Followers

Saturday, August 13, 2016

Opsiyon

Kapag gumawa ka nang tama,
sa iyo'y marami ang matutuwa.
Kapag nagpakita ka nang maganda,
sa iyo'y marami ang hahanga.
Kapag inspirasyon ay nagbigay ka,
sa iyo'y marami ang maluluha.

Kung masama naman iyong ginawa,
kaiinisan ka ng iyong kapwa.
Kung nagpamalas ka ng 'di kaaya-aya,
malamang lalayuan ka na nila.
Kung ang sinasabi mo ay paninira,
sa iyo'y maraming kokontra.

Huwag kang magpakadoble-kara,
bagkus, magpakatao ka
at mabuting anyo ang ipakita
upang mapunta sa'yo ang simpatya
at pagmamahal ng iyong pamilya,
ng mga kaibigan, at ng madla.



Friday, August 12, 2016

Sa Aking Pagtanda

Kung dumating na ang katandaan ko,
Sa akin ba ay may magmamano,
May hihilot sa mga tuhod ko,
May mag-aalagang mga anak at apo,
May makikinig pa kaya sa mga kuwento ko,
At may magbabasa pa ng mga tula ko?

Kapag ang paningin ko’y tuluyang lumabo,
Makikita ko pa kaya ang kagandahan ng mundo?
Kung ang pandinig ko’y takasan na ako,
Maririnig ko pa kaya ang mga nasa puso ninyo,
Ang mga pasasalamat ng mga naging estudyante ko,
At ang sigaw, iyak, at pagdurusa ng mga Pilipino?

Sakaling ako ay maging ulyaning lolo,
Matatandaan ko pa kaya ang mga karanasan ko—
Ang mga pighati at ligayang aking natamo,
Ang mga kabiguan at tagumpay na nakamit ko,
Ang mga pinagdaanang sakit at kalbaryo,
At ang mga nagpatibay sa aking pagkatao?

Sa aking pagtanda, handang-handa na ako,
Na kamtin ang aking parusa o aking regalo
Mula sa Diyos na nagpahiram ng hininga ko.
Ako’y kukulubot, kukupas, alam ko…
Ngunit, sana… sana… ako’y tumimo
Sa inyong mga isipan at inyong mga puso.

Libag

Huwag mong pansinin
ang mga mapanirang tao
sa iyong likuran.
Sila ay sadyang
panglikuran lamang.
Hindi maaaring iharap,
hindi kayang humarap,
at walang mukhang ihaharap,
pagkat sila'y
mas maraming kapintasan,
talunan,
at duwag.
Hayaan mo siyang
punahin ang iyong dungis.
Tingnan mo na lamang,
sarili niyang libag
ay hindi niya kayang
mais-is.
Ang sa iyo pa kaya.
Isa lang siyang libag,
na sa iyong likod
ay nakatanghod.
   






