Followers

Wednesday, January 24, 2018

Ang Alamat ng Parang 3: Si Linda Linta


Kabanata 3: Si Linda Linta
Natagpuan ni Linda Linta sa lubluban ni Calla Kalabaw ang kaniyang dalawang kapatid.
"Mga kapatid, bakit malungkot kayo?" tanong ni Linda Linta sa dalawang nakababatang kapatid.
"Ate, gutom na kami," sabi ng babaeng linta.
"Oo, Ate, sabi nina Nanay at Tatay, patay na raw si Calla Kalabaw. Paano na tayo ngayon?" tanong naman ng isa.
"Nasaan ba sila?" tanong ni Linda Linta.
"Umalis sila. May mga tao raw pong naghahanap sa atin." Hindi naitago ng pangalawang linta ang kaniyang takot. Pinilit niyang paliitin ang sarili.
"Ha? Bakit daw?" Kalmado pa rin si Linda Linta.
"Tayo raw kasi ang gamot sa mga karamdaman nila. Ipasisipsip daw nila ang maruming dugo nila para mawala ang kanilang sakit," paliwanag ng bunsong lalaki. "Kaya, nandoon sila. Baka sakali raw na maibsan ang uhaw nila sa dugo." Nalulungkot pa rin siya.
Inakbayan ni Linda Linta ang mga kapatid. "Huwag kayong mag-alala. Makabubuti para sa kanila ang kanilang ginawa."
Naramdaman ng pangalawang kapatid ang pumipintog na tiyan ni Linda Linta. "Mabuti ka pa, Ate, busog na. Kami, uhaw at gutom na."
"Halikayo." Niyakag ni Linda Linta ang mga kapatid. Umahon sila sa lubluban. "Kailangang makita tayo ng mga tao. Balita ko, masarap din daw ang dugo nila. Gusto niyo rin bang matikman?"
Namilog ang mga mata ng bunso. "Ako, Ate, gusto ko! Paano?"
Natawa si Linda Linta. Napilitan rin siyang ngumiti. "Ganito..." Isa-isang binulungan ni Linda Linta ang kanyang mga kapatid.
"Sige, Ate, salamat sa payo mo!" masayang wika ng bunso.
"Ikaw, Ate, saan ka?" tanong naman ng pangalawa.
"Babalik ako sa lubluban. Magpapahinga muna. Mabigat na ang tiyan ko. Hindi ko na kayo masasamahan," paliwanag ni Linda Linta habang hinihimas-himas ang tiyan.
"Okay lang, Ate. Kapag busog na kami, babalik kami rito," sabi ng pangalawa.
"Hala, sige. Alis na kayo. Enjoy kayo sa pagsipsip! Kita-kits!" masayang paalam ni Linda Linta.
Sa sobrang kabusugan ni Linda Linta, hindi na niya nakayanan ang antok. Isang mahimbing na pagtulog ang nangyari. Hindi na nga niya namalayang may dumaang tatlong tao. Ang isa ay may hawak na garapon. Ang isa, patpat ang hawak. Magnifying glass naman ang dala-dala ng isa pa.
"Linda Linta, Linda Linta!" malakas na sigaw ng inang linta, habang kinakalampag ang garapong may malapot na tubig. "Ama, ang anak natin, hindi tayo marinig. Nanganganib din ang buhay niya."
Tahimik na pinagmasdan ng amang linta ang natutulog na anak. "Ligtas na siya, Ina," kalmadong sabi ng ama nang makalayo na ang mga tao sa lubluban.
Nagulat si Linda Linta sa tawanan ng mga tao, ngunit hindi niya iyon pinansin. Muli siyang natulog.
Mahaba-haba rin ang pagkahimbing ni Linda Linta bago niya naisipang umahon sa lubluban at hanapin ang pamilya. Palubog na noon ang araw.
Sa kaniyang dinaraanan, nakita niya ang bulong-bulungan ng mga insekto. Hindi niya na lamang iyon pinansin. Matagal na niyang alam na kinaiinggitan siya ng mga ito. Simula kasi nang mapalapit siya kay Calla Kalabaw, kung ano-ano na inisip nila sa kaniya. Pero, sa lahat ng mga narinig niyang puna, pasaring, at payo, ang kay Jack Tagak ang nagustuhan niya.
"Lumayo ka kay Calla Kalabaw. Huwag mo siyang gamitin para mabuhay ka. Maraming paraan para malamnan mo ang iyong sikmura. Hindi mo ba nakikita at nararamdaman ang mga mapanuring mata ng mga kahayupan at mga kainsektuhan dito sa parang?" litanya ni Jack Tagak noong minsang nagkita sila.
"Hindi ko alam na naiinggit sila sa akin," nakataas ang kilay na sagot ni Linda Linta.
"Hindi ka nila kinaiinggitan. Kinaiinisan ka nila't kinakaawaan."
Kumurbang muli ang mga kilay ni Linda Linta.
"Iyan ang dapat mong alamin. Pakiramdaman mo sila. Makisama ka sa lahat, hindi lang sa iisa. Kapag kay Calla Kalabaw ka lang kumakapit, wala nang ibang magtatanggol sa 'yo kapag nawala siya."
Hindi man niya pinahalagahan ang sinabi ng tagak, subalit naging malaki ang kurot niyon sa puso niya.
Nagpatuloy sa paggapang si Linda Linta. Medyo mabilis na siya dahil nabawasan na ang enerhiya niya sa layo ng kaniyang narating.
Halos lumiit na ang tiyan ni Linda Linta nang matanaw niya mga batang tila may hinanap.
Bago pa nakita at narinig ni Linda Linta ang sigaw ng kaniyang kapatid, na nakatusok sa pinatulis na patpat, gumapang siya sa posibleng dadaanan ng dalawang batang lalaki. Nais niyang makapunta sa taong may sakit upang makatikim siya ng dugo ng tao.
"Carlo, ang laking linta, o!" bulalas ng maitim na bata.
Agad na natuwa si Linda Linta. Uminat-inat pa siya para lalong matuwa ang mga bata.
"Oo nga! Sige na, hulihin mo na," utos ng batang mataba.
Pumikit pa si Linda Linta upang namnamin ang unti-unti niyang pag-angat mula sa lupa. Alam niyang napakasarap sa pakiramdam ang nakaangat at tinitingala.
"Huwag!" magkapanabayang sigaw ng mga kapatid ni LindaLinta.
"Ate, Ate, lumayo ka na!" sigaw pa ng bunso.
Pagdilat ni Linda Linta, naramdaman niyang parang mahahati ang katawan niya. "Mga kapatid ko, ano'ng nangyari?" tanong niya. Halos magkakadikit na sila. Kagaya niya, tinusok din ang dalawa. Hindi makapagsalita ang magkapatid dahil puspos na sila ng luha.
Kumawag-kawag si Linda Linta, subalit walang nangyari. Pinilit niyang pakawalan ang dalawang kapatid, pero balewala.
"Ano ang mangyayari sa atin, Ate?" mangiyak-ngiyak na tanong ng bunso.
"Kasalanan mo ang lahat, Ate! Kung hindi mo sinabing makabubuti sa amin ang pagsipsip ng dugo ng tao, hindi sana kami mahuhuli!" bulyaw ng pangalawa.

"Patawad, mga kapatid... Hindi ko alam." Lumuha na si Linda Linta.
Tuwang-tuwang pinagmasdan ni Chrys Ahas ang mga kaibigan habang papalayo at habang namimilipit sa sakit ng pagkakatusok sa kanilang katawan. "Ako pa rin ang reyna ng parang!" hiyaw niya.
Halos lumawlaw ang mga dila ng magkakapatid sa pagpupumilit nilang makaalpas. Nang mapagod, niyakap na lang nila ang isa't isa.
Ilang minuto pa ang lumipas, nagtawanan ang mga bata habang pinakakawalan ang magkakapatid sa lupa.
"Gapang, mga kapatid!" utos ni Linda Linta.
Subalit bago sila nakalayo, ibinuhos sa kanila ang likidong mabango ngunit masakit naman sa mata. Kaya, lalo silang namilipit sa sakit. Sobrang hapdi.
Nagtawanan pa ang mga bata.
"Mga kapatid ko, lumaban kayo! Lumaban kayo!" ani LindaLinta. Subalit, nakita niyang sumuko na ang mga kapatid niya, habang unti-unting lumalabo ang kanyang panIngin.
Bago, tuluyang mangitim ang paligid, narinig niya ang isang bata. "Ang galing! Sumayaw pa ang pinakamalaking linta!"

mali

Huwag mong ipaglaban ang mali,
bagkus itama at linisan ang budhi.

Saturday, January 20, 2018

ID Holder

ID Holder

Estudyante: Miss, may ID holder po ba kayo?
Tindera: Meron. Ito, trenta. Ito naman, eighteen lang.
Estudyante: Ano po ang kaibahan nila?
Tindera: Double ang isa. Single ang isa. Ano?
Estudyante: Single na lang. Sanay naman akong mag-isa.
Tindera: ]:

Thursday, January 18, 2018

Ang Alamat ng Parang 1: Si Calla Kalabaw


Kabanata 1: Si Calla Kalabaw

Sa isang malawak na parang, tanging unga lamang ni Calla Kalabaw ang kinatatakutan. Sa tuwing umuunga at naglalakad siya, nagsisitago ang maliliit na hayop at mga insekto.
Isang araw, galing si Calla Kalabaw sa ilog, pagkatapos sumabsab ng damo. Gusto na niyang magpahinga. "Ungaaa!" mahabang sigaw niya habang binabagtas niya ang malilim na puno sa gitna ng parang.
Gaya ng dati, nagpulasan ang mga insekto, nagtakbuhan ang mga hayop, at nagliparan ang mga ibon.
Tawa siya nang tawa sa kaniyang nakikita. "Habang ako ang reyna ng parang, susundin at katatakutan ninyo ako," bulong niya bago nahiga sa ilalim ng puno.
Nang makatulog si Calla Kalabaw, nagbulong-bulungan ang mga insekto. Kinaiinisan nila ang pagiging palautos, tamad, at masamang ugali ni Calla Kalabaw.
"Jack Tagak, suplada si Calla Kalabaw, 'no? Hindi namamansin. Akala mo kung sino," nakangiwing sumbong ni Daniel Daga."
"Oo nga! Pero, sa akin, hindi siya makaastang ganiyan. Tutukain ko siya!" pagalit na biro ni Jack Tagak. Nagtawanan na lang ang mga hayop.
Samantala, matamang nakikinig sa kanila si Gela Langaw. Naisip niyang kaibiganin si Calla Kalabaw. Nais niyang maranasan maging kaibigan ang itinuturing na reyna ng parang. Patutunayan niyang nagkakamali sila sa akala kay Calla Kalabaw. Sa tingin niya, makakasundo niya ito.
Lumipad siya sa kinaroroonan ni Calla Kalabaw. Inikot-ikutan niya ito upang magising. Subalit, ni hindi niya ito natinag.
Mayamaya, natanaw ni Gela Langaw ang maliit na sugat sa likod ni Calla Kalabaw. Dumapo siya roon at agad na kinagat upang mapansin siya nito.
"Aray!" sigaw si Gela Langaw. Nahampas kasi siya ng buntot ni Calla Kalabaw.
Sa halip na matakot, inulit pa niya ang pagkagat sa sugat, pero naging mas maingat siya. Isang hampas uli ang ginawa ni Calla Kalabaw, ngunit agad na nakaiwas si Gela Langaw.
Sa ikatlong beses, dumilat na si Calla Kalabaw. Nakita agad niya si Gela Langaw, na nasa sa may ilong niya.
"Magandang tanghali, Calla Kalabaw!" masayang bati ni Gela Langaw.
"Umalis ka sa ilong ko! Nakikiliti ako," galit na umiling-iling si Calla Kalabaw upang umalis si Gela Langaw sa kaniyang ilong.
Lumipat si Gela Langaw sa sungay ni Calla Kalabaw. "Alam mo ba, Calla Kalabaw? Sabi nila, masungit ka raw. Masama raw ang ugali mo. Hindi ako naniniwala sa kanila."
"Kaya ka ba nangungulit?" Tumayo na si Calla Kalabaw.
"Oo. Naniniwala akong mabuti kang kaibigan." Lumipad si Gela Langaw. Dumaan siya sa mga mata ni Calla Kalabaw bago dumapo sa likod nito. Hindi siya makapaniwalang nakatuntong na siya roon nang hindi natatakot na mahampas ng buntot. Para siyang nasa langit.
"Hindi ka ba natatakot sa akin, gaya ng iba?" Tiningnan ni Calla Kalabaw si Gela Langaw, bago niya binugaw ng kaniyang buntot.
Bahagyang nagulat si Gela Langaw sa ginawa ni Calla Kalabaw. "H-hindi! Hindi ako natatakot sa 'yo kasi wala namang akong ginagawang masama sa 'yo. Ang totoo nga n'yan... " Lumipat siya sa sungay. "...kaya kong gawin anuman ang iyong ipagawa. Basta hayaan mo lang akong nakaapak sa likod mo."
"Talaga? Gagawin mo ang lahat para sa akin?"
"Oo! Sasabihin ko pa sa 'yo ang mga tsismis na ibinabato sa 'yo ng mga hayop at insekto."
Tumango-tango si Calla Kalabaw habang nag-iisip at nakatingin sa malayo.
Ilang sandali ang lumipas, nagsalita na si Calla Kalabaw. "Sige, sabihin mo sa akin kung sino-sino ang kumakalaban sa akin."
Kagyat na lumipad si Gela Langaw patungo sa tainga ni Calla Kalabaw. Binulungan niya ito.
Nang matapos si Gela Langaw sa pagbulong, animo'y nagbuga ng usok ang ilong ni Calla Kalabaw. "Sige, mamaya lang, pupuntahan ko sila isa-isa sa kanilang lungga."
Tuwang-tuwang dumapo si Gela Langaw sa likod ni Calla Kalabaw. "Natupad ko na ang pangarap ko. I'm on the top the world! Yahooo!" tahimik niyang pagbubunyi. "Tama ako! Uto-uto si Kalabaw. Kailangang makita ako ng mga kasamahan ko. Darating ang panahon, titingalain na nila ako. Hindi na nila ako masasaktan." Tumawa pa siya habang lumilipad palayo.
Hinanap ni Gela Langaw ang kaniyang mga kasamahan upang ibalita ang kaniyang tagumpay. Gusto niyang ipakitang hindi na siya natatakot umapak sa likod ni Calla Kalabaw.
Pagbalik niya, kasama na niya ang kaniyang kapwa-langaw. Pero, hindi agad sila nakalapit dahil kausap ni Calla Kalabaw si Linda Linta. Pinaurong niya ang mga kasama at nagtago siya sa likod ng damo.
"Sa ibang lugar, hinuhuli kami ng mga tao upang manggamot. Kaya maniwala ka, kaya kong gamutin ang sugat mo," sabi ni Linda Linta. Gusto na niyang umakyat kay Calla Kalabaw.
"Teka!" Napaurong si Calla Kalabaw. "Naninipsip ka ng dugo? Paano ako maniniwala sa 'yo?"
"Subukan mo muna para malaman mo. Kapag hindi mo nagustuhan, hampasin mo ako ng buntot mo at apakan mo ako hanggang sa madurog ako."
Saglit na napaisip si Calla Kalabaw. Tiningnan niya rin si Linda Linta. "Sige, subukan ko." Humiga siya at hinayaang gumapang si Linda Linta.
Mayamaya pa, isang nakagiginhawang pakiramdam ang muling nagpaantok sa kanya.
Napangisi si Linta sa nakita niya.
"Hindi ba't tama ako?" sabi ni Linta, na agad na tumaba ang katawan.
"Oo! Ang sarap nga!" Halos mapapikit siya sa sarap at antok.
Kahit inis na inis si Gela Langaw sa kaniyang nakita, nakaisip siya ng ideya. Kaya, palihim niyang sinundan si Linda Linta.
Walang nakakita kay Gela Langaw nang makauwi si Linda Linta. Kitang-kita at dinig na dinig naman niya ang usapan ng magpapamilya.
Agad na nagdesisyong bumalik sa kinaroroonan ni Gela Langaw.
"Kailangang malaman ni Calla Kalabaw ang baho ni Linda Linta," bulong ni Gela Langaw habang siya ay mabilis na lumilipad.
Sa kaitaasan, tanaw niya rin sina Chayong Tipaklong at Amparo Paruparo na nakatulay sa bulaklak at damo.
Nahulaan agad niyang may pinag-uusapan ang dalawa, kaya bumalik siya at palihim siyang nagtago sa ilalim.
"Hmm, may isusumbong uli ako kay Calla Kalabaw. Matutuwa na siya akin," sabi ni Gela Langaw sa sarili habang palihim na lumayo sa dalawa.
"Calla Kalabaw, Calla Kalabaw!" maingay na tawag ni Gela Langaw sa sumasabsab na kalabaw.
"Bakit? May balita ka?"
"Opo!" Agad na tumuntong si Gela Langaw sa likod ni Calla Kalabaw. Nawala ang pagod niya dahil naroon siya sa tugatog ng tinitingalang hayop sa parang.
Napahinto si Calla Kalabaw sa pagngasab. Napangisi siya. "Ano ang ibabalita mo, Gela Langaw?"
"Sabi ni Chayong Tipaklong, inuubos mo raw ang damo sa parang. Wala na siyang makain. Ang siba mo raw," kuwento ni Gela Langaw.
Tumaas lang ang kilay ni Calla Kalabaw. "Ano pa?"
"Sabi naman ni Amparo Paruparo, wala ka raw silbi sa parang na ito. Puro ka kabig. Hindi ka naman ang nagpaparami ng puno at halaman," mabilis na sagot ni Gela Langaw.
Natawa lang si Calla Kalabaw. "Iyon lang?"
"Meron pa. Ito ang matindi." Lumipat si Gela Langaw sa may sungay ni Calla Kalabaw.
"Ano?" Napalunok si Calla Kalabaw. Ang totoo, nasasaktan na siya. Ayaw niya lang ipahalata kay Gela Langaw.
"Uto-uto ka raw. Hindi ka naman daw bagay maging reyna dahil naiisahan ka."
"A, ganoon ba? Okay!" Hindi niya pinaniwalaan ang tungkol kay Linda Linta. Inisip niyang naiinggit at nagseselos lang si Langaw.
Lumipat si Gela Langaw sa likod ni Calla Kalabaw, na sumabsab namang muli ng damo.
Natahimik silang pareho. Matagal.
"Utusan kita, Gela Langaw. Ihanap mo naman ako ng gamot sa sugat ko," ani Calla Kalabaw.
"Parang walang narinig na lumipad palayo si Gela Langaw. Masamang-masama ang loob niya.
Nalungkot naman si Calla Kalabaw nang hindi na marinig si Gela Langaw. "Tama sila. Tama sila," bulong niya. Pagkatapos, tiningnan niya ang kaniyang sugat. "Kailangang gumaling ito. Hindi nila dapat makitang nasusugatan ako at nasasaktan. Kailangan ko sina Linda Linta at Gela Langaw. Mag-away na sila, kung mag-away. Basta ako, makukuha ko ang gusto ko." Pagkatapos, isang malakas na unga ang pinakawalan niya. Inilibot niya ang paningin sa parang.
Walang ingay. Walang hayop o insektong natinag at natakot. Walang nagtago. Walang nagulat. Walang lumipad. Walang tumakbo.
Napahiga si Calla Kalabaw. Natatakot siya, na baka isang araw ay wala nang nagigimbal at rumespeto sa kaniya.
Tumulo ang mga luha niya.
Sa ‘di-kalayuan, tanaw ni Bella Palaka ang pagluha ni Calla Kalabaw. Para sa kaniya, isang kakaibang pangitain iyon.

