Followers
Thursday, September 29, 2016
HIMALA 1: JESS
"Welcome back, Brother Jess!" bati sa kanya ng matandang pastor. Nakipagkamay pa ito sa kanya.
Nahihiyang siyang ngumiti, kaya ang asawang si Rochelle na lang ang nginitian niya. At, ginulo-gulo pa niya buhok ng pitong taong gulang na anak.
"God loves you, Jess. That's why He showed you the path back to His house of worship," tila pabulong na lamang ang dinig niya sa tinuran ng pastor, pero malinaw na malinaw niya itong nasa naulinig.
Mula sa pagbati ng pastor hanggang sa pagbati sa kanya ng mga dating kapanalig, kinainisan niya. Nais niyang magsisi kung bakit sumama pa siyang magsimba. Kung hindi nga lamang siya nangakong magbalik-loob, hinding-hindi siya babalik sa simbahang iyon na walang ginawa sa buhay niya kundi diktahan siya ng mga nararapat gawin.
Umupo ang mag-anak sa pinakaunahang upuan. Labag man sa kalooban ni Jess ay pinilit na lamang niyang tanggalin ang kaba sa kanyang dibdib. Inaasahan na niyang pariringgan na naman siya ni Pastor Noel. Tiyak siyang ikatutunaw niya kapag binanggit niya ang pangangaliwa niya kay Rochelle.
"Brother Jess, mabuti naman at nakabalik ka," ani ng kapatiran nilang matanda na nasa kanilang likuran. "Makapangyarihan talaga ang panalangin."
Tumango-tango lamang si Jess upang ikubli ang pagkairita.
Ramdam naman niya ang kasiyahang nadarama ni Rochelle sa mga oras na iyon. Limang taon rin kasi halos silang nagkahiwalay dahil mas pinili niya na makisama sa ibang babae, na kinakalaunan ay pinindiho rin siya.
Tiningnan niya si Rochelle. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nginitian niya ang kanyang maybahay. "Salamat sa pagtanggap mo akin." Naisaisip niya lamang.
Nagkamali si Jess. Hindi naman kasi siya pinasaringan ng kanilang pastor. Malayo ang teksto sa kanyang kasalanang nagawa. Sa unang pagkakataon, noon lamang siya hindi naghinanakit kay Pastor Noel. Naipangako nga niya sa sarili na iiwasan na niya, sa susunod na Linggo, ang mayamot kapag kinukumusta siya ng mga co-members ng church. Tutal, hindi na siya inuusig ng mga ito. Natutuwa lamang sila marahil sa kanyang pagbabalik sa pamilya at sa pagsimba.
Masayang nananghalian ang mag-anak sa isang pambatang fast food chain. Noon niya lamang nadama ang labis na kasiyahan. Ang makita ang anak at asawa na masayang-masaya ay hindi kailanman matutumbasan ng anumang halaga.
"Daddy, Daddy, sabi po ni Mommy, nasa ibang bansa ka raw lagi po. Maganda po ba doon?" tanong ng bibong-bibong si Jesrelle.
Tinanggal muna niya ng tissue ang spaghetti sauce sa labi ng anak. "Hindi maganda roon, anak." Malungkot na tumingin ang ama kay Rochelle.
"Hindi ka na po babalik doon?"
Umiling lang si Jess at pinilit na ngumiti.
"Yehey! Hindi na babalik si Daddy sa abroad!" Nagtaas pa ng mga kamay ng bata habang sinasabi ang mga ito. Pinagtinginan tuloy sila ng ibang kumakain doon.
"Sige na, Jesrelle, tapusin mo ang kinakain mo," malambing na utos ng ina upang tumigil na ang anak.
Lalo namang naragdagan ang paniniwala ni Jess na unti-unti na niyang mabubuo ang kanyang nawasak na pamilya. Alam niyang lubusan na siyang napatawad ni Rochelle. Kaunting panahon na lamang ay maghihilom na ang sugat sa puso ng kanyang asawa.
Paglabas nila sa fast food chain, isang matandang lalaking pulubi ang sumalubong at naglahad ng palad sa kanila. Kapansin-pansin ang karatulang nakasabit sa kanyang leeg. Anito'y "Malapit na ang pagdating Niyang muli. Magbigay ka na sa pulubi." Agad namang dumukot ng singkuwenta si Rochelle sa kanyang wallet at ibinigay sa pulubi.
"Salamat po!" anang pulubi at kagyat namang lumayo.
