Followers

Saturday, October 1, 2016

Bakit Minsan Lang Mamukadkad ang Aking Bulaklak?


Nakalulungkot talaga,

Dahil aking halamang alaga

Kung mamulaklak ay bihira.

 

Nakakapanghina pa,

Laging na lang siyang lanta

tuwing naaabuta't nakikita.

 

Minsan ako'y naging masaya,

Nang matiyempuhan ko siya.

Bulaklak ay kay ganda!

 

Pero nalungkot akong bigla...

Amoy niya'y pambihira--

nakasusulasok pala.

 

Nakakasukang sobra!

Amoy patay na daga,

Masakit sa baga.

 

Nakakatawa...

Bulaklak, lahat ay may ganda,

Ngunit amoy ay iba-iba. 

 


Friday, September 30, 2016

Memwa 3: Carnival

Kahit wala na akong trabaho noon, dahil napilitan akong mag-resign, inilabas ko kayong mag-ina. Pumunta tayo sa isang carnival.

First time natin iyon, kaya hindi ko inaksaya ang pagkakataon. Sayang nga lang dahil hindi nakasama ang bunso mong kapatid. Masyado pa kasi siyang bata para sa ganoong lakaran.

Sa carnival, isinakay kita sa isang 'Kalesa' ride. Ayaw kasi ng Mama mong sumakay kaya tayong dalawa lang. Nagkasya na siya sa pagkuha ng larawan sa atin, kapag tumatapat tayo sa kanya.

Hindi mo man alam kung ano ang pakiramdam nang nakasakay doon, masayang-masaya naman kami ng Mama mo dahil kahit paano ay naaliw ka. Kitang-kita iyon sa mga mata mo. Sapat na iyon para masabi kong hindi nga nabibili ng pera ang kaligayahan.

Nang nakababa na tayo, naglibot naman tayo sa tiangge doon. Binilhan kita ng laruan, na iyo ring nagustuhan, kahit na mumurahin lang. Hindi naman kasi kailangang mahal ang laruan. Ang mahalaga ay kaya nitong magpasaya.

Binilhan ko rin ng damit ang kapatid mo, siyempre. Mumurahin din iyon. Ang mahalaga, komportable siya.

Nagpabili rin ng hikaw na tiglilimang piso ang Mama mo. Tuwang-tuwa na siya nu'n.

Hindi niyo lang alam, mas natutuwa ako, sapagkat napasaya ko kayo. Sa maliit na halaga ay natumbasan nito ang kasiyahan na bihirang makamit ng mahihirap na pamilya.

Kaya lang, pag-uwi natin, nakasimangot ang mga biyenan ko, na mga lola at lolo mo. Kahit hindi sila nagsalita, alam kong ang sinasabi nila ay "Inuna niyo pa ang luho kaysa sa tiyan nating kumukulo." Wala pa kasing ulam sa oras na iyon.

Hindi ko sila pinansin. Ayaw kong sayangin ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Hindi ko kasi kayang bilhin ang kaligayahang iyon. Pero, salamat, nagkaroon ako.

Paano Na Kapag...


Paano Na Kapag...

Kapag ako'y 'di na ngumiti sa 'yo,

Baka gusto ko lang ng 'sorry' mo.

Kapag hindi na kita kinibo,

Malamang ako'y nagtatampo.

Kapag hindi na kita biniro,

Sigurado akong galit ako sa 'yo.

Kapag hindi na ako nakihalubilo,

Tiyak, mga kaibigan ko'y bago.

Kapag natanaw kita't lumiko ako,

Sa 'yo'y tuluyan na akong lalayo.

Kapag ako'y nag-reply ng "Hu u?"

Burado ka na sa phonebook ko.

Kaya 'wag mo akong pinagloloko,

Baka mawala ka na sa 'king puso. 

