kalsada. Noong isang araw, nang nagbibisikleta
tayo, hinarang tayo ng mga barangay tanod kasi gusto mong dumaan sa one-way. Ang
kulit mo! Sinabi ko na sa 'yo na hindi puwede. Ipinagpilitan mo pa rin. Hayun,
napagsabihan pa tayo, na hindi tayo marunong magbasa. At ang pinakamaling
ginawa mo ay noong nakarang linggo— paggamit mo ng motorsiklo ng kuya mo. Ako
naman si Analou, pumayag na umangkas sa 'yo kasi sabi mo ililibre mo ako
ng milk tea." Binangga niya si Lawson upang makadaan siya.
"Hindi na ako sasama sa 'yo kahit kailan."
"Sorry na
nga!" sigaw ni Lawson habang sinusundan si Analou. "Kaya nga hindi na
ako magmomotor kasi wala pa akong lisensiya at bata pa ako. Kaya nga naglalakad
na lang tayo ngayon papunta sa park. Hayaan mo... kapag
nakabili na tayo ng skateboard, magiging masunurin na ako sa
batas-trapiko."
"Nangako
ka na naman... Hindi mo naman tinutupad. At saka... bakit hindi pa
ngayon?"
"Tutuparin
ko na nga... Alam ko namang mali, kaya lang nagmamadali ako para maabutan natin
ang idol natin sa skateboading. Halika ka na.
Huwag ka nang magalit. Samahan mo ako roon," pakiusap ni Lawson. Naka-prayer
position pa ang mga kamay niya.
"Huling
beses mo na itong lalabag sa batas, ha? Mangako ka."
"Pangako,
huli na ito. Kapag ginawa po pa uli, hindi na ako magpapasama sa 'yo."
Pagkatapos
maramdaman ni Analou, na seryoso ang kaibigan, sinamahan na niya ito.
No comments:
Post a Comment