Bakit Kahig nang Kahig ang mga Manok?
Noon pa man, sa isang payapang nayon, namumuhay nang
masaya ang mag-asawang manok na sina Inahen at Tandang, kasama ng kanilang mga
sisiw. Araw-araw silang naghahanap ng butil ng palay upang may makain ang
kanilang pamilya.
“Tiktilaok!” tawag ni Tandang sa mga sisiw, na naglalaro
ng habol-habulan. “Halina at kumain na tayo.”
Agad na nagsilapitan ang limang sisiw. Pinagsaluhan nila
ang mga butil ng palay na napitas nina Tandang at Inahen.
“Napakapayak ng buhay natin dito sa kabukiran,”
nakangiting sabi ni Tandang. “Masaya ka ba sa ganitong pamumuhay?”
Tumingin muna si Inahen sa kabiyak, saka pilit na
ngumiti. “Wala naman akong magagawa dahil ito ang pinili ko.”
“Napilitan
at nagsisisi ka bang magpakasal sa akin?”
Umiling-iling
si Inahen. “Kung may pinagsisisihan man ako, iyon ay hindi ko pagtatapos ng
pag-aaral, katulad ni Chicky. Ang hula ko, matagumpay na siya ngayon sa
siyudad. Siguradong natupad na niya ang kaniyang pangarap.”
Tinapik-tapik
ni Tandang ang balikat ni Inahen. “Huwag kang mag-alala… Habang magkasama tayo,
magkasama nating tutuparin ang mga pangarap mo.”
Hindi pa
rin nagbago ang emosyon ni Inahen. Labis ang pagsisisi niya sapagkat maaga
siyang nag-asawa.
Isang araw, nakatanggap si Inahen ng liham paanyaya mula
sa kanyang matalik na kaibigang si Chicky. Agad niyang binasa ang liham.
Nobyembre 1, 1925
Mahal kong
Inahen,
Magandang araw! Kumusta ka na at ang
iyong pamilya? Naniniwala akong masaya ka dahil mayroon kang masipag na asawa
at malulusog na anak.
Sumulat ako para ipaalam sa iyo na
ikakasal na ako sa mayamang negosyante. Sa darating na Nobyembre 21 itinakda
ang aming kasal. Inaanyayahan kitang dumalo sa araw na ito upang masaksihan mo
ang pag-iisang-dibdib namin ng aking mapapangasawa. Nais kong makilala mo siya,
at matunghayan mo ang engrandeng piging na iyon.
Inaasahan ko ang inyong pagdalo.
Kundi man makakasama ang iyong asawa at mga anak, kahit ikaw na lamang. Huwag
mo sana akong bibiguin. Sabik na sabik na akong makita at makasama kang muli.
Kalapip ng liham na ito ang buong
detalye ng kasal— lugar, oras, at kasuotan. Basahin mo ito. Sa ganitong paraan,
tiyak na makararating ka at maging elegante ka sa araw na ito.
Maraming salamat na agad sa iyong
pagdalo!
Mag-iingat ka palagi.
Nagmamahal,
Chicky
Nakaramdam man si Inahen ang inggit at panlilit sa
sarili, desidido siyang dumalo.
“Wala tayong sapat na pera para makabili ka ng kasuotang
angkop sa okasyong iyon,” pagtutol ni Tandang nang malaman ito.
Idinahilan niya
ang pagkasabik na makita ang matalik na kaibigan sapagkat labis ang kagustuhan ni
Inahen. “Payagan mo na ako. Manghihiram na lang ako sa mahal na reyna ng
kasuotan.”
Walang nagawa si Tandang kundi suportahan si Inahen.
Sinamahan pa niya ang asawa sa paghihiram ng kasuotan.
“Kamahalan,
maraming salamat sa kasuotang ito,” sabi ni Tandang. “Nakatitiyak akong
magiging elegante si Inahen sa araw ng kasal ng kaniyang kaibigan sa siyudad.”