 


Thursday, September 29, 2016

Di Ka Nag-iisa

Kung sa iyong pagkadapa, susuko ka na,
Para mo na ring inaming ika’y mahina .
Kung sa iyong pagbagsak, tatangis ka
Para mo na ring sinabing ika’y nag-iisa.
Mga kaibigan mo’y narito, aalalayan ka.

Hanggang sa dulo, kami ay aagapay pa. 

Binarubal

Nilapirot, nilamutak, niyugyog,
Inapakan, pinilaya't binugbog
Ako.
Oo, ako!
Buhay ay kay lupit!
Puno ng mga pasakit,
Mapanghusga, mapang-api,
Masama, Salbahe't makasarili,
Gaya nila.
Oo, nila!
Ako'y kanilang sinakal,
Binusabos, binarubal.
Masisisi mo ba
Ang angkan ni Sisa?
Magdalena na nga'y
sa putikan pa nilagay.
Silang nasa alta-sosyedad,
Na tumatakas sa realidad,
Ako, ako na 'di sumuko
Sa kanilang kamao,
Sa akin... Oo, sa akin,
Sila ay yuyukod din
Upang mapait kong nakaraan
Maalala't maramdaman.
Sa kanila'y ipapabatid,
Salimuot na hatid
Sa aking nakaraan
Sa aking kaibuturan,
Hanggang ang hagupit
Ng nasa langit,
Kanilang matikman,
maranasan.

Upuan

Katatapos pa lamang ng eleksiyon noong Mayo,
Sumadya kami sa simpleng tanggapan mo,
Upang humingi ng tulong pinansiyal mula sa’yo,
Bilang bahagi ng Brigada Eskwela sa taong ito.

Hindi ka man namin naabutan sa opisina mo,
Sekretarya mo’y kami’y pinatuloy at pinaupo
“Naka-leave po ngayon si Madam,” anito.
Katulad mo, siya ay mabait at makatao.

Hindi ka man nakapaupang-palad, aking idolo,
Mapalad ako dahil naranasan kong umupo
Sa upuan ng tanggapan mo doon sa Senado,
At nakita ang mga koleksiyon mong telepono.

Ang pagkakataong iyon ay itatatak sa’king puso.
Di mo kami nabigyan, ngunit ‘di mo kami binigo.
Nabigay mo sa bansa, walang katumbas sa piso.
Di ‘Stupid’, kundi ‘Forever’ ang mga ambag mo.

Madam, hindi nasayang ang isang boto ko
Dahil ang buong Pilipinas ay tunay na panalo.
Nang ikaw ang naupo sa lahat ng puwesto,
Natuwa at nakinabang ang bawat Pilipino.

Upuan mo'y walang kapares, walang kapareho,
Pagkat ikaw ang nag-iisang pambihirang pinuno.
Pag-upo mo'y walang katulad, malayong-malayo,
Ni sa kalingkingan, hindi maihahambing sa'yo.

Salamat, Madam!


Sa husay at galing mo, wala talagang makakatalo—
Sa Inglesan man o mga hearing sa korte o senado,
Sa mga pick-up lines mong patok sa mga Pilipino,
At sa mga banat at pasaring mo sa kapwa pulitiko.

Mga kabataan noon at ngayon, ikaw ang iniidolo--
Sa talino at katapatan, kami ay napahanga mo,
Sa bagsik at katapangan, lahat ay mapapasaludo,
At sa ambag mo sa gobyerno, ikaw ang numero uno.

Sa iyong pagpanaw, mananatili ka sa aming puso,
Mga pamana mo’y mananalaytay sa aming dugo,
Ang mga aral mula sa’yo, gagamitin sa pagbabago,
At ang mga salita mo’y sa katauhan nami’y titimo.

Madam, sa bayang ito, ikaw ay tunay na ehemplo,
Ikaw ay ikinararangal at dinadakila ng mga Pilipino,
Ikaw, ang nag-iisang Miriam Defensor-Santiago.

Salamat sa’yo, Iron Lady of Asia, salamat po!

