Followers

Sunday, May 1, 2016

Ang Aking Journal --- Mayo, 2016

Mayo 1, 2016 Ligtas akong nakauwi sa boarding house. Mabilis pa ang biyahe dahil hindi nadelay. Alas-diyes ng umaga ay nagpapahinga na ako. Sinubukan kong matulog, pero nabigo ako dahil nagsisimula na ang init. Sa HP na ako nag-lunch. Pinick-up ko kasi ang order kong bag mula kay Mylene. Nagpalipas din ako doon ng init. Mahigit dalawang oras akong nag-stay. Inantok lang ako, kaya umuwi agad ako. Ngayong araw, dalawang tao ang nakausap ko. Una ay si Mrs. Pableo. Treasurer namin siya sa GPTA. Nagkita kami sa Palawan Airport. Magkapareho kami ng flight. Nagkuwento siya sa amin ni Mamah ng mga pinagdaanan niya sa buhay, three months ago. Pangalawa ay si Mrs. Ocampo. Nanay siya ng naging estudyante ko. Siya ang may-ari ng food cart na kinainan ko. Tinanong niya ang tungkol sa April Fool's Day post ko. Isa rin siya sa naniwalang aalis na ako sa Gotamco. Nang sinabi kong nagkaproblema kasi ako, nagtanong siya kung sa mga kaguro ko. "Related po," sagot ko. Pagkatapos noon, nagbigay na siya ng saloobin. Tila alam niya ang mga irregularities sa GES. Kung sino pa raw ang maaasahan, siya pa ang binabalewala. Katulad daw ni Mam Rechel. Hindi kinuha, after magserbisyo as Kinder teacher. Hindi na ako nagdagdag o nagkuwento ng iba. Pinakinggan ko na lang siya ay sinang-ayunan. Mayo 2, 2016 Pagkatapos kong maglaba, pumunta ako sa Quezon Memorial Circle para sa exhibition ng mga bonsai, suiseki at cactus and succulents doon. Ito ay para makatakas uli ako sa matinding init sa kuwarto. Mainit rin naman doon, pero hindi ko ininda dahil ang gaganda ng mga nasa exhibit. Sulit na sulit ang P20 na entrance fee na binayad ko. Na-enjoy ko ang pagkuha ng mga litrato sa bawat entry. Nakapag-selfie rin ako at nakapag-picture gamit ang timer. Alas-dos, nakinig ako sa lecture ni Mike Ganigan. Ang topic niya ay grafting of cactus. Marami akong natutunan. Nakapag-uwi pa ako ng cactus, as giveaway. Pag-uwi ko, nag-repot ako ng mga cactus ko. Bumili kasi ako doon ng tatlong ceramic pots. Ang saya ko ngayong araw, kahit ako lang mag-isa. Nawala ang stress ko. Pinag-iisipan ko ang bakasyon sa Altavas. Baka sa Mayo 10 ako bumiyahe. Kailangan ko munang bumoto. Mayo 3, 2016 Hinintay kong magtext o magchat si Sir Erwin, pero wala akong natanggap na message mula sa kanya. Nagyaya siya kahapon na magkita kami. Umoo naman ako sa comment box. Siguro ay hindi siya nakaalis. Gayunpaman, natuloy pa rin ang gala ko. Dahil sa sobrang init sa kuwarto, kinailangan ko na naman tumakas. Kaya, pumunta ako sa National Museum. Nabasa ko kasi sa FB na libre ang entrance ngayong Mayo. Matagal ko nang gustong bumisita doon. Ngayon lang ako nagkaroon ng time. Hindi ito dahil sa libre. Ito ay dahil kailangan. Naenjoy ko ang mga artifacts na naka-exhibit sa museum. Andami ko na namang nakuhaang pictures. Aliw na aliw ako. Sulit. Sayang din dahil hindi nakasama si Sir Erwin o kaya si Zillion. Maeenjoy din sigurado iyon ng anak ko. Alas-sais, nasa ECF-M. Dela Cruz naman ako para sa worship. Nakausap ko si Jeff tungkol sa magiging bakasyon ko sa Aklan, tungkol sa newsletter, tungkol sa Trip to Mars at V-Mars, at iba pa. Nakilala ko naman si Bro. Arbie. Matagal na kaming nagkikita sa Gomez, pero kanina lang kami nakapagkuwentuhan. Inihatid niya pa ako sa pag-uwi, gamit ang motor niya. Thanks, God for this wonderful day! Mayo 4, 2016 Bumili muna ako ng induction stove si Mama, bilang regalo ko sa kanya sa Mothers' Day, saka na ako bumiyahe papuntang Antipolo. Naabutan ko si Taiwan na nagpriprito ng isda, gamit ang kahoy. Naawa ako, pero at the same time, natuwa ako dahil may