Dalawang taong gulang ka pa lang noon. Nakakatuwa ka, lalo na kapag humahabol ka sa akin kapag aalis ako. Gustong-gusto mong sumasama sa akin.
Isang araw, isinama nga kita. Linggo iyon. Wala akong pasok. Mag-grogrocery lang ako.
Tuwang-tuwa ka, habang binibihisan ka ng Mama mo. Parang may ideya ka na kung saan tayo pupunta. At, parang nababagalan ka sa kilos ng iyong ina. Atat na atat ka nang umalis.
Hindi man iyon ang unang pagkakataon na umalis tayong dalawa, iyon naman ang unang beses nating magkasama sa pamimili.
Bago tayo pumasok sa supermarket, dumaan tayo sa isang sikat na pambatang food chain. Kahit baby ka pa lamang, kilala mo na ang mascot niyon. Napapanood mo kasi sa telebisyon. Kaya, idinaan kita sa harap niya. Ipinahawak ko pa iyon sa'yo. Lubos ang ligaya ko nang ngumiti ka. Tila nagkaroon ng buhay ang estatwang iyon at nginitian ka. Subalit, nadurog ang puso ko nang hindi kita naipasok sa loob. Mabigat ang loob kong inilayo kita doon habang nakaturo ang daliri mo doon, na tila nais mong magpabili ng makakain.
Pasensiya na, anak. Hindi kita nabilhan sa pagkakataong iyon, kahit regular fries.
Pasensiya ka na, 'nak, dahil, ang unang sahod ko bilang manggagawa sa garments factory, bilang washer ay ipinambayad ko lang sa mga utang ko sa pag-a-apply at sa pama-pamasahe ko.
Pasensiya ka na dahil ang tira sa suweldo ko ay ipambibili ko pa ng gatas at diapers ninyong magkapatid.
Wala kang nagawa noon, kundi ang maging masaya sa mga bisig ko. Agad mo rin iyong natanggap dahil ang makasama ako ay sapat na. Halos tuwing Linggo na lang kasi tayo magkakasama. Tulog pa kayo, kapag umaalis ako at tulog na madalas, kapag darating ako mula sa trabaho. Salamat sa isang araw na walang pasok dahil may panahon pa ako para sa inyo.
Nang marating natin ang supermarket, kumuha ako ng malaking push cart, na animo'y magho-wholesale tayo. Ang hindi nila alam, isasakay lamang kita doon. Isang pambihirang karanasan iyon para sa mga paslit na kagaya mo.
Kitang-kita ko ang tuwa sa iyong mga mata nang maingat kitang isinakay doon. Galak na galak ka rin nang magsimula na akong itulak ang push cart.
Sa sobra mong tuwa ay ingat na ingat ako dahil baka mahulog ka. Gayunpaman, nagawa kitang pasayahin sa munti kong paraan. Salamat sa'yo dahil mas napasaya mo ako. Hindi ko man nabili ang gatas na nais kong ipainom sa inyo ng kapatid mo, hindi ko naman mabibili ang ligaya na naibigay mo sa akin at ang ligayang nadama mo sa mga sandaling iyon. Abot-abot ang saya nating pareho nang lumabas tayo sa malaking grocery store na iyon. Bitbit ko ang isang maliit na plastic bag. Nasa bisig kita, at nasa puso ko naman ang munting kaligayahan.
No comments:
Post a Comment