Followers
Thursday, July 22, 2021
Fatty Liver
Mabilis ka bang mapagod? Pakiramdam mo, palagi kang nanghihina? Madalas bang sumakit ang tiyan mo? Napapansin mo rin bang biglang nagbabago ang timbang mo? At para kang natutuliro?
Naku! Naku! Baka may fatty liver ka na.
Ang Fatty Liver ay isang kondisyon kung saan nababalot ng taba ang atay. Kung may fatty liver ka, kadalasan ay mataas ang iyong blood cholesterol, blood sugar, at uric acid, kaya malamang ay sobra ka sa timbang at may malaking tiyan.
Ang fatty liver ay may dalawang uri – alcoholic fatty liver at non-alcoholic fatty liver. Ang alcoholic fatty liver ay dulot ng sobrang pag-inom ng alak. Ang non-alcoholic fatty liver ay dulot ng labis na katabaan, labis na dami ng taba sa dugo, diabetes, mana sa pamilya, biglang pagtaas ng timbang, at side effects ng pag-inom ng gamot gaya ng aspirin, steroid, at iba pang katulad na pormulasyon.
Sa umpisa ay walang sintomas ang fatty liver. Minsan, makararamdam ka ng pagsakit ng kanang bahagi ng tiyan. Ang fatty liver ay maaaring mauwi sa liver cirrhosis kapag hindi naagapan. Kapag naging liver cirrhosis na, malala na ito at magkakaroon ka na ng paninilaw ng mata, pamamayat, paglaki ng tiyan, at pagmamanas ng paa. Ito rin ang dahilan kung bakit namamaga ang atay.
Mahalaga ang atay (liver) sa mga tao, gayundin sa mga hayop. Isa ito sa mga pinakaimportanteng organ sa ating katawan dahil gumagawa ito ng mga kritikal na trabaho. Nagproproseso ito ng sustansiya na kailangan ng katawan, gaya ng protina. Gumagawa ito ng clotting proteins, na importante upang mapadali ang paghilom ng ating mga sugat. Naglilinis din ito ng dugo at nag-aalis ng mga nakakalasong bagay sa katawan. Gumagawa ito ng bile, isang alkaline fluid na tumutulong sa digestion. Kaya nitong mag-imbak ng iron sa ating katawan. Kino-convert nito ang mga nutrients bilang energy.
Malalaman mong may fatty liver ka sa pamamagitan ng Ultrasound ng atay o Ultrasound of the Whole Abdomen. At upang maagapan mo ito, may mga dapat kang gawin.
Itigil mo na ang pag-inom ng alak. Huwag mo nang subukan pang tumikim ng kahit isang patak ng anomang alcoholic drinks. Ihinto mo na rin ang paninigarilyo o paggamit ng droga.
Gumalaw-galaw ka at mag-ehersisyo. Magbawas ka ng timbang kung sobra ka na sa bigat dahil habang nagbabawas ka ng timbang, maaaring mabawasan din ang taba sa iyong atay.
Umiwas ka sa mga pagkaing matataba (oily) at matatamis. Limitahan ang pagkain ng cake, mantikilya, ice cream at karneng baboy at baka. Umiwas o bawasan na rin ang pag-inom ng matatamis na inumin tulad ng soft drinks, milk tea, at iced tea.
Kumain ka ng mga masustansyang pagkain tulad ng sariwang prutas, gulay, at isda. Gawin mong balanse ang iyong diyeta. Tandaang lahat ng sobra ay nakasasama.
Uminom ka ng walo hanggang sampung baso ng tubig upang ma-wash out ang mga toxins sa iyong katawan.
Kung diabetic ka, gamutin ito sa tulong ng iyong doktor. Nakakatakot ang mga komplikasyon nito, kaya sundin mo ang payo o reseta ng iyong doktor.
Kung mataas din ang iyong kolesterol sa dugo, ibaba mo ito sa pamamagitan ng diyeta, gamot, at isabay ang First Vita Plus Dalandan variant.
Ang FIRST VITA PLUS Dalandan ay makatutulong upang isaayos ang problema sa atay tulad ng Fatty Liver at Liver Cirrhosis dahil ito ay gawa sa 5 GULAY (5 Power Herbs, na tinatawag namin). Ang limang gulay na ito (malunggay, saluyot, talbos ng kamote, dahon ng sili, at uray) ay pinagsama-sama, gamit ang cold processing at ginawang juice para mas madaling mainom ng kahit sino.
Ang First Vita Plus ay kumpleto sa sustansya na kailangan ng ating katawan araw-araw tulad ng vitamins, minerals, micronutrients, phytochemicals, antioxidants, at fiber.
Ang pangunahing ginagawa ng First Vita Plus ay palakasin ang ating IMMUNE SYSTEM na nagsisilbing doktor sa loob ng ating katawan. Kapag malakas ang ating immune system, ang katawan na mismo ang lumalaban sa mga sakit kung kaya iba't ibang klase ng sakit ang natutulungan nito.
Huwag mo nang hintaying tumaba ang atay mo o kaya ay lumala ang fatty liver mo. Lunasan mo na agad ito. Liver is life, kaya live your life.
Tuesday, July 20, 2021
Pagtitibi (Constipation)
Nahihirapan ka bang dumumi? Constipated ka, Kapatid. Ilabas mo iyan dahil may masamang epekto iyan sa iyong katawan.
Ang constipation (pagtitibi) ay isang uri ng kondisyon sa digestive system na nagdudulot ng pagtigas ng dumi ng tao na lubhang napakahirap na ilabas. Bata o matanda man ay maaaring maapektuhan ng kondisyong ito.
Nangyayari ang pagtitibi dahil ang malaking bituka (colon) ay labis na sumisipsip ng mga tubig o likido na nasa mga pagkain sa loob nito. Resulta rin ito ng kakulangan sa pagkilos o ehersisyo ng isang tao, gayundin ng ilang uri ng mga gamot na kaniyang iniinom, pagkaing kinakain, at ng kaniyang edad. Habang nagkakaedad ang tao, mas nahihirapan ang panunaw. Malaki rin ang kinalaman ng pag-inom ng tubig sa pagtitibi. Ang kakulangan sa pag-inom ng sapat na dami ng tubig ay maaaring magresulta sa constipation. Ang kakulangan sa mga pagkaing mayaman sa fiber ay sanhi rin ng kondisyong ito. Itinuturo ding dahilan ng pagtitibi ang iba’t ibang pinsala sa katawan o karamdaman.
Ang pagtitibi ay may dalawang uri-- ang primary constipation at secondary constipation. Gayunpaman, magkapareho ang mga sintomas nito.
Ang Primary constipation ay ang pinakakaraniwang uri ng pagtitibi. Ito ay nahahati pa sa tatlong mga uri --ang slow-transit constipation, pelvic floor dysfunction, at normal-transit constipation.
Ang Slow-transit constipation ay ang uri na kung saan nababawasan ang paggalaw ng mga bituka, samantalang ang paggalaw ng pagkain mula sa umpisa hanggang sa dulo ng digestive tract ay bumibilis. Nagdudulot ito ng kabag, pagkabalisa, at dalang ng pagdudumi.
Ang Pelvic-floor dysfunction ay tinatawag ding outlet constipation. Ito ay ang hindi maayos na paggalaw ng mga kalamnan sa sahig ng mga balakang kaya ito ay nagdudulot ng hirap sa pagdudumi. Karaniwang nakararanas ng matinding pag-ire sa pagdudumi ang sinomang meron nito.
Ang Normal-transit constipation ay maaaring dulot ng pagtaas ng psychosocial distress. Dito ay normal ang paggalaw ng mga bituka at paglabas ng mga dumi ng taong meron nito, subalit inaakala niyang tinitibi siya, ang totoo may mga pagkakataon talaga na matigas ang kanilang mga dumi, na sinasabayan pa ng kabag.
Ang Secondary Constipation naman ay dulot ng problema sa metabolismo na gawa ng hypothyroidism. Maaari din itong resulta ng mga problemang neurolohikal, katulad ng multiple sclerosis, pinsala sa spinal cord, Parkinson’s disease, celiac disease, colon cancer, stroke, at autonomic neuropathy. Ang pagkakaroon ng mga problema sa mga kalamnan sa balakang na may kinalaman sa pagdudumi ay maaari ding magdulot ng pagtitibi, katulad ng kawalan ng kakayahan ng mga kalamnan sa balakang na mag-relax sa tuwing dumudumi, kawalan ng mga kalamnan sa balakang na ayusin ang pag-relax at pagpisil (dyssynergia), at paghina ng kalamnan sa balakang.
Ang diabetes at pagbubuntis ay maaari ding magdulot ng constipation.
Malalaman mong constipated ka kung labis kang nahihirapan sa pagdudumi, kung lumulobo ang iyong tiyan, may kabag ka, nawawalan ng ganang kumain, pinupulikat o sumasakit ang tiyan o naduduwal ka. Minsan naman, may pagkakataong may kasamang dugo ang dumi ng taong may pagtitibi.
Kung pabalik-balik na ang pagtitibi o constipation, malamang maraming ang mga sanhi nito, katulad ng pagbara sa malaking bituka.
Mapanganib ang pagkakaroon ng pabalik-balik na constipation, kaya nararapat na maging maingat. Kung ikaw ay matanda na, buntis, hindi mahilig uminom ng tubig, kulang sa fiber ang kinakain, kulang sa mga pisikal na aktibidad o ehersisyo, uminom ng mga gamot para sa hypertension at mga sedatives, opioid painkillers, at antidepressants, may problemang psychological, kagaya ng depresyon o anxiety, at may problema sa pagkain, prone ka sa pagtitibi.
Kapag hindi agad maagapan ang pagtitibi, ito ay maaaring magdulot ng almuranas (hemorrhoids), paghina ng immune system, fecal impaction, mood swings, pagsakit ng ulo (headache), pagkawala ng appetite, pagkahapo (fatigue), skin eruptions (acne, skin rashes, hives, boils and inflamed skin), bad breath (halitosis), pagsakit ng likod (back pain), pagtaas ng cholesterol, brain fog (pagkakamakalimutin, pagkawala sa pokus o pagbagal ng pagkatuto), at pagtaas ng timbang (obesity).
Huwag kang mag-alala! May mga paraan para lunasan ang pagtitibi (constipation).
Uminom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw. Makatutulong ito upang madaling mailabas ang mga dumi mula sa tiyan. Iwasan ang labis na pag-inom ng mga inuming may caffeine, gaya ng kape, soda, energy drink, at iba pa. Nagdudulot ang mga ito ng pagkatuyot. Mag-ehersisyo nang regular sa loob ng 30 minuto bawat araw. Ugaliing magbawas kaagad kapag nakaramdam ng pangangailangan na dumumi. At kumain ng mga pagkaing balanse at mayaman sa fiber, gaya ng mga prutas, gulay, at whole-grain na tinapay.
Kung hassle sa ‘yo ang pag-inom at pagkain ng may fiber, good news, merong First Vita Plus Natural Health Drink Dalandan, na tutulong sa iyo upang mawala ang iyong pagtitibi. Binubuo ito ng limang gulay (malunggay, dahon ng sili, talbos ng kamote, uray, at saluyot) at nilahukan pa ng dalandan extract.
Kapag malalala ang kaso ng constipation, may iba’t ibang uri ng gamot o kaya ay mga laxatives, na maaaring ireseta sa iyo ng doktor. Papalambutin at padudulasin nito ang mga dumi sa tiyan upang maginhawa mo itong mailabas.
Kailangang ilabas ang dumi. Huwag mong ipagwalambahala ang pagtitibi. Constipation is not okay, kaya huwag ka nang mag-atabuli. Lunasan ito agad upang lalabas ka sa banyo nang nakangiti.
