Followers

Thursday, September 29, 2016

Umiibig. Nananampalataya. Umaasa.

Pag-ibig Mo, Ina

Pag-aaruga mo, kay sarap talaga!

Napabuti kaming iyong kapamilya--
ipinakilala mo kami sa Kanya
at inilayo sa mga gawaing masama.

Mahal naming ina, salamat po
sa wagas na pagmamahal mo!
Pag-ibig mo'y hindi naglalaho
kahit mga mata mo'y lumabo.

Nakikita mo, laman ng aming puso,
Naririnig mo ang mga tibok nito,
Nababasa mo aming mga gusto,
Dama mo kapag kami'y sumusuko.

Pamilya, mag-isa mong itinayo,
nang aming ama, hininga'y huminto.
Di mo hinayaang pangarap ay gumuho,
bagkus inalagaan hanggang lumago.

Sa amin, pag-ibig mo'y sumentro
At ni minsan 'di inisip ang sarili mo.
Binuhos mong lahat, pati iyong dugo
para lamang, buhay nami'y magbago.

Nagdaang mga unos, iyong sinalo,
itinaboy ang hangin, upang lumayo,
nang kami ay manatiling kalmado
at ang mga pangarap ay laging buo.

Nang ikaw na ang bugbog-sarado
at nang halos hindi ka na makatayo,
'di ka pa rin sumusuko't yumuyuko
hanggang kabutihan nami'y masiguro.

Aming ina, maraming salamat po
sa pagtataguyod at pag-ibig mo---
walang kondisyon at hindi de-metro.
Sa'yong pagtanda, kami'y lilingap sa iyo.



Pananampalataya Mo, Ina

Nang ika'y nasa bukana ng takipsilim,
mga mata mo'y tuluyang dumilim.
Kami lahat ay napuspos ng panimdim,
hindi malaman aming gagawin.

Ang iyong hiling noong iyong kaarawan
ay nasa isipan pa rin, 'di makalimutan.
Sabi mo, buhay mo sana'y dugtungan
at mata mong malabo, 'wag matuluyan.

Lumipas ang mahigit isang buwan,
Paningin, ika'y lubusang binawian.
Sambit mo, "Hindi ito isang kasawian.
Hangga't kaya kong Diyos ay papurihan."

Pananapalataya mo'y 'di matatawaran.
Batid mong Diyos, ikaw ay sinusubukan,
kaya nais mong liwanag ay masilayan
upang lalo mo Siyang mapapurihan.

Ngunit kung hindi na pahihintulutan
na mata mo'y masuri at maoperahan,
hindi mo magagawang Siya'y kamuhian,
dahil buhay dapat nang pasalamatan.

Binawi ang bahagi ng iyong katawan,
subalit ang pananalig mo'y nariyan---
mga panalangin mo'y pinakikinggan,
hindi man agad-agad ay kadalasan.

Mga mata mo'y mensahe ang hatid
sa iyong mga anak, kaibiga't kapatid,
na ang kakulangan ay hindi balakid,
kundi isang biyaya para sa kumakapit.

Pagsubok na ito'y 'di mo uurungan
dahil lakas mo'y mula sa kaitaas-taasan
at sa maylikha nitong sangkatauhan.
Wala ka na ring takot sa kamatayan.

Mula dose anyos ka'y bulag ka na,
kaya aanhin mo pa ang mga mata,
kung pagpupuri, iyo pang nagagawa,
kahit paningin mo'y wala na talaga.



Pag-asa Mo, Ina

Paningin mo'y talagang lumamlam,
kung makakakita pa'y 'di mo alam,
basta batid mong Diyos ay paham.
Pagkabulag mo'y 'di ka nasusuklam.

Muling makakita, ang lagi mong asam,
nang pag-asa't pangarap, 'di mabalam,
mabanaag, magandang kinabukasan,
at mailapit kami sa iyong kaharian.

O, ina, ilaw ka nga ng ating tahanan!
Liwanag mo, pilit kaming tinatanglawan,
kahit na humihuna't paandap-andap.
Ningas mo'y patuloy na nagliliyab.

"Sa Kanya ako, nagtitiwala nang husto,"
minsan, sa akin ay ipinagtapat mo,
sapagkat buo ang iyong loob at puso
na matanaw muli ang ganda ng mundo.

Kalusugan mo ma'y maging hadlang
sa ikalawang operasyong pagdadaanan,
subalit, nais mong ipagpasapalaran
ang paggaling mo na pangmatagalan.

Hindi pa huli ang lahat, sabi mo pa
dahil habang ika'y nananampalataya,
ikaw ay maghahangad, umaaasa
na sa kadiliman, ikaw ay makawala.


(Lahok para sa Saranggola Blog Awards 8)
http://www.sba.ph/























http://www.dmcihomes.com/
http://www.device.ph/
http://www.thedailypedia.com/
http://radyo.inquirer.net/
www.lionheartv.net/



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...