Friday, January 12, 2018

Kay Sarap Maging Bata

Kay Sarap Maging Bata

Kay gandang pakinggan ng kanilang tawa!
Sa simpleng bagay sila ay mapapasaya,
Kahit barya sa kanila ay kay laking halaga,
Kahit ang mga kuting lang ang kalaro nila,
Kahit dungis at pawis, hindi alintana.
Kay sarap maging katulad nila!


Kay sarap nga talagang maging bata!
Inggit sa puso at galit sa mundo'y wala.
Hinagpis at bigat sa dibdib, wala rin sila,
Kulay at ganda ng mundo kanilang nakikita,
Pangarap nila'y katulad ng ibang bata---
matayog at punong-puno ng pag-asa.

Ang Alamat ng Parang 2: Si Gela Langaw


Kabanata 2: Si Gela Langaw
Isang araw, nagtataka si Calla Kalabaw kung bakit hindi siya dinalaw ng kaibigang langaw.
"Nakita mo ba siya, Linda Linta? tanong ni Calla Kalabaw sa kararating pa lamang na linta, na tila uhaw na uhaw sa dugo.
Hindi iyon narinig ng namumutlang linta. Agad siyang dumikit kay Calla Kalabaw at sumipsip sa may sugat niya.
Nang inulit ni Calla Kalabaw ang kaniyang tanong, saka lamang sumagot si Linda Linta.
"Hindi ko siya nakita. Wala akong pakialam sa kaniya," mataray na sagot ni Linda Linta. Medyo naibsan na ang kaniyang uhaw at namula na rin ang kaniyang balat.
"Kailangan ko pa naman siya ngayon," nanghihinayang niyang tugon, saka siya lumublob sa tubig.
Hindi niya alam na nakamasid sa malayo si Gela Langaw. Masama ang loob niya dahil nagseselos siya kay Linda Linta. Madalas kasi niyang makitang magkasama at nagtatawanan ang dalawa.
Ayaw niya kay Linda Linta dahil bukod sa matakaw ito at mataray, masyado pa siyang abusado. Lahat ng gusto niya, nakukuha niya at ibinibigay ni Calla Kalabaw.
"Simula nang dumating siya, hindi na ako ang paborito ni Calla Kalabaw. Siya at ang mga kaibigan na lang ni Linda Linta ang isinasama niya sa kaniyang lakad. Isama man nila ako, para naman nila akong nilalayuan," pabulong na pagmamaktol ni Gela Langaw.
"Gela Langaw, Gela Langaw!" maingay na tawag ni Jack Tagak nang makita siyang nakadapo sa likod ng damo. 
"Ano'ng ginagawa mo riyan?"
Napabalikwas si Calla Kalabaw nang marinig ang pangalan ni Gela Langaw kay Jack Tagak.
Napilitan namang sumama si Gela Langaw kay Jack Tagak palapit kay Calla Kalabaw.
"Gela Langaw, saan ka ba nagsususuot? Halika, may iuutos ako sa 'yo," yaya ni Calla Kalabaw sa nakasimangot na si Gela Langaw.
"May pupuntahan ako, Calla Kalabaw. Kay Linda Linta mo na lang iutos." Agad na lumipad palayo si Gela Langaw, pero nakita niyang tinaasan siya ng kilay ni Linda Linta.
"Naku, ikaw na nga lang, Linda Linta, ang utusan ko," baling ni Calla Kalabaw sa lintang busog na busog na sa kaniyang dugo.
Kaagad na kumalas si Linda Linta sa sugat ni Calla Kalabaw. "Hindi ako puwede ngayon. May lakad kami ng pamilya ko. Ayan si Jack Tagak ang utusan mo. Mataas naman ang lipad niya. Mabilis siyang makakarating saan mo man siya utusan." Muling kumurba ang mga kilay niya at humaba ang nguso, saka gumapang palayo sa kaniya.
Nagtinginan lang sina Calla Kalabaw at Jack Tagak.
Nalungkot si Calla Kalabaw sa inasal ng dalawa niyang kaibigan.’
"Jack Tagak, bakit sila ganoon?" tanong ni Calla Kalabaw.
Tumawa muna si Jack Tagak bago nagsalita. "Alam mo, Call Kalabaw, si Gela Langaw, kahit maingay at may kayabangan, siya ang tunay mong maaasahan, laging nariyan para sa 'yo. Kaya lang, napansin ko, simula nang makilala mo 'yang si Linda Linta, nagbago ang trato mo sa kaniya. Ginagamit ka lang naman niyan. Sipsip siya nang sipsip."
Napatingin si Calla Kalabaw sa kaniyang mga sugat na gawa ni Linda Linta at ng kaniyang mga kamag-anak. Napansin niyang lumalaki na ang mga iyon nang husto.
"Hayon, tingnan mo! Lumayo na sa 'yo!" turo ni Jack Tagak kay Linda Linta. "Bundat na. Nakuha na niya ang gusto niya sa 'yo. O, hayan, lumaki lalo ang sugat mo. Nabawasan pa ang dugo mo."
Nalungkot lalo si Calla Kalabaw.
"Paalam na, Calla Kalabaw. Ingat ka sa mga maninipsip. Hindi ka naman talaga nila natutulungan," sigaw pa ni Jack Tagak habang lumilipad palayo.
Nag-isip si Call Kalabaw nang makalayo na si Jack Tagak.
"Tama si Jack Tagak, manggagamit lang si Linda Linta. Inuubos niya lang ang dugo ko. Palaki siya nang palaki. Dati-rati, mas malaki lang siya kay Gela Langaw, pero ngayon, kaya na niyang kainin ang kaibigan," bulong niya sa sarili. Pagkatapos, umahon siya sa ilog at tumungo sa pampang. 
"Uunga!" tawag niya kay Gela Langaw.
Tatlong malalakas at mahahaba pang pag-unga ang ginawa ni Calla Kalabaw, pero walang langaw na dumating.
Lumipas ang maghapon.
Gumabi.
Unga nang unga si Calla Kalabaw, ngunit walang dumating na langaw. Kaya, mapagod siya.
Kinabukasan, nagkasakit si Calla Kalabaw. Hinang-hina siya. Noon niya lamang napagtanto ang halaga ni Gela Langaw. Hinahanap-hanap niya ang ingay at pagpapatawa nito.
Nagtagal pa ang sakit ni Calla Kalabaw. Ininda na rin niya ang kirot ng kaniyang mga sugat. Nawalan siya ng ganang kumain ng damo, kaya tuluyan na siyang bumagsak.
Ilang araw ang lumipas, naamoy ni Gela Langaw ang masangsang na amoy. Tuwang-tuwa niyang hinanap ang kinaroroonan niyon.
"Calla Kalabaw?" gulat na gulat na dumapo si Gela Langaw sa inuuod at nilalangaw na katawan ng dati niyang kaibigan. "Dala ko na sana ang gamot para sa mga sugat mo."
Nalungkot si Gela Langaw. Sinubukan niyang paalisin ang mga uod at langaw, ngunit hindi siya pinakinggan.
"Kain na tayo, Gela Langaw," yaya ni Barack Uwak, na kararating lang.
Inisip niya ang kaniyang sarili. Gutom na gutom na siya dahil sa ilang araw na paghahanap ng gamot. Kailangan niyang kumain, kaya agad siyang nakisalo.
Nang busog na si Gela Langaw, nagpahinga siya sa damo. Nakatulog siya.
Mayamaya, naramdaman naman niyang nasa loob na siya ng madilim at madulas na kuweba.

"Kokak!" natutuwang sigaw ng palaka.

Tuesday, January 2, 2018

Ang Aking Journal -- Enero, 2018

Enero 1, 2018 Hindi sapat ang naging tulog ko, pero ayos lang. Masaya naman ang unang araw 2018. Masagana talaga! Panay ang kain namin. Tanghali pa lang, ready na ang pansit canton para kina Edward. Bibisita raw sila. Kaya lang, hindi natuloy. Mabuti na lang, natuloy ang pamangkin ni Emily na si Sasa at ang kanyang pamilya at kapatid. Hindi nasayang ang mga pagkain. Past 6:00 na sila umalis. Ipagluluto ko pa sana sila ng hapunan. Enero 2, 2017 Nagbabad ako sa higaan hanggang 9. Napuyat kasi ako kagabi dahil sa lamig. Hindi ako talaga sanay sa lamig. Sumasakit ang likod ko. Gayunpaman, masaya kong sinalubong ang ikalawang araw ng bagong taon. Masigla rin akong naghanda ng DLL at instructional materials para bukas. Nakipagkulitan rin ako sa aking mag-ina pagkatapos. After lunch, bumili ako ng shoes. Sumuko na kasi noong huling araw ng pasok ko sa school ang brown leather shoes kong nabili ko sa ukay-ukay noong Marso. Sa ukay-ukay rin sana ako bibili para makatipid, kaya lang pinayuhan ako ni Nanay Mila na huwag nang bumili roon. Mas mainam daw kapag bago. Ayos naman. Kahit mahal, nakakasiguro naman akong hindi mangangati ang paa ko. Pagdating ko, tulog ang aking mag-ina. Tumabi ako sa kanila. Nakaidlip din yata ako ng kalahating oras. Not bad na. Enero 4, 2017 Mas kumonti ang bilang ng estudyanteng pumasok kanina. Gayunpaman, nagpa-groupwork pa rin ako. Nagturo ako sa Filipino at ESP. Nagpasulat na rin ako ng article para sa school paper. Napokusan ko naman ang Tambuli habang may ginagawa sila. Nakapag-usap din kami ni Ms. Kris habang nagpre-prepare ang tatlong grupo. Doon na ako nagkape sa classroom niya. Past one, bumiyahe na ako pauwi. Hindi naman ako nakaidlip, kaya nagsulat na lang ako. Enero 5, 2017 Inspired pa rin akong magturo kahit kalahati lang ang attendance at kagit busy ako sa editing at school paper. Nagpa-group work uli ako. Gustong-gusto nila ang dula-dulaan, lalo na kapag may costumes. Nakakatuwa rin sila. Natututo sila sa kanilang performances dahil sila mismo ang nag-iisip. Nainis at nalungkot lang ako nang malaman kong may nag-plagiarize ng isang akda mula sa ESP book. Kopyang-kopya talaga. Natakot ako, kaya agad kong kinontak si Ms. Heaven na siyang nagpa-print sa publishing sa Davao. Ipinahinto niya iyon. Mabuti, hindi pa yata nasimulan. Kung nagkataon, kahiya-hiya kami, lalo na kapag may nakapansin. Hindi ko na kinausap ang batang nag-plagiarize. Ayaw kong tuksuhin siya ng mga kaklase. Gusto kong itama na lang niya ang pagkakamali niya. At, iwasan din ng iba. Sabi ko nga, "Kaya ko nga kayo tinurang magsulat para makapagsulat kayo ng orihinal, hindi para mangopya. Andaming puwedeng maging kuwento o akda. Buhay ninyo. Buhay ng pamilya ninyo. Ng nakatabi mo sa dyip. Marami. Huwag kokopyahin ang gawa ng iba. Nagtiwala ako sa lahat ng ipinasa ninyo, expecting na gawa talaga ninyo. Iyon pala, plagiarized. Hindi ba ninyo alam ang damage na dinulot nang ipahinto ko ang printing? Alam ninyong wala pa kayong inilalabas na pera..." Andami ko pang sinabi. Sana tumimo lahat sa mga utak nila. Gayunpaman, tuloy pa rin ang anthology namin. Sayang kasi ang effort ko, namin! After class, it was one, napilitan ako sumama sa SeaSide. Nagpakain ang principal dahil sa pagtulong namin sa kanyang reading project, na successful naman. Sabi kasi ni Ma'am Milo, hindi kasama. Hmp! Dumating. Katabi ko pa. Awkward. Gayunpaman, kumain pa rin ako nang kumain. Marami rin kasi akong naitulong sa kanya. Maliit na bagay lang ang pakain niya. Hindi naman ako galit sa kanya. Nagtatampo lang. Alas-3 na kami natapos. Five naman ako nakauwi. Pinasalubungan ko si Ion ng toy soldiers. Tuwang-tuwa siya. Kung nagkaroon din ako ng ganoong mga laruan noon, baka ganoon din ang naramdaman ko. Dream come true, hindi man ako ang maglalaro. Natawa rin ako nang bumili at natikman ko for the first time ang kastanyas. Kapareho lang pala ang lasa ng nilang buto ng kamansi. Next time, kamansi na lang bibilhin ko. Mura pa. Enero 6, 2018 Pagkatapos ng first period, pumunta ako sa Harrison Plaza bumili sana ng padlock at dish cabinet para sa school. Hindi ako nakabili kasi walang Yale at mahal ang dish cabinet. Sa halip, nakabili ako ng book 3 ng Moymoy Lulumboy. Nakapag-window shopping rin ako sa iba't ibang tindahan like ukay-ukay, appliance store, hardware, groceey, at bookstore. Nainggit lang ako sa mga paninda. Pagkatapos, matagal akong naghintay ng alas-4, na para naman sa panghuli kong period. Ang hirap talaga ng schedule ko! Mabilis natapos ang tatlong report. Nagmamadali lahat. Ewan ko sa kanila. Parang hinahabol ng taga. Hindi tuloy na-enjoy ang mga topic. Past 7, nakauwi na ako. Pagod na pagod at antok na antok ako. Hindi na nga ako nakapagsulat. Pero, nakapagpasa ako ng sample proofread work ko sa Paper Bling Innovation (PBI) at nai-sumbit ko uli ang edited manuscript ng anthology book namin ng mga pupils ko. Enero 7, 2018 Gumising ako nang gumising si Emily para maghanda ng kanyang almusal. May LET review uli siya. Pagkatapos, natulog uli ako. Past 8 na ako bumangon. Pagkatapos mag-almusal, paglilinis naman ang ginawa ko. Nakapagdilig din ako ng halaman at nakapagbabad ng mga damit. Saka ko hinarap ang mga gawain ko ---editing at pagsagot sa chat ng mga FB friends at GC. Hindi ako ngayon nakaidlip dahil sa ka-busy-han. Isa pa, hindi rin kasi natulog si Zillion. Binantayan ko siya. Hapon, nagdilig uli ako ng mga halaman. Inabutan ako ni Emily na nagha-hanger na ng mga nilabhan ko. Si Nanay na ang nagsaing at nagluto ng ulam, habang tinatapos kong i-edit ang "Maybe This Time" na balak kong ipasa sa Lifebooks Publishing. Enero 8, 2017 Na-late ako ng dating sa school kanina. Sinubukan ko kasing bumangon ng 4 am. Lunes pala at may Nazareno, kaya late ako. Gayunpaman, halos kumpleto ang estudyante. Ang ingay agad nila, kaya sinermunan ko agad bago ako nag-discuss. Halos mapaos naman ako dahil sa discussion sa Araling Panlipunan 6. Ako lahat ang nagsasalita. Nakakapagod talaga! Past 2:30 na ako umalis sa school. Ginawa ko pa ang school paper. Pagdating sa bahay, nagkape lang, saka ako nagdamo sa harapan ng katabing bakanteng bahay. Tatambakan kasi ng buhangin na gagamitin sa paggawa ng CR sa Miyerkules. Hindi na ako nakapaghanda ng activity para sa mga pupils ko. Ni-register ko pa kasi si Emily sa PRC LET bago ako nahiga. Enero 9, 2018 Natuwa ako sa outputs ng mga pupils ko. Lumabas ang artistic sides ng iba. Ang iba naman, barubal ang gawa. Okay lang naman. Nakita ko ang effort nila. Nasira ang mood ko nang miniting kami ni Sir Erwin, as MT namin. Ini-relay niya lang ang meeting nila kahapon. Naglabas talaga ako ng sama ng loob ko. Nakita ng principal ang maliit na bagay naming mali, na kung tutuusin, hindi naman mali. Nag-uusap lang kami sa labas ng classroom ni Ma'am Janelyn. Tapos na kaming magturo. Sasabihin niya, loafing iyon! Buwisit! Ang oras na ginugol ko sa paggawa ng annual report niya, ano ang tawag doon? Pati ang oras ko sa sarili at pamilya ko, kinain. Ang pangit sa ginawa niya, ipinadaan niya pa sa iba. Bakit hindi niya kami kinausap agad? Sana nalaman niyang overtime na nga kami sa klase namin dahil wala nang papalit, kasi nasa sports palaro. Parang hindi nag-iisip. Problem-searching, hindi problem-solving ang ginagawa niya. Hindi nakakatulong ang pagpuna niya sa katiting na bagay. Napakaraming problema sa school na dapat niyang pagtuunan ng pansin. Bago ako umuwi, ginawan ko muna si Sir Erwin ng proposal ng action research niya. Natapos ko naman agad kaya nakapag-edit pa ako ng ilang minuto bago ako umalis sa school. Six na ako dumating sa bahay. Enero 10, 2017 Masigla akong nagturo sa lahat ng section. Sa wakas, wala na akong back log. Updated na ako. Natuto ang mga estudyante ko dahil nasa mood ako. Kaya lang, after that (vacant ko), nainis ako sa mga tinuran ng principal sa feeding room. Halos ipagbawal na niya ang pagkain sa feeding room, which is pumayag siya last last day lang na puwedeng kumain basta huwag mag-utos sa bata. Ang masakit, kumakain ang tatlong teachers, nagsalita siya na parang uubusin nila ang pagkain na para sa mga panghapong estudyante. Grabe! Kahit hindi ako ang nandoon, napakabastos niyon. Walang respeto sa damdamin ng kapwa. Lalo tuloy kumulo ang dugo ni Makata O. In fact, sinimulan ko nang mag-post sa FB group namin. Kako, "HINDI KAMI PATAY-GUTOM!" Gusto kong mag-react siya. Gusto kong kausapin niya ako dahil gusto kong isa-isahin sa kanya ang mga mali niya. She's not a good leader. Past 6 na ako nakarating sa bahay. Gumawa agad ako ng instructional materials. Natuwa ako sa trabaho ng karpintero. Mabilis. Halos nalagyan na ang mga walls. Enero 11, 2017 Hindi kami nagpalitan ng klase kasi absent si Ma'am Dang. Kaya naman, may backlog na naman ako sa tatlong sections. Sa period ng Filipino 6, nagpa-activity ako. Gaya iyon ng activity namin sa "Gawa Tayo ng Bigbook." Na-enjoy nila, lalo na't na-inspired at nag-aabang sila sa kuwento ko tungkol sa aking childhood. Binitin ko lang kasi hindi na nila puwedeng malaman ang pinakatatago kong lihim. Panay rin ang kuwento ko, nang ipatawag ako ng principal. Alam ko na agad ang dahilan. Hindi nga ako nagkamali. Nakahanda ako. Kaya nga, andami-dami kong nasabi sa kanya. Nalaman niya ang dahilan ng mga hinanakit ko. Nasabi ko ang mga mali niya at pagkukulang niya. Nag-suggest ako. Sa dami nang nasabi ko at nasabi niya, na narinig nina Ma'am Rose, Ma'am Amy, at Ma'am Mj, inabot kami ng alas-12. Okay lang naman, at least, okay na kami. Nagkaunawaan na kami. I hope na sana makita at maramdaman ko ang pagbabago. Dahil gusto namin ng pagbabago, bumuo si Ms. Kris ng FB group, exclusive para sa mga teachers lang. Sinimulan ko ang pagpapaliwanag at pagpapaunawa sa kanila ng layunin niyon. Sana magtagumpay kaming pag-isahin ang mga puso namin para maging maayos ang samahan. Enero 12, 2018 Nagpa-summative test ako sa advisory class ko. At, nagturo naman ako sa tatlo pang section. Sa Filipino, nagpasulat ako ng tula. Nang vacant ko na, nakipagkuwentuhan ako kay Ms. Kris. Na-realize kong marami palang natuwa sa ginawa kong pagsupil sa kamalian ng aming pinuno. Naiparating ko ang aming mga hinaing. Kaya naman, lalo akong na-inspired na ipaglaban ang tama at hikayatin ang mga kasamahan na magkasundo-sundo sa halip na maghilahan pababa. Pero, bago ang mga ito, kinausap ko muna si Ma'am Irika tungkol sa maling ginawa niya noong pasahan ng report sa pinagagawang annual report ng aming immediate superior. Natuhan siya sa kanyang mali. Pinayuhan ko rin siyang maging sensitive at sumunod at makinig sa iba, huwag lang sa kanyang mga ka-grade level. After class, nag-withdraw ako ng P10k para sa pandagdag sa pambili ng materyales. Tapos, bumalik ako sa school para sa bonding ng 1000 group sa aming tambayan --carwash slash resto slash spa. Kumain lang kami at nagtawanan. Tuwang-tuwa kami sa mga nangyayari. Ang grupo namin ay sadyang solido pagdating sa pagkakaibigan at prinsipyo. Seven-thirty na kami umalis doon. Two hours din kaming tumambay. Grabe! Bitin pa nga, e. Quarter to ten ako nakauwi sa bahay. Antagal kasi dumating ng bus. Traffic pa. Pero, okay lang. Safe naman akong nakarating. Thankful ako sa Diyos sa mga na-achieve ko nitong buong linggo. Enero 13, 2017 Pagkatapos ng unang period ko sa masteral, isang napakahabang paghihintay ang naganap. Tumambay ako sa may Pasay City Complex at Cuneta Astrodome. Nagsulat ako doon ng tula. Ipinagpatuloy ko rin ang akda ko tungkol sa idyomatikong linta, kalabaw, at langaw. Nakipag-debate/balagtasan pa ako sa ITW groupmates ko. Past 5, saka lang nagsimula ang huling period. One hour lang tumagal ang reporting. Dalawa na silang nag-report. Lahat ay nagmamadali nang makauwi. Mabuti naman, excited na kasi akong makita ang banyo namin. Medyo nadismaya ako sa mini-cabinet na ginawa niya. Mahina siya aa woodworks. Anyways, masaya ako dahil natupad na ang pangarap kong magkaroon ng comfort room. Naipasa ko rin sa wakas ang manuscript, na ipina-proofread sa akin ni Miyu, ang nagsali sa akin sa Paper Bling Innovation. Enero 14, 2018 Pagkatapos na pagkatapos kong magkape, naglinis kaagad ako sa sala at kusina. Andami kasing alikabok, dahil sa apat na araw na paggawa ng CR. Isinunod ko naman ang pagbabad ng mga damit. Saka ko, inayos ang mga cactus ko. Nilagay ko sa harapan ng bahay. Andami kasing tambak na gamit sa likod. Kailangan na talaga naming ipaayos ito sa susunod na magkapera. Na-feel ko naman sa unang pagkakataon ang pagligo dahil sa maganda at komportableng banyo. Kay sarap maligo! Hindi naman ako nakaidlip dahil nakipag-debate slash balagtasan ako sa ITW group. Pagkatapos, naglaba ako. Hindi rin ako nakapagpahinga pagkatapos kong magbanlaw kasi bumili ako ng angle valve, salamin, at iba pa. Kahit kulang sa tulog, ayos lang. Masaya naman akong napagmamasdan ang mga pinagpawisan ko. Enero 15, 2018 Nag-summative ako sa tatlong klase. Sa advisory class ko naman ay nagpa-groupwork ako. Hindi naman ako nakapag-Filipino dahil nakain na ang oras ko ng naunang guro. Okay lang naman dahil nagkaroon ako ng oras para interview-hin ang student-teacher ko-- si Mam Jade. Magkakasundo siguro kami kasi interested siya sa literature. Ang nakatutuwa ay nagwo-word spoken poetry siya-- isa sa mga gusto kong subukang craft. After class, umuwi agad ako. Past 3:30 ako dumating. Hindi pa nga ako nakaidlip, dumating na si Kuya Boy para i-install ang bedet. Ayos na! Pati ang salamin ay naipakabit ko na rin. Marami pang dapat ayusin like ang lock ng faucet, masilya at pintura ng hanging cabinet at ceiling. Enero 16, 2018 Kahit andaming hadlang para magpalitan ng klase at makapagturo ako sa advisory class, ginawa ko pa rin. Nagpa-groupwork ako. Tatlong beses. Sa tatlong subjects. Enjoy na enjoy ang student-teacher kong si Ms. Jade Ugay. Kahapon kasi, hindi na niya naabutan ang lesson ko. Isang nakakatarantang pangyayari ang nagpawindang sa aming Grade Six teachers. Ito ay nang mahimatay ang isa kong pupil na babae. Isinugod na lang siya sa hospital nang hindi mapamulat ni Ma'am Joann. Natawagan din ni Ma'am Dang ang lola at mama niya. Halos wala naman akong nagawa. Okay lang, at least, nagkamalay na siya after almost an hour. Naawa rin ako sa mga kaklase niya dahil nag-iyakan. Akala ko noong una, dahil lang sa awa sa kaibigan nila, mas matimbang pala ang takot na baka senyales iyon ng epekto ng Dengvaxia. Karamihan.kasi sa kanila ay naka-full dose. Kanina, bago ako bumiyahe pauwi, pumunta ako sa office ng principal. Kinausap niya ako tungkol sa school paper na pina-review at pina-evaluate ko sa kaniya. May ipinadadagdag siyang article. Kaya, kailangan ko ring matanggal. Ayaw ko na kasing magdagdag pa ng pahina para sa balitang isusulat pa lang. Pagdating ko sa bahay, agad akong nagmasilya ng hanging cabibet sa CR at naglagay ng primer paint sa ceiling. Past six ko na nagawa ang balita. Enero 17, 2018 Unang araw ng 3rd Periodic Evaluation of Learning Outcomes. Nakadalawang subjects lang kami kasi hindi agad nagbigay ng test papers. Isa pa, hindi nagpa-test si Sir Vic. Gayunpaman, kaya pa namang habulin hanggang Friday. Pumunta ako sa principal para sabihing gagawin ko na lang lathalain ang balitang gusto niyang idagdag ko tungkol sa Rotary Club of Makati Dasmarinas. Pumayag naman siya. Past 12:30 bumiyahe na ako pauwi. Almost two hours, nasa bahay na ako. Agad akong nagpintura ng bathroom ceiling at hanging cabinet. Nang matapos, sinimulan ko namang lagyan ng primer ang wall ng kuwarto ko. Nakakapagod at nakakahika ang amoy ng pintura pero kinaya ko at masaya ako sa resulta. Enero 18, 2018 Ikalawang araw ng test. Ikalawang araw na rin ng pag-eedit ko ng school paper. Dinagdagan ko kasi ng pahina. So, nagdagdag din ako ng article. Habang nagte-test naman ang pupils, nag-mentor ako kay Ma'am Jade. Tinuruan ko siya ng lesson planning. Sa Monday, magtuturo na siya. After class, nakipagkuwentuhan ako sa mga kaibigan kong Grade 1 teachers. Sabay-sabay na rin kaming umuwi. Pagdating sa bahay, umidlip muna ako. Past 4, sinimulan ko ang pagpipintura. Inubos ko lang ang laman ng isang litro. Andami ko pang kailangang pinturang puti para matapos ang dalawang kuwarto. Dumating na rin aa wakas ang book na "Liwanag at Dilim." Kung hindi pa ako magsalita ng masakit, hindi pa ipapadala. Panay pangako. Enero 19, 2018 Hindi pa rin tapos ang test. Nakakainis pa, mag-oobserve pa ang tatlong estudyante ng Arellano. Baka hindi pa ako makapaghanda ng lesson. After class, nayaya ako ni Marekoy at Sir Joel na pumunta kay Ma'am Lolit. Hindi na ako nagdalawang-isip pa. One-thirty, umalis kami sa school. Pito kaming magkakasama. Ang layo ng bahay niya kaya halos past 4 na naming nahanap ang bahay niya. Grabe ang pinagbago ni Ma'am. Hindi ko nga siya nakilala. Pero, good thing is okay na siya. Past 5:30, umalis na kami. Kumain naman muna kami sa SM Fairview, bago muling bumiyahe. Past 11:30 na ako dumating sa bahay. Enero 20, 2018 Nagbigay ng dalawang tanong si Dr. Pagulayan para sagutin namin sa papel, as prelims exam. Good for 50 points each. Ang tindi. Sa kasaysayan ng pagkuha ko MA, siya lang ang nagpa-prelims. Hindi pa naman open notes. Mabuti na lang, practical question ang isa. Ang isa naman ay nasilip ko sa notebook ko. (Nalito lang ako kay sumilip ako.) Tapos, nagpa-report pa. Inubos talaga namin ang 3 hours. Good prof, pero nakakagutom. Sa Ecija Family ako nagpunta after class. Invited nila ako for lunch. Hindi pa nakapagluto, kaya nagkape at tinapay muna ako. Doon na rin ako nagpalipas ng oras hanggang past 4. Past 6, tapos na ang klase. Kaya lang na-traffic ako. Gusto ko pa namang makauwi nang maaga para makapaghanda ng DLL at IMs para sa observation ng klase sa Lunes. Well, nagawa ko naman, pero hindi ako nakapag-download ng video ng Martial Law. Mahina ang net. Antok na rin ako. Enero 21, 2018 Past 10 na kami nakompletong 1000 group. Nagkita-kita na lang kami sa Zinnia Towers. Hinainan kaagad kami ni Papang ng brunch. Pagkatapos ng masaganang almusal at masayang kuwentuhan. Iyon na ang ikalawang beses naming bonding doon. Dahil ang purpose naman talaga namin ay gumawa ng action research at magtulungan, inupuan ko ang research ni Ms. Kris. Kahit paano ay may nagawa kami. Nakipag-brainstorming ako. Kaya lang, mahina ang net kaya hindi ako makapag-research nang maayos. Gayunpaman, na-enjoy namin ang bonding na iyon. Nabusog kami sa kulitan at tawanan. Past 8 na ako nakarating sa bahay. Agad akong naghanda ng DLL. Nag-download din ako ng pictures about Batas Militar para sa observation ko bukas. Enero 22, 2018 Hindi naman agad dumating ang observers ko from Arellano University. Past 10 na kami nakapagsimula. Okay lang din dahil naipatapos ko sa pupils ko ang checking of answer sheets at shading of bubble sheets. Nakapagturo na rin si Ma'am Jade. Na-consume nila ang mahabang oras sa group work, habang in-edit ko naman ang Tambuli. Naging smooth naman ang observation at interview ko sa tatlong babaeng AU students/soon-to-be-teachers. Nasagot at naibigay ko ang mga kailangan nilang impormasyon tungkol sa curriculum. After class, pumunta ako sa classroom ni Ms. Kris. Hindi pala siya nakapasok. Sina Ma'am Bel at Ma'am Ana ang naabutan ko roon. Nakipagkuwentuhan muna ako saglit bago umuwi. Sa bahay, nagdilig muna ako ng halaman pagkatapos magmeryenda, bago ko tinapos ang editing ng Tambuli. Pangalawang review na iyon ni Ma'am L. Enero 23, 2018 Nagpalitan na kami ng klase. Medyo nagkaproblema lang kami dahil kulang pa rin kami ng isa. Nasa sports training siya. Isang grading period na siyang wala. Okay lang naman sa akin. At least, nagagamit ko ang time niya para sa ibang makabuluhang bagay at gawain. Nag-usap-usap kami kanina tungkol sa tinuran ng admin namin. Hindi niya talaga kayang masolusyunan ang problema ng grade level namin. Tanong pa niya, "Ano'ng gagawin ko?" Haist! Napaka-laidback! Na-HB na naman tuloy ako. Mabuti na lang, dumating na ang sample ng anthology book ng VI-Topaz. Natuwa ako. Ang ganda ng loob. Iba nga lang ang book cover na ginawa. Hindi bale, ipapaayos ko pa naman. Medyo mahal nga lang ang pa-print sa kanila. Umuwi agad ako pagkatapos kong kausapin si Ma'am Bel tungkol sa loan ko sa coop. Pagdating sa bahay, umidlip ako. Past 5 na ako bumangon para gumawa ng IM's at maghanda ng activities. Nag-edit na rin ako ng book at nag-print. Nai-send ko na rin sa principal ang pdf file ng school paper. Enero 24, 2017 Mainit ang ulo ko maghapon dahil sa maiingay na klase. Hindi sila makaintindi. Na-realize kong dapat pala noon ko pa tinuruang mag-groupwork ang mga lower sections. Teacher-centered kasi ang style ko, kaya nang sila na ang gagawa at magsasalita, wasak ang klase. Natuliro sila. Gayunpaman, umaasa akong bago matapos ang school year, matututo sila sa akin, kahit hindi sila sinanay ng kanilang advisers. Past 2:30 pm, nag-meeting kaming BOD. Na-late tuloy ako nang uwi. Pero, ayos lang dahil nakabili na ako ng wifi ng Globe habang naghihintay. Enero 25, 2018 Walang palitan ng klase dahil wala ang tatlong teachers. Ayos lang sa akin. Naisakatuparan ko ang lesson ko sa advisory class ko. Nabasahan ko sila ng dalawang kuwento. After class, natanggap ko na ang loan ko sa coop. Pampagawa ko ng lababo namin. Bago ako umuwi, nakipagkuwentuhan muna ako kay Ms. Kris at kay Ma'am Bel. Sabay-sabay na kaming lumabas sa school. Past 4 na ako dumating sa bahay. Nagawa ko namang i-print ang SALN, Form 2, at test results bago mag-dinner. Hindi na ako nakakapagsulat o nakakapag-edit. Okay lang! Trabaho naman ang mas importante. Enero 26, 2018 Bago nagsimula ang Early Registration parade, nakapagturo na ako at nakapagpa-seatwork sa Filipino 6 class ko. Pagkatapos, nagpasulat ako ng balita gamit ang lesson ko (pang-angkop). After class, pauwi na sana kami nang ma-invite kaming panghapon sa talk ng USANA. Mukhang effective naman ang mga food supplements nila, kaya lang mahal. Inabutan kami ng past 3:30 sa pakikinig sa kanila. Past 5:30 naman ako nakauwi. Nagpadala pa kasi ako sa Mommy ni Epr. Nanghiram sa akin ng P2000. Noong isang araw pa nga iyon ngayon ko lang napahiram. Ako ang nagluto dahil naglaba si Nanay at wala pa si Emily. Naisingit ko rin ang paggawa ng assignment. Hindi ko nga lang nagawang mag-research para aa reports ko kasi humina ang signal ng wifi ko. Hindi ko rin tuloy nai-send ang entry ko sa Victory Publishing. Enero 27, 2018 Nakapag-almusal pa ako sa CUP canteen bago ako umakyat at pumasok sa klase ko. Matagal-tagal pa bago nagsimula ang report. Past 10, pinauwi na ang nakapagpasa ng insights. Nauna ako. Kaya naman, nakarating agad ako sa GES para sa early enrollment. May service credit ang mga pumunta. Akala ko pupunta si Ms. Kris, hindi pala. Hapon na kami nag-chat. May mas mahalagang bagay siyang inasikaso. Okay lang naman dahil nandoon si Papang. Ang saya naming lahat kanina. Nakapasok at nakakain na uli kami sa HE room. Although hindi iyon feeding, nagbibiruan kami tungkol sa pinagdaanan naming isyu. Bumisita ang aming PSDS at DS. Pinuri nga ng huli ang Tambuli. Nahuli raw kami sa contest. Next time daw, sumali na kami. Sabi ko naman, hindi pang-national ang gawa ko. Gayunpaman, tumaba ang puso ko, lalo na't narinig ng mga kaguro ko. Past 4, umuwi na kami. Past six na ako nakauwi sa bahay. Nauna pa ako kay Emily. Enero 28, 2018 Maaga akong nagising. Hindi ko talaga magawang magbabad sa higaan, lalo na't may review pa rin si Emily. Ako ang gumawa ng mga gawaing bahay. Naglinis ako sa sala, sa kuwarto ko, at sa laundry area. Nagbabad din ako ng mga damit. Past 1, umalis ako para mag-canvass ng price ng kitchen cabinet. Nang nakahanap ako, agad akong nagpagawa. Nag-down ako ng 50%. Gusto ko kasing magawa na agad ang kusina namin. Ako na rin ang nag-grocery. Hindi nga lang ako nakapamalengke ng mga wet goods. Naasar ako sa sim card slot ng cellphone ko. Hindi na makabasa ng sim. Kailangan ko nang bumili ng bago. Dagdag-gastos na naman. Enero 29, 2018 Hindi nagpalitan ng klase. Ewan ko ba! Siguro dahil may estudyanteng isinugod sa hospital. Masakit na masakit ang tiyan. Ang estudyante ko naman, hindi nakapasok dahil may lagnat. Ang isa pa, pinasundo ko sa ama dahil masakit ang ulo at nasusuka. Ang hula namin, dahil sa Dengvaxia. Gayunpaman, itinuloy ko ang pagtuturo sa advisory class ko. May group works. May written works. After class, umuwi agad ako. Past 3:50 na ako nakauwi. Hindi naman ako nakaidlip dahil nagkuwentuhan kami ni Emily. Past 5, dumating si Kuya Boy, ang karpintero namin. Nagbigay ng mga bibilhing materlayes. This week, sisimulan na niya ang lalabo at hagdan namin. Before six, nasa tile depot kami ni Emily. Namimili ng mga materyales. Gusto ko kasing pareho naming gusto ang mga gagamitin sa bahay namin. Pag-uwi namin, may dala pa kaming tuta. Nabili namin ng P50 sa pinsan ng tricycle driver na naghatid sa amin. Enero 30, 2018 Nagpalitan na kami ng klase kahit may Values Formation mula sa Bethany. Pinag-groupwork ko ang Emerald. Ang Aquamarine naman ay tinuruan ko, kaya lang itinigil ko bago natapos ang lecture dahil may nga nagpasaway. Nagsesermon na lang ako. Nakakatawa lang dahil namalayan ko ang sarili kong nagtuturo uli ako kahit sinabi ko nang hindi ko na sila tuturuan. Nanermon din ako sa advisory class ko bago umuwi. Paano ba naman kasi, ang iingay nila sa pilahan?! Walang mga disiplina. Sana naman tumalab ang mga sinabi ko. Paulit-ulit na lang kasi. Nakipagkuwentuhan ako kina Ms. Kris at Ma'am Bel pagkatapos maglinis ng cleaners. Past 3 na kami umalis sa school. Sa bahay, inayos ko ang higaan sa labas ni Angelo, ang aming tuta. Inalisan ko rin siya ng mga pulgas habang bumibili si Emily ng dog food. Na-realize kong masaya pala talagang mag-alaga ng aso. Nakakawala ng stress. Kaya nga, kahit hindi ako nakapag-download ng videos para sa AP6 ko, okay lang. Mahina ang net, e. Hindi na ako makokonsensiya kung bakit hindi ako nakapaghanda ng teaching material. Isa pa, mayroon na naman akong naihanda kahapon. Enero 31, 2018 Gusto kong magturo sa lahat ng klase, kaya lang hindi nakipagpalitan ang mga kaguro ko. Akala kasi nila, tuloy ang LAC session with principal. Naghintayan kami. Isa pa, nag-meeting kami tungkol sa graduation at proposal for fund ng graduation. Gayunpaman, nakumpleto ko ang turo sa advisory class ko. Mapalad sila dahil marami silang napala sa akin. Malas naman ang iba dahil hindi ako nakapasok sa kanila. May ilang estudyante nga na nag-aabang na sa turo ko. Naeengganyo sila sa kuwento ni Marcos at Aquino. After class, umuwi agad ako. Past 3 ako dumating sa bahay. May kaunting kuwentuhan kami ni Emily, bago ako umidlip. Past 5:30 na ako bumangon. Nakabawi na ako sa puyat, kahit paano.