Specific Phobia
Takot ka bang maligo? Takot ka ba sa dugo? Takot ka ba sa injection. Sa linta? Sa ahas? Takot ka bang magmahal? Takot ka bang iwanan niya?
Well, natural lamang iyan!
Ang takot ay natural na emosyon ng isang tao. Kapag natatakot tayo, nanghihina ang ating loob para lumaban o para pumasok sa isang inaakalang mapanganib na gawain. Pakiramdam natin hindi kanais-nais isang tao, bagay, lugar, pangyayari, sitwasyon o gawain na maaaring magdulot sa atin ng panganib, kirot o banta sa isipan.
Natural ang takot na nararamdaman natin, subalit kapag ito ay labis na, paulit-ulit, at hindi na makatotohanan ito ay isa nang phobia. Opo, isang phobia—specific phobia. Ito ay isang uri ng anxiety disorder.
Ang isang taong may specific phobia ay umiiwas sa mga partikular na tao, bagay, hayop, lugar, pangyayari, sitwasyon, at gawaing nagpapabalisa sa kaniya.
Napakatiyak at limitado ang ilang mga phobias. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring natatakot lamang sa mga spider (arachnophobia) o sa mga manika (pediophobia). May ilang phobias ding nagdudulot ng problema sa mas malawak na iba-ibang lugar o sitwasyon. Halimbawa, ang takot sa matataas na lugar ay maaaring ma-trigger sa pamamagitan ng pagtingin sa bintana ng isang gusali o sa pamamagitan ng pagsakay sa Ferris wheel. Ang mga taong may phobia ay kailangang baguhin ang kanilang buhay at mag-adjust upang hindi sila maapektuhan nito nang husto. Subalit, may matitinding kaso ng phobia. Dumarating sa punto na ang takot ay nagdidikta sa trabaho ng tao, lokasyon ng trabaho, ruta sa pagmamaneho, libangan, panlipunang aktibidad o kapaligiran sa bahay.
Anoman ang specific phobia ang nararanasan ng isang tao, maaari siyang magkaroon ng mga sumusunod na reaksiyon kapag nati-trigger.
1. Siya ay kaagad na makakaramdam ng matinding takot, pagkabalisa, at pagkataranta.
2. Alam niyang hindi angkop o kakatwa ang kaniyang nararamdamang takot pero wala siyang kakayahang kontrolin o iwasan iyon.
3. Lumalala ang kaniyang pagkabalisa habang lumalapit siya sa kinatatakutan o papalit ito sa kaniya.
4. Gumagawa siya ng mga kakatwang paraan upang makaiwas sa kinatatakutan.
5. Nahihirapan siyang kumilos nang normal dahil sa takot o kinatatakutan.
6. Nakararamdam siya ng mga pisikal na pagbabago sa kaniyang katawan gaya ng pagpapawis, pagbilis ng tibok ng puso, pagsikip ng dibdib, kahirapan sa paghinga, pagkahilo, pagduduwal or pagkahimatay.
7. Sa mga bata, maaari silang magkaroon ng tantrums, maging clingy, maging iyakin, at tumangging magpaiwan sa magulang.
Ang bawat specific phobia ay may pinagmumulan o dahilan. Ito ay maaaring dahil sa mga negatibong karanasan. Kapag ang isang tao ay nakaranas ng panic attack dahil sa isang tao, bagay, lugar, hayop o sitwasyon, malaki ang tsansa na magkaroon siya nito. Ang genes ng mga magulang ay maaari ding magdulot nito sa tao, gayundin ang kapaligiran, lalo na ang tahanan. Kapag meron nito sa isang pamilya, maaari itong maipasa sa sinomang miyembro. Ang brain function ay may epekto rin sa pag-develop ng phobia. Kapag mahina ang paglago o pagkilos ng utak, maaaring maapektuhan nito ang kaisipan ng tao na makipaglaban sa takot.
May mga dapat din tayong malaman tungkol sa specific phobia. Kadalasan, ang mga batang may edad na 10 ang tinatamaan nito, subalit maaari ding maganap sa mga taong nasa hustong gulang.
Namamana ang specific phobia. Sa madalas na pagkakaobserba sa kapamilyang nakararanas ng phobia, maaari itong mangyari sa kanya.
Ang pag-uugali ay maaari ding maging dahilan ng specific phobia. Kapag ang tao ay masyadong sensitibo, mahiyain, at negatibo, maaari itong ma-develop sa kanya.
Ang negatibong karanasan ng iba na narinig o nakita natin ay maaari ding maging dahilan ng pagsisimula ng pagkakaroon natin ng matinding takot sa kaparehong tao, bagay, lugar, hayop o sitwasyon
Maaaring kakatwa sa iba ang pagkakaroon ng specific phobia ng isang tao, pero ang totoo, isa itong nakakaalarmang kondisyon. Masyado itong nagpapahirap sa kanya.
Minsan, mas ginugusto na lamang niya ang social isolation upang maiwasan ang mga kinatatakutan, kaya nagkakaroon siya ng mga problemang pang-akademiko, propesyunal o relasyon sa kapwa. Mapabata man o mapamatanda, ito ay nagdudulot sa kanila ng labis na kalungkutan dahil sa pag-iwas at takot na mahusgahan ng kapwa.
Ang depresyon at pagkabalisa ay ilan lang sa mga nagiging resulta ng specific phobia sa tao. Nariyan din ang tinatawag na substance abuse. Minsan, nagiging alcoholic ang isang taong may kinatatakutan at nagiging drug dependent. At ang pinakamalalang epekto nito sa tao ay kapag nagiging suicidal na.
Gayunpaman, maiiwasan ang mga epekto o resultang nabanggit sa pamamagitan ng pagkonsulta sa mga sikolohista. Sa mga magulang na may mga anak na nakararanas ng specific phobia, dapat nilang turuan ang mga bata na magkaroon ng malawak na pang-unawa sa kanilang karamdaman. Turuan nila ang mga anak na maging matapang sa pagharap sa takot. Iwasan din nilang magpakita ng pagkatakot upang hindi sila gayahin ng mga ito.
May mga sitwasyong kailangan nang kumonsulta sa doktor. Una, kapag masyado nang nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ang kaniyang takot. Halimbawa: Sa halip na siya ay sasakay sa elevator patungo sa mataas na palapag ng gusali, gumagamit na lang siya ng hagdan. Ang resulta, mahabang oras ang nawala. Apektado ang kaniyang trabaho o transaksiyon. Sa pagkakataong ito, kailangan na niya ng terapi.
Sa mga bata naman, kapag masyado na silang takot sa dilim, sa multo, mag-isa o maiwan, na kung tutuusin ay normal naman sa mga bata, kailangan na rin ng doktor, lalo na kung apektado na ang pagkilos nila nang normal sa tahanan o sa paaralan.
Anomang edad o anomang uri ng specific phobia, may mahalagang papel na gagampanan ang wastong terapi upang malunasan ang karamdamang ito. Ang pag-unawa sa mga taong may ganitong uri ng anxiety disorder ay nakatutulong nang malaki para sa kanila. Mahalaga rin ang yakap ng mga mahal sa buhay para sa mga taong natatakot.
Normal ang matakot sa isang tao, bagay, hayop, lugar, at sitwasyon. Huwag tayong matakot na harapin ang takot na iyon dahil mas nakakatakot nga raw ang wala nang maramdamang takot.
Friday, July 9, 2021
Separation Anxiety Disorder
Takot ka bang iwanan ng iyong mahal? Nababalisa ka ba kapag nawala o nalayo sa iyo ang isang mahalagang tao o bagay?
Naku! Baka sintomas na iyan ng Separation Anxiety Disorder.
Ang Separation Anxiety Disorder ay naglalarawan ng mga damdamin ng isang indibidwal na paulit-ulit at labis na pagkabalisa na nauugnay sa kasalukuyan o paparating na paghihiwalay mula sa isang tao o isang bagay na nagbibigay sa indibidwal ng ginhawa. Ito ay madalas na nangyayari sa mga bata, ngunit maaari ding maranasan ng matatanda. Ito ay maaaring pangmatagalan at patuloy na pagkabalisa sa mga panahon hanggang anim na linggo. Ang mga indibidwal na pinahihirapan ng karamdamang ito ay nakararanas ng labis na pagkabalisa.
Ang Separation Anxiety Disorder ay isang normal na bahagi ng pag-unlad ng pagkabata. Karaniwan itong nangyayari sa mga sanggol sa pagitan ng 8 at 12 buwan ang edad, at kadalasan ay nawala pagdating ng edad 2. Ito ay maaaring bumalik, depende sa mga susunod na pangyayari at sitwasyon.
Ang mga sintomas ng separation anxiety disorder ay nangyayari kapag ang isang bata ay nahiwalay mula sa mga magulang o tagapag-alaga. Ito ay maaaring maging sanhi ng mga pag-uugali na may kaugnayan sa pagkabalisa.
Kumakapit siya sa mga magulang kapag aalis ang mga ito.
Matindi ang kaniyang pag-iyak.
Nakararanas siya ng pisikal na karamdaman, tulad ng pananakit ng ulo o pagsusuka.
Siya ay marahas, may emosyonal na tantrums, at tumatangging pumasok sa paaralan.
Mahina ang performance niya sa paaralan.
Bigo siyang makisalamuha sa ibang mga bata.
Tumatanggi siyang mag-isa sa pagtulog o iba pang Gawain.
Binabangungot siya.
Ang separation anxiety disorder ay nagmumula sa iba’t ibang dahilan. Ang isang bata ay maaaring matukoy na may karamdamang ito kapag siya ay mula sa isang pamilya na may history of depression; may mahiyaing personalidad; mula sa mababang kalagayan ng socioeconomic; sobrang protektado ng mga magulang; may kakulangan sa pakikipag-ugnayan ng (mga) magulang; may mga problema sa pagharap sa mga batang kaedad niya; o dumaaan sa traumatic na kaganapan sa buhay tulad ng switching schools, diborsiyo ng mga magulang o pagkamatay ng isang malapit na miyembro ng pamilya.
Matutukoy ang batang may separation anxiety disorder kapag siya ay nakararanas ng tatlo o higit pang sintomas. Maaaring magdagdag ang doktor ng mga pagsusuri upang kumpirmahin ang diagnosis. Maaari din niyang obserbahan ang bata at mga magulang upang makita kung nakakaapekto ang kanilang ugnayan sa pagkabalisa ng bata.
Nagagamot ang separation anxiety disorder. Sa pamamagitan ng therapy, matutulungan ang pasyente na makitungo sa pagkabalisa sa positibong paraan.
Ang cognitive behavioral therapy (CBT) ay ang pinaka-epektibong therapy. Sa teraping ito, tuturuan ang batang pasyente ng mga coping mechanisms sa pagharap at pagtugon sa separation anxiety. Ilan sa mga paraang ginagamit dito ay ang malalim na paghinga at pagpapahinga.
Kasama ang mga magulang sa pagsasagawa ng CBT. Sila ay may papel na gagampanan sa terapi dahil titingnan ng doktor ang pakikipag-ugnayan ng mga magulang sa anak.
Ang CBT ay may tatlong pangunahing yugto ng paggamot—ang child-directed interaction (CDI), bravery-directed interaction (BDI), at parent-directed interaction (PDI).
Ang Child-Directed Interaction (CDI) ay nakapokus sa pagpapabuti ng kalidad ng relasyon sa magulang at anak. Palalakasin nito ang damdamin ng bata tungo sa kaniyang kaligtasan at upang maramdaman niya ang init ng pagmamahal, atensiyon, at papuri ng mga magulang.