Wednesday, August 10, 2016

Munting Kaligayahan

Dalawang taong gulang ka pa lang noon. Nakakatuwa ka, lalo na kapag humahabol ka sa akin kapag aalis ako. Gustong-gusto mong sumasama sa akin.
Isang araw, isinama nga kita. Linggo iyon. Wala akong pasok. Mag-grogrocery lang ako.
Tuwang-tuwa ka, habang binibihisan ka ng Mama mo. Parang may ideya ka na kung saan tayo pupunta. At, parang nababagalan ka sa kilos ng iyong ina. Atat na atat ka nang umalis.
Hindi man iyon ang unang pagkakataon na umalis tayong dalawa, iyon naman ang unang beses nating magkasama sa pamimili.
Bago tayo pumasok sa supermarket, dumaan tayo sa isang sikat na pambatang food chain. Kahit baby ka pa lamang, kilala mo na ang mascot niyon. Napapanood mo kasi sa telebisyon. Kaya, idinaan kita sa harap niya. Ipinahawak ko pa iyon sa'yo. Lubos ang ligaya ko nang ngumiti ka. Tila nagkaroon ng buhay ang estatwang iyon at nginitian ka. Subalit, nadurog ang puso ko nang hindi kita naipasok sa loob. Mabigat ang loob kong inilayo kita doon habang nakaturo ang daliri mo doon, na tila nais mong magpabili ng makakain.
Pasensiya na, anak. Hindi kita nabilhan sa pagkakataong iyon, kahit regular fries.
Pasensiya ka na, 'nak, dahil, ang unang sahod ko bilang manggagawa sa garments factory, bilang washer ay ipinambayad ko lang sa mga utang ko sa pag-a-apply at sa pama-pamasahe ko.
Pasensiya ka na dahil ang tira sa suweldo ko ay ipambibili ko pa ng gatas at diapers ninyong magkapatid.
Wala kang nagawa noon, kundi ang maging masaya sa mga bisig ko. Agad mo rin iyong natanggap dahil ang makasama ako ay sapat na. Halos tuwing Linggo na lang kasi tayo magkakasama. Tulog pa kayo, kapag umaalis ako at tulog na madalas, kapag darating ako mula sa trabaho. Salamat sa isang araw na walang pasok dahil may panahon pa ako para sa inyo.
Nang marating natin ang supermarket, kumuha ako ng malaking push cart, na animo'y magho-wholesale tayo. Ang hindi nila alam, isasakay lamang kita doon. Isang pambihirang karanasan iyon para sa mga paslit na kagaya mo.
Kitang-kita ko ang tuwa sa iyong mga mata nang maingat kitang isinakay doon. Galak na galak ka rin nang magsimula na akong itulak ang push cart.
Sa sobra mong tuwa ay ingat na ingat ako dahil baka mahulog ka. Gayunpaman, nagawa kitang pasayahin sa munti kong paraan. Salamat sa'yo dahil mas napasaya mo ako. Hindi ko man nabili ang gatas na nais kong ipainom sa inyo ng kapatid mo, hindi ko naman mabibili ang ligaya na naibigay mo sa akin at ang ligayang nadama mo sa mga sandaling iyon. Abot-abot ang saya nating pareho nang lumabas tayo sa malaking grocery store na iyon. Bitbit ko ang isang maliit na plastic bag. Nasa bisig kita, at nasa puso ko naman ang munting kaligayahan.

Tuesday, August 9, 2016

Buhay

Ang mga tao ay nagbabago,
Minsan, kaibiga'y naglalaho
Mga bagay ay nag-aalburuto,
Pag-ibig ay masakit sa puso,
Ngunit ito ang tatandaan mo,
Ang buhay ay hindi hihinto,
Hanggang ito'y bawiin sa'yo.

Monday, August 8, 2016

Tunay na Kaligayahan


Ang tunay na kaligahayan
ay ang pagpapakasaya sa kasalukuyan;
panghinaharap ay hindi inaasahan;
takot at pag-asa ay tinitimbang,
ngunit nananatiling may kakuntentuhan,

kung ano ang mayroon at nakayanan.

Sunday, August 7, 2016

Opinyon

Ang pinakaayaw kong aralin sa asignaturang Filipino ay ang "pagtukoy sa opinyon at katotohanan".

Ayaw na ayaw kong itunuturo ito dahil parang ayaw nilang matuto at maniniwala. Pagkatapos ko kasing mag-discuss, ay magkakaroon kami ng mga gawaing panlinang. Sasabihin ko, "Ang ay pogi." Sabay-sabay at sobrang lakas ba naman nilang isasagot ang 'Opinyon!'.

Nakakainis, 'di ba?

Titingala

Kung hindi ka mahalaga
sa iyong kapwa,
huwag kang mag-alala,
dahil sa langit, mataas ka.

Hayaan mo sila,
na dukwangan ka pababa.
Pasasan ba't aangat ka,
at sa'yo sila'y titingala.

Katatagan

Ang mga suliranin sa buhay
ay pundasyong nagpapatibay
sa pusong nais nang bumigay.

Hindi naman tayo sinasakal
ng mga balakid na pisikal,
bagkus binibigyan ng aral.

Ang pagsisikap at pagtitiis
upang ang hadlang ay maalis
ay kakayahang kanais-nais.

Ang pagpapakatatag sa unos
at paglaban sa mga pagsubok
ay siyang hangad ng Diyos.

Hindi Niya tayo susubukin,
kung hindi natin kakayaning
lusutan, lampasan, at lutasin.

Friday, August 5, 2016

Magpalaya

Lahat ng taong nasa buhay mo
Ay bahagi ng paglalakbay mo,
Kailangan mong matuto,
Ang magpalaya ay paano,
Dahil hindi lahat ng mahal mo
Ay mananatili para sa'yo.

Thursday, August 4, 2016

Tsaa

Ang mga kaibigan mong
'di mo madalas makasama,
ngunit kapag nagkita-kita,
wagas naman ang ligaya.

Sila ang mga kaibigang
kay sarap kahuntahan,
na kahit sa tsaa lamang,
lubos na ang kasiyahan.

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...