bitbit akong electric stove. Kaya lang, hindi yata natuwa si Mama. Hindi naman sa ayaw niya ang regalo ko sa kanya, kundi dahil hindi senior citizen and visually impaired friendly ang stove. Nang ako ang nagluto ng hapunan, na-realize kong tama siya. Hindi niya nga makikita ang mga pindutan at numbers. Baka masunog lang ang lutuin niya. Naisip kong iuwi na lang ito sa magiging bahay ko sa Tanza. Payag naman siya. Masaya pa rin ako dahil nakabili ako niyon. Tinupad ko lang ang pangarap ko. Mayo 5, 2016 Gusto ko sanang magsulat nang magsulat o mag-edit nang mag-edit ng mga akda ko, kaya lang ang hina ng internet. Nakakainis! Ngayon pa nakisabay. Kung kelan ako may free time, saka naman nagpasaway ang Smart. Para malibang ako, nanuod na lang ako ng cartoons na naka-save sa laptop ko. Nagtiyaga na lang ako, kesa maburyong ako sa kahihintay ng signal. Maghapong wala halos akong walang internet. Ang hirap! Hindi ako sanay. Andaming bagay na hindi ko magawa at matapos. Hindi ako makapili ng mga akda na isasali ko sa writing contests. Hindi ako makapag-upload ng mga poresgraphy ko. Mayo 6, 2016 Maghapon na namang walang internet. Na-stress ako. Andaming napending na trabaho. Hindi rin ako makapili at makasend ng akda ko sa contest. Nakakakulo ng dugo ang Smart! Para malibang, nanuod uli ako ng cartoons. Nag-type din ako ng journal ko. Nakapagsulat din ako ng dalawang sanaysay tungkol sa paninigarilyo. Kung bukas wala pa ring signal ang WiFi, baka maburyong na ako dito sa Bautista. Nakakainip kaya ang paghihintay. Mainit na nga, wala pang magawa. Halos naubos ko na ang pambatang pelikula na naka-save sa laptop ko. Wala naman akong dalang libro para mabasa-basa. Sa FB at internet lang talaga ako nakakapagbasa ng mga articles. Bihira din ako magkaroon ng writing ideas. Kadalasan, ang mga akda ko rin ang nakaka-inspire sa akin. Hindi ko nga maopen ang wattpad ko, kaya hindi ako makapag-story update. So, napaka-dormant talaga ng araw ko. Dalawang araw na. Mayo 7, 2016 Medyo okay-okay ang signal ngayon ng internet. Gayunpaman, halos wala pa rin akong nagawa, maliban sa natapos ko ang draft ng curriculum vitae ni Sir Erwin. Ang pinakamagandang nagawa ko ngayong araw ay an eye on g mapanuod ko ang interview ni Miriam Defensor-Santiago sa CNN. Tinutukan at tinapos ko talaga, kaya hinding-hindi ko isusuko ang boto ko sa kanya. Hapon, naipasa ko na kay Sir Erwin ang application letter niya sa Sta. Isabel College. Gabi, nakapag-type ko ng journal entries ko noong June 16-30, 2007. Bukas, Mothers' Day. Gusto kong bigyan si Mama ng cake, kaya lang tinatamad akong pumunta sa Gate 2. Mayo 8, 2016 Binati ko si Mama, paggising ko ng alas-nuwebe. Hindi na ako pumunta sa Gate 2. Kami lang namang dalawa ang kakain, kung maghahanda kami. Wala pa ring matinong internet. Tinanggap ko na lang na parte ito ng election. Nag-type na lang ako ng journal entries ko, hanggang sa mapagod ako. Maghapon lang akong nakahiga. Nagising ako ng bandang alas-5, nang dumating sina Jano at France. Naka-survive din ako sa halos walang internet. Bukas babalik na ako sa Pasay, pagkatapos kong bumoto. I hope malakas na ang signal doon. Mayo 9, 2016 Hindi naman ako excited bumoto, pero alas-4:30 pa lang ay nagising na ako. Hindi rin naman ako agad bumangon dahil tulog pa si Mama. Maaga rin akong nakapunta sa precint ko, kaya maaga rin akong nakaboto. Mabilis lang. Mas matagal pa ang paghahanap ko ng aking presinto. Dumiretso na ako sa Pasay. Mabilis din ang biyahe, kaya wala pang alas-nuwebe ay nasa Harrison Plaza na ako para magpareserve ng ticket sa 2Go. Dumaan pa nga ako sa Cubao, kaya lang sarado pa ang office doon. Nasayang