Ang Bravery-Directed Interaction (BDI) ay nakapokus sa pagtuturo sa mga magulang tungkol sa kung bakit ang kanilang anak ay nakararamdam ng pagkabalisa. Ang therapist ng bata ay magpapakita ng mga sitwasyon na nagdudulot ng balisa (anxiety). Magbibigay rin siya ng mga gantimpala para sa mga positibong reaksiyon.
Ang Parent-Directed Interaction (PDI) ay nakapokus sa pagtuturo sa mga magulang na makipag-usap nang malinaw sa kanilang anak upang makatulong ito sa pagtanggap at pagtugon sa mahinang pag-uugali ng bata.
Ang kapaligirang ginagalawan ng bata ay may malaking papel na ginagampaman sa paggaling niya. Kailangan niya ng ligtas at mapagtanggap na kapaligiran at kapwa. Mahalagang may matatakbuhan siya sa oras ng kaniyang pagkabalisa. Ang paaralan at tahanan ay dapat nagtataglay ng katangiang kailangan niya.
Walang gamot na akma para sa mga batang may separation anxiety disorder. Ang mga antidepressants ay ipinapainom lamang sa mas matatandang may ganitong kondisyon, lalo na kung ang ibang mga paraan ng paggamot ay hindi epektibo.
Malaki ang magiging epekto sa buhay ng batang may separation anxiety disorder. Ang kaniyang emotional and social development ay lubhang apektado. Hindi niya o maiiwasan niya ang mahahalaga at magagandang karanasan sa normal na pamumuhay at pag-unlad. Lalo rin siyang malulugmok sa
Ang Separation Anxiety Disorder ay maaari ding makaapekto sa buhay ng pamilya lalo na kung limitado ang kaalaman, oras, at pagtanggap ng mga magulang at mga kapatid. Subalit kung ang pamilya mismo ang tutulong sa bata upang malunasan ang kaniyang karamdaman, hindi malabong mapagtagumpayan niya ang separation anxiety.
Masakit talaga ang maiwanan ng minamahal, pero kung matatanggap ito agad, hindi na ito magdudulot ng malubhang karamdaman.
Magkaiba ang Pagiging Introvert at Social Anxiety Disorder
Isa ka rin ba sa nagtatanong kung introvert ka lang o may social anxiety disorder (SAD) ka na? O isa ka sa mga taong nagsasabing ang pagiging introvert at pagkakaroon ng SAD ay iisa?
Well, marami talaga ang nagkakamali sa bagay na ito. Kaya, dapat mong malaman ang katangian ng isang taong introvert, gayundin ng taong nakararanas ng social anxiety disorder. Simulan natin sa introvert.
Ang pagiging introvert ay isang ugali ng tao, kung saan ayaw niya lang makisalamuha sa kapwa. Bukod dito, narito pa ang ilan sa mga katangian niya.
Mas gusto niya ang kaunting kaibigan at one-on-one na pakikipag-usap. Ayaw niya ng tropa. Siya ang taong mahilig sa malalim at makabuluhang usapan sa limitado o maliit na grupo ng tao. Hangga’t maaari siya at isang kausap lamang ang nais niya, lalo na kapag kasundo, kaibigan, o may malalim siyang relasyon dito.
Hindi siya nababagot o nalulungkot kahit mag-isa lamang siya. Ang totoo, mas masaya siya kapag mag-isa sa bahay o sa mga gawain. Mas nararamdaman niya ang pag-iisa kapag siya ay nasa pagtitipon at salusalo. Mas epektibo siya kapag mag-isa, kaya marami siyang nagagawang kapaki-pakinabang na bagay at gawain.
Kailangan niyang magpahinga bago at pagkatapos makihalubilo sa (mga) kapwa. Iritado siya kapag matagal ang ginugol niyang oras sa pakikipag-usap. Pakiramdam niya napagod ang kaniyang isip, kaya ang tanging solusyon ay manatili siya sa bahay o magkulong sa kuwarto nang matagal upang manumbalik ang sigla niya.
Malalim siyang mag-isip. Masining ang kaniyang mga ideya at kaisipan. Mahilig siyang mag-isip ng magaganda at makabuluhang bagay, kaya tuwing may mga katanungang mahirap sagutin, siya ang nakasasagot.
Matagal siya bago magsalita o hindi siya basta-basta nagbabahagi ng ideya. Prinoproseso niya nang mabuti ang mga sasabihin, bago bigkasin kaya natatagalan siyang magbitiw ng mga salita. At mas gusto niya ang pakikipag-usap nang hindi personal o hindi face-to-face.
Ayaw niyang nagiging center of attention siya. Nakapagdudulot ito sa kaniya ng iritasyon. Mas gusto niyang kumilos o gumawa nang tahimik at hindi pinapansin. Mas epektibo niyang nagagawa ang mga gawain kapag walang nakatingin. Ayaw rin niyang pinupuri o makatanggap ng mga recognition. Siya ang taong masaya nang magtrabaho behind the scenes.
Mas gusto niya ang pasulat na komunikasyon kaysa sa pasalita. Mas naipapahayag niya ang kaniyang ideya, kaisipan, at saloobin kapag isinusulat niya ang mga ito. Mas gusto niya ang pagsusulat kaysa sa pagsasalita.
Mas gusto niyang magtrabahong mag-isa kaysa gumawa nang kasama ang grupo. Hindi naman sa hindi siya epektibo kapag nasa grupo. Mas nakapopokus kasi siya kapag walang kausap at mga naririnig. Sa palagay niya, mas kapaki-pakinabang siya kapag solo siya sa isang gawain.
Mahusay siyang magbasa ng isip ng tao. Dahil tahimik siya kapag kasama ang karamihan at mahilig siyang magmasid, nabibigyan niya ng kahulugan ang mga kilos at gawi ng mga taong nasa paligid niya. Mas gusto rin niyang making kaysa magsalita.
Nahihirapan siyang mag-adjust kapag may bagong gawain. Mas gusto niya ang mga nakasanayang bagay, kaya naman tumataas ang presyon ng kaniyang dugo kapag nahaharap siya sa isang di-pamilyar o bagong lugar, sitwasyon o gawain.
Ayaw niya sa networking. Naiirita siya kapag kailangang manghikayat ng tao. Siya ay hindi mahusay sa marketing o sales talk. Napapagod agad siya kapag hindi niya mapasunod o mahikayat ang isang tao. Para sa kaniya, hindi siya nababagay sa mga samahan o organisasyon.
Bago natin kilalanin ang mga katangian ng taong may social anxiety disorder (SAD), linawin ko lang na ang SAD ay isang mental na karamdaman at nagdudulot ito ng negatibong epekto sa iba’t ibang aspekto ng buhay ng tao.
Iniiwasan niya ang pakikihalubilo at pagtatanghal sa madla. Nababalisa siya kapag humaharap sa maraming tao. Ayaw na ayaw niya ang public speaking at ang pagtatanghal sa entablado dahil takot siyang mabiktima ng maling panghuhusga.
Masyado siyang kritikal sa kaniyang sarili. Iniisip niyang hindi sapat ang kaalaman at kakayahan niya para sa iba. Kulang siya sa tiwala sa sarili kaya nagiging pesimistiko at negatibo siya. Ito rin ang dahilan ng kaniyang pagkabalisa at hindi pagkakaroon ng pokus sa kaniyang gawain.
Nakararanas siya ng mga pisikal na sintomas ng SAD pagkatapos maharap sa kinatatakutang sitwasyon, gaya ng paninikip o pagkabog ng dibdib, pagbilis ng tibok ng puso, panginginig, pagpapawis, pagduduwal, at iba pa.
Nahihirapan siyang kumawala sa anxiety, kaya madalas natatagpuan niya ang sarili sa piling ng alak at iba pang bisyo. Dahil dito, umiiwas din siya sa pakikipag-usap sa iba. Ayaw niya rin ng eye contact.
Kampante siya kapag kaharap niya ang mga taong gusto niya o taong gusto at tanggap siya. Kabaligtaran naman ang nararamdaman niya kapag may ibang tao sa kanilang tahanan o may hindi pamilyar na tao siyang kasalamuha.
Nahihirapan siyang bumuo ng matatag na pagkakaibigan at relasyon sa kapwa. Siya ay madalas wala o kakaunti ang kaibigan. Gustuhin man niyang magkipagkaibigan o makipagrelasyon, hinahadlangan siya ng takot niyang ma-reject.
Nababalisa siya kapag may nakatingin sa kaniya habang siya ay may ginagawa. Ayaw niya nang may nakatingin sa kaniya habang kumakain o iba pang gawain. Napi-pressure din siya kapag binabantayan ang oras niya, gaya kapag kumukuha ng pagsusulit. Nababalisa at natatakot din siyang ipakilala ang sarili sa grupo ng tao.
Hindi siya kampante kapag nakaharap, katabi, o nakatingin ang kaniyang boss, teacher, o sinomang may awtoridad sa kaniya. Ayaw niyang nakikipag-usap sa mga persons-in-authority dahil nakararamdam siya ng hindi maipaliwanag na kaba at takot.
Nangangamba siyang mapansin ng iba ang mga sintomas ng kaniyang karamdaman. Ikinahihiya at ikinatatakot niyang kapag inatake siya sa gitna ng maraming tao o habang siya ay nagtatanghal. Ang isiping iyon ay lalong nagpapalala sa kaniyang anxiety.
Natatakot siyang madiskubre ng kapwa niya ang katauhan niya. Naniniwala siyang hindi siya magaling. Nababalisa siyang isipin na baka hindi siya maunawaan kapag ipinagtapat niya ang kaniyang mga pinagdaraanan.
Kulang siya sa paninindigan, kaya nagiging sunod-sunuran na lamang siya. May tendency siyang suportahan ang maling ideya para lang hindi siya magkaroon ng problema sa pagpapahayag ng kaniyang ideya at saloobin.
Hayan! Sana naliwanagan ka na. Uulitin ko, magkaiba ang introversion (pagiging introvert) at social anxiety disorder. At upang mas maliwanag, idagdag ko lamang ang mahahalagang impormasyong ito.
Ang introvert na tao ay walang itinatago. Malaya siya. Hindi niya iniisip ang sasabihin ng iba.
Ang pagiging introvert ay inborn samantalang ang SAD ay nade-develop lang at napag-aaralan.
Ang SAD ay may kinalaman sa takot sa maraming tao. Ang pagiging introvert ay kagustuhan lang ng isang tao na mapag-isa.
Tanggap ng taong introvert ang kaniyang kondisyon, samantalang ang taong may SAD ay nagiging judgmental sa kaniyang sarili.
Kaya namang makisalamuha sa kapwa ang introvert, pero hindi ang taong may SAD.
Nililimitahan ng taong introvert ang socialization. Pinalulungkot naman nito ang taong may SAD.
Nagagamot ang social anxiety. Nababago naman ang pagiging introvert.
Nahihirapan lang kumalma ang taong introvert sa harap ng mga tao, subalit hinding-hindi naman nagiging komportable ang taong may SAD.
Kaya naman ng introvert ang public speaking, pero ang taong may SAD, iniiwasan niya ito kahit sa anong paraan.
Ang SAD ay may elemento ng hiya, samantalang ang introversion ay wala.
Ang tanong: Ang taong introvert ba ay maaaring magkaroon ng social anxiety disorder?
Ang sagot: Oo! Maaaring makaranas nito ang introvert. Kaya nga dapat may sapat siyang oras upang kumalma. Nakatutulong ang pag-iisa upang mapaghandaan niya ang pagharap sa mga tao.
Introvert ka man o may social anxiety disorder, mahalaga ang pagkakaroon ng lakas ng loob upang gawin ang isang bagay na higit mong kinatatakutan. Ang pakikitungo sa kapwa ay may higit na kabuluhan kaysa sa pag-iwas sa kanila. Hindi nakakatakot ang pagharap sa tao. Ang nakakatakot ay kapag wala ka nang makita o makasalamuhang tao.
Congrats, Batch 2020-2021!
Parang nabunutan kayo ng tinik sa dibdib
Mapapahinga na rin ang inyong mga isip
Dahil sa wakas, tapos na ang inyong pakikipaglaban
Sa modules, na parang walang katapusan
Dahil sa wakas, tapos na ang inyong pakikipagtagisan
Sa online class, na hindi kayang tumbasan ang silid-aralan.
Sa inyong pagtatapos, mga magulang ay nakahinga
Dahil sa wakas, hindi na sila magkakandaugaga
Hindi na sila magwawala, magagalit, at sisigaw
Kapag tinatamad kayo at ayaw gumalaw
Hindi na sila magpapakaguro at magtuturo
Dahil ang school year na ito ay tapos na.
Tapos na nga ba? O baka ito’y bagong simula?
Paano na? Kayo ba’y natututo nga ba talaga?
Sa bahay, nagaganap ba ang teaching-learning process?
O baka naman sa inyong bahay, palagi lang recess?
Sa inyong modular learning at online class, natuto ba?
Sa paggabay ng mga magulang at guro, edukasyon ay sapat na ba?
Sa inyo, mga graduates nitong school year 2020-2021,
Ang aking pagbati ay katulad ng pagbati ko noong nakaraan
Masaya-masayang ako sa inyong pagtatapos
Kahit may pandemya, nalampasan pa rin ninyo ang unos
Pero hindi ko alam kung ano ang inyong nararamdaman
Alam kong may kulang at may nais kayong balikan.
Huhulaan ko… at hayaan ninyo akong isa-isahin ko
At ipaalala ko sa inyo ang mga ito.
Una, ang pagbangon ninyo sa umaga—eksayted man o hindi
Basta ang alam ko, eksayted kayong pumasok palagi
Sa classroom ay may tawanan, kulitan, at asaran
Bukod doon mas marami kayong natututuhan
Hindi ko lang alam kung ang mabubuti ba o mga kalokohan
Basta ang sigurado ako, mas enjoy kayo kapag nasa paaralan.
Pangalawa, ang oras ng klase, kung saan seryoso si Sir o Ma’am
Alam ninyong dapat kayong magseryoso upang matuto, pero ewan
Ewan ko kung pumapasok ba sa kukote ang araling pinag-aaralan
Ewan ko kung bakit kay sarap pa ring pumasok sa paaralan
Dahil kahit kayo’y naguguluhan o nalilito sa pinag-uusapan
Masaya pa rin kayo dahil sama-sama kayong tinuturuan.
Masaya kayo kapag ang guro ay may pinapagalitan
Masaya kayo kapag ang kaklase ninyo’y pinapalakpakan
Dahil sa kahit mabagal ang pagkatuto o kahit kaunting natutuhan
Umuuwi pa rin kayong may bitbit na bagong kaalaman,
Pambihirang karanasan, at walang katumbas na kasiyahan.
Panghuli, ang oras ng uwian, kung kailan sobrang ingay ng lahat
Nagtuturuan kung sino ang mag-aayos ng mga upuan at magwawalis ng kalat
Minsan naman, ay magpapaiwan kahit hindi naman cleaner
Paano ba naman, si Crush ay isa sa mga nakatokang sweeper.
Kung gaano kayo nabagot sa oras habang nasa klase
Kabaligtaran talaga iyon dahil hindi pa naman talaga kayo uuwi
Dadaan pa sa mga tindahan o kaya’y sa bahay ng kaklase
Maglalaro sa kalye dahil hindi ninyo magawa kapag nasa klase.
Andami pa. Andami-dami pang alaala ang na-miss ninyong talaga
Walang kasingsaya ang pag-aaral kapag nasa eskuwela
Para sa inyo, ang paaralan ay inyongtahanan
Dahil ang mga kaklase at mga guro ay nananahan.
Kay sayang maging estudyante, hindi ba?
Pero, noon iyon… noong wala pang pandemya.
Isang taon din kayong namalagi at kinulong sa bahay
Isang taon pa… Isang taon pa. Sigurado ako, kayo’y masasanay.
Muli, ipinapaabot ko ang aking mainit na pagbati
Congrats, Batch 2020-2021!
Sunday, July 4, 2021
Social Anxiety Disorder
Ang Social Anxiety Disorder (SAD) ay paulit-ulit na malaking pangamba na mahusgahan ng iba o mapahiya sa harapan ng maraming tao. Ang taong nakararanas nito ay maaaring may labis na takot, kaya umiiwas siya sa mga lugar o pangyayari na kung saan iniisip niyang makakagawa sa kaniya ng kahihiyan. Mas pinipili rin niyang manatiling tahimik sa mga sitwasyon sa lipunan upang makaiwas na gumawa siya ng atensyon.
Ang taong may SAD, kapag napapalibutan ng mga tao ay namumula, nanginginig, namamawis, nakararamdam ng pagkahilo, parang kumakabog ang dibdib, hirap sa paghinga, hirap makipag-usap sa iba kahit gustuhin niya, at marami pang iba.
Walang isang dahilan ang nagiging sanhi ng social anxiety disorder, ngunit ayon sa mga mananaliksik, may tatlong dahilan kung bakit nagkakaroon ng SAD ang isang tao.
Una, Dahilang biyolohiko. Namamana ang SAD. Sabi nga, it runs in families. Ito ay parehong genetic at environmental influences na makukuha sa pamilya. Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng SAD, bata pa lamang siya, it’s hereditary or genetics. Kapag siya naman ay nagkaroon nito nang may edad na siya, it’s environmental.
Pangalawa, Dahilang sikolohikal. Kadalasang tinatamaan ng SAD ang mga taong walang kibo, perpeksyunista (perfectionist), mababa ang pagtingin sa sarili, o mahiyain (introvert). Lilinawin ko lang… Magkaiba ang introvert at SAD. (Sa susunod kong vlog iisa-isahin natin ang kanilang pagkakaiba.)
At pangatlo, Dahilan sa kapaligiran. Nabubuo ang social anxiety ng isang tao dahil sa mga karanasang negatibo sa paligid na nagdulot sa kaniya ng kahihiyan o pagmamaliit, gayundin ang iba pang mabibigat na tagpo sa buhay kagaya ng pagkasira ng relasyon at problema sa trabaho.
Madali lang matukoy ang taong may Social Anxiety Disorder (SAD).
Siya ay paulit-ulit na nangangamba sa isang sitwasyong panlipunan na pinaniniwalaan niyang mahuhusgahan siya ng kaniyang kapwa, mapapahiya o makararamdam siya ng panliliit sa sarili. Ang mga halimbawa nito ay pagsasalita sa isang forum, paglabas kasama ang mga kaibigan, pakikipag-usap sa mga taong may kapangyarihan, o pagdalo sa mga party.
Siya ay umiiwas sa mga nakababalisang sitwasyon sa lipunan. Kung hindi man niya maiwasan, nanatili siyang tahimik upang hindi siya mapansin.
Siya ay palaging balisa sa mga partikular na sitwasyon. Ang mga kinikilos niya ay hindi na makatwiran at wala na sa ayos.
Siya ay apektado na sa sobra niyang pag-iwas o pagkabahala sa mga tao. Nakaaapekto na iyon sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay, trabaho, at buhay-panlipunan. At kadalasang nagdudulot pa ng malalang pagdurusa.
Nalulunasan naman ang Social Anxiety Disorder. May tatlong paraan upang magamot ito. At siyempre, tanging ang mga espesyalista ang may higit na kaalaman sa mga uri ng lunas na ito.
Una, ang medikasyon. Kapag malala na ang sintomas ng kaniyang SAD, kailangan na siyang resetahan ng doktor ng mga gamot na magpapakalma sa kaniya. At siyempre, pansamantala lamang ang epekto ng mga iyon.
Pangalawa, ang psychotherapy o terapi sa pag-iisip. Ang cognitive-behavioral therapy (CBT) ay isang mabisang lunas sa social anxiety disorder, na nakadisenyo upang tulungan ang pasyente na maisaayos ang kaniyang mali at irasyunal na pag-iisip na nagpapalala ng pagkabalisa. Tutulungan din siya nito na harapin ang nakababalisang mga bagay o sitwasyon nang hinay-hinay upang mabawasan ang pagkabalisa niya at mapalawak ang lugar na kanyang ginagalawan at mawala ang takot niya sa pagharap sa mga tao.
At pangatlo, ang pagtuturo ng mga kasanayang sosyal at mga ehersisyo sa pag-relax (social skills and relaxation exercises). Dapat niyang tanggapin ang lahat ng mga pagtuturo at pagpupuna ng kaniyang kapwa. Dapat niyang obserbahan ang mga kapwang may normal na kilos. Dapat makilala niya ang mga indibidwal na may social anxiety disorder na napabuti at napataas ang kanilang kumpiyansa sa sarili. At dapat din siyang matuto ng mga teknik sa pag-relax upang makatulong sa pagbawas ng kaniyang pagkabalisa.
Dapat din niyang tulungan ang sarili para sa mabilis na paggaling. Dapat aktibo siyang magpagamot at makilahok sa proseso ng gamutan. Dapat panatilihin niya ang isang malusog na pamumuhay, gaya ng pagkain ng masusustansya at balanseng pagkain, pag-eehersisyo nang regular at nang katamtaman lamang, at regular na paggawa ng mga makahulugan at nakalilibang na gawain. Dapat mataas ang pagnanais niyang magtagumpay laban sa social anxiety sa pamamagitan ng matapang na pagharap sa mga kahirapan ng proseso ng gamutan.
Ang suporta ng mga kaibigan, kamag-anak, at pamilya ay mabisa ring pantulong para sa paglulunas ng social anxiety disorder. Ang kanilang pag-unawa at gabay sa pasyente ay kailangang-kailangan.
Kaya, sa mga may SAD, don’t be sad. Ito ay nalulunasan at nagagamot. Magtiwala lang sa bisa ng mga gamot, sa kakayahan ng mga doktor, at sa kapangyarihan ng Diyos.
Friday, July 2, 2021
Panic Disorder
Ang panic disorder ay hindi maipaliwanag na pagkabahala na nararamdaman ng isang tao. Ito ay paulit-ulit na pag-atake ng pangamba o panic attacks sa magkakahiwalay na pagkakataon, na may kasamang matinding pagkatakot. Ito ay sinasabayan pa ng mga pisikal na karamdaman katulad ng mabilis na pagpintig ng puso, kahirapan sa paghinga, pagpapawis, panginginig, pagkirot ng dibdib, pagkahilo, at iba pa.
Minsan, inaakala ng mga taong may hindi normal na pagkabahala o may panic disorder na ang mga nabanggit na sintomas ay indikasyon ng iba pang malalang karamdaman tulad ng sakit sa puso o pagkawala ng kontrol. Subalit ang totoo, maaaring maiwasan ang mga nararamdamang ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga naturang pangyayari o lugar na nagbibigay sa kanila ng pagkabahala.
Maraming bagay ang nakapagdudulot ng panic disorder. Karaniwan sa mga ito ay ang hindi magagandang pangyayari sa buhay at biglaang pagbabago ng buhay tulad ng pangmatagalang kawalan ng hanapbuhay at pagkawala ng mahal sa buhay. Kapag ang tao ay nasa matinding problema, natural na gumagana ang utak ng tao laban sa kawastuhan. Kadalasan, mali ang naiisip niyang solusyon.
Ang panic disorder ay walang isang dahilan. Marami ang maaaring pagsimulan nito. Subalit, narito ang ilan sa nakadaragdag na dahilan.
Una, dahilang biyolohika. Namamana ang panic disorder. Ayon sa mga pag-aaral, kapag ang isang miyembro ng pamilya ay may ganitong kondisyon, malaki ang tsansang maipapamana niya ito sa kaniyang kapamilya.