"Jess, nabasa mo ba ang placard sa leeg ng pulubi kanina?" tanong ni Rochelle sa nagmamanehong asawa.
"Oo. Nakakapanghilakbot nga, e."
"Huh? Bakit? Hindi naman dapat katakutan ang second coming, a."
Hindi na kumibo si Jess. Alam niyang mapapalayo na naman ang usapan nila, gaya ng mga dati. Nag-concentrate na lamang siya sa pagmamaneho, hanggang sa makauwi sila.
"Jesrelle, brush your teeth now. Then, go to your room and sleep," utos ni Rochelle, saka sumalampak sa sofa.
Hindi tumalima ang anak. Hindi yata nito narinig dahil abala ito sa paglalaro ng laruan na galing sa fast food chain. Si Jess ay mabilis na nagpakaama. "Come, Jes. Samahan kita." Sumama naman agad ang anak. Nagpakarga pa.
Pagbalik ng mag-ama sa sala, humihilik na si Rochelle. "Wait lang, Jes," ani Jess sa anak. Kinuha niya ang remote control ng telebisyon.
Hindi agad napatay ni Jess ang tv. "Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao... Ang himala ay nasa puso nating lahat!" Iyan ang eksenang naka-play sa tv. Matagal na niyang naririnig ang sikat na linyang iyon, pero ngayon niya lamang napanuod.
Nang matapos ang eksenang iyon, saka lamang pinatay ni Jess ang telebisyon at iniakyat si Jesrelle. Tinabihan niya ang anak sa pagtulog. Muli, naramdaman niya ang ligayang hindi nabibili saanman. Naisip niya ang linyang iyon ni Nora Aunor sa pelikula. Aniya, tama siya, walang himala. Hindi himala ang nangyari sa buhay niya at buhay nilang mag-anak. Kagustuhan niya iyon. . Kagustuhan ng puso niya na ipagpalit ang asawa. Mas pinili niya ang likong daan, kaya kabiguan ang kanyang kinasadlakan. Ngayon, ang puso niya ang muling gagamitin upang buuin ang kanyang winasak na tahanan. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil hindi pa huli ang lahat.
Madilim nang maalimpungatan si Jess dahil sa cellphone ring.
"Hello, Ram?" mahinang sagot ni Jess sa tumawag.
"Sa'n ka? Tuloy ba tayo mamaya? Matagal na nating plano 'yun..." sabi ng nasa kabilang linya.
"Kayo na lang... Hindi na ako puwede."
Malakas na tawa ang narinig ni Jess. Inilayo niya nga ang cellphone sa kanyang tainga. "Putang ina! Mukha yatang tinamaan ka ng himala!" Tumawa na naman ang kaibigan ni Jess. "Kailan pa, p're?"
Sarkastiko ang dating niyon kay Jess, pero sanay na siya kay Ram. Isa pa, kailangan niyang magpakatatag, kung nais niya ng mabuting pagbabago sa buhay nilang mag-anak. Ngayon pa ba siya magpapadala sa sutsot ng demonyo? "Walang himala, pare. Change has come.Ito na ang tamang panahon."
Lalong pumulanghit ng tawa si Ram. "Puta! Ang sarap mong murahin! Drama mo, gago! Sige na, sumama ka na. may ipapakilala ako sa'yo. Hanep, p're ang katawan!"
Si Jess naman ang natawa. "Pass ako, p're. Unahin ko muna ang mag-ina ko. It's been five years since inabandona ko ang sarili kong pamilya. It's time siguro na ayusin ko na ang buhay ko, Ram, pare... pasensiya na."
Tatlong segundong natahimik ang magkabilang linya.
"A, sige, p're. Notify mo lang ako kung kailan."
Malungkot na masayang ibinaba ni Jess ang kanyang cellphone, pagkuwa'y tiningnan niya ang nahihimbing na anak. Maingat niyang hinawi ang buhok ni Jesrelle na tumatabon sa mga mata nito. "I love you, anak. Sorry sa nagawa ko sa inyo ni Mommy. Babawi ako sa inyo. Pangako ko." bulong niya.
Sa ikalawang linggo ng kanilang muling pagsama-sama, sinikap ni Jess na maging mabuting kabiyak at ama sa kanyang ina. Umuwi siya nang maaga mula sa kanyang trabaho. Nagluluto siya ng pagkain. Hinaharap rin niya ang anak sa mga paggawa ng mga takdang aralin at proyekto sa paaralan. Sinisigurado niyang masaya ang kanyang asawa at anak bago matulog.