HIMALA 1: JESS

"Welcome back, Brother Jess!" bati sa kanya ng matandang pastor. Nakipagkamay pa ito sa kanya. Nahihiyang siyang ngumiti, kaya ang asawang si Rochelle na lang ang nginitian niya. At, ginulo-gulo pa niya buhok ng pitong taong gulang na anak. "God loves you, Jess. That's why He showed you the path back to His house of worship," tila pabulong na lamang ang dinig niya sa tinuran ng pastor, pero malinaw na malinaw niya itong nasa naulinig. Mula sa pagbati ng pastor hanggang sa pagbati sa kanya ng mga dating kapanalig, kinainisan niya. Nais niyang magsisi kung bakit sumama pa siyang magsimba. Kung hindi nga lamang siya nangakong magbalik-loob, hinding-hindi siya babalik sa simbahang iyon na walang ginawa sa buhay niya kundi diktahan siya ng mga nararapat gawin. Umupo ang mag-anak sa pinakaunahang upuan. Labag man sa kalooban ni Jess ay pinilit na lamang niyang tanggalin ang kaba sa kanyang dibdib. Inaasahan na niyang pariringgan na naman siya ni Pastor Noel. Tiyak siyang ikatutunaw niya kapag binanggit niya ang pangangaliwa niya kay Rochelle. "Brother Jess, mabuti naman at nakabalik ka," ani ng kapatiran nilang matanda na nasa kanilang likuran. "Makapangyarihan talaga ang panalangin." Tumango-tango lamang si Jess upang ikubli ang pagkairita. Ramdam naman niya ang kasiyahang nadarama ni Rochelle sa mga oras na iyon. Limang taon rin kasi halos silang nagkahiwalay dahil mas pinili niya na makisama sa ibang babae, na kinakalaunan ay pinindiho rin siya. Tiningnan niya si Rochelle. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nginitian niya ang kanyang maybahay. "Salamat sa pagtanggap mo akin." Naisaisip niya lamang. Nagkamali si Jess. Hindi naman kasi siya pinasaringan ng kanilang pastor. Malayo ang teksto sa kanyang kasalanang nagawa. Sa unang pagkakataon, noon lamang siya hindi naghinanakit kay Pastor Noel. Naipangako nga niya sa sarili na iiwasan na niya, sa susunod na Linggo, ang mayamot kapag kinukumusta siya ng mga co-members ng church. Tutal, hindi na siya inuusig ng mga ito. Natutuwa lamang sila marahil sa kanyang pagbabalik sa pamilya at sa pagsimba. Masayang nananghalian ang mag-anak sa isang pambatang fast food chain. Noon niya lamang nadama ang labis na kasiyahan. Ang makita ang anak at asawa na masayang-masaya ay hindi kailanman matutumbasan ng anumang halaga. "Daddy, Daddy, sabi po ni Mommy, nasa ibang bansa ka raw lagi po. Maganda po ba doon?" tanong ng bibong-bibong si Jesrelle. Tinanggal muna niya ng tissue ang spaghetti sauce sa labi ng anak. "Hindi maganda roon, anak." Malungkot na tumingin ang ama kay Rochelle. "Hindi ka na po babalik doon?" Umiling lang si Jess at pinilit na ngumiti. "Yehey! Hindi na babalik si Daddy sa abroad!" Nagtaas pa ng mga kamay ng bata habang sinasabi ang mga ito. Pinagtinginan tuloy sila ng ibang kumakain doon. "Sige na, Jesrelle, tapusin mo ang kinakain mo," malambing na utos ng ina upang tumigil na ang anak. Lalo namang naragdagan ang paniniwala ni Jess na unti-unti na niyang mabubuo ang kanyang nawasak na pamilya. Alam niyang lubusan na siyang napatawad ni Rochelle. Kaunting panahon na lamang ay maghihilom na ang sugat sa puso ng kanyang asawa. Paglabas nila sa fast food chain, isang matandang lalaking pulubi ang sumalubong at naglahad ng palad sa kanila. Kapansin-pansin ang karatulang nakasabit sa kanyang leeg. Anito'y "Malapit na ang pagdating Niyang muli. Magbigay ka na sa pulubi." Agad namang dumukot ng singkuwenta si