Followers

Monday, August 27, 2018

Resiklo

Lumabas ang lalaki mula sa banko. Mukhang mayaman siya at edukado.

Nagulat ako nang binili niya ako kay Aling Tali. Siya ang tindera ng mga yosi at kendi.

Natuwa ako. Sa halagang piso, pakiramdam ko, mahalaga ako.

Hindi lang ako ang binili niya. Tatlo kami. Nilagay niya sa kaniyang bulsa ang dalawa.

"Sukli mo," sabi ni Aling Tali.

"It's okay!" sabi niya. Umalis na siya habang pinipilipit niya ako.  Samantalang nasa lalamunan na niya ang laman ko.

"Ang bait niya," bulong ko.

Sa 'di-kalayuan, itinapon niya ako sa tabi.

"Hoy, Kuya, bumalik ka rito," sigaw ko.

Humanga pa naman ako sa kaniya. Wala pala siyang disiplina. Sayang lang ang pinag-aralan niya. Balewala ang kinikita niya at binabanko niya kung kapos siya sa ugaling maganda.

Matagal akong naghintay ng taong may puso. Pero, wala ni isa mang pumulot sa akin.

Tanggap ko naman na wala na akong halaga kapag wala na akong laman. Pero, sana ilagay naman nila ako sa tamang tapunan.

Nainitan ako roon. Naulanan. Natuyo. Nilikad ng hangin patungo kung saan. Inapak-apakan.

Ang sakit-sakit!

Sa isang tahimik na lugar ako napadad. Akala ko, mabubuti ang mga naninirahan doon. Hindi pala. Nilagay nila ako, kasama ng mga dahon at iba pang kalat,  sa latang basurahan.

Okay na sana. Kaya lang, sinindihan kami ng babaeng mataba. Naghiyawan ang mga dahon. Pinilit ko namang tumakas at umahon, pero wala akong nagawa. Tinanggap ko na na oras ko na. Nagdasal ako sa Panginoon. Naniniwala ako sa Kaniya. Sabi ko, bahala na Siya.

Pumikit ako at dinamdam ang init na unti-unting lumalapit sa akin.

Lumipas ang ilang sandali, biglang umambon. Napaiyak sa tuwa ang mga kalat at dahon.

"Salamat, Panginoon!" bulong ko. Hindi ko pa talaga panahon.

Lumakas pa ang ambon. Kumulog pa. Kasunod ang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Tuluyan na ngang namatay ang apoy na tutupok sana sa aking buhay.

Napuno ng tubig ang latang basurahan hanggang natakasan ko ang kamatayan.

Hindi nagtagal, inanod ako patungo sa kanal. Marami kami roon. May lata, plastik, at bakal. May nabubulok. May nangangamoy. Unti-unti rin akong sinasakal ng masangsang na amoy ng baha.

Lumakas pa ang ulan. Kung nasaan ako, hindi ko na alam. Basta, marami kami. Marami kaming sinalaula. Hindi sininop. Hindi pinahalagahan.

Paggising ko, palutang-lutang ako sa malaking ilog.

Malakas ang agos ng ilog, kaya tinangay ako. Nabangga ako kung saan-saan at kung kani-kanino. Nahilo ako. Hindi ko na alam kung nasaan ako. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay. Akala ko nga, wala na akong buhay.

Nasa ilalim pala ako ng karagatan. Tahimik doon, ngunit madilim. Okay lang dahil alam ko, ligtas ako.

Matagal ako roon. Nakilala ko na halos lahat ng mga hayop sa karagatan. Hindi naman nila ako pinakikialaman o sinasaktan. Kilala ko na sila isa't isa. Alam ko na ang mga kilos nila.

Payapa na sana ang buhay ko, pero gusto kong makita ang sikat ng araw. Kaya sinikap kong makarating sa ibabaw. Ginaya ko ang langoy ng pating. Lumangoy ako kagaya ng pugita. Ginaya ko rin ang alimango. At lumangoy ako katulad ng pawikan.

"Pawikan?!" sigaw ko. Hinabol ako ng pawikan. Akala niya, isda ako.

Matagal akong nasa sikmura ng malaking pawikan. Kung madilim sa ilalim ng karagatan, mas madilim doon.

Matagal akong umasang iluluwa niya ako, pero tila imposible na. Kaya, sumuko na ako.

"Panginoon, baguhin mo po ang mga tao. Bigyan Mo po sila ng puso para sa kalikasan at mundo," dasal ko.

Lumipas ang mga taon.

"Balat ng kendi lang pala!" bulalas ng lalaki. Inihagis niya ako sa buhangin.

Nakita ko ang pawikang lumunok sa akin. Wala siyang malay. Naisip ko, nagdusa rin siya habang nasa tiyan niya ako. Kaawa-awang nilalang. Nabiktima rin ng kawalang-awa ng mga tao.

Tulad ng sikmura ng mga tao, matibay ako. Sa dami ng pinagdaanan ko, buo pa rin ako. Kumupas man ang pangalan ko, hindi naman natinag ang kakayahan kong mabuhay sa mundo. May laban pa ako.

Naulit nang naulit ang iba kong pinagdaanan.

Inapakan-apakan.

Winalis at itinapon sa basurahan.

Naiwanan.

Naulanan.

Naarawan.

"Bart, sipa tayo," yaya ng bata sa kaibigan.

"Sige, gusto ko 'yan, Ivan. Nakakasawa naman maglaro nitong cellphone ni Mama."

"Teka lang!" Dinampot ako ni Bart. "Puwede na 'to." Ipinasok niya ako sa tingga at inayos-ayos niya. Pagkatapos, inihagis niya ako sa ere at sinipa-sipa.

"Ayos! Game na! Paramihan tayo," hamon ni Ivan.

"Sige, ako muna." Tumira si Bart, gamit ang paa niya. Hindi niya hinayaang malaglag ang sipa. Nagbibilang pa siya.

Nagbibilang din si Ivan.

Nahilo ako pero masaya ako kasi napakinangan ang isang katulad ko.

"Twenty, twenty-one..." Nilakasan na ni Ivan ang pagbilang. "... twenty-two. Twenty-two ka lang!"

Ibinigay ni Bart ang sipa kay Ivan.

Nagsimula na itong sumipa at magbilang. Nalamasan ni Ivan ang twenty-two ni Bart. Siya ang ise-serve nito.

Magaling sumipa si Ivan. Nakalima siya. Ang huling sipa, naipalayo niya. Sinubukan pa ngang habulin ni Bart, pero hindi niya ito naabot.

Naburot na si Bart. Panay pa ang habol niya. Ako naman, enjoy na enjoy akong lumilipad. Iba ang pakiramdam.

Sa ikaanim na tira ni Ivan, pumasok sa kabilang bakod ang sipa.

Bumagsak sa harapan ng binatang nakasakay sa wheel chair.

Tiningnan ako ng binata. Pagkatapos, pinaandar niya ang kaniyang wheelchair upang mas malapit siya sa akin.

Kakaiba ang binata kung ikukumpara sa ibang tao. Wala man siyang mga paa, sinikap niyang maabot ako. Ginamit niya ang kaniyang mga braso at kamay.

Nakuha niya ako. Sinipat-sipat niya ako. "Ito siguro ang tinatawag nilang sipa." Nilalaro niya ako sa palad niya. Nakatatlong lundag ako, bago niya ako ipinatong sa kaniyang binti.

Pagkatapos, dinala niya ako sa loob. Akala ko, itatapon niya ako sa basurahan nila. Sa isang kuwarto niya ako dinala.

Makulay ang kuwarto niya. Maraming nakasabit na kuwadradong bagay.

Habang palapit kami sa isang mesa, parang may nakikilala akong mga materyal.

Nagulat ako nang inisprihan ako ng binata. Nagkulay-ginto ako at ang tingga. Pagkatapos, ipinuwesto niya ako sa mga pamilyar na mukha.

Pilit ko silang kinilala. Alam kong nakita ko na sila sa kalye, sa kagaratan, sa kanal, sa ilog, at sa basurahan.

Kulay-ginto na rin sila. Bakas ang kasiyahan sa kanilang mukha.

"Kumusta kayo?" bati ko sa kanila. "Nasaan tayo, mga katoto?"

"Sa artroom tayo ni Sir Robino," sagot ng turnilyo.

"Ang bawat sa atin ay bahagi ng kaniyang obra maestra," dagdag ng lata.

Sumang-ayon naman ang screen, spring, kapirasong bakal, tanso, tubo, karton, plastic, butones, tansan, at iba pa.

"Masaya rito. Itinatangi tayo ni Sir Robino," sabi ng maliit na telang ginto.

"Welcome! Hindi ka na basura!" sabay-sabay na bati ng lahat.

Mangiyak-ngiyak ako sa tuwa, lalo na nang nakita kong nakangiti ang binata.


Hanggang Kailan Magluluksa ang Ilog Pasig

Nasilayan mo ba ang asul na tubig
at nakaligo’t nakasisid sa Ilog Pasig?
Itong biyayang galing sa langit
May kayamang mabibingwit.

Nang ang mga Tagalog ay nakalimot,
Mga dumi at basura ang idinulot
Kinitil ang pag-asang natitira
Kasaganaan, biglang nawala.

Hanggang kailan magluluksa ang Ilog Pasig,
Hanggang kailan maghihintay ng pag-iibig,
Hanggang kailan luluha ng pagdurusa,
Hanggang kailan iiyak ang Maynila?

Ilog noon na kay ganda,
Ngayon ay lumuluha’t nagluluksa.
Tila imposible nang humalimuyak
Kay baho’t kay itim na nitong burak.

Sikapin mong magbalik-tanaw,
Kung kailan ka huling nagtampisaw,
Sa ilog na makasaysayan
Sa Ilog Pasig na bahagi ng kabataan.

Kung tutulong ka’t sumagwan
Patungo sa bukana ng kasagaanan
Maaaninag ang tubig sa kailaliman,
At mga isda, mabubunyi nang tuluyan.

Magkaisa tayo’t magkapit-bisig
Pasiglahing muli ang Ilog Pasig
Ibandera natin sa buong daigdig
Mabuhay, Mabuhay, ang bukambibig.

Wikang Filipino, Saliksikin at Gamitin


 Mga kapwa ko, mag-aaral, tayo nang tuklasin
ang wikang pambansa, atin nang dakilain
Huwag lang ang mga salitang kanluranin
ang ating binibigyang-halaga at pansin.


Sa pagsasalita, pananaliksik, at aralin,
Sa anumang babasahin at mga sulatin,
ang wikang Filipino ang mainam gamitin
Nauunawaan na, napayayabong pa ang kultura natin.


Sa pagsasaliksik, wikang Filipino ang gamitin
Huwag na ang ibang wikang tunog-bigatin,
ngunit ang totoo, hindi naman lubhang magaling.
Sariling atin, ating gamitin at pagyamanin.


Yaman ng wikang Filipino, atin nang saliksikin,
alamin ang pinagmulan at katutubong atin.
Baul ng mga gintong salita, buksan na natin,
Ang buong mundo, kaya nitong sakupin.

Tuesday, August 21, 2018

Isang Araw nasa Siyudad si Zack

Bumuhos ang malakas na ulan. Halos wala nang masilungan ang mga hayop at insekto sa parang.

Takot na takot naman si Zack, ang batang tagak. Kaya, lumipad siya nang lumipad. Hindi niya namalayang napadpad siya sa Kamaynilaan. Doon, marami ang kaniyang nasilungan.

Sa pagsilay ng araw, si Zack ay nauhaw. Lumipad uli siya at naghanap ng tubig. Nakarating siya sa Ilog Pasig. Sumakay siya sa bahaghari. Lumagpak siya sa tubig na kulay-tsokolate.

Pagkatapos uminom ni Zack, muli siyang lumipad. Para siyang may hinahanap. Kaya lang, napagod ang kaniyang mga pakpak. Sa basurang nakatambak siya lumapag at umapak.

“Ganito pala sa siyudad,” natutuwang sabi ni Zack. “Kakaiba! Kay ganda!” Sa kaniyang tuwa, lumublob siya tubig na parang sirena. Nang siya ay umahon, ang mukha niya ay may nakabalumbon. Muntikan pa siyang mawalan ng hininga dahil sa plastic bag na sumakal sa kaniya.

“Pambihira,” nakangiti pang sabi pa niya. Saka isang tumpok ng halamang nakalutang ang kaniyang nakita. Sumakay siya. Gusto niyang malaman kung ano ang meron pa sa dulo ng ilog na mahaba.

Bumilog ang kaniyang mga tuka at halos lumuwa ang mga mata. Natanaw niya ang sementadong talon sa mga gilid ng ilog. Napansin niya ang mga dambuhalang lata, na naglalabas ng maiitim na ulap. “Wow! Wala nito sa parang,” bulalas niya.

“Ang ganda!” Napalukso pa siya nang isang bata ang nakita niya. Nagsaboy ito ng basura. Naghabulan ang mga plastic, bote, papel, at iba pa sa ibabaw ng tubig. Tuwang-tuwa niyang inabangan kung alin ang mauuna.

Pero, hindi na niya nakita dahil napansin niya ang isang mama. Inis na inis siya. Kasi may nabingwit siyang tabla. Maluha-luha si Zack sa katatawa. Pero nagtataka siya. “Ano kaya ang hinuhuli niya?”

Mula sa halamang lumulutang, lumipat si Zack. Sa ibabaw ng barge, siya umapak. Inabangan niya ang mamimingwit. “Bakit kasi ito nagagalit?”

Ilang minuto ang lumipas, pumisik-pisik sa bingwit ang isdang maliit.

“A, isda pala ang kaniyang hinuhuli,” sabi ni Zack. Pumalakpak siya sa galak.

 Nagalit naman ang lalaki. Itinapon pabalik ang isdang nahuli.

Nalungkot si Zack. “Bakit kay liit ng mga isda sa ilog na malawak?” Dumukwang siya sa tubig, ngunit wala siyang nasilip. “Hindi katulad sa aking pinaggalingan, may mga isda sa mga katubigan.”

Malungkot na lumipad si Zack. Dumapo siya sa may gilid ng kung saan may mga basurang nakatambak. Nagpalipat-lipat siya, nang biglang sa lusak siya bumagsak. Nalubog sa mabaho at itim na burak ang kaniyang mga binti. At natilamsikan din ang balahibo niyang puti.

 “Tulong! Tulong!” sigaw niya. Kumawag-kawag pa siya, pero wala man lang tumulong sa kaniya.

Sinikap niyang makaalpas sa putik. Buong higpit siyang kumapit sa lubid na nakatali sa malapit. Hingal na hingal siya roon habang nakaapak. “Kay baho naman!” reklamo ni Zack. Kumawag-kawag pa siya para tumalsik ang mga putik.

“Kay baho naman pala ng putik dito!” Iniling-iling niya ang kaniyang ulo. Saka dumukwang sa tubig upang manalamin. “Wala na ba akong paningin?” nangangambang tanong niya. Hindi kasi niya nakita ang kaniyang mukha.

“Waaaah! Ayaw ko na rito sa siyudad!” sigaw ni Zack, saka mabilis na lumipad. Bumalik siya sa parang. “Kay sarap pa ring tumira sa tunay kong tahanan.”


Monday, August 20, 2018

Sino ang Tunay na Mangmang?



Guro: Juan, how can you show your patriotism?
Juan: (Kumamot sa ulo) Ma’am, hindi ko po masabi sa Ingles ang sagot ko.

Nagtawanan ang mga kaklase niya.

Guro: What’s wrong, class? Ano ang nakakatawa sa sinabi niya?

Natahimik ang lahat.

Guro: Sige, Juan, sagutin mo ang tanong ko sa wikang alam mo.

Juan: Ma’am, maaari po ba ninyong sabihin sa wikang Filipino ang tanong?

Guro: (Ngumiti muna) Sige. Heto ang tanong: Paano mo maipapakita ang iyong pagkamakabayan?

Juan: Salamat po! Maraming paraan upang maipakikita ko ang aking pagkamakabayan, subalit kung ipakikita ko lamang iyon at hindi isasagawa, hindi rin po pagkamakabayan ang tawag doon. Nais kong isagawa ang mga sumusunod: pagsunod sa mga alituntunin sa paaralan, sa bahay, sa kalsada, sa komunidad, pagsunod sa mga batas, pag-aaral nang mabuti para sa sarili, sa bpamilya, at sa bansa, pagtangkilik sa mga produktong Filipino, pagpapahalaga at pagmamalaki sa kultura at wikang Filipino, at napakarami pang iba. Hindi ko rin po ikinahihiyang hindi ako bihasang magsalita ng wikang banyaga. Sino ang nakakatawa: ang mangmang sa sariling o bihasa sa banyagang wika? Hindi ba’t ang taong bihasa sa banyagang wika dahil binulag siya nito. Sa kaniyang pakiwari, siya ang pinakamatalinong tao sa bansa.

Guro: (Napapalakpak) Maraming salamat, Juan! Napakaganda ng iyong tinuran!

Napayuko ang mga kaklase ni Juan nang tiningnan niya isa-isa.


Si Sir Flarino


Paborito naming guro si Sir Flarino. Mabait siya at matalino. Masaya kami tuwing siya ay nagtuturo. Natututo kami nang husto dahil laging siyang may pakulo.

Kapag may nagagawa kaming maganda, binibigyan niya kami ng papel na puso.At tuwing nakakasagot kami nang wasto, may papuri na, mayroon pang puso.

Binabasahan niya kami ng kuwento. Kahit tumatalsik na ang laway niya, tuloy pa rin ang kuwento.

Gustong-gusto namin siya kapag nagkukuwento dahil bahagi raw iyon ng buhay niya at pagkatao. Minsan, pinatatawa niya kami. Minsan naman, nag-iiyakan kami.

Aliw na aliw kami kapag siya ay nagiging payaso. Nag-iiba ang boses niya kahit walang mikropono. Para siyang artista ---umaarte, umaawit, tumutula, humuhugot, at sumayaw pa. Kuwelang-kuwela talaga!

Bawat aralin niya, naunawaan naming talaga. Natuto na kami, masaya pa. Para lang namin siyang ama. Para lang kaming nasa bahay kasi parang kasama namin ang aming nanay at tatay.

Isang Lunes ng umaga, may bago kay Sir Flarino.

“May sakit ba si Sir Flarino?” tanong ni Benjo.

“Wala,” sagot ko.

Malungkot si Sir Flarino. Para siyang namaligno. Hindi niya kami kinikibo.

“Sir, may I go out po?” paalam ni Faulmino.

Parang anino lang si Faulmino. Napaupo na lang ito.

“Bulag na ba si Sir Flarino?” tanong ni Gino.

“Hindi,” sagot ko.

Kinabukasan, napansin ko si Sir Flarino. May bago na naman sa kaniya. Mas tahimik na siya. Hindi namin nakita ang ngiti niya. Parang hindi niya naririnig ang ingay ni Ciara. Siya ang pinakamadaldal sa buong klase ng VI-Acacia.

“Bingi na ba si Sir Flarino?” tanong ni Angelo.

“Hindi,” sagot ko.

Miyerkules. Hindi nagturo si Sir Flarino. Nagpaskil lang siya ng tsart kung saan nakasulat ang panuto.

“Pipi na ba si Sir Flarino?” tanong ni Hero.

“Hindi,” sagot ko.

Nagpatuloy ang pagbabago ni Sir Flarino. Lagi na ring nakakunot ang kaniyang noo. Ang tingin niya ay laging malayo. Nasasabik na ako sa kaniyang mga kuwento. Naiiyak na ako dahil wala siyang kinikibo. Maniniwala na rin siguro akong bulag, pipi, at bingi na ang aming paboritong guro.

Huwebes ng umaga, sarado pa ang silid-aralin ng VI-Acacia. Unang beses mahuli sa klase si Sir Flarino. Hindi rin siya absenero.

Tahimik kaming nakaupo habang nakapila. Si Sir Flarino ang inaabangan namin at ang pagngiti niya.

Bente minutos ang lumipas, wala pa siya. Nalungkot ako nang sobra. Naisip ko, baka sumuko na talaga siya.

Bilang pangulo ng klase, pinaupo ko ang aking mga kaklase. Tumayo ako sa harapan ng labing-anim na lalaki at dalawampu’t apat na babae.
“Hindi bulag, pipi, at bingi si Sir Flarino, kundi nagtatampo. Lahat tayo ay makukulit, tamad, at magugulo,” sabi ko. Pinakinggan naman nila ako. “Hindi na ba talaga tayo magbabago? Ayaw ba nating maging seryoso? Mahalagang tayo ay maging edukado, pero mas maganda sana kung tayo pa ay disiplinado.”

Hindi nga pumasok si Sir Garino. Sabi ng ibang guro, malala raw ang kaniyang ubo. Alam kung hindi iyon totoo.

Huling araw ng linggo, maagang pumasok si Sir Flarino. Naabutan na namin sa kuwarto. Pagkatapos naming mag-flag ceremony at mag-ehersisyo. Pero, hindi niya kami binati at kinibo. Parang wala siyang nakitang tao.

Sobrang nasaktan ako. Ginawa ko namang lahat ang makakaya ko. Kinausap ko ang mga kaklase ko. Hinikayat kong sila ay magbago. Kaya nga, ilang araw na rin kaming hindi magulo. Hinihintay na lang naming magturo si Sir Flarino.

Sa ikalawang linggo ng pananahimik ni Sir Flarino, unti-unti ko nang nakita ang pagbabago ng mga kaklase ko.

Si Ciarra, hindi na madaldal masyado.

Si Toby, lagi nang nakaupo.

Si Somaria, hindi na madalas magpaalam para magbanyo.

Si Gabby, madalas nang nagbabasa ng libro.

Sina Alvin at Teddy, hindi na nagpapatawa at nagbibiro.

Marami pang pagbabago ang nangyari sa mga kaklase ko. Lahat kami ay abala sa pag-rereview. Lahat din kami ay naging sensitibo sa damdamin ng bawat guro, lalo na ni Sir Flarino.

Biyernes iyon. Ikalawang linggo simula nang magbago si Sir Flarino. Katatapos lamang ng pagsusulit sa asignaturang Filipino.

Kinolekta ko ang mga papel pagkatapos mag-tsek ang mga kaklase ko.

“Sir, heto na po ang mga papel,” sabi ko.

Para kaming nasa sementeryo habang iniisa-isa ni Sir Flarino ang mga papel na iniaabot ko. Ang mukha niya ay blanko. Hindi siya na nakangiti at hindi rin nakakunot-noo.

“Binabati ko kayo!” Sa wakas, nagsalita na si Sir Flarino.

Nagulat kaming lahat. Nagpalitan kami ng tingin at napapalakpak.

“Natuwa ako sa resulta ng pagsusulit. Hindi na ako ngayon galit.” Ngumiti pa ang guro naming mabait. “Sana hindi na maulit ang inyong pagiging tamad, pasaway, magulo, makalat, at makulit. Tandaan ninyo, ang disiplina ay hindi nabibili, narito na iyan sa ating sarili.”

“Opo, Sir Flarino. Sorry po,” sabay-sabay nilang sagot.

“O, bakit humahagulgol ka riyan, Cielo?” Napansin ako ni Sir Flarino.

“Wala po. Natutuwa lang po ako,” sagot ko habang nagpupunas ako ng luha at sipon ko.

Nagtwanan ang mga kaklase ko. Nakitawa na rin si Sir Flarino.















Saturday, August 18, 2018

Nasaan ang Singsing, Lily?



Tuwing umaga, nasa Ilog Pasig si Juanito. Namimingwit siya roon upang may pang-ulam sila. Kapag marami siyang huli, binabangka niya ang kabilang bayan upang ibenta ang iba niyang isda. Nakakabili pa siya ng bigas na sasaingin nila.
Tuwing tanghali, naliligo si Juanito sa ilog kasama ang kaniyang mga kaibigan. Tuwang-tuwa silang sumisisid sa ilalim ng tubig dahil nakikita nila roon ang mga makukulay at iba’t ibang uri ng isda. May biya, kanduli, tilapia, hito, at marami pang iba.
Tuwing hapon, nag-iigib si Juanito ng inuming tubig doon. Pinupuno niya ang mga tapayan.
Tuwing gabi, lalo na kapag maliwanag ang buwan, namamangka rin si Juanito Ilog Pasig. Ititigil niya ang pagsagwan sa gitna ng Ilog Pasig para tingalain ang mga bituin sa langit.
“Salamat, Panginoon, sa mga biyayang ito!” madalas na nauusal ni Juanito.
Isang umaga, sa pamamangka ni Juanito, napansin niya ang magandang dalaga sa pampang ng Ilog Pasig. Nabighani siya sa binibini.
“Magandang umaga sa iyo!” bati ni Juanito.
“Magandang umaga rin sa iyo!” bati ng dalaga.
“Ako nga pala si Juanito. May mga isda akong ibibigay sa iyo. Sana tanggapin mo, kapalit ng pangalan mo.”
Tinanggap ng dalaga ang mga isdang ibinigay ni Juanito.
“Maraming salamat, Juanito! Ako nga pala si Lily.”
Araw-araw naglalaba si Lily. Mas naging masipag lalo si Juanito sa pamimingwit dahil araw-araw niyang binibigyan ng isda ang dalaga.
Isang araw, walang isdang dala si Juanito para kay Lily.
Hindi nalungkot ang dalaga. Makita lang niya ang binata, masaya na siya.
“Tulungan na kitang maglaba,” alok ni Juanito kay Lily.
Hindi naman tumanggi si Lily, pero nagulat siya nang kunin ni Juanito ang kanang kamay niya.
            “Tanggapin mo ang singsing na ito, tanda ng pag-ibig ko sa iyo.” Isinuot ni Juanito sa daliri ni Lily ang singsing.
            “Salamat!” maluha-luhang sabi ni Lily.
             “Walang anuman! Ingatan mo sana iyan. Kapag nakapag-ipon na ako, pakakasalan na kita. Gusto kong makasama ka habang buhay. Mahal na mahal kita.”
            “Mahal na mahal din kita, Juanito. Oo, iingatan ko ito,” pangako ni Lily.
            Nagpatuloy ang kanilang pagmamahalan. Saksi ang Ilog Pasig kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Nagpatuloy rin si Juanito sa pamimingwit at pagbebenta ng isda upang makaipon siya ng pera.     
            Lumipas ang ilang buwan, napansin ni Juanito na hindi suot ni Lily ang singsing.
            “Nasaan na ang singsing, Lily?” usisa ni Juanito.
            “Nasa bahay lang. Naiwan ko.”
            Araw-araw, hinahanap ni Juanito ang singsing kay Lily ngunit iba-iba ang dahilan nito.
            “Magtapat ka nga sa akin, Lily. Nasaan na ba talaga ang singsing?”
            “Bukas, makikita mo,” pangako ni Lily. Pag-alis ni Juanito, umiyak siya. Hindi niya talaga alam kung paano nawala sa kaniyang daliri ang singsing. Hiyang-hiya siya sa binata.  
            Kinabukasan, wala sa pampang si Lily. Nangamba si Juanito kaya pinuntahan niya  ang dalaga sa bahay nito. Mas lalo siyang nalungkot dahil hindi rin alam ng mga kapatid at mga magulang ang kinaroroonan ng dalaga. Walang sinuman ang nakapagsabi kung nasaan siya.
            Labis na nalungkot si Juanito sa pagkawala ni Lily. Hindi na siya namimingwit, nag-iigib, naliligo, at namamangka sa ilog. Sinisi niya ang Ilog Pasig. Pero, isang araw, may nakapagsabi sa kaniya, na may kakaibang halaman ang tumubo sa pampang kung saan madalas naglalaba si Lily.
            Agad siyang pumunta roon. Nakita at namangha siya sa halaman. Makintab ang mga dahon nito. Katulad ng mga daliri ni Lily ang tangkay. Ang bulaklak naman ay kasingganda niya.  Naniwala siyang si Lily ang halamang iyon.
“Salamat, Panginoon, dahil makakasama ko pa rin siya!” sabi ni Juanito.
Nang tumagal, ipinangalan niya iyon kay Lily.
           
           
           
           


Friday, August 17, 2018

Prosthetic


PROSTHETIC
Froilan F. Elizaga


Isang duguang babae ang lumabas mula sa gate ng 13th Southpark Street, na tila hinahabol ng asong ulol. "Demonya siya! Demonya!" sigaw nito.
Tatlong magkakasunod na doorbell ang narinig ni Fatima mula sa madilim na kuwarto. Napangisi siya habang ipinupunas sa damit ang kaniyang mga kamay.
Paglabas niya sa isang silid, agad siyang dumiretso sa banyo ng kaniyang kuwarto. Naghugas siya ng kamay. Umagos sa puting tiles ang mapulang tubig.
Pagkatapos, naghubad siya ng kaniyang damit na namantsahan ng dugo. Mabilis din niyang isinuot ang puting satin robe. Ikinubli man niya ang kaniyang maputi, makurba, at makinis na katawan, lumitaw pa rin ang kaniyang kaseksihan.
Nang humarap siya sa magarang salamin, isang maamo at magandang mukha ang rumehistro roon. Naglagay siya ng pulang lipstick sa labi, nag-brush ng buhok, nginitian ang sarili sa repleksiyon, saka lumabas.
Sa sala, naroon si Brenda. Nakaupo sa mahabang sofa. Naglulumikot ang kaniyang mga mata. Manghang-mangha siya sa grandiyosong sala.
Limang hakbang ang layo mula sa kinauupuan ng aplikante, tahimik na nakatayo ang isang matangkad at matipunong lalaki. Patingin-tingin ito sa kaniya.
Mayamaya pa, bumababa na si Fatima sa eleganteng hagdanan.
Yumukod ang lalaki nang nakababa na si Fatima. "Madam, may aplikante po tayo," anito.
"Yes, Elmer! Thank you! Go back to your post," wika ni Fatima. Makapangyarihan ngunit malamyos ang tinig niya.
Tumayo naman agad si Brenda at nahihiyang bumati, pagtalikod ni Elmer. "Good afternoon, Madam!"
"Good afternoon, Ms. Brenda Catacutan!"
Bahagyang nagulat si Brenda.
"Don't worry. Hindi kita pinaimbestigahan." Tumawa muna si Fatima. "You called yesterday, right?"
Tumango si Brenda, saka niya naalalang tumawag nga siya kahapon at pinapupunta para sa submission of requirements. Hindi lang siya makapaniwala na artista pala ang magiging amo niya. "Heto po pala ang mga papers ko," mabilis niyang abot ng isang brown envelope.
Kumibit-balikat lang si Fatima. "So busy para basahin at interview-hin pa kita. Besides, I badly needed a kasambahay. So, can you start now?"
"Po? Ngayon na po?" tarantang tanong ni Brenda.
"You are already 19, right? Kailangan mo pa ba ng parental consent?"
"I mean, wala po akong dalang bihisan man lang..."
"It's okay. Brenda! Magka-shape lang naman tayo, o. You can wear any of my clothes. May mga bago akong undies sa dresser ko. Gamitin mo muna."
Lihim na natuwa si Brenda.
"It is okay?"
Natigalgal si Brenda nang inulit ni Fatima ang kaniyang sinabi.
"O-okay po!"
"Yes, thank you!" Lumapit pa ang dalagang amo at bineso ang bagong katulong.
Hiyang-hiya si Brenda sa paghalik sa kaniya ng bagong amo, pero agad niyang naisip na baka malambing talaga ito sa mga kasambahay. Kaya, nginitian niya na lang ito.
Nabigla si Brenda sa pag-ring ng telepono.
"Wait, I'll answer the phone," ani Fatima. At mabilis niyang nilapitan at inangat ang awditibo. "Yes, hello! Speaking! O, yes! How are you, Direk?"
Hindi tumingin si Brenda sa amo. Iginala niyang muli ang paningin sa kabuuan ng living room, pero pinakikinggan niya ang  usapan.
“Yes, Direk, matatapos na po.”
Patuloy pa rin ang pakikinig ni Brenda.
“Okay!” Natigilan si Fatima, kaya napasulyap si Brenda sa kaniya. Nagtama ang kanilang mga mata. “I’ll be there.”
Agad namang binawi ni Brenda ang kaniyang paningin hanggang sa marinig niya ang halakhak ni Fatima. Napapitlag siya sa kaniyang kinauupuan.
“Gusto kong hiranging Queen of Horror Films, Direk!” Tinuloy ni Fatima ang paghalakhak, bago niya ibinaba ang telepono.
Itinago ni Brenda ang kaniyang takot nang muling humarap sa kaniya ang artistang amo. Kahit nakangiti at maamo ang mukha nito, parang kaharap niya ang kanibal na karakter nito na napanuod niya sa sine.
“Pasensiya ka na, Brenda… I have to go. Ikaw na ang bahala. Si Nanay Lucing, nasa maid’s quarter. Siya ang makakasama mo sa kuwarto. May sakit siya ngayon, kaya ikaw na sana ang mag-alaga sa kaniya. Siya ang nag-alaga sa akin since six years old, kaya I can’t afford to lose her. Please, Brenda,” pakiusap ni Fatima.
Medyo nabawasan ang pagkabaog ng dibdib ni Brenda. Gusto niyang isiping iba ang karakter nito sa mga pelikula sa totoong buhay. At ang magkanlong ng taong hindi mo kadugo ay isang katibayan ng isang kabutihang-loob.
“S-sige po, Madam,” nakangiting sagot ni Brenda.
Nang hapong iyon, na-meet ni Brenda si Nanay Lucing. May iniinda itong rayuma.
“Salamat naman, pumayag kang magsimula agad ngayon. Pasensiya ka na, ha? Hindi kita matutulungan sa mga gawain. Nirarayuma ako,” sabi ng 70-anyos na matanda.
“Wala po iyon. Sana gumaling na po kayo.”
“Sana… Pero, huwag kang magpakapagod, iha. Hindi naman maselan si Fatima. Kailangan mo ring magpahinga. Dapat hindi ka ma-stress. Dapat lagi kang maganda. Ayaw niya ng pangit na kasama. Tingnan mo ako, kahit matanda na ako, nakapostura rin.” Ngitian pa siya ng matanda habang kunwaring naka-pose.
 Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Brenda. Pakiramdam niya, makakagaanan niya ng loob si Nanay Lucing. “Naaalala ko po sa inyo ang lola ko. Mabait din siya at palabiro.”
“Hindi ako nagbibiro, ha. Maganda ka. Nagtataka nga ako kung bakit pumasok ka bilang katulong.”
Sumeryoso si Brenda. “Hindi po kasi ako nakatapos ng high school. Movie fan ako, kaya natuwa ako nang si Ma’am Fatima pala ang amo ko. Sigurado akong magtatagal ako rito.”
“Talaga? Napapanuod mo bang lahat ang mga pelikula ni Fatima? Ang huli niyang pelikula?”
“Opo. Napanuod ko po ang ‘Sumigaw Ka Lang.’”
“Mabuti ‘yan, iha. Pero maiba ako… Feel at home. Tayong apat lang ang narito. Ikaw, ako, si Elmer, at si Fatima. Madalas, wala sila, kaya relax lang. Hindi ka katulong dito. Ituring mo na kaming pamilya.”
“Opo.”
Tatalikod na sana si Brenda nang muling magsalita si Nanay Lucing. “Siyangapala, huwag na huwag kang papasok sa darkroom. Bodega iyon. Walang ilaw. Baka mapano ka. Hindi na iyon bahagi ng lilinisan mo.”
“Darkroom?”
“Nasa tabi ng kuwarto ni Fatima. Pulang pinto.”
“Okay po!”
Paglabas ni Brenda, umakyat siya second floor. Gusto muna niyang magpalipat ng damit para makapagsimula na siya sa mga gawain.
Sa kuwarto ni Fatima, binuksan niya ang malaking dresser nito. Nalula siya sa dami at ganda ng mga kasuotan nito. Natukso siyang ilabas ang isang gown. Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang isinuot ng amo niya sa isang horror film. Gusto sana niyang isukat pero hindi niya ginawa. Kumuha na lang siya ng damit-pambahay. 
Paglabas niya, sinadya niyang tumapat sa darkroom. Hindi naka-lock ang pinto, pero hindi niya binuksan.
Nang gabing iyon, pinanuod ni Nanay Lucing si Brenda ng isang video. Sa isang madilim na silid, makikita ang mga nakasabit at pinatutuyong ulo ng mga babae. Sa kabilang banda, makikita ang kamay, habang hinihiwa ang balat sa mukha ng tao.
Nagtatago si Brenda sa kaniyang unan.  “Nakakatakot naman po. Parang totoo.”
Tiningnan lang siya ng matanda.
“Puwede po bang patayin ko na lang? Hindi ko po kaya, e.”
“Ang hina naman ng sikmura mo, iha. Paano kapag nangyari iyan sa ‘yo?”
“Po? Ano po ‘yon?”
“Wala… Sabi ko, sige na. Off mo na.”
Biglang tumalim ang titig ng matanda kay Brenda.
Nang gabing iyon, hindi dinalaw ng antok si Brenda. Nang nakatulog man siya, dinalaw siya ni Fatima sa makatotohanang panaginip, kung saan hila-hila nito ang buhok niya hanggang makarating sila sa nakakatakot na kuwarto. Puno ito ng mga prostetic at maskara ng magagandang babae, na tila buhay na buhay, ngunit may mga sugat ang mukha, kundi man ay labas ang buto at luwa ang mata.
“Iha, gising!”
Isang maugat na kamay ang nahawakan ni Brenda, kaya napabangon siya.
“Binabangungot ka yata,” sabi ni Nanay Lucing. Ngumiti siya nang kay aliwalas.
Nagtatakang bumangon si Brenda. “Mabuti po, magaling na kayo.”
“Oo. Sige, iha… hintayin kita sa dining, nakahanda na ang almusal natin.”
Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Brenda. Naalala na naman niya ang kaniyang lola mula kay Nanay Lucing.
Pagkatapos nilang mag-almusal, hindi pinayagan ni Nanay Lucing si Brenda na maghugas ng mga pinakakainan.
Gabi, hinahasa ni Nanay Lucing ang butcher’s knife, nang pumasok si Brenda sa kusina.
“Ako na po ang magluluto,” presenta ni Brenda.
“Gusto ni Fatima, na maayos ang kaniyang tokador,” saad ng matanda.
“Sige po. Ako na po ang gagawa niyon.”
“Mabuti pa. Pagpasensiyahan mo lang… pundido ang ilaw roon. Buksan mo na lang ang ialw sa banyo.”
Agad na umakyat si Brenda. Hindi na niya narinig ang usapan nina Fatima at Nanay Lucing sa telepono.
“Ako ang bahala sa prosthetic mo,” anang matanda. “Mag-iingat ka lagi, anak. Bye!” malambing na paalam ng matanda.
Samantala, manghang-mangha si Brenda sa mga kasuotang naka-hanger. Kinuha niya uli ang pulang gown. Ni-lock niya ang pinto at isinuot iyon. Umiikot-ikot siya na animo’y isa siyang prinsesa sa Disney movie.
Nangangalkal pa si Brenda ng mga kasuotan ng amo, nang nakita niyang gumalaw ang door knob. Mabilis niyang hinubad ang gown, saka binuksan ang pinto. Si Nanay Lucing ang nakita niya, pero ito’y papasok na sa pulang pintuan. Sa labis niyang kuryusidad, maingat niya itong sinundan. Bahagyang nakabukas ang pinto, kaya nasilip niya ang ilang bahagi niyon. Mangiyak-ngiyak at masuka-suka siyang lumayo roon.
Lalabas na sana siya sa gate nang bigla naman ang pagbukas niyon. Gamit ang remote control, nakapasok ang sasakyan na minaneho ni Elmer. Agad nakatago si Brenda sa halamanan.
Nang nakita niyang nakapasok na sina Fatima at Elmer, nagdesisyon siyang tumakas, ngunit nabigo siyang buksan ang maliit na gate.
Samantala, inililigpit ni Fatima ang nakakalat niyang mga kasuotan, habang nakatiwangwang ang pintuan.
Si Brenda naman ay tarantang naghahanap ng paraan upang makasampa sa mataas na pader.
Hina-hanger ni Fatima ang mga damit, nang bigla na lang may nagsuklob ng itim na sako sa kaniya. Kumawag-kawag siya, isang matulis na kutsilyo ang tumarak sa kaniyang dibdib, dahilan upang tuluyan siyang bumagsak.
Hinila ng matanda ang duguang katawan ni Fatima patungo sa darkroom. Doon, humalakhak ito.
                Lalong natakot si Brenda nang marinig iyon, kaya inahulog siya mula sa pagkatuntong sa pinagpatong-patong niyang upuan.
Sa darkroom, buong lakas na inutas ni Nanay Lucing ang ulo ni Fatima. Nang tinanggal niya ito sa sako, nagulantang siya. “Fatimaaaaaa?!” Nayakap niya ang ulo. Matagal-tagal din siyang tumangis bago nanlilisik ang mga matang tumayo. “Brenda?! Brendaaaaaa!”
Nang pumasok si Brenda sa madilim na kabahayan, narinig niya ang galit na galit na pagtawag sa kaniya ng matanda. Sinikap niyang makalapit sa telepono.
“Brenda?! Nasaan ka, iha?” malambing na tawag ng matanda.
Hindi lumabas si Brenda sa kaniyang kinatataguan. Nakita niya kasing may hawak itong butcher’s knife.
Sa likod ng sofa, nakabusal ang kaniyang kamay, habang nanginginig at pinagpapawisan. Naririnig niya rin ang yabag ng matanda. Nang nawala iyon, saka siya umakmang tumayo. Ngunit, biglang may kamay na tumakip sa kaniyang bibig. Kumawag-kawag siya, pero nahila siya nito palayo roon.
“Si Elmer ‘to! Kailangan mong makaalis dito.”
“Paano ka?”
“Sige na. Mauna ka na!”
“Traydor!” Nagpupuyos sa galit si Nanay Lucing. “Malalagot kayo sa akin!”
Hinila ni Elmer si Brenda at agad silang tumakbo palabas. Napindot naman agad niya ang remote control upang bumukas na ang gate.
Bago pa nakalabas sa malaking pintuan ang dalawa, humandusay na si Elmer dahil tumama sa kaniyang likod ang butcher’s knife.
“Umalis ka... na,” sabi ni Elmer.
Tarantang tumalima si Brenda, ngunit hindi siya nakalabas dahil napindot naman ng matanda ang remote upang magsara ito. Nang lumingon siya, ilang hakbang na lang ang layo ni Nanay Lucing sa kaniya. Hawak uli nito ang butcher’s knife.
“Nanay Lucing, ano po ba ang kasalanan ko sa inyo?” umiiyak na tanong ni Brenda.
Hindi sumagot ang matanda. Lumapit lang ito sa kaniya. Napaurong naman siya. Tinantiya niya ang paligid. Maaari siyang tumakbo sa magkabilang side, ngunit tiyak siyang magagaya siya kay Elmer.
“Kung ano po ang nagawa ko, pasensiya na po. Palabasin ni’yo na po ako,” pakiusap pa ng dalaga.
Sinugod ng matanda si Brenda, subalit bago pa siya nito nataga, nabaril ito ni Elmer. Napaluhod na lamang siya habang pinagmamasdan niya ang kamay ni Nanay Lucing na sinusubukang abutin ang butcher’s knife.
Natalsikan ng dugo sa mukha si Brenda nang muling binaril ni Elmer ang matanda.









Thursday, August 16, 2018

Binibining Saging

 

              "Magandang araw sa inyong lahat! Malugod naming ipinakikilala sa inyo ang apat na nagagandahan at masusustansiyang saging!" bungad ni Hector Kalabasa.

              Nagpalakpakan ang lahat.

              "Ola, mi amigos, mi amigas! Ako si Rita Señorita. Sa inyong paningin, ako ay maliit, ngunit sobra ang aking tamis! Sabi nga nila, walang malaking nakapupuwing. Salamat sa inyong lahat!"

              Naghiwayan ang ibang manonood.

              "Lyka Lakatan ang nasa inyong harapan. Seksi, makinis, at paborito ng karamihan. Hindi lang ako basta-basta, pang export pa. Sa akin dapat mapunta ang korona sapagkat ako ang tunay na reyna. Hindi ako katulad ng iba riyan na matayog ang lipad. Mapagpanggap. Oops! Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit."

              Nagsigawan at nagpalakpakan ang madla sa pagpasok ng ikatlong kandidata.

              "Katamtaman ang taas, matamis, masustansiya, at abot-kaya ang halaga, ako si Wanda Latundan! Nag-iiwan sa inyo ng isang kasabihan, "Aanihin ang kagandahan kung ang utak ay walang laman." Salamat po, mga kababayan!"

              Maingay na palakpakan ang sumalubong sa ikaapat na kalahok.

              "Ang pisikal kong kaanyuan man ay hindi pangreyna ng kagandahan, ngunit sa nutrisyon, ako ay may laban. Tandaan ninyo, "Hindi lahat ng kumikinang ay ginto dahil may sarili ring kinang ang tanso. Ako nga pala si Savanna Saba. Mabuhay!"

              "Maraming salamat, naggagandahan at nagtatalinohang dilag!    Ngayon naman, tunghayan natin ang kanilang tagisan ng talento."

                             Unang nagpamalas ng kakayahan si Rita Señorita. Ipinakita niya ang kakayahan niyang malaglag mula sa piling kapag hinog na.

              Si Lyka Lakatan naman ay naghanda ng banana split. Gumawa rin siya ng cake at nilagyan ito ng hiniwang lakatan sa ibabaw nito.

              Umawit naman si Wanda Latundan. Ipinadama niya sa mga manonood kung gaano siya kaligaya dahil paborito siya ng mga ito.

              Nang si Savanna Saba na ang lumabas para magtanghal, tahimik ang lahat. Nakasuot siya ng kasuotan ng isang chef. At isa-isa niyang ipinakita ang mga pagkain, na ginamitan ng saba.

              "Masarap ang saba, niluto mo man o hindi. Mas masustansiya ito   kapag hindi inilaga. Siyempre, mas masarap ang hinog na saba. Kaya nitong tapatan ang señorita, lakatan, at latundan."

              Nagpalakpakan na ang ibang manonood.

              "Masarap ang saba sa halo-halo, ginataang halo-halo, maruya, banana que, banana chips, nilagang karne, banana con yelo, at marami pang iba."

              Pagkatapos mag-bow ni Savanna Saba, isang masigabong palakpakan ang kaniyang narinig.

              "Sa ating question and answer portion, tinatawagan ang unang kalahok— Binibining Rita Señorita!' sabi ng emcee. "Ang magtatanong sa iyo ay si Maiza Mais."

              "Hello, Rita?" bati ng mais.

              "Hello rin po!"

              "Ang tanong ko sa iyo—Ano ang maaari mong ipagmalaki bilang saging?"

              "Salamat sa makabuluhang tanong! Ang maipagmamalaki ko bilang saging ay ang aking sustansiya. Hayop man o tao, kailangan ang saging, lalo na ng señorita!"

              "Salamat, Rita Señorita. Tawagin naman natin si Lyka Lakatan. Ang magtatanong sa iyo ay si Nadia Mangga," sabi ng kalabasa.

              "Hi, Lyka Lakatan?" bati ng mangga.

              "Hi, Nadia Mangga!

              "Ito ang tanong ko: Ano ang lamang mo sa tatlo mong katunggali?"

              "Kitang-kita naman po ang lamang ko sa kanila. Bukod sa kagandahan, tinitingala rin ako sa ibang bansa dahil sa taglay kong linamnam, tamis, kalidad, at sustansiya," mayabang na sagot ng lakatan.

              "Salamat, Lyka Lakatan! Tinatawagan naman si Wanda Latundan."

              "Magandang araw, Wanda Latundan!" bati ni Ken Pinya.

              "Magandang araw rin, Ginoong Ken Pinya!"

              "Narito ang aking katanungan para sa iyo. Ano ang kontribusyon mo sa ating bansa?"

              "Ang kontribusyon ko sa ating bansa ay napapanatili kong malusog ang bawat tao sapagkat sa bawat hapag-kainan, madalas ako ang kasalo. Mas abot-kaya kasi ang presyo ko kumpara sa ibang saging. Sa katunayan, kaya ko ring lumabas sa ibang bansa, ngunit ako ay isang tunay na Pilipino, kaya hindi ko iyon gagawin."

              "Salamat, Wanda Latundan. At ang huli nating kandidata ay si Savanna Saba."

              "Kumusta ka, Savanna Saba?" bati ni Shawn Talong.

              "Mabuti po. Kinakabahan po."

              "Huwag kang kabahan. Madali lang ang tanong ko para sa iyo. Heto… Kung hindi ikaw ang makoronahan bilang Binibining Saging, ano ang magiging reaksiyon mo?"

              "Malulungkot po, pero magiging positibo pa rin po ako sa buhay dahil sa sarili kong pananaw, isa na akong reyna. Ang mga tao na lang marahil ang magsasabi kong ano nga ba ang tunay kong halaga sapagkat sila naman may panlasa. Maraming salamat po!"

              Nagpalakpakan ang lahat, kabilang ang mga hurado.

              “Ngayon, tawagin na natin ang lahat ng kandidata upang ianunsiyo kung sino ang kokoronahang "Binibining Saging. Maraming salamat po pala sa ating mga hurado na sina Maiza Mais, Nadia Mangga, Ken Pinya, at Shawn Talong."

              Kapit-kamay na naghihintay sa entablado ang mga saging. Lahat sila ay nag-aasam ng korona at titulo.

              "Ang pinakanagningning sa araw na ito at hihirangin bilang Binibining Saging ay si… ay si... Savanna Saba! Maligayang bati sa iyo, gayundin sa tatlo pang lumahok!" sabi ng emcee.

              Isang matamis na ngiti ang ipinakita ni Savanna Saba sa lahat pagkatapos siyang koronahan.


Sunday, August 12, 2018

Ang Takdang Aralin ni Lisa (Diyalogo)


Lisa: Mama, Papa, may takdang aralin po kami. Maaari ko po ba kayong tanungin?

Mama: Siyempre naman.

Papa: Ano iyon, anak?

Lisa: Ano po ang nangyari sa Sigaw sa Pugadlawin?

Papa: Ang Sigaw sa Pugadlawin ay isang natatatanging pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na binubuo ng mahigit limandaang Katipunero na sabay-sabay na pinunit ang kani-kanilang sedula bilang pagpapatunay ng kanilang tuluyang pagtiwalag sa pamumuno ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ito ay naganap noong Agosto 23, 1896 sa pamumuno ni Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan.

Lisa: Bakit po nila ginawa iyon?

Mama: Ako, ako ang sasagot…. Kasi noong Hulyo 5, 1896 nang matuklasan ng pamahalaang Espanya ang samahang Katipunan. Isang liham ang ipinadala ni Tenyente Manuel Sityar, isang opisyal ng Pasig, sa Gobernador Sibil ng Maynila upang ipaabot ang kaniyang kaalaman sa samahang kubling binubuo sa kabisera. Ayon sa kaniyang balita, ang samahan ay buong-tapang na nagsisiwalat ng mga kamalian ng pamahalaan at ang puwersa nito ay umabot na maging sa kalapit na sakop ng Maynila gaya ng Mandaluyong at San Juan. Ayon rin kay Sityar, may nalikom na laang-salapi ang samahan na sapat upang matustusan ang mga kasapi ng mga armas na kanilang gagamitin sa napipintong pag-aaklas nila.

Lisa: Iyon po baa ng dahilan kung kaya nagpatawag si Bonifacio ng pagtitipon?

Papa: Opo, anak! Dahil sa pagkatuklas ng Katipunan, pinasabihan ni Andres Bonifacio ang iba’t iba pang pinuno ng samahan na isang pagtitipon ang kanilang pasisinayaan sa Balintawak at dito ay pag-uusapan kung ano ang pinakamainam na hakbangin na kanilang gagawin. Noong Agosto 19, kasama ang kapatid na si Procopio, at ilang kasapi gaya nina Emilio Jacinto, Teodoro Plata at Aguedo del Rosario, ay tumulak si Andres Bonifacio sa Balintawak at sinapit ito dakong madaling-araw. Nang sumunod na araw naman ay natunton ito ng grupo ni Pio Valenzuela. Kinabukasan muli ay binago ni Bonifacio ang kodigo ng Katipunan matapos mapag-alamang nababatid na ito ng mga Espanyol. Matapos magtipon ang may limandaang Katipunero, ay binagtas nila ang Kangkong, Kalookan at dito ay pinaunlakan silang patuluyin at pakainin ni Apolonio Samson. Hapon ng Agosto 22 ay tinungo naman nila ang Pugadlawin.

Lisa: A, kahanga-hanga naman ang ginawa niya. E, ano pa po ang mga naganap nong Agoste 23, 1896?

Mama: Si Papa mo na ang sasagot niyan.

Papa: Nang araw na iyon, narating nila ang tahanan ni Juan A. Ramos, anak ng kinikilalang “Ina ng Katipunan” na si Melchora Aquino. Sa kabila ng pilit pagtanggi ng kaniyang bayaw na si Teodoro Plata ay sumang-ayon naman ang lahat na simulan na ang pakikipaglaban. Sa utos ni nga Bonifacio, sabay-sabay inilabas ng mga Katipunero ang kanilang sedula at pinunit ito ng buong pagmamalaki at katapangan. Pagkatapos, napagkasunduan nilang ang unang yugto ng himagsikan ay gaganapin sa Agosto 29, na kabibilangan ng lahat ng kasapi ng Katipunan.

Lisa: Naunawaan ko na po. Maraming salamat po sa inyo!

Papa at Mama: Walang anuman, anak!

Saturday, August 11, 2018

Ang Alamat ng Parang 6: Si Vina Kuwago


 Kabanata 6: Si Vina Kuwago

Nagpatuloy ang pagiging pinuno ni Calla Kalabaw sa parang. May mga natutuwa sa kaniyang naiaambag sa ikagaganda ng kanilang lugar. Nababantayan niyang maigi ang bawat kilos ng mga hayop at insekto. Subalit marami rin ang naiinis sa kaniyang pagiging palautos. Gusto niya ng pagbabago, ngunit hindi nais niyang biglaan itong mangyari.

"Ano ba iyan si Calla Kalabaw?!" bungad ni Vina Kuwago. "Trabaho na naman ang iniatang sa akin!"

"Ano na naman pong trabaho?" tanong ni Jack Tagak. Naiinis agad siya sa ideya.

"Hay, naku, Jack Tagak, hindi ako nagkamali nang sinabi ko sa iyo kahapon na kapag pinatawag kaming mga kanang kamay niya, trabaho na naman. Alam mo bang magsaliksik daw kami ng solusyon sa problema sa nag-iisang puno sa parang," paliwanag ni Vina Kuwago.

"Ano ba 'yan si Calla Kalabaw?! Hindi naman natin gawain iyan. Siya dapat ang humanap ng solusyon diyan sa problema niya dahil siya naman ang may gawa niyan," asik ni Zap Kulisap. "Tamad niya talaga!"

Tahimik na nakikinig lang si Naty Bulate. Pangiti-ngiti lang siya. Naunawaan naman siya ng tatlong kaibigan niya. Napakamahiyaan talaga niya at bihira siyang magbitaw ng ideya at opinyon. Gayunpaman, siya ay kinakikitaan ng pagiging loyal sa kanila at hinding-hindi maglalabas ng anumang pinag-usapan. Malayong-malayo ang ugali niya kay Chris Ahas.

"Tama kayo, mga kaibigan. Hindi lang alam ni Calla Kalabaw kung sino-sino ang dapat niyang lapitan para masolusyunan ang suliranin niya," mahinahong wika ni Jack Tagak. "Ako alam ko."

"Paano?" maang na tanong ni Vina Kuwago.

"Nakita ko noon pang nakaraang araw ang naninilaw na mga dahon ng puno. Sa tuwing nakadapo ako sa sanga niyon, unti-unting nagkakalaglagan ang mga dahon. Marahil, iniisip nating lahat na ang tanging solusyon ay tanggalin lang ang mga dilaw na dahon, ngunit hindi ba niya batid na baka may mas malalim pang dahilan?"

Napatingin sina Vina Kuwago, Zap Kulisap, at Naty Bulate kay Jack Tagak. Naghihintay pa sila ng malalim na paliwanag.

"Ang mga dilaw na dahon ay epekto lamang ng tunay na suliranin," patuloy ni Jack Tagak. "Hindi natin nakikita angga ugat ng puno, subalit baka ito ang may problema. Maaaring nababad sa tubig ang mga ugat. Maaari ring may mga pesteng sumisira rito."

"Ay, tama ka, Jack Tagak!" sang-ayon ni Vina Kuwago.

"Gusto ko ang paliwanag mo," sabi naman ni Zap Kulisap.

Halata namang sumang-ayon si Naty Bulate nang tumingin siya kay Jack Tagak.

"Kung mapapanatili niyang tama ang dami ng tubig, hindi maninilaw at maglalagas ang mga dahon ng puno. Siguro, hindi niya kailangan gumawa ng lubluban sa ilalim nito. Sa halip, magpalipat-lipat siya ng mahihigaan, na maaaring magdulot ng magandang dalawang bagay. Una, maiiwasan ang pagkasira ng lupa at pagiging lubluban nito. Pangalawa, matutuhan pa niyang makipagsalamuha sa mga nasasakupang hayop at insekto upang hindi siya kailangan, bagkus suportahan at mahalin."

Tila kumbinsido ang tatlo sa tinuran ni Jack Tagak.

"Ang pinakaugat ng problema sa rito sa parang ay kakulangan ng pagkakaibigan. At ang taong dapat nagbibigay ng solusyon nito ay si Calla Kalabaw. Siya ang pinuno kaya siya ang nararapat maglapit sa atin sa isa't isa," patuloy ng tagak.

"Tama ka riyan, Jack Tagak!" sang-ayon ni Vina Kuwago.

Nagpasalamat muna si Jack Tagak, bago nagpatuloy. "Halimbawa, noong pinagsabihan ni Barack Uwak ang isang insekto. Nagkatampuhan sila. Kung magkaibigan sila, matatanggap nila ang komento, suhestiyon o kritisismo ng isa't isa. Halimbawa pa, ang kaibigan kong si Daniel Daga. Mas matanda siya sa akin, pero kapag mali siya, naipapamukha ko sa kaniya ang kanilang kabuktutan at naipaparating ko sa kaniya nang may respeto ang aking saloobin."

"Hindi lahat, Jack Tagak," sabi ni Zap Kulisap. "May mga kasamahan talaga tayo rito sa parang na kahit tratuhin mong kaibigan, tutuklawin ka pa rin."

"A, oo. Kilala ko siya. Siya ang exception. Magpalit man ng balat ang ahas, ahas pa rin."

Nagtawanan silang apat.

"Alam iyan ni Naty Bulate," dagdag pa ni Jack Tagak.

Tumango-tango lang ang bulate. Talagang tahimik siya, pero sang-ayon naman sa pinag-uusapan.

Saglit na naputol ang usapan ng apat nang dumating si Chris Ahas at Salud Uod. Kinausap nila si Jack Tagak, tungkol sa isang bagay.

Mabilis lang naman silang natapos.

"Himala! Kinausap ako ni Chris Ahas," wika ni Jack Tagak.

"Oo nga," makahulugang sagot ni Zap Kulisap. Nakitawa siya kay Jack Tagak.

Muling natahimik ang apat.

Pagkalipas ng ilang sandali, nagsalita na si Vina Kuwago.

"Seryoso akong pag-isipan ang solusyon sa problema sa parang, pero hindi ko balak isagawa ang solusyon na iyon. Tama ka, Jack Tagak. Kailangang malaman ni Calla Kalabaw ang tunay na ugat ng mga problema natin."

"Pagkakaibigan. Iyan ang dapat itayo. Ang parang ay para sa ating lahat. Walang malaki at maliit na suliranin sa magkakaibigang nagkakaunawaan at nagtutulungan. Subalit, kapag may hayop at insektong nagtatago sa dilim at kasakiman, hindi lang ang puno ang masisira. Marami pa. Pati ang buhay ng bawat isa sa atin ay nanganganib," litanya ni Jack Tagak na animo'y pari.

"Salamat! Pupunta ako ngayon kay Calla Kalabaw. Sana pakinggan at sundin niya ang mga suhestiyon natin. Paalam, mga kasama!" sabi ni Vina Kuwago, saka lumipad.

Nang bumalik si Vina Kuwago, hindi maipinta ang kaniyang mukha.

"Ano ng sabi ni Calla Kalabaw?" usisa ni Jack Tagak.

"Wala," matabang na sagot ng kuwago.

"Wala? Ibig sabihin, hindi niya gusto," singit ni Zap Kulisap. "Grabe talagang ang kalabaw na iyan!"

"Hayaan na lang natin siya sa gusto niya. Alam naman natin kung sino lang ang pinakikingga niya," ani Jack Tagak.

"Naiinis lang ako kasi hindi niya magawang makinig sa iba. Kung alin pa ang nakabubuti sa karamihan, iyon pa ang kaniyang binabalewala at inaayawan." Napailing na lang si Vina Kuwago.

"Ayos lang iyan! Tutal naipaabot naman natin ang ating opinyon, ngayon, hintayin niya ang resulta ng kaniyang pagiging sarado ng kaniyang isip. Ang bawat maling desisyon ay nagdudulot ng mapait na bunga," pag-iidyimatiko ni Jack Tagak.

"Totoo iyan!" sang-yon ni Zap Kulisap. "Hayaan na natin siya."

"Oo nga! Kasiraan naman niya iyan. e. Ipinakikita lamang niya na hindi siya nararapat maging reyna ng parang."

Lumipas ng mga araw, patuloy ang pagdilaw at paglagas ng mga dahon ng nag-iisang puno sa parang. Wala na halos gustong manatili roon. Para na silang sinunog kapag sumisilong sila roon. At kapag umulan naman, animo'y nalulunod sila sa bawat patak. Kapansin-pansin din ang unti-unti pagkatuyo ng lubluban ni Calla Kalabaw.

"Mamamatay ako rito, kailangan ko nang lumipat ng ibang lubluban," galit na galit na wika ni Charito Hito, habang gumagapang palayo sa putikan.

Malayo na ang hito sa lubluban kaya halos mawalan siya ng hininga. Kapag hindi pa siya nakarating sa dati niyang tirahan, maaari siyang sumakabilang-buhay.

Nakita ni Jack Tagak ang pagkukumahog ni Charito Hito, kaya dinagit niya ito.

"Salamat, Jack Tagak!" maluha-luhang sabi ng hito. Halos kapusin na ito ng hininga.

"Okay!" pakli ng tagak. Ayaw na niyang mag-aksaya ng sandali. Kaya, buong lakas niyang ikinamay ang kaniyang mga pakpak at nilipad ang kinaroroonan ang dating lubluban ni Calla Kalabaw.

Nang maihulog ni Jack Tagak si Charito Hito sa tubig, dumapo naman siya sa batong katabi niyon.

"Batid ko ang dahilan ng ginawa mo," simula ni Jack Tagak. Hinintay niyang makahinga nang maayos si Charito Hito.

"Oo, kaibigan! Mamamatay ako roon kung magtatagal pa ako. Masyadong balat-kalabaw ang ating reyna. Hindi niya tuloy nararamdaman ang mga pangangailangan natin. Hindi na niya nagagawa ang kaniyang tungkulin."

"Tama ka! Pero, alam mo bang may magagawa tayong lahat?"

"Paano? Paano kung ipinamumukha niya sa atin na siya ang pinakamataas sa parang at hindi siya maaaring utusam, suwayin, punain, at payuhan?"

Ngumiti muna si Jack Tagak. "Pag-isipan mo. May magagawa ka. May magagawa ako. May magagawa ang bawat isa. Magkaisa tayo."

Napaisip ang hito, ngunit walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.

"So, paano? Una na ako. Ingat lagi! Nawa'y maging maayos ka na rito. Minsan, kailangan nating maging kuntento kung ano ang mayroon tayo at kung nasaan tayo upang hindi tayo mabigo. Paalam. kaibigan!"

"Paalam! Salamat nang marami!" Nang mawala sa paningin niya si Jack Tagak, saka lamang niya pinag-isipan ang mga huling tinuran nito. "Maalam siya, kagaya siya ni Vina Kuwago," pabulong na paghanga niya sa tagak.



Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...