Tuesday, December 26, 2017

Ang Tisa ni Maestro 16

Hindi naman lahat kasiyahan ang nangyari. Dumating sa punto na kailangang masaktan ka at lumuha. May mga kaibigan ka kasing aalis at mananakit sa 'yo.
Unang umalis ay si Papang. Nang na-promote siya bilang master teacher, inilipat siya sa ibang paaralan. Palaisipan nga sa amin kung bakit, gayong may bakante pa naman sa school. Gayunpaman, wala siyang nagawa, lalo na ako. Wala pa rin naman kasing nagbago sa samahan namin. Madalas pa rin kaming nagkikita sa hideout. Tuloy ang ligaya, 'ika nga.
Nag-retire naman ang tinuturing kong ina sa school--- si Mamah. Siya lang naman ang isa sa mga nakakaunawa at sumusuporta sa kakayahan ko. Nang kahit ang principal namin ay binalewala ako, siya lang ang nariyan para palakasin ang loob ko. Wala rin naman akong magagawa. Kailangan na niyang isuko ang kanyang tisa. Matagal na siya sa serbisyo. Maraming utak na rin ang kanyang nahasa. Maraming buhay na rin ang kanyang nabago.
Malungkot lang dahil ilang taon lang kaming nagkasama. Isa pa, wala nang pumalit sa kanya bilang aking ina-inahan.
Ang hirap talagang maiwanan ng mahal mo sa buhay o ng kahit kaibigan. Kaya nga ako, hanggang maaari ay ayaw kong masyadong maging close sa mga kaibigan ko dahil nalulungkot ako kapag nagkalayo kami. Lalo na sa mga panahong iyon, solo living ako. Mag-isa sa buhay. Walang kasamang anak. Hiwalay sa asawa.
Dumating pa sa point na isang member ng 3some ay kailangang magpalipat sa kanilang bayan upang doon na magturo. Ang saklap. Ang 3some na naging 2some ay nag-iisa na lang.
Minsan, sa sobra kong kalungkutan, naitanong ko sa kanila? Ano na ang tawag sa akin?
Wholesome?
Onesome?
Hay, buhay! Lagi na lang ba akong iiwanan? Di bale, kako, "handsome" pa rin naman ako. Life goes on. Lumayo lang sila, pero hindi nakalimot o makakalimot sa mga pinagsamahan namin.
Mag-isa ako sa school. Mag-isa akong lumaban sa mga liko. Imbes na matakot ako at maduwag na kalabanin, kalampagin, at gisingin ang pusong mapag-imbot at mga utak-talangka ng aking mga kasamahan, sinige ko ang pag-post ng mga orihinal na quotes at mga akda kong tula, sanaysay, at kuwento na makakadurog sa mga puso nila. Ang intensiyon ko ay puro. Magbago sila, iyon ang hangad ko. Ngunit, hindi. Minasama pa nila ako. Pinag-initan ako. Isama pa ang inggit sa mga katawan nila.
In fact, tinanggal sa akin ang Filipino coordinatorship nang gano'n-gano'n lang. Walang pasabi. Nakakasama ng loob. Binastos nila ako.
Dahil doon, tinanggihan ko ang pagiging school paper adviser. Okay na rin iyon, at least, nakapag-publish kami ng isang issue. Nalaman nila na worthy ako sa larangan ng journalism. Okay na rin iyon dahil nakapagpokus ako sa pagsusulat.
Ibinigay naman pilit sa akin ang grade leadership para sa school year . Hindi ko nais maging leader. Since, walang tumatanggap, ako na. Pero, sabi ko, huwag silang mag-expect sa akin. Kapag hindi ko gusto ang ginagawa ko, hindi kanais-nais ang resulta nito, sabi ko pa. Isa pa, gusto kong magpakatatay sa anak ko. Sa school na kasi magki-Kinder. Iiwanan sa akin ng ina dahil siya ay mangingibang-bansa.
Nagkabalikan na pala kami. After two years...
Sa ikatlong taon ng ikaapat kong punongguro, mas lalong uminit ang pagkamanunula(t) ko. Naragdagan rin ang naiinis sa akin dahil sa mga binibitiwan kong salita, na ikinasugat ng puso nila.
Minsan, naging issue ang ulam sa In-Service Training for Teachers (INSET).
Nakalagay sa matrix na may nakalaang budget para sa pagkain. May nagtanong kung bakit wala naman kaming nakaing pinakbet at daing na bangus sa tanghalin. Kaya, nang nahawakan ko ang pirmadong matrix, naibulalas.kong "Peke ito!" Wala rin sa loob ko na sulatan iyon ng peke, gamit ang laois na hawak-hawak ko.
Nakakatawa dahil saka namang pagpasok ng principal. Narinig niya ang salitang 'peke'. Mabuti na lang, hindi niya ako kinumpronta. At, agad naman kasing nagsalita ang faculty president namin. Ayon sa kanya, peke naman talaga dahil parang limang matrix na ang umiikot at ginagamit. Hindi tuloy namin malaman kung alin doon ang tunay.
Gusto kong ipahayag na hindi maaaring gumawa ng matrix or project/program proposal, tapos hindi ipapatupad. Pirmado pa naman ng superintendent. Magiging dahilan iyon corruption dahil stated doon ang budget sa limang araw na seminar.
Sana kung walang pagkain, wala ring pekeng matrix.
Haist! Naging masama pa ako sa mata ng iilan. Gayunpaman, thankful ako dahil mas marami ang natuwa sa nangyari. Natuwa rin ako dahil kayang-kaya kong ipahayag ang nasa isip at puso ko, lalo na't nasa katuwiran ako.
Pagkalipas ng ilang araw, naka-block na ako sa FB ng dalawa kong kaguro. Nakakatuwa! Nabawasan ang mga hunghang kong kaibigan. Hindi naman inaano. Hindi naman sila ang kinakalaban ko, e. Akala siguro, malaking kawalang sila sa friend list ko.
Uminit lalo ang dila at lapis ko.
Kaya, isang mainit na summer... isa na namang kaguluhan ang kinasangkutan ko.
Summer reading class...
Mainit ang dugo sa akin ng master teacher, na kasamahan ko sa grade level. Gumawa siya ng paraan para mainis niya ang sarili niya. Hindi na nga tumulong sa paggawa ng camp, gusto pang manira ng display. Kung kailan kasi may darating na bisita, saka siya nagkandaugaga sa pagturo sa mga campers.
Pakitang-tao. Noong wala, kumukuya-kuyakoy lang siya. Dekorasyon sa school. Nagta-time in and out lang para sa certificate at service credit.
Ang masama pa, siya pa ang may ganang magdabog. Nagtapon-tapon at nagbagsak-bagsak pa naman ng monobloc chair. Tinanong ko siya kung sino ang kaaway niya. Ako pala. Hindi ako hinarap. Lumayo at nagdadaldal. Ako naman, para maunawaan niya, nagsalita ako nang malakas. Lumapit ang manugang, huwag ko raw bastusin ang nanay niya. Leche flan! Sino kaya ang bastos?
Ang dahilan pala, ang activity outputs na gusto niyang isabit sa banderitas. Awkward! Sinabihan ko raw ng pangit ang mga gawa ng  mga bata. Naging sinungaling pa ako. Samantalang ang sabi ko, "Huwag diyan. Papangit ang banderitas." May dikitan talaga ng mga output. Hindi sa banderitas isinsabit. Unang-una, mabigat.
Sumatotal... ako pa ang nag-sorry kinabukasan. Nagbati na rin kami ng manugang niya, na sinulian ko ng kandila. Ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi ko na sila babanggain. Hindi na rin ako magiging totoo sa sarili ko. I will play a game.
Simula noon, panandalian kong itinago ang aking panulat. Pinatulog ko muna si Makata O.

Paghihintay

Isang oras nang naghihintay si Sandra, kaya gusto na niyang umalis sa kinatatayuan niyang veranda ng isang magarang hotel.

Alumpihit na lalapitan ni Ronnel ang dalaga, kaya lang ay nagsimula nang magkislapan sa himpapawid ang fireworks at sabay nilang pinagmasdan ang mga salitang nabuo nito.


"Will you marry me, Sandra?" usal ni Ronnel, sabay talikod bago pa siya maabutan ni Alex ---ang tunay na mahal ni Sandra. 

Thursday, December 21, 2017

Aswang ang Lola Ko

Aswang ang Lola Ko

Noong unang gabi namin sa bahay ni Lola Pura, hindi ako makatulog. May kakaibang ingay akong naririnig sa labas. Parang may taong sumisilip sa bintana o hayop na nag-aabang sa labas.

Nagsumiksik ako sa tabi ng kapatid ko, pero hindi pa rin ako makatulog. Naiisip kong ang hugis-tao, ngunit parang ibong nasa paligid lang namin.

Kinabukasan, habang naghahain ng almusal si Lola Pura, pinagmasdan ko siya. Gusto ko sanang itanong kong may naririnig siyang kakaibang tunog. Hindi ko na lang siya tinanong dahil matapang siya kung tumitig. Naisip kong baka singhalan niya ako. Hindi siya madalas magsalita. Hindi ko siya kayang tingnan nang matagal. Pakiramdam ko, ayaw niyang makituloy kami pansamantala sa bahay nila.

"Kuya Nono, narinig mo ba kagabi ang ingay sa labas? Parang may tao," tanong ko, nang matapos kaming kumain.

Nasa kuwarto kaming magkapatid.

"Hindi. Nakatulog ako agad. Pagod tayo sa biyahe, e. Ano ba 'yon?"

"A, wala... Baka guniguni ko lang."

"Sige na, maghanap ka na ng damit mo. Ligo na tayo," utos ni Kuya Nono.

Agad akong tumalima.