Pangalawa, dahilang sikolohikal. Mas prone sa panic disorder ang mga taong malapit sa pagkabalisa, pesimista, at pakiramdam ng kulang sa seguridad.
At pangatlo, dahilan sa kapaligiran. Malaki ang nagagawa ng environment sa pagkakaroon ng panic disorder ng isang tao. Ang mga negatibong karanasan niya noong bata pa siya, gaya ng kapahamakan, aksidente), malubhang suliranin, pagpapalit ng trabaho, problemang pakikipagkaibigan, at iba pa) ay mga dahilan rin nito.
Hindi mahirap malaman kung ang isang tao ay nakararanas ng panic disorder. Biglaan at matindi siyang matakot na tumatagal ng ilang minuto kahit wala namang malinaw na panganib. Susundan pa ito ng apat (4) o higit pang sintomas. Maaari siyang makaranas ng panic attack.
Ang panic attack ay paulit-ulit na atake ng pag-aalala at pagkatakot. Ang taong nakararanas nito ay kumakabog ang dibdib, nagpapawis, nanginginig, nahihirapan sa paghinga, nakakaramdam ng parang nabibilaukan, sumasakit ang dibdib o nabibigatan sa dibdib, nasusuka, nahihilo o nahihimatay, namumula at nanlalamig, nangingilabot o naamamanhid ang paanan, nalilito sa katotohanan (parang nananaginip), nalilito sa pagkatao (parang nasa labas ng sarili at walang kontrol), natatakot sa kamatayan, at natatakot mawalan ng kontrol o mabaliw.
Pagkatapos makaranas ng unang panic attack, magsisimula nang mag-alala ang taong may panic disorder sa kahihinatnan ng mga atake. Maaari na siyang mag-aalala na mayroon na siyang seryosong sakit sa puso. Posible ring mag-aalala siya na baka mahimatay siya sa daan at walang tumulong. Malamang ay iniisip niya rin na siya ay magwala at mawalan ng kontrol.
Hindi maiiwasan ang panic attack, subalit kayang iwasan ang pagsumpong nito. Dapat niyang palakasin ang kaalaman sa mga sintomas nito. Kumain siya nang sapat at panatilihing malusog ang katawan. Iwasan niya ang paninigarilyo at pagkakape, gayundin ang paggamit ng bawal na gamot at inuming may alcokol. Pangalagaan niya ang katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagtulog nang sapat. At magkaroon ng tamang mindset at positibong pananaw sa mga bagay-bagay.
Hindi naman makatutulong ang pag-iwas sa mga bagay o gawaing nakakapag-trigger ng karamdaman. Lalo lamang nitong palalalain ang pagkabalisa. Halimbawa, takot siya sa matatao o saradong lugar. Kung patuloy niya itong iiwasan, maaari itong mauwi sa agoraphobia, kung saan matinding napipigilan nito ang aktibidad niya at maepektuhan ang trabaho, relasyon, at kalidad ng buhay. Kaya, marapat lamang na harapin niya ito nang paunti-unti hanggang sa masanay siya at makatakas sa takot na iyon.
Nagagamot ang panic disorder sa pamamagitan ng medikasyon at psychological therapy. Dapat kumonsulta muna sa espesyalista upang mabigyan ng tamang gamot at maibigay ang angkop na terapi.
Ang mga gamot na ipaiinom sa kaniya ay panandalian lamang ang epekto. Hindi nito tatanggalin ang karamdaman kundi pakakalmahin lamang nito ang pasyente.
Ang cognitive-behavioral therapy naman ay makatutulong sa kaniyang pag-iisip at pag-uugali upang epektibong magamot ang panic disorder. Nakadisenyo ito upang tumulong na pagbutihin at baguhin ang hindi makatwirang dahilan na nagpapalala ng kanyang iniisip, at harapin ang kinatatakutang bagay o sitwasyon nang hinay-hinay. Halimbawa, takot siyang sumakay sa eroplano. Sa paulit-ulit na pagsasanay na harapin ang kinatatakutan niyang bagay, gawain o sitwasyon ay unti-unti rin siyang magiging komportable sa kaniyang ginagalawan at unti-unting mababawasan ang kaniyang pagkabalisa
Hindi madaling harapin ang takot, subalit sa teraping ito ay matututo siya ng mga teknik para kumalma siya at mabawasan o mawala ang pagkabalisa.
At anomang paraan ng paggamot sa panic disorder, napakahalaga ang aktibong partisipasyon ng kaniyang pamilya dahil sila ang magbibigay ng gabay at suporta para sa mabilis niyang paggaling. Patuloy din dapat siyang manalig sa Diyos upang malampasan niya ito.
Thursday, July 1, 2021
Ang Aking Journal -- Hunyo 2021
Hunyo 1, 2021
Maaga akong gumising kasi hindi ako nag-set ang alarm para sa online class, pero wala palang link. Hindi kami na-inform ni Ma'am Vi na may mga pagkakaabalahan din sina Ma'am Wy at Ma'am Amy. Tatlo silang hindi makakapagklase.
Natulog uli ako pagkatapos kong malamang wala munang online class. Okay naman ang mga estudyante dahil may mga sasagutan silang modules. Pagkatapos mag-almusal, nanguha ako ng tae ng baka. Then, maghapon na akong tahimik.
Hindi kami nagpansinan ni Emily. Nag-stay ako sa garden. Nanood ako sa Youtube. Past two na ako pumasok dahil mainit na sa puwesto ko. Then, nanood uli ako sa loob.
Past 4, umidlip ako.Pagkatapos magmeryenda, sa garden naman uli ako tumambay. Nanood uli ako sa YT.
Nag-chat siya. Hindi ko binasa, pero nasilip ko. Aniya, mag-usap daw kami kasi nai-stress siya. Bawal daw siya ma-stress. Kasalanan niya, nag-iisip siya ng masama. Jinudge niya na agad ako. Wala na akong dapat ipaliwanag sa kanya. Bukas, pupunta ako sa school para tumulong sa pag-print ng summative tests.
Hunyo 2, 2021
Past 4, gising na ako. Hindi naman ako kaagad bumangon para maghanda sa pagbiyahe ko. Mga past 4:30 na ako bumaba.
Past 5:30 naman ay umalis na ako ng bahay. Nagpaalam ako kay Emily. Hindi ko nagawa kagabi kasi nauna aking umakyat. May kausap pa siya sa cellphone.
Past 7:30, nasa school na ako. Naabutan ko na roon sina Ma'am Vi at Ma'am Madz. Nag-aalmusal sila. Ako naman, nagtimpla ang First Vita Plus. Pagkatapos nilang kumain, nagsimula na kaming magtrabaho. Nagpaturo kami kay Mang Bernie na mag-Riso. Hanggang 10:30, natapos namin ang aming task-- ang printing, sorting, and bundling ng summative tests. Iba talaga kapag tulong-tulong. Solid ang Grade Six.
Past 11, nag-lunch kami nang sabay-sabay. Sobrang saya. Extended ang kuwentuhan after kumain. Nanlibre pa ng haluhalo sina Ma'am Madz at Sir Joel. Nang umuwi ang mga kasama ko, naki-join ako sa Tupa Group.
Umidlip din ako roon.
At past 4, nagkayayaang kumain sa SamgyupSalamat. Nakasama sa amin si Ma'am Borbe. Sobrang busog ako sa mga kinain ko. Naumay din ako sa mga karne. Hindi kinaya ng tiyan ko.
Past 9:30, nakauwi na ako. Mabuti, hindi ako nabasa masyado ng ulan.
Hunyo 3, 2021
Dahil may bagyo, malamig ang panahon. nasarapan ako sa pagtulog. Sinadya kong hindi pumasok sa online class kasi alam kong mahina ang connection. Pero nagulat ako nang malaman kong 10:20 na ako nagsing. Kung hindi pa tumawag si Emily, hindi pa ako magigising.
Nagluto ako ng ginataang alimasag. First time ko, kaya hindi perfect. Gayunpaman, ginanahan ako sa pagkain.
Ngayong araw, medyo pinapansin na ako ni Emily. Nag-uusap na kami.
Hapon, gumawa ako ng worksheets para sa Quarter 4. Hindi pa kasi dumating ang mga modules. Nakagawa ako ng apat bago ako huminto. Bukas naman ang iba. Kayang-kayang matapos bago kami pumunta sa school para mag-Riso.
Hunyo 4, 2021
Pagkatapos ng online class, nagluto ako ng almusal. Nag-almusal na rin agad ako upang matapos ko na ang worksheets. Nagawa ko naman bandang 10:30, kaya naisipan ko namang maglaba. Naglalaba na ako nang ininis ako ni Emily sa chat. Ayaw niya talagang makipag-usap sa personal. Nainis ako. Wrong timing palagi siya. Hindi marunong tumingin ng sitwasyon. Nang matapos ako, tinawagan pa ako. Gusto na talagang makipag-usap. Pinagbigyan ko siya. Selos na selos siya sa mga co-teachers ko, lalo na sa isa, na sa hinagap ay hindi ko naisip na ma-fall. Nakakagalit! Magiging kahiya-hiya kami kapag nalaman pa nito ang pinag-aawayan namin.
Naglahad siya ng sama ng loob. Pinakinggan ko lang. Pero nang hindi ko na natiis, sinigawan ko siya dahil maingay na siya. Panay pa ang chat niya. Kung ano-ano pa ang paratang niya. Sabi ko, hindi na ako magpapaliwanag dahil hinusgahan na niya ako. Sinabi ko ring tumigil na siya kundi iba-block ko siya. Nabanggit pa niya ang support ko bilang asawa. Binilangan ko siya. Tinanong ko pa siya kung kulang pa ba. Ang hawak na cellphone niya na lang ay suporta ko na sa kanya, tapos hinahanapan pa ako. Shit!
Tumigil naman siya kasi kung hindi may mangyayaring hindi niya magugustuhan. Palalayasin ko talaga siya. Wala na talaga akong amor sa kanya. Hindi ma manunumbalik ang init ng pagsasama namin. Malamig na. Tama siya, may pader na sa pagitan namin. Sa dami ng masasamang experience ko sa kanya, hindi niya ako masisisi. Hindi ako perpektong asawa pero ibinigay ko lahat sa kanya ang mga pangangailangan niya mula ulo hanggang paa. Ang pinakaayaw ko sa kanya ay hindi niya ako pinaniniwalaang mga close friends ko ang mga pinagseselosan niya. Sobra siya. hindi na healthy ang woman's instinct niya. Mali na.
Hunyo 5, 2021
Before 7, bumangon na ako. Nakaalis na si Emily, pero nakapagluto pa siya ng almusal. Kaya nag-almusal na agad ako. Inasikaso ko ang mga sinampay dahil maganda ang sikat ng araw. Nag-gardening din ako. Then, naglinis ako kuwarto, sala, at kusina.
Dumating si Emily bandang past 12. Hindi ko alam na uuwi agad. Kaya naman, medyo sumikip ang bahay. Nag-stay ako sa kuwarto hanggang 5. Umidlip ako kahit mainit. Kahit paano, nakapagpahinga ako.
Hunyo 6, 2021
Late na akong bumangon upang mapag-aralan ko kung magbabago na si Emily. Dapat siya ang madalas na gigising nang maaga upang maghanda ang almusal. Nagawa naman niya, kaya pagbaba ko, kumain na lang ako.
Maghapon akong tahimik. Hindi pa rin kami nag-uusap. Okay lang naman. Hindi na bago ito. Maraming beses na siyang nagselos. Maraming beses na niya akong hinusgahan. Hindi ko nga alam kung bakit magkasama pa rin kami. Ayaw naman niyang magtiwala sa akin, gayong nakikita naman niya ang effort ko na manatili kaming buo. Nasa tahanan ko naman siya. Wala siyang hihilingan pa. Provided lahat. Pero kulang pa rin pala sa kanya. At ang masaklap, hindi ko malayang makipagkaibigan o makipag-chat. Para sa kanya, nakikipaglandian ako. Haist! Mapapa-haist ka na lang talaga.
Hunyo 7, 2021
Nahirapan kong makabuo ng tuloy-tuloy na tulog, kaya sa halip na 4:30 ako babangon, naging 6:30. Past 7 na tuloy ako nakaalis sa bahay. At 9:00 na ako nakarating sa school.
Marami nang nagawa sina Ma'am Vi, Ma'am Madz, at Sir Hermie nang dumating ako. Tapos, nag-almusal pa ako. Gayunpaman, marami pa ring gagawin. Gumagawa mga ako kahit nakikipag-meeting sa mga SBM Key persons.
Natapos naman namin iyon bandang 2 pm. Nakipag-bonding ako kina Papang, Rapunzel, Mamah, at iba pa, bago kami umuwi. Past 7, na nang makauwi ako.
Masakit ang likod ko dahil sa sobrang bigat ng bag. Andaming lamang pagkain at modules.
Hindi ko pinansin si Emily. May ginawa na naman siyang kasalanan sa akin. Chinat niya si Sir Hermie at nanghingi ng cellphone number. Chinat niya rin malamang si Ma'am Joann kasi nagkita kami ng huli sa school. Chat niya raw ako kasi may pag-uusapan kaming mahalagang bagay. Nakakahiya ang asawa ko! Problemang mag-asawa, kung sino-sino pa ang dinadamay! Pati kay Papang, nag-chat! Baliw na talaga! Wala na sa katinuan. Lalo ako mapo-fall out of love sa ginagawa niya.
Hunyo 8, 2021
Pagkatapos kong mag-almusal, nag-biking ako. Pag-uwi ko, may bitbit na akong halaman. Bumili ako ng Pink Chandang Aglaonema.
At dahil malamig ang panahon, halos maghapon akong nakahiga. Umidlip ako at manood sa Youtube. Na-enjoy ko na uli ang aking kuwarto. Hindi pa rin kami nag-uusap ni Emily. Okay lang naman sa akin.
Hunyo 9, 2021
Late na ako nag-almusal. Mga 9 am na siguro iyon. Ang sarap kasing mahiga dahil malamig.
After mag-almusal nag-bike ako. Hinanap ko ang ATM machine sa villa namin. May nag-post kasi sa FB group. Nahanap ko naman kaya lang nag-eerror. Pumunta na lang ako sa EPZA. Kailangan ko kasing malaman kung pumasok na ang sahod ko sa Google Adsense.
Nabigo ako nang pumindot ako sa ATM sa EPZA. Hindi pa pumasok. Mabuti na lang, may dala akong pera. Bumili ako ng mga sweatshirts sa ukay-ukay. Naka-worth P450 ako. Anim na piraso. Ang gaganda naman kasi. Sulit.
Naglalaba sana ako ng mga nabili kong damit nang mag-chat si Ma'am Nhanie. May pinare-revise sa akin ang St. Bernadette. Nainis at na-stress ako. Maghapon kong ginawa iyon. Halos minadali ko ang pagkain at pagligo para lang maipasa ko kaagad dahil deadline na. Good thing, naipasa ko bago gumabi. Naisingit ko pa nga ang pagbabanlaw ng binabad kong mga damit.
Para mawala ang stress ko, nag-karaoke ako pagkatapos kong magpasa ng revisions. Gusto pang magpatulong sa akin sa pag-revise ng Grade 5. Tumanggi lang ako. Wala naman akong mahihita. Bukas pupunta ako sa Pasay para i-claim ang PRC ID ko sa PICC.
Hunyo 10, 2021
Past 5, naghahanda na ako sa pag-alis. Past 6, nasa biyahe na ako. Past 8, hinahanap ko na ang PRC sa PICC.
Past nine, na-claim ko na ang license ko. Ang bilis lang ng proseso. Mas matagal pa ang paglalakad at pagpapahinga ko.
Past 10, nasa GES na ako para makipag-bonding sa mga kaibigan at para hintayin ang pagsisimula ng SBM validation. Lahat kaming involved at kasama sa iinterbyuhin ay kabado at tensed na. Lalo pa nga kaming na-tense nang magsimula na ang pagtatanong ng mga validators.
Apat na beses akong natanong. Lahat halos ng validators ay natanong ako. Nasagot ko naman nang maayos ang lahat. Pabor iyon sa aming principal.
Naging kapana-panabik ang mga eksena sa validation. Lahat ay nag-aasam na huwag matawag upang hindi matanong. Gayunpaman, nairaos namin iyon nang maayos. Sa tingin namin, satisfied ang mga validators. Nakita at naramdaman ko ang tuwa ng lahat, lalong-lalo na ang principal at SBM coordinator.
Past 8 na ako nakauwi. Pagod ako, pero masaya dahil naipakita ko sa mga kasamahan ko ang suporta.
Hunyo 12, 2021
Maaga akong nagising, kaya natanggap ko ang tawag ni Ma'am Vi. Kinausap niya kami ni Ma'am Wylene tungkol sa nalalapit na graduation. Kailangan na naming pag-usapan ito.
After niyon, nagluto ako ng almusal. Then, nadiskubre ko na pinagngangatngat ng daga ang dahon ng mga Aglaonema ko. Isang pricey variety ang kinalbo niyon para lang makagawa iyon ng pugad. Dahil sa malakas na ulan kagabi, wala na itong masilungan, kaya pati mga halaman ko ay sinira niyon. Nainis ako, kaya binuhusan ko iyon ng mainit na tubig. Sana mamatay iyon at mabuhay pa ang Pink Conchin ko.
After breakfast, sinumulan kong gumawa ng summative test. Past night, nalinis ako ng banyo bago naligo.
Past 10 na ako nakaalis sa bahay dahil umulan muna bagp ako nakalabas.
Past 1 na ako nakarating sa school. Kumpleto ang grupo namin, kaya ang saya-saya. Tinupad ko rin ang pangako kong ice cream, since nakapag-loan ako ng P35k sa coop. After kumain ng ice cream, nag-assort kami ng summative tests ng Grade 1. Inabot kami ng 6 pm doon.
Past 8, na ako nakauwi. Sobrang traffic kasi. Gayunpaman, masaya ako dahil naka-bonding ko ang aking mga kaibigan. Nawala kahit paano ang kalungkutan ko. Sa pagtawa, nawawala ang lumbay ko.
Hunyo 12, 2021
Araw ng Kalayaan ngayon, pero pakiramdam ko, hindi ako malaya. Nasasakal ako sa asawa kong paranoid. Haist!
Anyways, maaga akong nagising dahil sa ingay ng mga aso. Hindi naman agad ako bumangon. Pagkatapos ng mag-almusal, hinarap ko na ang paggawa ng summative tests. Naipasa ko naman bago magtanghali.
Nag-gardening ako sandali, bago nagbanlaw ng ilang damit kong nakababad lang sa tubig. Haist! I love my wife na talaga! Pagkatapos niyon, naglinis ako ng window glass na may acid rain marks. Ginamit ko na ang binili kong solution sa Lazada. Effective naman siya. Nahirapan nga lang akong isingit ako kamay ko sa grills. At kailangang banlawan agad. Matagal magpatuyo. Bukas naman ang ibang bahagi ng bintana.
Then, after lunch umidlip ako. Kahit paano yata ay nakatulog ako. Saka ako naligo. Pagkaligo ko, nanood ako sa Youtube. Then at past 5 hanggang past 7, nag-karaoke ako. Ang sarap kumanta. Feel na feel ko ang isang kanta tungkol sa ama. Naaala ko sina Mama at Papa. Naiyak ako nang sobra. Dahil doon, naisip kong sumulat nang tula sa Father's Day.
After dinner, bandang past 8 pm, nag-biking ako. Pag-uwi ko bandang past 10, saka ko nabasa ang chat ni Emily. Umiral na naman ang pagiging paranoid. Bakit daw ako nagba-bike? May tinatago daw ba ako? May katawagan daw ba ako? Matagal na akong nagba-bike sa gabi. At saka, anong katawagan? Wala ngang internet sa labas. Haist! Sarap sungalngalin ang bibig Andaming alam ng asawa ko. Ang sarap ding palitan. Nakakasawa na. Hindi na healthy ang pagseselos niya. Pagdududa na ang ginagawa niya. Nakakasira na ng respeto. Kaunti na lang...
Hunyo 13, 2021
Nakabenta ako ng First Vita Plus coffee kaya natuwa si Emily. Pinapansin na niya ako. Gusto pa niyang ipabenta sa akin ang iba niyang products. Actually, iyon naman talaga ang ginagawa ko. Ngayong araw na ito, nakahinga-hinga ako sa sama ng loob. Ang sarap sa pakiramdam. Sana tumigil na siya sa kakaduda.
Past 5:00, nag-karaoke ako. Seven-thirty na ako natapos. Ang sarap din sa pakiramdam. Nakakawala ng stress at kalungkutan.
Hunyo 14, 2021
Paggising ko, nakaalis na si Emily. Pupuntahan nila si Ate Jennylyn. Dapat papunta rin ako ngayon sa Pasay para magpabakuna, pero dahil kailangan ni Zillion ng kasama, hindi na ako umalis.
Nag-gardening ako pagkatapos mag-almusal. Sumikat ang araw kaya inasikaso ko ang paglabas ng ibang halaman na matagal nang hindi naarawan. Dumating si Emily, bandang past 3, saka namang nagkaroon kami ng faculty meeting. Puro lang namang mga kalokohang trabaho ang pinagsasabi. Imagine, may journalism contest pa kasi patapos na ang school year.
Tapos, may LDM2 na naman. Hindi naman ipinaliwanag sa amin kung ano ang gagawin. Template lang ang binigay. Bahala na kami mag-interpret. Haist! DepEd nga naman.
Past 6, nag-karaoke ako hanggang 7:30. Then at past nine, nag-biking ako. Before 10, nakauwi na ako.
Hunyo 15, 2021
Umalis na naman si Emily para sa First Vita Plus business. Okay lang naman. Nag-order na siya ng almusal kaya no problem.
Nag-gardening ako after class. Hindi nga lang ako nakapagtanim dahil wala pa ako sa mood. Sinimulan ko naman ang paggawa ng LDM2. Hindi ko nga lang masyadong maintindihan ng gagawin. Wala naman kasing paliwanag mula sa mga heads. Pambihira talaga. Mabuti na lang, dumating na ang PBB, kaya medyo nabawasan ang inis ko.
After lunch, pumunta ako sa banko para i-withdraw ang performance-based bonus ko. Pagdating ko, nanood ko ng movie sa YT. Hindi ko nga lang natapos dahil inantok ako. Mabuti, nakaidlip ako kasi tahimik si Ion.
Past 6:30 na dumating si Emily. Past 9, nag-biking ako. Before 10, umuwi na ako. Nawala ang lumbay ko kahit paano.
Hunyo 16, 2021
Gumawa ako ng LDM2 pagkatapos ng online class. Nang mapagod ako sa kakaisip, naglinis naman ako ng banyo at nagdilig ng mga halaman. At habang nagpapahinga, gumawa naman ako ng powerpoint para sa aking vlog. Hindi ko nga lang natapos dahil inantok na ako pagkatapos maligo.
From 1:30 to past 4, umidlip ako. Hindi ko nga lang magawang matulog nang mahimbing dahil sa init, kati ng hinigaan kong carpet, at ingay. Gayunpaman, naipagpahinga ko ang utak ko. Nakaka-stress ang mga trabaho sa DepEd. Walang kapararakang evalution tool.