Rochelle sa kanyang wallet at ibinigay sa pulubi. "Salamat po!" anang pulubi at kagyat namang lumayo. "Jess, nabasa mo ba ang placard sa leeg ng pulubi kanina?" tanong ni Rochelle sa nagmamanehong asawa. "Oo. Nakakapanghilakbot nga, e." "Huh? Bakit? Hindi naman dapat katakutan ang second coming, a." Hindi na kumibo si Jess. Alam niyang mapapalayo na naman ang usapan nila, gaya ng mga dati. Nag-concentrate na lamang siya sa pagmamaneho, hanggang sa makauwi sila. "Jesrelle, brush your teeth now. Then, go to your room and sleep," utos ni Rochelle, saka sumalampak sa sofa. Hindi tumalima ang anak. Hindi yata nito narinig dahil abala ito sa paglalaro ng laruan na galing sa fast food chain. Si Jess ay mabilis na nagpakaama. "Come, Jes. Samahan kita." Sumama naman agad ang anak. Nagpakarga pa. Pagbalik ng mag-ama sa sala, humihilik na si Rochelle. "Wait lang, Jes," ani Jess sa anak. Kinuha niya ang remote control ng telebisyon. Hindi agad napatay ni Jess ang tv. "Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao... Ang himala ay nasa puso nating lahat!" Iyan ang eksenang naka-play sa tv. Matagal na niyang naririnig ang sikat na linyang iyon, pero ngayon niya lamang napanuod. Nang matapos ang eksenang iyon, saka lamang pinatay ni Jess ang telebisyon at iniakyat si Jesrelle. Tinabihan niya ang anak sa pagtulog. Muli, naramdaman niya ang ligayang hindi nabibili saanman. Naisip niya ang linyang iyon ni Nora Aunor sa pelikula. Aniya, tama siya, walang himala. Hindi himala ang nangyari sa buhay niya at buhay nilang mag-anak. Kagustuhan niya iyon. . Kagustuhan ng puso niya na ipagpalit ang asawa. Mas pinili niya ang likong daan, kaya kabiguan ang kanyang kinasadlakan. Ngayon, ang puso niya ang muling gagamitin upang buuin ang kanyang winasak na tahanan. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil hindi pa huli ang lahat. Madilim nang maalimpungatan si Jess dahil sa cellphone ring. "Hello, Ram?" mahinang sagot ni Jess sa tumawag. "Sa'n ka? Tuloy ba tayo mamaya? Matagal na nating plano 'yun..." sabi ng nasa kabilang linya. "Kayo na lang... Hindi na ako puwede." Malakas na tawa ang narinig ni Jess. Inilayo niya nga ang cellphone sa kanyang tainga. "Putang ina! Mukha yatang tinamaan ka ng himala!" Tumawa na naman ang kaibigan ni Jess. "Kailan pa, p're?" Sarkastiko ang dating niyon kay Jess, pero sanay na siya kay Ram. Isa pa, kailangan niyang magpakatatag, kung nais niya ng mabuting pagbabago sa buhay nilang mag-anak. Ngayon pa ba siya magpapadala sa sutsot ng demonyo? "Walang himala, pare. Change has come.Ito na ang tamang panahon." Lalong pumulanghit ng tawa si Ram. "Puta! Ang sarap mong murahin! Drama mo, gago! Sige na, sumama ka na. may ipapakilala ako sa'yo. Hanep, p're ang katawan!" Si Jess naman ang natawa. "Pass ako, p're. Unahin ko muna ang mag-ina ko. It's been five years since inabandona ko ang sarili kong pamilya. It's time siguro na ayusin ko na ang buhay ko, Ram, pare... pasensiya na." Tatlong segundong natahimik ang magkabilang linya. "A, sige, p're. Notify mo lang ako kung kailan." Malungkot na masayang ibinaba ni Jess ang kanyang cellphone, pagkuwa'y tiningnan niya ang nahihimbing na anak. Maingat niyang hinawi ang buhok ni Jesrelle na tumatabon sa mga mata nito. "I love you, anak. Sorry sa nagawa ko sa inyo ni Mommy. Babawi ako sa inyo. Pangako ko." bulong niya. Sa ikalawang linggo ng kanilang muling pagsama-sama, sinikap ni Jess na maging mabuting kabiyak at ama sa