lang ang paghihintay ko sa HP dahil sarado pa ang system ng 2Go, ayon sa ticketing office. Nagdesisyon na lang akong pumunta sa Batangas Pier para magbakasakali. Nagkita kami ni Sir Erwin sa DLTB Buendia. Nagbigay siya ng angpao na may lamang P2000. Para raw kay Zillion. Hindi ko kasi tinatanggap ang ibinibigay niyang pera, kaya ipinadaan niya sa anak ko. Tinanggap ko na lang din. Alas-tres ay nasa Batangas port na ako. Nakabili naman ako mg ticket sa 2Go, kaya lang alas-9 pa ang biyahe. Okay lang. Nawili naman ako ng panunuod ng balitang eleksiyon, habang naghihintay. Mayo 10, 2016 Naging maayos naman ang biyahe namin sa dagat. Nakatulog ako ng limang oras, kahit magdamag ma nakabukas ang TV sa tourist accommodation, dahil sa panunuod ng election-counting update. Pasado alas-otso na nakadaong ang barko sa Caticlan port dahil nagbaba pa ng pasahero at cargo sa Odiogan, Romblon. Okay lang naman. Una, nakapag-FB post pa ako gamit ang location na iyon. Binigyan ko kasi ng clue si Emily na parating ako. Muntik na akong mabuko nang mag-comment si Sir Erwin. Natatawa ako kay Emily. Nag-PM siya. Nagtatampo. Mabuti pa raw amg iba, nadadalaw ko. Ang nasa isip niya ay kasama ko si Mamah doon. Hanggang sa makarating ako sa bahay ng parents-in-law ko, wala talaga siyang idea na darating ako. Gulat na gulat siya nang makita ako, and at the same time, masaya siya. Masaya rin si Ion nang makita ako. Halos hindi siya makapagsalita. Miss na miss ko rin sila. Sobra. Mayo 11, 2016 Natikman ko na naman ang mga kakanin ng Aklan nang nag-almusal kami, gaya ng puto, ibus at dagusdos. Ang ganda talaga ng buhay sa probinsiya! Ngayong araw, nakapag-type ako ng journal entries ko. Nakapagsend pa ako ng entry sa Reedz ng PSICOM. Isa itong patimpalak na naghahanap ng isasali sa libro. Ipinasa ko ang maikling kuwento kong "One-Million Trip to Mars". Pasok ito sa word counts na 1500-2000, kaya ito ang napili ko. Umaasa akong mapipili ito, dahil ito ang isa sa mga nagpapaiyak sa akin tuwing binabasa ko. Nakakuwentuhan ko si Tiya Isot, tita ni Emily. Masarap naman siyang kausap. Mahusay din siyang mang-engganyo kay Zillion na kumain ng gulay at kumain nang marami. Mayo 12, 2016 Hindi sana ako sa pagpunta ni Emily sa Kalibo, para kumuha ng birth certificate ni Zillion sa NSO, kaya lang umiiyak siya dahil hindi rin siya kasama. Nagdesisyon na lang akong sumama. Alas-nuwebe ay andun na kami sa Kalibo. Hindi naman kami nagtagal sa NSO. May kakilala si Emily doon. Iniwan niya lang muna at binalikan namin pagkatapos ng kulang-kulang dalawang oras. Naglunch kami at nag-grocery kami sa Gaisano, bago umuwi sa Altavas. Ala-una na kami dumating. Nawalan ako ng mood ngayong araw dahil may herpes na naman ang mga labi ko. Malala ngayon ang mga butlig na tumubo sa paligid ng bibig ko. Nakakahiya. Nakakainis pa. Hindi ko tuloy nakausap ang kaibigan ni Emily, na dumayo pa sa bahay nila upang makilala ako. Mayo 13, 2016 Pahinga, FB, kain at higa lang ang ginawa ko maghapon. Dapat magswi-swimming kami ngayon, kaya lang pumunta si Nanay sa Iloilo para makipaglibing. Walang mag-aasikaso sa nakaratay na tiya ni Emily, kaya hindi na muna kami nagplanong umalis. Okay lang. May ibang araw pa naman. Nagsulat din ako sa may terrace ng isang kabanata ng 'Ang Tisa ni Maestro'. Ang sarap palang magsulat, habang nalalanghap mo ang sariwang hangin. Ibang-iba kaysa kapag nasa Pasay ako. Nagkita na kami ng kaibigan nina Emily. Kaya lang, hindi kami nagkausap dahil naghapunan na kami. Siya naman ay kinausap sa cellphone ng bayaw ko. Mayo 14, 2007 Naghahanap ako ng gagawin o kaya ng subject para sa photography hobby ko, kaya lang wala akong makita. Tanging ang meryenda naming inday-inday ang nakuhaan ko. Sinamahan ko na lang si Zillion sa panunuod ng cartoons. Nakadalawang movies siya. Nagbasa, nagsulat, nag-encode at nag-edit din ako. Wattpading, in short. Hindi naman ako naiinip dito. Nae-enjoy ko naman ang bakasyon ko. Wala nang sasaya pa sa bakasyong kasama ang pamilya. Mayo 15, 2016 Umaga, tinulungan ko si Emily sa kanyang paglalaba. Ako ang nagbobomba sa poso ng mga pambanlaw niya. Nakapag-picture din ako ng mga pusa. Hapon, nakipagkuwentuhan sa akin si Tiya Isot. Inabot kami ng gabi. Napagkuwentuhan namin ang tungkol sa school. Pinayuhan niya rin akong dalawin si Ninong Rolly. Tama rin naman siya. Kahit siguro, busyng-busy ako, may panahon pa naman marahil para sa pagdalaw. Naiinis lang talaga ako dahil blinock niya ako sa FB, nang dahil sa mga sumbong at paninipsip ng mga kumare at kumpare ko. Mayo 16, 2016 Tinanong na naman ako ni Tiya Isot kung kailan talaga ako babalik sa Maynila. May ibibigay kasi siya sa akin. Gusto ko na sanang makabalik sa May 18, kaya lang tila hindi siya makakabalik agad. Kaya, sabi ko na lang, dapat Monday ay nasa Pasay na ako. Ayaw ko namang pahindian ang padala niya. Dumating na si Nanay mula sa Iloilo. Makakaalis na kami nina Emily. Nagdesisyon siyang mag-swimming kami sa Songcolan bukas, dahil may magbabantay na kay Mommy. Mayo 17, 2016 Kagabi pa lang ay naiba na ang plano. Sa halip na sa Songcolan, sa Kalibo na kami pumunta. Hindi kasi pinayagan ang pamangkin ni Emily. Hindi na rin sumama si Kaylee. Okay lang naman. Mas gusto ko rin naman talagang makabalik sa Bakhawan. Alas-nuwebe, nakapag-swimming na kami. One hour lang kaming lumublob. Sulit naman. Enjoy na enjoy kaming tatlo. First time naming mag-swimming together. Alas-dos, umalis na kami sa mangrove. Pinag-shopping ko si Zillion sa Gaisano, bago kami umuwi. Dinagdagan ko ang isanlibo na natira sa binigay ni Papang sa kanya. Mayo 18, 2016 Naramdaman kong napapalakas ang kain ko. Masagana kasi ang inihahain ng biyenan ko. Ang sarap kumain. Mamimiss ko ito. Pagdating ko sa Pasay, mag-isa na naman akong kakain. Malamang wala na naman akong gana. Nakapag-type ako ng ilang journal entries ko noong July, 2007. Kailangan ko lang huminto dahil mahina ang signal ng internet. Hindi ko kaagad naipopost. Natutuwa kaming lahat sa kabibuhan ni Zillion. Panay ang salita niya ng English. Kahapon pa kami tawa nang tawa ni Emily sa kanya. Sa mangrove din ay panay ang 'speaking in tongue' niya. LOL. Mayo 19, 2016 Alas-otso y medya na ako bumangon kanina. Napuyat kasi ako sa masayang chat namin nina Sir Archie at Sir Erwin. Naisipan kong mag-igib ng tubig, pagkatapos kong mag-almusal. Pinuno ko ang mga timba at malaking lagayan ng tubig sa banyo. Kahapon ay ginawa ko na rin ito. Si Kuya Emer nga lang ang nagbomba. Ako lang ang nag-akyat. Hapon, pagkatapos magkape, nag-igib uli ako. Pinuno ko uli ang mga lagayan. Biniro ako ni Nanay. Sabi niya, "Mamimiss ka namin." Tumawa lang ako. Namasyal kami ni Ion sa plaza, pagkatapos kong mag-igib kaninang umaga. Inabutan kami ng ulan doon. Mabuti na lang ay may kiosk, na aming napagtambayan. May mga batang naglalaro doon, kaya hindi kami na-boring ni Ion, habang nagpapatila ng ulan. Nakapagsulat ako ng sanaysay at isang tula ngayong araw. Nakapagpag-type din ako ng journal entries. Mayo 20, 2016 Naeenjoy ko talaga ang pagbobomba sa poso. Form og exercises kasi. Kaya, pinuno ko uli ang mga lagayan sa CR. Para tuloy aking nanliligaw sa pamilya. Pagkapaligo ko, nagyaya si Emily papunta sa Lupit. Tinawagan siya ng pinsan niya. May handaan doon. Nakahain na nga ang mga pagkain sa hapag, pero umalis pa kami. Gusto rin kasi niya na ipakilala ako sa mga kamag-anakan nila. Nagustuhan ko naman ang mga pagkain. Nabusog ako. Kaya lang, medyo nainis ako nang kaunti nang yayain at pilitin akong uminom. Although, tumanggi naman ako at hindi napainom, ayaw ko pa rin ang masyado akong pinipilit. Kapag ayaw ko kasi, ayaw ko. Hindi sa hindi ako lasenggo, kundi hindi ko kabisado ang mga magiging kaharap ko. Ayaw ko ng ganun. Kung ano man ang negatibong komento nila sa pagtanggi ko, bahala sila. Basta ako, may respeto ako sa sarili ko. Mayo 21, 2016 Pinagupitan ko si Zillion sa barbero. Ang bagong usong gupit ang gusto niyang ipagupit niya. Iyon din ang gusto ko, kaya nasunod siya. Bumagay naman sa kanya. Poging-pogi. Natuwa nga siya nang makita niya ang sarili sa salamin. Ang ganda ng ngiti niya. Wala sana akong plano pang magpagupit. Sa Pasay ko na gustong magpatabas at magpakulay. Nakita ko lang na mahusay gumupit ang barbero, kaya nagpagupit na rin ako. Pinaitiman ko na rin ang buhok ko sa kanya. Suwerte dahil mura lang ang singil niya. P180 lang lahat. Ala-una, sinamahan ako ni Emily sa pagpapa-reserve ng ticket pabalik sa Manila. Gusto ko sana sa 2Go, kaya lang fully-booked na hanggang Martes. Ayaw ko namang abutan pa ako ng Miyerkules dito. Kailangan ko nang makabalik. Magbabayad na rin kasi ako sa boarding house. Nauna na si Kuya Emer. Naabutan pa namin siya sa Valisno ticketing outlet. Hinihintay ang bus na sasakyan niya. Doon na rin kami nagpa-book. Bukas ng ala-1:30 ang alis ko. Mabuti na lang, nakakuha pa kami. Ngayong araw, sinimulan kong i-edit ang mya chapters ng unfinished novel kong 'Double Trouble'. Andami palang typos. It means, kailangan talaga ng proofreading kahit sa anong akda. Mayo 22, 2016 Inihatid ako ng aking mag-ina sa ticketing office at pick-up area ng Valisno. Wala pang ala-una iyon. Kaya, antagal kong naghintay. Two-twenty-five na nakaalis doon ang bus. Andaming pasahero. Medyo hindi ako komportable sa bus, pero ayos lang. Kailangan ko nang makauwi. Ganun talaga... Muli kong natanaw ang Boracay. Kay gandang pagmasdan ang mga ilaw sa mga dalampasigan nito. Nalungkot ako dahil hindi pa ako nakakatuntong doon. Subalit, nangangarap akong isang araw ay makakaligo rin ako sa mga beach doon. Hindi maganda ang RORO bus. Hindi ako makahiga. Hindi katulad sa 2Go. Komportable ako ako dahil may higaan at tuloy-tuloy ang biyahe. Mayo 23, 2016 Nasa Batangas na kami bandang alas-singko ng umaga. Ang tantiya ko ay mga alas-siyete ay nasa boarding house na ako. Pero, nagkamali ako. Pasado alas-9 na ako nakauwi. Sobra kasi ang traffic. Gayunpaman, thankful ako dahil naging safe ang biyahe ko. Maghapon akong nakaranas ng matinding init. Akala ko ay tapod na ang summer. Hindi pa pala. Namiss ko tuloy ang Altavas. Doon ay hindi ko masyadong dama ang init. Nagdadalawang-isip akong magsimba bukas sa ECG-M. Dela Cruz. Nag-chat kasi si Aileen. Nakausap niya sa Ate April tungkol sa health condition ni Tito Ben. Iyon din ang kuwento sa akin ni Mama. Niyaya nga akong dalawin noon pa at ipagpray. Naisip kong gawin iyon sa lalong madaling panahon. Humihingi rin ako sa Diyos ng kakayahang manalangin sa may sakit at makasalanan. Maraming naging kasalanan sa akin si Tito Ben, pero napatawad ko na siya. Gusto ko siyang maipagamot. Baka ako rin ang maging daan upang matulungan siya ng mga kapatid niya. Mayo 24, 2016 Bumuhos ang malakas na ulan kagabi, pero parang impiyerno na naman ang temperatura. Pinagpawisan ako nang husto, maaga pa lamang. Kaya, nagdesisyon na akong pumunta sa Antipolo. Tinext ko si Jeff para ibigay ko ang down payment ng publishing fee ng librong 'Trip to Mars'. Na-disappoint lang ako kasi hindi man lang siya nag-reply. Isa ring disappointment ang nangyari nang i-send sa akin ni Flor ang text (daw) ni Hanna sa kanya. Pero ang duda ko, si Mj ang may sabi nun. Aniya, "Tita hanna to bibigyan po ba kami ni papa pera pambili ng gamit sa school at saka hihingin ko napo yung tablet kasi po marami na po kaming ereresearch sa grade 6 at simpre hindi ka makakapagresearch kapag walang wifi salamat po." Nagtext na siya sa akin, bago yun. Sabi niya, "Pa hanna to nakitext lang ho ako kay mama kasi sira na ho cp ko pa bibigyan niyo ho ba ako ng pera pambili ng gamit." Sabi ko nga, papunta na ako sa Antipolo kaya magkita kami doon. Desidido na rin akong ibigay ang tablet. Kaya lang, sa nabasa ko, nagbago ang isip ko. Isang kapritso lang ang kagustuhan ni Hanna, kung siya man talaga ang may sabi nun. Hindi niya kailangan ngntablet sa pag-aaral. Hindi niya kailangang mag-research nang mag-research. Lalong, hindi niya kailangan ng wifi. Noon, wala namang wifi, tablet o internet. Libro lang ay sapat na. Bakit naman nagkaka-honor pa ako taon-taon noong elementary ako? Nakakalungkot. Ambisyosa ang nanay ni Hanna. Dinadamay pa ang bata. Dapat tinuturuan niyang maging masikap, gaya nang ginawa ko upang marating ko ang kung nasaan man ako ngayon. Kung nagkakapritso man ako ngayon, kunsewlo ko lamang ito sa sarili ko. Ngayon lamang ako nakaranas nito. At, may trabaho naman ako upang ipanggastos sa mga naisin ko. Sinabi ko na lang na sumabog na ang tablet. Tanging perang pambili ng gamit sa pag-aaral lamang ang matatanggap nilang magkapatid sa akin. Isa pang dahilan kaya pumunta ako agad sa Antipolo kahit dapat at magsisimba muna ako sa Eme ay dahil nais kong dalawin si Tito Ben. Nagawa ko naman. Pagdating na pagdating ko, pumunta na ako doon, bitbit ang konting pasalubong. Naawa ako sa kalagayan niya. Sobrang nahulog ang katawan niya. Nahihiya nga siyang makiharap at tumingin sa akin. Ni ayaw niyang samahan ko siyang magpacheck-up. Totoo nga ang sabi ni Aileen. Mabuti na lang, sinabi niyang magpapasama na siya kay Auntie Helen. Sabi ko naman ay babalik ako para alamin kung nagpakonsulta siya. Ramdam ko ang paghihirap niya. Alam kong may tama ang kanyang baga. Naranasan ko iyon. Kaya nga ikinuwento ko sa kanya ang pinagdaanan ko. I made sure na hindi niya katatakutan ang medication. Alam kong nagsisisi na siya sa pang-aabuso niya sa kanyang sarili. Hindi pa huli ang lahat. Ipinadama ko sa kanya na gagaling siya at handa akong magbigay ng aking makakaya. Inabutan ko nga siya ng munting halaga upang mas lalong tumibay ang loob niyang kumapit. Nais ko sanang ipasok ang kabutihan at pangako ng Panginoon sa bawat tao at nais ko rin siyang ipanalangin, kaya lang inabot ako ng kamangmangan. Kung sumama sana si Mama sa akin, nagawa ko sana. Nauna na siyang dumalaw kaninang umaga. Nahirapan siya, kaya ayaw na niya akong samahan. Gayunpaman, may next time pa naman. Babalik ako. Pag-uwi ko'y sinamahan ako ni Ate Diyang. Nagkuwentuhan. Namiss ko ang mga araw na maayos pa ang pag-iisip niya. Namiss ko ang positibo at masiyahing siya. Aminin man niya o hindi, nakikita kong may kakaiba sa kanyang sikolohikal na aspeto. Iba na ang kanyang paniniwala. Madalas niyang sabihing may bumubulong sa kanya. Mas naniniwala rin siya sa manggagamot kaysa sa kapangyarihan ng Diyos. Naisingit ko naman ang Panginoon. Sabi ko'y papasukin niya sa puso niya ang Diyos at huwag siyang maniniwala sa sabi-sabi ng manggagamot. Nakakatakot ang kanyang mga pananalita, ngunit pagkaawa na lamang ang nanaig sa puso ko. Masarap at malaman pa rin siya kung mangusap. Halatang may talino. Subalit, paano nga ba manunumbalik ang kanyang katinuan? Pinayuhan ko siyang mahalin na lamang niya ang sarili niya. Tama na ang paghahangad ng lalaking magmamahal sa kanyang ng isandaang porsiyento. Walang ganun! Mahalin niya na lamang ang kanyang mga anak. At, tama na rin ang kanyang panganganak. Nangako naman siya. Bago kami tuluyang naghiwalay, sabi niya nais niyang manirahan kami sa isang compound, kung saan kaming magkakamag-anak ay magiging masaya. Kay sarap pakinggan. Sana nga. Mayo 25, 2006 Kahit kulang ako sa tulog kagabi, dahil nag-isip na naman ako ng mga bagay-bagay tungkol sa aking karera, asawa, mga anak, at pamilya, ay nagising pa rin ako nang maaga. Pagbaba ko'y naroon na si Hanna. Hinatid siya ng kanyang stepfather ng bandang alas-5:30. Dahil pupunta ako kina Jano sa Boso-Boso, isinama ko na lang siya. Alas-8 ay naroon na kami. Doon na kami nag-lunch. Ang sarap ng mga niluto ni Jano. Na-enjoy at nabusog ako nang husto. First time kong magpaluto sa kanya. I'm sure, natuwa rin siya sa effort ko. Alas-3 ng hapon, umuwi na ako. Pagkameryenda ko, umalis naman ako sa Bautista para 'di ako abutan ng ulan. Kaya lang, inabutan pa rin ako. Paglabas ko sa Shopwise, saka bumuhos ang napalakas na ulan. Mabuti na lang at nadala ko ang payong ko. Kaya hindi ako nabasa nang husto. Mayo 26, 2016 Pumunta ako sa school para makabonding ang mga kaibigan ko. Mas pinili ko ang ito kaysa samahan si Sir Randy sa CUP. Hinihikayat niya kasi akong ipagpatuloy ko ang masteral ko. Ayaw ko pa. Hindi pa iyon ang priority ko. Maghapon kami sa school. Nagkuwentuhan lang kami nina Ms. Kris, Emeritus at Plus One. Mayo 27, 2016 Nasa Gotamco na ako ng bandang alas-8:30. Naroon na rin si Ms. Kris. Then, habang hinihintay namin si Emeritus, nagkuwentuhan kami. May ginawa na namang manipulation ang nag-iisang reyna ng inggit sa aming school. Nakakalungkot isipin na lagi na lamang siyang may kinakawawa. Quarter to 10, pumunta na kami sa Pasay City Hall para ipamigay sa mga incumbent city leaders ang mga invitation at solicitation letters para sa Brigada Eskwela. Sa kabila ng kaunting pagkaligaw at pagpapabalik-balik, naibigay naming lahat sa loob lamang ng isang oras. After lunch, sa Senate na naman kami pumunta. Hindi namin alam na wala silang pasok kapag Friday, kaya nasayang lamang ang aming pamasahe sa taxi. Excited pa naman akong makapasok doon. Di bale, babalik naman kami sa Lunes. Nag-stay kami sa Gotamco. Inabutan tuloy kami ni Mam Deliarte. Okay lang naman. Nag-enjoy naman ako nang wala pa siya, lalo na't tumawag pa si Sir Erwin sa telepono. Nagkabiruan kami tungkol sa PBB virus. Nakapagplano rin kami tungkol sa seminar sa stock investment bukas sa Makati, gayundin sa outing sa Laguna on June 4. Mayo 28, 2016 Eksakto alas-diyes ng umaga ay narating ko na ang venue ng financial literacy seminar--- sa The World Center Building. Nagsimula naman agad kahit hindi napuno ang hall. Marami akong natutunan, kaya lang hindi ko narinig ang inaasam kong lesson. Interesado ako sa stock market. Hindi nila iyon in-emphasize. Kailangan ko munang mag-attend ng series of workshop and seminar at magbayad ng membership fee na P3700 para ma-avail ko ang mga iyon. Although, may mga perks naman ang membership. Hindi pa rin nila ako naengganyo. Ipinakita ko lang sa speaker, na nag-orient sa akin, after ng talk niya, na interested ako. Ayaw ko lang ang idea ng membership fee. Hindi naman ako nagsisi sa pagdalo ko. Kahit paano ay may natutunan ako. May maidaragdag ako sa mga kuwento ko. After lunch, pumunta na ako sa Luneta. Masyado pang maaga para sa Chalk Art ng NCCA, kaya tumambay muna ako doon. At nang nagsimula na ang inaabangan ko, nag-participate ako. tumulong ako sa mga artist na kulayan ang mga sketches nila sa daan gamit ang mga colored chalks. Nag-drawing din ako ng sa akin. Nakaka-enjoy at nakakawala ng stress. Naging bahagi pa ako ng programa ng National Commission for Culture and the Arts. Pag-uwi ko nga ay nakapost na pala sa FB page nila ang mga pictures doon. Nakita ko ang picture na kasama ako, kaya shinare ko kaagad ito. Nakaka-proud. Mayo 29, 2016 Nag-stay lang ako sa kuwarto buong maghapon, kahit mainit. Wala naman kasi akong pupuntahan. Isa pa, kailangan ko ring maghanda para sa kick-off ng Brigada Eskuwela bukas. Isang linggo na namang pupunta sa school at maglilinis. Alas-4 ng hapon ay pumunta ako sa Gomez Mansions para makipag-fellowship. Welcome pa rin ako, bagamat halos dalawang linggo akong wala. Na-disapppoint ako kay Jeff kanina dahil hindi pa niya maibibigay ang pina-print kong t-shirt. Aywan ko kung ano ang naging dahilan, since nakapagpagbayad na ako. Gayunpaman, buong tiwala kong ibinigay sa kanya ang P3000 cash bilang down payment sa publishing fee ng 'Trip to Mars' book. I hope matapos na ang printing this June. Gusto ko nang magbenta. Mayo 30, 2016 Pasado alas-sais ng umaga ay nasa school na ako. Iyon kasi ang usapan namin ni Ms. Kris kahapon. Mag-aalmusal kami para may energy sa kick-off ng Brigada Eskuwela. Matagal bago nasimulan ang parada. Pero, wala pang isang oras ito natapos. Ako ang naatasang maging photographer. Ako rin ang nag-emcee. Okay lang. Ang mahalaga ay nakatulong ako kay Mam Joan V. Nagpameeting si Mam Deliarte after lunch. Tapos, may ginawa kaming annual plan. Pinaghintay niya pa ang mga dating grade leaders para sa isa pang meeting, kaya lang bigla siyang umalis papuntang DO. Naghintay naman kami, pero hanggang alas-singko lang. Dumating na si Epr. Matagal-tagal rin siya bago muling nakauwi. Sana magtagal naman ang stay niya sa boarding house namin. Nakakagana kasi ang kumain kapag may kasalo. Mayo 31, 2016 Hindi agad ako pumunta sa school. Iyon ang usapan namin nina Ms. Kris. Nakapag-almusal pa naman kami bago kami pumunta sa Senate para magbigay ng solicitation letters. First time ko doon. Hindi naman iyon nakakaintimidate, hindi dahil kasama ko sina Mam Dang at Mam Edith, kundi dahil marami naman ang nagsosolicit at humihingi ng financial assistance. Kami naman ay humihingi para sa school, hindi pansarili. Nagawa naman naming naipa-receive ang 23 na letters sa bawat opisina. Sayang nga lang dahil wala kaming naabutan senador. Nagkasya na kaming magpicture sa mga litrato nila, opisina, o pangalan. Ang pinakagusto kong opisina ay kay Sen. Santiago, my idol. Napaka-accommodating ng secretary niya. Pinapasok pa kami sa opisina ng senadora. Nakaupo pa ako sa kanyang swivel. Ang ganda ng opisina niya. Parang bahay. Sana andun siya... Pumunta muna kami sa GSIS bago bumalik sa school. May kinuha silang dalawa. Ako naman ay nag-change pin ng UMID card ko. Doon na rin kami nag-lunch. Alas-tres, nagyaya si Mamah na magmeryenda. Dapat lunch ang ililibre niya sa amin, kaya lang nasa GSIS nga kami. Ang saya at ang ganda ng kuwentuhan namin sa halo-haluan. Siyam kami. Mga Hideouters at Tupa. Kasama sina Ms.Kris, Mareng Baes at Mam Edith. Si Mam Sheila. Archie. Plus One. Mam Dang. Dapat magsisimba ako sa Gomez, kaya lang naiwan sa bulsa ng pantalon ko kahapon ang susi ng pinto. Umalis si Epr kanina. Hindi pa raw siya uuwi. Imbes, na pupunta na ako sa churchhome, gumawa na lang ako ng paraan para makuha ko ang susi sa loob. Hindi naman ako masyadong nahirapan. Nakuha ko agad ito sa loob ng limang minuto.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...