Mayamaya, nahulog mula sa bulsa ng salawal ko ang piso. Gumulong iyon hanggang lumusot sa uwang ng tablang sahig ng aming higaan. Kitang-kita naming magkapatid kung paanong biglang nawala ang barya.

"Sayang 'yon!" Sumilip ako sa uwang, pero kadiliman lang ang nakita ko. "Kuya, ano kaya ang meron sa ilalim nito?"

Umiling lang si Kuya Nono saka lumabas. Nagpaiwan ako. Gusto ko kasing tuklasin ang sagot sa tanong ko.

Napansin kong hindi nakapako ang isang tabla, kaya inangat ko iyon. Napaurong ako nang isang parang balong malalim ang ilalim ng higaan namin. Naibagsak ko ang tabla.

"Kaya pala kagabi, para akong nakalutang sa hangin," sabi ko sa sarili ko.

Tumakbo ako palabas ng kuwarto. Paghawi ko ng nangingitim na kurtina, lumukso ang puso ko dahil nasa harapan ko na si Lola Pura. Nakalugay ang mahaba at maputi niyang buhok. Makasalubong ang mga kilay niya. Pinandilatan niya ako.

"Ano 'yon?" tanong ni Lola Pura.

"W-wala po." Umiwas ako sa tingin niya, at lumabas na ako pagkatapos.

Sa halip na sa ilog ako makarating para maligo, sa bahay ng aking mga pinsan ako napadpad.

"O, bakit namumutla ka?" tanong ni Ogie, ang panganay.

Tawa naman nang tawa si Buddy. "Nakakita ka ba ng aswang?"

Tumayo ang mga balahibo ko sa tanong ni Buddy. Tama yata ang hinala kong aswang si Lola Pura.

"Kuya Kulas, nakatikim ka na ba ng luto ni Lola?" nakangisi namang tanong ni Herbert, ang bunso.

Sabay-sabay na nagtawanan ang magkakapatid, kaya lalo akong natakot.

"Saan ba ang ilog dito?" Nanginginig ang boses ko.

"Doon," turo ni Buddy sa ibaba ng kanilang bahay.

Gusto ko sanang magpasama sa kanila, kaya lang baka tuksuhin nila akong duwag.

Naligaw ako sa paghahanap ng ilog. Kung saan-saang masusukal na bahagi ng kakahuyan ako nadako. Sigaw ako nang sigaw, pero walang nakakarinig sa akin.

Matindi na ang sikat ng araw nang makita ko ang pampang ng ilog. Pero, sa halip na si Kuya Nono ang naabutan ko, si Lola Pura ang natanaw ko.

Gusto kong mapaurong nang makita kong nakaluhod siya sa may harap ng tubig. Parang may dinudukwang siya. Sa tingin ko, may ginagawa siya sa kanyang mahabang buhok.

Nagulat ako nang bigla siyang luminga sa akin. Nagtama ang mga paningin namin. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Parang nagtayuan ang mga buhok niya.

Napatakbo ako palayo. Halos madapa at matumba ako sa pagkaripas ko ng takbo pabalik.

Naisip kong makitira na lang sa mga pinsan ko, habang wala pa ang mga magulang namin ni Kuya Nono.

Hangos akong dumating sa bahay ng mga pinsan ko. Naroon na si Kuya Nono. Bagong ligo na siya.

"Saan ka ba nanggaling? Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit naliligo ka sa pawis?" tanong ng kuya ko.

Halos gusto nang matawa ng mga pinsan namin. Siguro dahil hindi ako agad makapagsalita dahil sa hingal ko.

"Nakakita ka ba ng multo?" nakangiting tanong ni Buddy.

"Hindi multo... As.. Aswang!" Sa wakas, nakapagsalita na ako.

Naghagalpakan ang mga pinsan at kapatid ko.

"Ang aga-aga, may aswang," ani Kuya Nono. Nakipag-apir pa siya kay Buddy.

"Si Lola..." Hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil lalong lumakas ang tawanan nila.

Pagsapit ng tanghali, hindi ako umuwi sa bahay ng lola at lolo namin. Ayaw kong kumain ng luto niya. Naalala ko kasi ang karne ng baboy na inihain niya sa amin ni Kuya Nono kagabi. Ang lambot ng karne. Parang niluto sa malapot na malapot na laway. Nang kinain ko, masarap naman, pero kakaiba ang pagkaluto at hitsura niyon. Ang liliit ng pagkahiwa. Naisip ko tuloy na laman ng tao ang ipinakain sa amin.

Kahit mahapdi na ang sikmura ko, hindi talaga ako umuwi. Nanguha na lang ako ng bayabas sa may tabing ilog.

Inabutan ako doon ng alas-kuwatro ng hapon. Nag-alala ako dahil malapit nang gumabi. Wala akong magagawa kundi ang matulog pa rin sa kuwarto ng mga lolo at lola ko.

Pumunta ako sa sentro ng baryo. Gusto ko kasi sa mga mataong lugar.

"Ikaw ba ang apo ni Lola Pura?" tanong sa akin ng ale. May bitbit siyang malaki-laking isdang tulingan.

"Opo." Tiningnan ko siya. Naisip kong baka may sasabihin siya. Hindi nga ako nagkamali.

"Ang tanda na ng lola mo... Ang lakas pa rin. Parang aswang!" Tinalikuran na niya ako pagkatapos.

Sa umpukan ng mga tatay sa isang sari-sari store, narinig ko ang usapan nila. Tungkol iyon sa naririnig nilang kaluskos sa kanilang bubungan at silong. Naulinigan ko rin ang salitang 'aswang.'

Lalo akong natakot umuwi, kaya lang, mahapdi na ang sikmura ko.

Mabuti nga't pinakain ako ng tiyo at tiyo ko. Tiyempo kasing naghahapunan sila nang dumating ako sa kanila.

Madilim na nang pumasok ako sa bahay ni Lola Pura.

Nasalubong ko siya sa may sala. Hawak niya ang gasera.

Napaurong ako dahil galit na nakatitig sa akin si Lola Pura.

"Saan ka galing, Kulas? Maghapon kang wala," galit niyang tanong.

"Po? Kina Buddy po... Kumain na po ako."

"Aba, kung ganyan ka lagi, baka kainin ka ng aswang diyan sa labas."

Tumayo ang mga balahibo ko sa katawan.

"Dapat bago mag-alas-sais ng gabi, narito ka na." Matigas ang pagkakasabi niyon ni Lola Pura.

"Opo." Agad akong pumasok sa kuwarto. Wala roon si Kuya Nono. Siya siguro ang naririnig kong naghuhugas ng mga plato sa kusina.

Umubo ang lolo ko sa kanilang kuwarto, na katabi lamang ng aming kuwarto. Naisip ko, "Aswang din kaya siya?" Lalong akong natakot pagkatapos.

Pangalawang gabi ko sa bahay ni Lola Pura. Tulad noong unang gabi, hindi rin ako makatulog. Naririnig ko ulit ang mga narinig ko.

Pero, dahil sa pagod, nakatulog rin ako.
Alas-siyete na nga nang bumangon ako.
Binati ako ni Lolo Ben. Kahit wala na siyang ngipin, simpatiko pa rin siya. Hindi siya nakakatakot dahil maamo ang kanyang mukha.

Hinainan niya ako ng almusal --mainit na kapeng barako at nilagang saging.

"Gusto mo nito?" Ipinasilip niya sa akin ang laman ng nangingitim sa uling na kaldero.

Parang akong masusuka nang makita ko ang parang nilawayang karne.

"Hindi na po. Tama na po ito," tanggi ko.

Tahimik kong tinapos ang aking pag-aalmusal. Naisip kong baka nasa ilog si Lola Pura, kaya hindi ko naririnig ang masungit niyang boses.

Sinamantala ko ang pagkakataon na makausap si Lolo Ben. "Totoo po ba ang aswang?" tanong ko.

Napangiti ang lolo ko. "Ewan ko. Hindi pa ako nakakita."

"Si Lola po..."

Noon ko lang narinig ang tawa niya. Ang cute niya!

"Hindi aswang ang lola mo. Marami ang nagsasabi sa baryong ito na aswang nga siya, pero... kanino ka maniniwala, sa akin o sa kanila?"

Parang napahiya ako. "Kasi po..." Sinabi kong lahat-lahat ang mga nakita at naramdaman ko.

Tumawa muna si Lolo Ben, bago nagsalita. "Kuliglig ang tawag sa mga insektong naririnig mo kapag gabi... Mayroon ding kuwago sa paligid. Nakakatakot din ang iyak niya, kaya akala mo'y may aswang... Gerilya ako dati. Ang bahay na ito ay pinalagyan namin ng underground para diyan magtago si Lola Pura mo kapag may paparating na mga Hapones. Diyan din namin iniimbak ang mga pagkain namin dahil kinukuha nila."

Unti-unti na akong nakukumbinsi ng kuwento ni Lolo Ben.

"Ang ulam sa kaldero ay pinalambot nang husto ng lola mo para hindi ako mahirapang ngumuya," patuloy na kuwento ng lolo ko.

Napangiti ako. Ang cute niya kasi.

"Ang nakita mo naman sa ilog, ang lola mo iyon. Ganoon siya maghugas ng ulo at buhok niya. Hindi siya galit. Natural sa kanya ang magkasalubong ang mga kilay at masakit kung tumitig. Ang boses niya ay nakakatakot. Sanay kasi siyang magalit sa mga pinsan mo, lalo na kapag umaakyat at nangunguha ng mga hilaw pang bunga ng mga puno."

Napatango-tango ako.

"Akala rin ng mga tao rito, aswang ang lola mo. Pero, kung aswang ba siya, buhay pa kaya ako ngayon?"

"Hindi na po."

"Ibig sabihin, guniguni at haka-haka lang iyon. Ang tao ay sadyang mapanghusga. Ang panlabas na anyo lamang ang ating nakikita... Mabait ang lola mo. Mahal na mahal niya tayo."

Kumbinsido na akong hindi aswang si Lola Pura.

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...