kanyang ina. Umuwi siya nang maaga mula sa kanyang trabaho. Nagluluto siya ng pagkain. Hinaharap rin niya ang anak sa mga paggawa ng mga takdang aralin at proyekto sa paaralan. Sinisigurado niyang masaya ang kanyang asawa at anak bago matulog. Sa opisina, nilayuan niya ang mga negatibong bagay na makakasira sa kanyang pangarap na matatag na pamilya. Si Luna, na matagal nang nahuhumaling sa kanya ay iniwasan niya. Ipinakikita rin niya sa mga kaopisina na naiinis siya, kapag tinutukso silang dalawa. "Sir, pinatatanong po ni Mam Luna, kung puwede siyang makisabay sa'yo pag-uwi mamaya," tanong ng janitress kay Jess. Mabilis munang sinulyapan ni Jess ang bank teller. Nagkasalubong ang tingin nila. Nakita pa niyang inililis nito ang palda upang ipakita ang kanyang mapuputing hita. "Hindi." "Opo, Sir!" Hindi na sinundan ng tingin ni Jess ang janitress, kaya hindi na niya alam ang sumunod na nangyari, ngunit batid niyang nagpupuyos na naman ang damdamin ni Luna. Nakorner ni Luna si Jess, bago nag-uwian. "Hello, lover boy!" Animo'y GRO na umupo siya sa mesa ng kanyang manager. Inililis niya ang kanyang palda. "Can I have a ride with you tonight?" "Wala ka na ba talagang respeto sa sarili mo, ha, Luna?" Mataas ang tono niya. Sapat iyon upang mapansin sila ng mga kaopisina. "Respeto? Hindi ba't hindi mo rin iyon alam?" Tumayo na si Luna. Lumayo nang kaunti, saka muling hinarap si Jess. "Shut your mouth, Honey... Masyado ka namang seryoso. Bakit, may himala bang nangyari sa'yo?" Hindi nakasagot si Jess, nang marinig ang himala. Ayaw niyang pag-usapan ang salitang iyon. Pagmamahal sa pamilya ang ugat ng kanyang pagbabago. "Or should I say..." patuloy ni Luna, "may sakit ka na." Nakalapit na siya kay Jess. "Nakakahawa ba? You're so pathetic. My gosh!" pabulong nitong tanong, bago paseksing lumayo sa boss. Nakita ni Jess ang mga reaksiyon ng mga kaopisina niya. Alam niyang nagtatawanan ang mga puso niyon. Ayaw lamang ipakita sa kanya. Alam niyang naging tampulan siya noon ng usapan. Hindi lingid sa kanila ang buhay niya. Subalit, wala siyang magagawa. "Hello, Daddy!" masayang salubong ni Jesrelle sa ama. "Hello, jesrelle. How's your school?" anang ama, pagkatapos pupugin ng halik ang anak. "Okay lang po, Dad. Kanina ko lang po nasabi kay Teacher na umuwi na po kayo at ayaw niyo na po sa ibang bansa." Natawa na lamang si Jess.Nagkatinginan silang mag-asawa. "Hindi na tayo iiwan ng Daddy mo. Di ba, Daddy?" makahulugang tanong ni Rochelle. "O, yes. Hinding-hindi na tayo magkakahiwalay." Kinarga na ni Jess ang anak paakyat. Mabilis na nalampasan ni Jess ang pagkailang kay Rochelle. Nanumbalik na ang dati nilang malambing na pagtrato sa isa't isa. Nasasabi na ni Jess sa asawa ang mga salitang 'I love you', bago matulog o kahit bago siya umalis sa bahay. "Thank you, Chelle..." pabulong na sambit ni Jess sa asawa. "For what?" "For the forgiveness," pakli ni Jess. Binalot niya si Rochelle sa kanyang mga braso. "It's easy to forgive, but it's hard to forget." "Huwag kang mag-alala... Minsan na akong nalunod sa kasalanan at alam kung inilubog lamang ako niyon. Ngayong nakaahon na ako, hindi-hindi ko na hahayaang gumuho ang tahanan natin..." "Salamat naman kung ganu'n, Jess. Matagal kong inasam ang sandaling ito... Matagal nang kong hiningi sa Diyos ang himala, na sana ay matauhan ka. Hindi nga Niya ako binigo... Thank you, Lord!" Mas mahigpit na niyakap ni Jess ang asawa. Matagal nilang dinama ang pag-ibig nila sa isa't isa. Maya-maya, narinig nila ang kulog.