After meryenda, nag-try akong maglaro ng online games na may iniipong dollar. Susubukan ko kung maki-claim ko talaga ang $100 na sinasabi nila. Nakakainis lang dahil panay ads. Ang bagal makaipon ng pera. Nag-sign up na rin ako sa Paypal dahil doon nila ipapasok ng pera. Sana lang totoo.
Past 8, nakipagmiting ako with MT and Grade Six and Five tungkol sa LDM2. Kahit paano, naunawaan ko na ang gagawin namin.
Nine, nag-biking ako saglit. Mga thirty minutes lang.
Hunyo 17, 2021
Pagkatapos ng online class, hinarap ko na ang laptop ko para maunti-unti ko na ang LDM2 Practicum Portfolio. Nanghingi ako ng bagong template kay Papang kaya panibagong gawa na naman ako. Although, halos pareho lang, kinailangan kong mag-adjust. Gumawa rin ako ng DLP para maisama ko roon as MOV. Halos LDM2 lang ang nagawa ko maghapon, bukod sa pagdidilig ng halaman at paglilinis ng window glass. Nakapaglaro rin ako ng games sa cellphone. Fake ang napili kong laro. Huminto na sa $89.69, kaya maaaring hindi ko rin iyon mapakinabangan. Scammer amputa!
Past nine hanggang quarter to nine, nag-biking ako.
Hunyo 18, 2021
Sa umaga, hinarap ko ang paggawa ng LDM2, then sumulat din ako ng tula, na gagawing lyrics ng graduation song. Iniutos iyon sa akin ni Ma'am Vi.
Then, naglaba ako sa hapon. Hindi ako gumamit ng washing machine kaya matagal akong nakapagsampay.
Pakiramdam ko, fulfilled ako ngayong araw.
Nakipag-meeting pa ako sa mga kaguro ko sa Grade Six bandang 6:30 hanggamg 7:30. Pinag-usapan namin ang gradiuation. Sayang hindi matutuloy ang pictorial na plinano namin. Pinahinto ng principal. Approved na niya sana iyon. Haist!
Nag-biking din ako bago matulog. Sobrang pagod ko, kaya sa tingin ko, nakatulog agad ako.
Hunyo 19, 2021
Dapat ay online class pa rin ngayon. Naka-memo, pero dahil nagkasundo kami kagabi, hindi kami nagklase. Past 7:30 na ako nagising. Napakawalang puso ng pinuno ng DepEd. Pati Sabado, may klase. Anong problema niya? Akala namam niya naging effective siya. Palpak nga ang implementation niya. I doubt kung natuto ang 75% na mga leraners dahil sa mga walang katuturan nilang pinagagawa sa mga guro. Reports dito. Reports doon. Webinars dito. Webinars doon. Leche flan! Ang modules nga, hindi nila maisaayos, curriculum pa kaya. Tapos, kung makapag-impose ng Saturday classes, akala mo, sasapat iyon upang ma-cover up ang kakulangan nila. Haist! Nakakapang-init ng ulo.
Halos matapos ko na ang LDM 2 Practicum Portfolio. Hinarap ko kasi pagkatapos mag-almusal. Lalo na't umalis ang mag-ina ko. Natahimik at nasolo ako sa bahay. Nang dumating sila, inantok naman ako. Kaya lang, hindi naman ako nakatulog. Pinagalitan ko nga si Ion kasi bukas ang pinto ng banyo habang naliligo siya. Dinig na dinig ang tilamsik ng tubig. Bukod pa roon, antagal niyang maligo.
Nawala ang antok ko. Nang umalis sila, tinapos ko ang paggawa ng vlog. After ilang linggo, natapos ko rin ang nasimulan ko.
Then, sumulat ako ng spoken word poetry para sa Father's Day bukas. Irerekord ko iyon bukas.
Hunyo 20, 2021
Dahil Father's Day ngayon at umalis si Emily, nakagawa ako ng vlog. Nilapatan ko ng audio recordings ang spoken word poetry piece na sinulat ko kagabi. Sobra ang iyak ko habang ginagawa ko iyon. Superb! Kaya, proud kong pinost iyon sa FB page ko at pinost ko rin ng YT link sa FB ko.
Maghapon, nag-abang lang ako ng mga comments sa post ko at panay rin ang tingin ko kung nadaragdagan ang views ng new vlog ko. Kahit paano, may mga nanood. Ang iba, nag-like lang at nag-comment sa post ko. Mas mahalaga sana ang views.
Hunyo 21, 2021
Pagkatapos ng meeting sa amin ng principal, sinimulan ko ang paglilinis sa sala. Ginagawa ko iyon habang nakikipagmiting sa mga kasamahan ko sa grade level. Mabilis lang maman pareho ang meeting kaya maharap ko ang paglilinis.
Dumating si Kuya Emer bandang 11:30 kaya hindi ko muna tinuloy ang paglilinis. Dumating din si Ma'am Jenny after 20 minutes. Umidlip muna ako. Paggising ko, ako na lang ang tao. Kaya naman, sinamantala ko ang paglilinis. Natapos ko ang paglilinis sa sala at kusina. Pero, kailangan ko namang maglinis sa garden bukas. Naroon ang iba kong kalat.
Hunyo 22, 2021
Past 8:30 na ako bumangon. Ang sarap kasing matulog. Tutal, asynchronous na ang mga gawain ng mga estudyante. After mag-gardening nang sandali, umalis ako para mag-withdraw. Nag-grocery na rin ako nang kaunti.
Hapon, pagkatapos kong manood sa Youtube, tinapos ko naman ang paglilinis sa garden. Bago dumilim, napaganda ko na uli. Hindi ko nga lang alam kung ano at saan ko ipupuwesto ang mga suiseki stones ko.
Hunyo 23, 2021
Pagkatapos naming magsagutan ni Emily ng mga sarcastic words, nag-gardening ako. Toxic na naman siya sa buhay ko.
Nahalata kong may grudges na naman siya sa akin. Pero, this time, I don't care na. Hindi na normal ang ugali niya. Akala mo talaga ay laging pinagkakaitan. Gusto pa parang sahuran ko siya. Sabi raw ni Zillion, bakit hindi ko raw siya binibigyan ng pera. Aysus! Ni sentimos nga, walang ambag ang nanay niya sa bahay. Lahat ng bills, ako ang umaako. Ang kinikita niya, para sa mga magulang at anak niya sa Aklan. Paano naman ang ina at mga anak ko sa Antipolo?
Minsan, gusto ko nang totohanin ang paratang niyang may kabit ako. Nakakasawa. Naghahangad maging sweet ako sa kanya pero sa hapag-kainan, hindi niya nga ako masalahuhan. Palaging wala sa dining table. Nasa sala. Paano naman 'yon?
Ayaw ko na lang magsalita. Tiyak ako, may rason na naman siya. Basta ako, masaya. Bahala siya ma-stress sa akin.
Maghapon at hanggang gabi akong nanood ng indie films. Nakadalawa yata ako. Parehong maganda. Past nine, umakyat na ako para makapagsolo na ako sa kuwarto.
Hunyo 24, 2021
Nag-gardening ako pagkatapos mag-almusal. Kahit paano, nawala ang stress ko. Then, maghapon na akong nananood ng indie films. Grabe! Ang gaganda ng mga mapanood ko. Nakaka-inspire.
Dahil sa pagkahumaling ko sa panonood ng mga indie films, hindi ako nakaidlip ngayong araw. Okay lang naman dahil sumaya ako, lalo na't okay na naman sa akin ang asawa ko.
Hunyo 25, 2021
Past 9:30, nang umalis ako sa bahay upang pumunta sa GES. Pagkatapos, iyon na manghiram si Emily ng P5,000 sa akin para kay Kuya Emer. Kailangan daw nito ng pambayad sa bahay.
Before 12, nasa school na ako. Agad akong nag-lunch ng binili kong pagkain. Hindi ko na naabutan ang kainan ng mga kasamahan ko.
Past 3, natuloy na ang group pictorial naming Grade 6. Nakakalungkot lang kasi hindi pa rin nakisama si Sir Alberto. Hindi siya ng dala ng uniform at blazer. Kaya naman, siya lang ang wala sa pictures. Mabuti pa si Papang, nakasama namin.
Then, naghintay kami sa magsusukat para sa school uniform namin. Instead na 3 pm ang schedule namin sa kanila, dumating sila ng 5:45. Nagalit tuloy si Ms. Krizzy.
Nag-down na ako ng P2,500 para sa apat na pares ng uniporme. Murang-mura na iyon.
Past 7 na kami nakaalis sa school. Past 8:30, nakauwi na ako. Mabuti, hindi masyado traffic.
Hunyo 26, 2021
Hindi ko na naabutan si Emily paggising ko. Pumunta siya sa First Vita Plus office. No problem naman kasi may almusal naman kaming kanin at pritong daing na bangus.
Past nine AM, pumunta ako sa bahay ni Mareng Janelyn upang ihatid ang pinadala ni Ate Jing sa kanya. Nagkuwentuhan kami roon nang ilang minuto.
Maghapon, wala akong halos nagawa kundi ang manood ng indie film, mag-chat, at mag-edit ng group picture naming Grade 6. Hindi naman ako nakaidlip dahil noong nakapikit na ako, tumawag si Emily. Ito talaga ang babaeng wrong timing. Hindi siya marunong tumiyempo.
Gabi na siya dumating. Mga pasado alas-7.
Past 8:45, nag-biking ako. Past 10 na ako umuwi. Nakaka-miss magbisikleta sa malayo, doon sa lampas ng Brgy. Bunga. Nami-miss ko na ang paghahanap ng suiseki stones, drift woods, halaman, at kung ano-ano pa. Sana magawa ko bukas.
Hunyo 27, 2021
It's Sunday! Ang mga nangyari ngayon ay parang kahapon. Magkakaiba lang ang pinanood ko sa youtube. Nakapag-gardening din ako. Iyon nga lang, wala akong in-edit.
Bukas, back to work na naman. Nagka-countdown na ako ng mga nalalabing araw ng school year. Gusto ko nang matapos itong nakaka-stress na distance learning modalities. At sana naman, bigyan kami ng mahabang pahinga. Huwag naman sana nilang gawing two weeks vacation at kainin pa ng InSET ang isang linggo.
Hunyo 28, 2021
Gumising ako ng 6:30am para sa online class, pero walang sinend na link si Ma'am Vi, kaya inisip kong wala. Natulog uli ako after na matiyak kong wala talaga. Past 8:30 na uli ako bumangon.
Pagkatapos mag-almusal, nag-gardening ako. Then, nagbabad ako ng mga damit ko. Second time ko nang naglalaba ng sarili kong damit upang makabawas sa pasanin ni Emily. Hindi na rin uli ako gumamit ng machine upang makatipid sa kuryente.
Hapon na ako nakapagbanlaw. Dalawang batches kasi ng babad ang ginawa ako-- mga puti at mga de color.
Hapon, umidlip ako, pero hindi rin nagtagal kasi mainit. Hindi tumuloy ang ulam. Sa halip, nanood na lang ako sa Youtube. Then, nagsimula akong magsulat ng tungkol sa Panic Disorder, na gagawin kong vlog.
Hunyo 29, 2021
Halos wala na naman akong nagawa maghapon kundi ang manood sa.Youtube. Gayunpaman, natapos ko na ang LDM 2 Practicum Portfolio ko. Ipapasa ko na lang before the due date.
Hapon, sinubukan kong umidlip pero hindi na naman ako nakatulog. Ganoon siguro kapag masaya. Ayon nga sa psychology, ang tao raw na tulog nang tulog ay malungkot.
Hunyo 30, 2021
Pagkatapos mag-almusal, nag-stay ako sa garden. Nakatutuwang pagmasdan ang mga halaman ko. Naiinis lang ako sa mga daga kasi hinuhukay nila ang mga lupa. Nagkakandatapon-tapon tuloy. Minsan, pa nga, namamatay ang halaman lalo na kapag hindi ko kaagad nakikitang wala na pala sa paso o hindi na nakabaon sa lupa.
Nagpabili ako kay Emily ng sariwang isda. Nag-crave kasi ako ng sinabawang isda.
Ako na rin ang nagluto. Tamang-tama parating si Kuya Emer. Matitikman niya ang luto ko.
Past 5, umalis silang magkapatid. May First Vita Plus event na pupuntahan si Emily, kaya mawawala siya ng ilang araw. Boot camp yata iyon. Magiging tahimik ang bahay at ang buhay namin ni Zillion.
Tuesday, June 22, 2021
Generalized Anxiety Disorder
Ang Generalized Anxiety Disorder (GAD) ay isang uri ng karamdaman kung saan labis ang pagkabalisa at hindi makatuwiran ang pag-aalala ng taong apektado tungkol sa mga bagay-bagay sa pang-araw-araw n trabaho, kalusugan, pisikal na katangian, pamilya, salapi o badyet, at iba pa.
Dahil sa ganitong pag-aalala, hindi niya makontrol ang pakiramdam niya. Hindi rin niya ito kayang pahupain, kaya nauuwi ito sa iba’t ibang pisikal na sintomas kagaya ng pagkahapo, hindi mapakali, hirap sa konsentrasyon, iritable, insomya, at kung ano-ano pa.
Marami ang maaaring pagsimulan ng GAD. Wala talaga itong isang dahilan, ngunit may mga lumabas sa mga pag-aaral na ito ay maaaring dahil sa biological aspect. Halimbawa: Hindi balanse ang kemikal na lumalabas sa neurotransmitter niya o kaya ay mahina ang kalusugang panlabas.
Maaari ding psychological aspect. May mga tao kasing mabilis mabalisa, hindi matatag, pesimista o negatibong mag-isip, at walang pasubali.
Maaari ding environmental aspect. Ang mga negatibong karanasan sa pagkabata at iba pang nakakabagabag na pangyayari sa buhay o sa paligid gaya ng trabaho, relasyon, edukasyon, gobyerno, at iba pa.
Normal naman sa tao ang magkaroon ng tensyon, ang mabahala, ang matakot, ang mag-alala, o ang mabalisa. Subalit kapag sobra naman ito, malamang GAD na ito. Kung pabalik-balik na ang mga ito at tumagal na ng 6 na buwan, dapat nang humingi ng tulong sa espesyalistang nangangalaga sa mental na kalusugan.
Kung hindi mapalagay o ninenerbyos, madaling mapagod, may kahirapan sa konsentrasyon, o nabablangko ang isip, irritable, nakararamdam ng tensiyon sa kasukasuan, at hindi makatulog, panahon na upang magpakonsulta sa doktor. Sa psychiatry, gumagamit ng diagnostic manual, na nagtatakda ang minimum hanggang 6 na buwan, subalit makabubuting gumamit ng tumpak na timer upang humingi ng tulong. Kung hindi ito maagapan kaagad, maaaring mauwi ito sa depresyon o iba pang sakit sa pagkabalisa.
Ang GAD ay maaaring magamot sa pamamagitan ng Teraping Sikolohikal at Parmasyutiko.
Ang teraping sikolohikal ay pagsusubok na palitan ang hindi makaangkop na reaksiyon sa kamalayan, pag-uugali, at pisyolohiya, na umangkop ang kaniyang mga tugon. Ang pangunahing pokus nito sa kamalayan ng pasyente ay palitan ang hindi makatuwiran at mapaminsalang pag-iisip nang mas balanse. Sa pag-uugali naman, sisikapin ng teraping ito na magtataglay ang pasyente ng kaalaman sa pagpaplano sa oras, pagtatalaga ng layunin, at paglutas sa suliranin upang mabawasan ang pagkabalisa. At sa pisyolohiya, ang pasyente ay sinasanay na magpalubag-loob upang mabawasan ang kaniyang reaksiyon tuwing may problemang kakaharapin.
Ang Parmasyutiko ay paraan ng paggagamot sa GAD upang makatulong na magpakalma ang mga sintomas. Ito ang pangontra sa lungkot (antidepressants), pampakalma o (tranquillizers), o pang-awat sa norepinephrine. Ang Norepinephrine ay tinatawag ding noradrenaline. Ito ay isang neurotransmitter na kabilang sa isang klase ng mga compound na kilala bilang catecholamines. Ang mga catecholamines ay pinakakawalan sa dugo bilang tugon sa parehong pisikal at emosyonal na stress.
Sa mga indibidwal na nakararanas ng GAD, matutulungan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga sumusunod na payo. Dapat siyang sumangguni at maniwala sa espesyalista at makiisa sa mga pamamaraan ng gamutan. Dapat niyang panatilihin ang malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain, pag-ehersisyo nang regular at katamtaman lamang, pagkakaroon ng makabuluhang libangan, pakikisalamuha sa kapwa, at pagkakaroon ng positibong pananaw na harapin ang mga pagsubok nang buong katatagan.
Ang mga miyembro ng pamilya ay may malaking papel na gagampanan para sa sinomang may GAD. Sila ang dapat na umunawa ng mga sintomas at mga dahilan nito. Dapat nilang iwasang sisihin ang may sakit sa pagkakaroon nito. Sa halip ay dapat na bigyan ng oras ang tao upang makabawi at gumaling. Sikapin ding mahikayat ang maysakit na makilahok sa paggagamot at sa mga nakalilibang na gawain. At kapag lumala ang kondisyon ng pasyente, humingi ng tulong sa mga propesyunal.
Ang GAD ay magiging madali kapag kasama si God. Nakakabalisa ito, subalit ang dasal ay mas mabisa. Nagagamot ang Generalized Anxiety Disorder, kaya huwag nang mag-alala pa.
Monday, June 21, 2021
Papa, Nasaan Ka?
Papa, matagal akong nanahimik
Matagal kong kinimkim ang sakit
Hindi man lang tayo nakapag-usap
Simula nang umalis ka't 'di mahagilap.
Pa, pagkatapos ng mahabang taon,
Naisip kong ito na ang pagkakataon
Na sumbatan ka't ibato ang mga tanong--
Mga tanong na nakatago nang mahabang panahon.
Pa, nasaan ka nang nagbibinata na ako?
Nais ko sanang ipakilala sa 'yo ang crush ko
Hindi man lang kita natanong kung paano manligaw ng dalaga
Gaya kung paano mo niligawan si Mama.
Pa, nasaan ka nang tatanggapin ko na ang diploma?
Alam mo bang high school life ko ay 'di masaya?
Kung alam mo lang na halos matigil na ako
At 'di ko alam kung ako pa'y makakapagkolehiyo.
Pa, nasaan ka nang halos sumuko na ako
Dahil sobrang bigat na ng pasan ko
At dahil sobrang lupit ng mundo?
Ikaw sana noon ang kakapitan ko.
Pa, nasaan ka nang kolehiyo na ako?
Kailangan ko noon ang presensiya mo
Alam kong ikatutuwa mo ang pagsisikap ko.
Dahil kahit wala ka, determinado ako.
Lumipas ang maraming taon, wala ka pa.
Pa, nasaan ka ba noong butas na ang aking bulsa?
Gusto ko nang huminto sa pag-aaral
Wala nang suporta, andami pang sagabal.
Pa, nasaan ka nang kahit paano ako'y naging masaya?
Nais ko sanang ipakilala ang babaeng nais kong mapangasawa,
Pero wala ka, hindi kita maramdama't makita.
Hanggang ang mahal ko'y lumayo na.
Pa, nasaan ka nang nais kong magbalita
Tungkol sa mga matataas kong marka
Nais ko sanang ipakita at patunayan
Na ang edukasyon ay 'di mahahadlangan ng kahirapan.
Pa, wala ka nang natuto akong magpakasaya
Nasaan ka nang natuto akong tumungga?
Gusto ko sanang pagalitan mo ako't itama,
Pero wala ka, kaya ako na lang ang gumawa.
Pa, sa ikalawang pagkakataon, wala ka na naman
Sa entablado, ika'y kailangang-kailangan
Sabay sana nating tatanggapin ang katibayan
Na ang kolehiyo ay aking napagtagumpayan.
Pa, wala ka rin nang pumasok ako sa pag-aasawa
Idolo ko kayo ni Mama, pero hindi ko kayo ginaya
Kulang kasi ako sa gabay ninyo at aruga
Sa mga panahong iyon, pareho kayong wala.
Pa, kailangan ko noon ang mga payo ng ama
Gusto ko sanang pagalitan mo ako't itama
Hindi kita inidolo, pero parang pareho tayo
Sa pagiging mabuting ama, pareho tayong nabigo.
Pa, nang nawasak ang pamilya ko,
Sobra-sobra ang pagkalugmok ko
Maliban kay Mama, ikaw ang nais kong iyakan
Ikaw noon ang nais kong unang lapitan.
Pa, wala ka pa rin nang pakiramdam ko
Nag-iisa lang ako at galit sa akin ang mundo
Gusto ko sanang itanong sa 'yo, Papa
Kung paano bang maging mabuting ama.
Pa, wala kang halos ambag sa pagkatao ko
Mag-isa kong kinalaban ang mabangis na mundo
Ni hindi mo ako naipagtanggol sa mga kalaban ko
Hindi mo rin nakita kong paanong nagwagi ako.
Pa, nasaan ka nang muli akong tumayo
Wala ka noon para alalayan ako
Mag-isa kong binuo ang sarili at buhay ko
Pero, Pa, ikaw pa rin ang nasa isip ko.
Pero ang pinakamasakit, Pa, na hindi mo nagawa
Ang alalayan si Mama, nang lugmok din siya.
Nasaan ka ba nang kailangang-kailangan ka niya?
Ikaw sana ang naging mga mata niya.
Pa, sobrang sakit na makita si Mama na nahihirapan
Hindi mo man lang siya nasamahan at nadamayan
Ikaw sana ang kasama at katuwang niya
Upang mapawi ang kalungkutan niya.
Pa, nasaan ka man ngayon, ako na ang magsasabi...
Mahal na mahal ka ni Mama palagi
Bukod sa Diyos, iniisip ka niya araw at gabi
Sa buhay niya, ikaw ang bukod-tangi.
Pa, alam kong nandito ka rin sa tabi ko
Alam kong masaya ka sa mga narating ko
Marami sana tayong pagkukuwentuhan
Kung nabubuhay ka, labis kitang pasasalamatan.
Pa, salamat dahil ikaw ang aking ama
Salamat dahil kahit agad kang nawala
Naging matatag ako sa mga problema
Nakabangon ako, kahit ako'y nadapa.
Salamat nga pala, Papa, sa pag-aaruga
Sa labinlimang taon, na nakasama kita
Naramdaman ko ang masayang pamilya
Na kasama ka, mga kapatid ko, at si Mama.
Salamat, Pa, kasi ako ngayon ay isa na ring ama
Tayo man ay magkaibang-magkaiba...
Ako na ang magsasabi sa kanila,
Pareho nating sinikap maging mabuting ama.
Kung kasama mo ngayon ang Diyos, Pa
Ihingi mo po ako ng tawad sa Kanya
at pakisabi po, maraming salamat sa Kanya
Dahil ikaw ngayon ay kapiling Niya.
Happy Father's Day!
Subscribe to:
Posts (Atom)
Buwaya sa Gobyerno
Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
Bakit kapag nagkakamali ng bigkas ang ating kapwa, pinagtatawanan natin? Bakit kapag mali-mali ang Ingles nila, kinukutya natin? Big deal ba...