“Walang
anoman, Tandang,” sabi ng reyna. “Inahen, mag-iingat ka palagi. Ingatan mo rin
ang kasuotang iyan.”
“Masusunod
po, Kamahalan,” tugon ni Inahen. “Maaari din bang makahiram ng kuwintas ninyo
upang mas umangat ang kasuotang ito?”
“Naku!
Nagbibiro lang po ang asawa ko,” sabi ni Tandang. “Paumanhin. Tutuloy na po
kami.”
“Tama
ang asawa mo, Tandang. Halina kayo, sumunod kayo sa akin para makapili kayo ng
kuwintas.”
Tuwang-tuwang
sumunod si Inahen. At abot-tainga ang ngiti niya nang makapili na siya.
“Bagay
na bagay sa iyo, Inahen! Lalo kang gumanda. Lalo ring gumanda ang kasuotan,”
papuri ng reyna. “Pakaingatan mo ang kuwintas na ito. Napakaespesyal nito sa
akin.”
Ngumiti
at tumango muna si Inahen. “Pangako, mahal na reyna, iingatan ko ito, pati ang
kasuotang ito. Maraming salamat!”
“Tandaan,
ingatan mo ang mga iyan,” paalala ni Tandang nang makalayo na sila sa reyna.
Nginitian
lang ni Inahen si Tandang.
“Gusto
mo bang samahan kita?”
“Hindi
na dahil walang kasama ang mga inakay natin.
Sa
madaling sabi, natuloy ang pagdalo ni Inahen sa kasal. Nagkita sila ni Chicky.
Sinikap niyang maging elegante dahil suot-suot niya ang kasuotan at kuwintas ng
reyna. Sa katunayan, marami ang humanga sa kaniya. Akala nga ni Chicky ay
magkatulad lamang sila ng estado sa buhay.
Sa
kabilang banda, masayang-masaya sila sa kanilang muling pagkikita. Lalo namang
lumaki ang inggit niya sa kaibigan dahil sa magarbong kasal at piging nito.
Hindi rin maalis-alis ang tingin niya sa mga alahas na suot ni Chicky. Bunga
nito, malungkot siyang nakauwi sa bukid.
“O,
Inahen, bakit ang lungkot mo?” pansing-bati ni Tandang. “Kumusta? Nagkita ba
kayo ni Chicky?”
Bago pa
nakasagot si Inahen, napansin na ni Tandang na hindi niya suot ang kuwintas.
“Nasaan ang kuwintas ng reyna? Bakit hindi mo suot-suot?”
“Ha? Hindi ko alam.” Natataranta na rin si Inahen.
“Ibig sabihin, nawala mo? Hala! Paano mo ipaliliwanag
iyan sa reyna?”
“Malamang ay ganoon nga! Halina, hanapin natin, Tandang.”
Kasama ng kanilang mga sisiw, hinanap nila ang kuwintas
sa dinaanan ni Inahen, ngunit nakalayo na sila nang husto ay wala silang
nakita.
“Saan ko kaya nalaglag `yon?” paulit-ulit na sabi ni Inahen
habang paulit-ulit ang pagkahig sa lupa.
“Tiktilaok!”
sabi ni Tandang. “Gabi na. Kailangan na nating magpahinga. Bukas naman natin
ipagpatuloy ang paghahanap sa kuwintas.”
Kinabukasan,
kumahig ulit sila nang kumahig, pero wala pa rin silang nakita. At lumipas pa
ang mga araw, hindi pa rin nila naibabalik sa reyna ang kuwintas. Nahihiya
silang humarap nang hindi iyon dala-dala, kung kaya’t nagpatuloy sila sa
paghahanap.
Sa kasalukuyan, kahig pa rin nang kahig ang mga manok
dahil sa pag-asang mahahanap nila ang kuwintas ng reyna.
No comments:
Post a Comment