—sunod-sunod na kulog at manaka-nakang pagkidlat. Lumiliwanag ang kuwarto nila. "Jess, puntahan ko lang si Jesrelle. Baka matakot sa kulog at kidlat kapag nagising," ani Rochelle. "Matulog ka na. Okay lang ako. Kapag nakatulog ako sa kuwarto ni Jesrelle, huwag mo na akong gisingin." "Sige." "May low pressure kasi, sabi sa balita..." "A, kaya pala... Good night! I love you!" "Good night and I love you!" Pag-alis ng asawa, hindi na dinalaw ng antok si Jess. Inalala na lamang niya ang magagandang nangyari nitong mga huling araw. Masaya siya sa lubusang pagkaayos ng tahanan nila. Bumagsak ang malakas na ulan. May hangin pa itong kasama. Bumangon si Jess. Sumilip sa bintana. Naisip niyang walang bagyo ang sisira sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya. Pinagmasdan niya ang paligid. Masasabi niyang malakas ang hangin dahil ang puno na nasa tapat ng bintana ng kuwarto ni Jesrelle ay waring iwinawasiwas. Bigla tuloy siyang natakot para sa kanyang mag-ina. Kaya, nagdesisyon siyang puntahan ang mag-ina. Pero, bago siya nakapihit palikod, gumuhit ang liwanag mula sa kalawakan patungo sa punong kanyang tinanaw kani-kanina lamang. "O, God, please don't!" sigaw ni niya. Gayunpaman, tumama ang kidlat sa malaking sanga. Alam niyang babagsak iyon sa sliding window. Bugso ng damdamin ang tumulak sa kanya na puntahan ang kabilang kuwarto. Nakahinga siya nang maluwag pagpasok niya. Mahimbing pa rin ang anak niya. Nakatulog na rin ang asawa. Lumapit siya sa bintana at sinuri ang lagay ng sanga ng puno, na tinamaan ng kidlat. "Rochelle, bangon! Dali!" tarantang sigaw ni Jess. Nakita niyang unti-unting yumuyuko ang malaking sanga na nasugatan ng kidlat. "Rochelle, ilabas mo si Jesrelle. Dali!" "Bakit?" Gulantang man, ginising niya ang anak. "Ang sanga, babagsak dito!". Mabilis na nabuhat ni Rochelle si Jesrelle. "Jess, umalis ka na diyan!" sigaw naman niya nang sila'y nakalabas na sa kuwarto. Napako ang tingin ni Jess sa sanga. Tila nais niyang protektahan ang salamin ng bintana Kitang-kita naman ni Rochelle ang mabilis na pagyuko niyon, na maaaring ikasugat ng asawa. Isang pang kidlat ang bumaba. Lumiwanag ang paligid. Tanaw na tanaw ni Rochelle ang tuluyang pagkakapigtas ng sanga at tatama iyon sa bintana. "Jess!" "Stop!" tanging nasambit ni Jess, bago niya nagawang iharang ang kanyang braso sa kanyang ulo. Ilang segundo ang lumipas, natauhan si Jess. Nanlaki naman ang mga mata ng asawa sa nakita. "Oh, my God, Jess! Thanks, God!" Hindi na nakatulog ang mag-asawa dahil sa pangyayaring iyon. Samantalang ang kanilang anak ay walang kaalam-alam. Hindi naniniwala si Jess na may kakayahan siyang pigilan ang paggalaw ng mga bagay na gaya ng paniniwala ni Rochelle. Aniya'y nagkataon lamang. "Kitang-kita ko, Jess. Kitang-kita ko ang biglang pagtigil ng sanga sa pagtama sa salamin nang sabihin mong stop," giit ni Rochelle. "Matulog na nga tayo. Kung ano-ano ang iniisip mo. Hindi naman ako Diyos para gawin iyon. Nagkataon lang." "It's up to you... Basta ako..." Natigil ang pagsasalita ni Rochelle dahil dumampi na ang mga labi ni Jess sa pisngi niya. "Good mornight!" Nagkatawanan na lang sila. "Papasok ka pa rin ba bukas?" "Oo. May bagyo, sa wala, may pasok kami." "E, paano ang mga naputol na sanga? Maghanap na lang siguro ako bukas ng magliligpit at mag-aayos..." Hindi kumibo si Jess. Natahimik na rin si Rochelle. Ang hangin at ulan ay huminto na.

