Followers

Friday, September 30, 2016

Memwa 3: Carnival

Kahit wala na akong trabaho noon, dahil napilitan akong mag-resign, inilabas ko kayong mag-ina. Pumunta tayo sa isang carnival.

First time natin iyon, kaya hindi ko inaksaya ang pagkakataon. Sayang nga lang dahil hindi nakasama ang bunso mong kapatid. Masyado pa kasi siyang bata para sa ganoong lakaran.

Sa carnival, isinakay kita sa isang 'Kalesa' ride. Ayaw kasi ng Mama mong sumakay kaya tayong dalawa lang. Nagkasya na siya sa pagkuha ng larawan sa atin, kapag tumatapat tayo sa kanya.

Hindi mo man alam kung ano ang pakiramdam nang nakasakay doon, masayang-masaya naman kami ng Mama mo dahil kahit paano ay naaliw ka. Kitang-kita iyon sa mga mata mo. Sapat na iyon para masabi kong hindi nga nabibili ng pera ang kaligayahan.

Nang nakababa na tayo, naglibot naman tayo sa tiangge doon. Binilhan kita ng laruan, na iyo ring nagustuhan, kahit na mumurahin lang. Hindi naman kasi kailangang mahal ang laruan. Ang mahalaga ay kaya nitong magpasaya.

Binilhan ko rin ng damit ang kapatid mo, siyempre. Mumurahin din iyon. Ang mahalaga, komportable siya.

Nagpabili rin ng hikaw na tiglilimang piso ang Mama mo. Tuwang-tuwa na siya nu'n.

Hindi niyo lang alam, mas natutuwa ako, sapagkat napasaya ko kayo. Sa maliit na halaga ay natumbasan nito ang kasiyahan na bihirang makamit ng mahihirap na pamilya.

Kaya lang, pag-uwi natin, nakasimangot ang mga biyenan ko, na mga lola at lolo mo. Kahit hindi sila nagsalita, alam kong ang sinasabi nila ay "Inuna niyo pa ang luho kaysa sa tiyan nating kumukulo." Wala pa kasing ulam sa oras na iyon.

Hindi ko sila pinansin. Ayaw kong sayangin ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Hindi ko kasi kayang bilhin ang kaligayahang iyon. Pero, salamat, nagkaroon ako.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...