Sa opisina, nilayuan niya ang mga negatibong bagay na makakasira sa kanyang pangarap na matatag na pamilya. Si Luna, na matagal nang nahuhumaling sa kanya ay iniwasan niya. Ipinakikita rin niya sa mga kaopisina na naiinis siya, kapag tinutukso silang dalawa.
"Sir, pinatatanong po ni Mam Luna, kung puwede siyang makisabay sa'yo pag-uwi mamaya," tanong ng janitress kay Jess.
Mabilis munang sinulyapan ni Jess ang bank teller. Nagkasalubong ang tingin nila. Nakita pa niyang inililis nito ang palda upang ipakita ang kanyang mapuputing hita. "Hindi."
"Opo, Sir!"
Hindi na sinundan ng tingin ni Jess ang janitress, kaya hindi na niya alam ang sumunod na nangyari, ngunit batid niyang nagpupuyos na naman ang damdamin ni Luna.
Nakorner ni Luna si Jess, bago nag-uwian. "Hello, lover boy!" Animo'y GRO na umupo siya sa mesa ng kanyang manager. Inililis niya ang kanyang palda. "Can I have a ride with you tonight?"
"Wala ka na ba talagang respeto sa sarili mo, ha, Luna?" Mataas ang tono niya. Sapat iyon upang mapansin sila ng mga kaopisina.
"Respeto? Hindi ba't hindi mo rin iyon alam?" Tumayo na si Luna. Lumayo nang kaunti, saka muling hinarap si Jess. "Shut your mouth, Honey... Masyado ka namang seryoso. Bakit, may himala bang nangyari sa'yo?"
Hindi nakasagot si Jess, nang marinig ang himala. Ayaw niyang pag-usapan ang salitang iyon. Pagmamahal sa pamilya ang ugat ng kanyang pagbabago.
"Or should I say..." patuloy ni Luna, "may sakit ka na." Nakalapit na siya kay Jess. "Nakakahawa ba? You're so pathetic. My gosh!" pabulong nitong tanong, bago paseksing lumayo sa boss.
Nakita ni Jess ang mga reaksiyon ng mga kaopisina niya. Alam niyang nagtatawanan ang mga puso niyon. Ayaw lamang ipakita sa kanya. Alam niyang naging tampulan siya noon ng usapan. Hindi lingid sa kanila ang buhay niya. Subalit, wala siyang magagawa.
"Hello, Daddy!" masayang salubong ni Jesrelle sa ama.
"Hello, jesrelle. How's your school?" anang ama, pagkatapos pupugin ng halik ang anak.
"Okay lang po, Dad. Kanina ko lang po nasabi kay Teacher na umuwi na po kayo at ayaw niyo na po sa ibang bansa."
Natawa na lamang si Jess.Nagkatinginan silang mag-asawa.
"Hindi na tayo iiwan ng Daddy mo. Di ba, Daddy?" makahulugang tanong ni Rochelle.
"O, yes. Hinding-hindi na tayo magkakahiwalay." Kinarga na ni Jess ang anak paakyat.
Mabilis na nalampasan ni Jess ang pagkailang kay Rochelle. Nanumbalik na ang dati nilang malambing na pagtrato sa isa't isa. Nasasabi na ni Jess sa asawa ang mga salitang 'I love you', bago matulog o kahit bago siya umalis sa bahay.
"Thank you, Chelle..." pabulong na sambit ni Jess sa asawa.
"For what?"
"For the forgiveness," pakli ni Jess. Binalot niya si Rochelle sa kanyang mga braso.
"It's easy to forgive, but it's hard to forget."
"Huwag kang mag-alala... Minsan na akong nalunod sa kasalanan at alam kung inilubog lamang ako niyon. Ngayong nakaahon na ako, hindi-hindi ko na hahayaang gumuho ang tahanan natin..."
"Salamat naman kung ganu'n, Jess. Matagal kong inasam ang sandaling ito... Matagal nang kong hiningi sa Diyos ang himala, na sana ay matauhan ka. Hindi nga Niya ako binigo... Thank you, Lord!"
Mas mahigpit na niyakap ni Jess ang asawa. Matagal nilang dinama ang pag-ibig nila sa isa't isa.
Maya-maya, narinig nila ang kulog.—sunod-sunod na kulog at manaka-nakang pagkidlat. Lumiliwanag ang kuwarto nila.