Umiibig. Nananampalataya. Umaasa.

Pag-ibig Mo, Ina

Pag-aaruga mo, kay sarap talaga!

Napabuti kaming iyong kapamilya--
ipinakilala mo kami sa Kanya
at inilayo sa mga gawaing masama.

Mahal naming ina, salamat po
sa wagas na pagmamahal mo!
Pag-ibig mo'y hindi naglalaho
kahit mga mata mo'y lumabo.

Nakikita mo, laman ng aming puso,
Naririnig mo ang mga tibok nito,
Nababasa mo aming mga gusto,
Dama mo kapag kami'y sumusuko.

Pamilya, mag-isa mong itinayo,
nang aming ama, hininga'y huminto.
Di mo hinayaang pangarap ay gumuho,
bagkus inalagaan hanggang lumago.

Sa amin, pag-ibig mo'y sumentro
At ni minsan 'di inisip ang sarili mo.
Binuhos mong lahat, pati iyong dugo
para lamang, buhay nami'y magbago.

Nagdaang mga unos, iyong sinalo,
itinaboy ang hangin, upang lumayo,
nang kami ay manatiling kalmado
at ang mga pangarap ay laging buo.

Nang ikaw na ang bugbog-sarado
at nang halos hindi ka na makatayo,
'di ka pa rin sumusuko't yumuyuko
hanggang kabutihan nami'y masiguro.

Aming ina, maraming salamat po
sa pagtataguyod at pag-ibig mo---
walang kondisyon at hindi de-metro.
Sa'yong pagtanda, kami'y lilingap sa iyo.



Pananampalataya Mo, Ina

Nang ika'y nasa bukana ng takipsilim,
mga mata mo'y tuluyang dumilim.
Kami lahat ay napuspos ng panimdim,
hindi malaman aming gagawin.

Ang iyong hiling noong iyong kaarawan
ay nasa isipan pa rin, 'di makalimutan.
Sabi mo, buhay mo sana'y dugtungan
at mata mong malabo, 'wag matuluyan.

Lumipas ang mahigit isang buwan,
Paningin, ika'y lubusang binawian.
Sambit mo, "Hindi ito isang kasawian.
Hangga't kaya kong Diyos ay papurihan."

Pananapalataya mo'y 'di matatawaran.
Batid mong Diyos, ikaw ay sinusubukan,
kaya nais mong liwanag ay masilayan
upang lalo mo Siyang mapapurihan.

Ngunit kung hindi na pahihintulutan
na mata mo'y masuri at maoperahan,
hindi mo magagawang Siya'y kamuhian,
dahil buhay dapat nang pasalamatan.

Binawi ang bahagi ng iyong katawan,
subalit ang pananalig mo'y nariyan---
mga panalangin mo'y pinakikinggan,
hindi man agad-agad ay kadalasan.

Mga mata mo'y mensahe ang hatid
sa iyong mga anak, kaibiga't kapatid,
na ang kakulangan ay hindi balakid,
kundi isang biyaya para sa kumakapit.

Pagsubok na ito'y 'di mo uurungan
dahil lakas mo'y mula sa kaitaas-taasan
at sa maylikha nitong sangkatauhan.
Wala ka na ring takot sa kamatayan.

Mula dose anyos ka'y bulag ka na,
kaya aanhin mo pa ang mga mata,
kung pagpupuri, iyo pang nagagawa,
kahit paningin mo'y wala na talaga.



Pag-asa Mo, Ina

Paningin mo'y talagang lumamlam,
kung makakakita pa'y 'di mo alam,
basta batid mong Diyos ay paham.
Pagkabulag mo'y 'di ka nasusuklam.

Muling makakita, ang lagi mong asam,
nang pag-asa't pangarap, 'di mabalam,
mabanaag, magandang kinabukasan,
at mailapit kami sa iyong kaharian.

O, ina, ilaw ka nga ng ating tahanan!
Liwanag mo, pilit kaming tinatanglawan,
kahit na humihuna't paandap-andap.
Ningas mo'y patuloy na nagliliyab.

"Sa Kanya ako, nagtitiwala nang husto,"
minsan, sa akin ay ipinagtapat mo,
sapagkat buo ang iyong loob at puso
na matanaw muli ang ganda ng mundo.

Kalusugan mo ma'y maging hadlang
sa ikalawang operasyong pagdadaanan,
subalit, nais mong ipagpasapalaran
ang paggaling mo na pangmatagalan.

Hindi pa huli ang lahat, sabi mo pa
dahil habang ika'y nananampalataya,
ikaw ay maghahangad, umaaasa
na sa kadiliman, ikaw ay makawala.


(Lahok para sa Saranggola Blog Awards 8)
http://www.sba.ph/























http://www.dmcihomes.com/
http://www.device.ph/
http://www.thedailypedia.com/
http://radyo.inquirer.net/
www.lionheartv.net/



Wednesday, September 28, 2016

Kapag

Kapag wala na akong maisalaysay,
Sa iyo, ako pa ba ay may saysay?
Kapag tumigil na ako sa pagtipa ng tula,
Sa iyo, ako pa ba ay may halaga?
Kapag wala na akong maikuwento,
Makikinig ka pa ba o kakausapin ako?

Kapag wala na talaga akong saysay,
Hindi na ako susulat ng sanaysay.
Kapag wala na akong halaga,
Titigil na ako sa pagtipa ng tula.
Kapag wala nang nakikinig sa akin,
Mga kuwento ko'y 'di ko na susulatin.

Tuesday, September 27, 2016

Classroom Dialogue: Memorize

Sir: Mag-memorize na kayo. Mamaya, after recess, mag-rerecite na kayo.
Glenda: Sir, hanggang dito na lang kasi.
Sir: Ay, hindi! Magkakasama 'yan. Dapat buo.
Glenda: Sige nga po, ikaw!
Sir: Bakit, ako ba ang nangangailangan ng grade?Ako ang bigyan niyo ng grade.
Glenda at mga kaklase: Sige!

(Sir walked out. He could hear the pupils memorizing loudly.)

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...