"Jess, puntahan ko lang si Jesrelle. Baka matakot sa kulog at kidlat kapag nagising," ani Rochelle. "Matulog ka na. Okay lang ako. Kapag nakatulog ako sa kuwarto ni Jesrelle, huwag mo na akong gisingin."
"Sige."
"May low pressure kasi, sabi sa balita..."
"A, kaya pala... Good night! I love you!"
"Good night and I love you!"
Pag-alis ng asawa, hindi na dinalaw ng antok si Jess. Inalala na lamang niya ang magagandang nangyari nitong mga huling araw. Masaya siya sa lubusang pagkaayos ng tahanan nila.
Bumagsak ang malakas na ulan. May hangin pa itong kasama.
Bumangon si Jess. Sumilip sa bintana. Naisip niyang walang bagyo ang sisira sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya.
Pinagmasdan niya ang paligid. Masasabi niyang malakas ang hangin dahil ang puno na nasa tapat ng bintana ng kuwarto ni Jesrelle ay waring iwinawasiwas. Bigla tuloy siyang natakot para sa kanyang mag-ina. Kaya, nagdesisyon siyang puntahan ang mag-ina. Pero, bago siya nakapihit palikod, gumuhit ang liwanag mula sa kalawakan patungo sa punong kanyang tinanaw kani-kanina lamang. "O, God, please don't!" sigaw ni niya. Gayunpaman, tumama ang kidlat sa malaking sanga. Alam niyang babagsak iyon sa sliding window. Bugso ng damdamin ang tumulak sa kanya na puntahan ang kabilang kuwarto.
Nakahinga siya nang maluwag pagpasok niya. Mahimbing pa rin ang anak niya. Nakatulog na rin ang asawa. Lumapit siya sa bintana at sinuri ang lagay ng sanga ng puno, na tinamaan ng kidlat.
"Rochelle, bangon! Dali!" tarantang sigaw ni Jess. Nakita niyang unti-unting yumuyuko ang malaking sanga na nasugatan ng kidlat. "Rochelle, ilabas mo si Jesrelle. Dali!"
"Bakit?" Gulantang man, ginising niya ang anak.
"Ang sanga, babagsak dito!".
Mabilis na nabuhat ni Rochelle si Jesrelle. "Jess, umalis ka na diyan!" sigaw naman niya nang sila'y nakalabas na sa kuwarto.
Napako ang tingin ni Jess sa sanga. Tila nais niyang protektahan ang salamin ng bintana Kitang-kita naman ni Rochelle ang mabilis na pagyuko niyon, na maaaring ikasugat ng asawa.
Isang pang kidlat ang bumaba. Lumiwanag ang paligid. Tanaw na tanaw ni Rochelle ang tuluyang pagkakapigtas ng sanga at tatama iyon sa bintana.
"Jess!"
"Stop!" tanging nasambit ni Jess, bago niya nagawang iharang ang kanyang braso sa kanyang ulo.
Ilang segundo ang lumipas, natauhan si Jess. Nanlaki naman ang mga mata ng asawa sa nakita. "Oh, my God, Jess! Thanks, God!"
Hindi na nakatulog ang mag-asawa dahil sa pangyayaring iyon. Samantalang ang kanilang anak ay walang kaalam-alam. Hindi naniniwala si Jess na may kakayahan siyang pigilan ang paggalaw ng mga bagay na gaya ng paniniwala ni Rochelle. Aniya'y nagkataon lamang.
"Kitang-kita ko, Jess. Kitang-kita ko ang biglang pagtigil ng sanga sa pagtama sa salamin nang sabihin mong stop," giit ni Rochelle.
"Matulog na nga tayo. Kung ano-ano ang iniisip mo. Hindi naman ako Diyos para gawin iyon. Nagkataon lang."
"It's up to you... Basta ako..." Natigil ang pagsasalita ni Rochelle dahil dumampi na ang mga labi ni Jess sa pisngi niya.
"Good mornight!"
Nagkatawanan na lang sila.
"Papasok ka pa rin ba bukas?"
"Oo. May bagyo, sa wala, may pasok kami."
"E, paano ang mga naputol na sanga? Maghanap na lang siguro ako bukas ng magliligpit at mag-aayos..."
Hindi kumibo si Jess. Natahimik na rin si Rochelle. Ang hangin at ulan ay huminto na.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment