Kabanata 5: Si Chrys Ahas
Naging
tahimik din sa parang simula nang mawala si Calla Kalabaw. Nabawasan ang bangayan.
Kapansin-pansin ang panunumbalik ng kasipagan ng mga hayop at mga insekto roon.
Halos nasa kani-kanilang lungga na lang ang bawat isa.
Ngunit, makalipas ang dalawang
buwan, isang malakas na unga ang narinig sa parang. Mula sa sanga ng nag-iisang
puno sa parang, tanaw na tanaw ni Jack Tagak ang taas-noong paglakad palapit sa
kinarooonan niya.
"Si Calla Kalabaw,
nagbalik!" bulalas niya.
Nagliparan ang mga namumungad na
ibon sa punong iyon. Kani-kaniya silang lipad sa iba't ibang direksiyon at ng
bawat isa'y humuhuni, na tila nagsasabing "Bumalik si Calla Kalabaw!"
o kaya'y "Buhay pa si Calla Kalabaw!"
Mabilis na kumalat ang balita, kaya
gaya ng dati nagsilapitan ang nga hayop at insekto sa puno upang alamin kung
totoo ang balita.
Nagtulog-tulugan si Jack Tagak.
Hindi niya kasi sigurado kung si Calla Kalabaw nga ang nakikita niya. Masyado
na itong malinis. Malayo sa dati nitong anyo. Wala na itong bahid ng putik.
Kumikintab-kintab na ang balat nito. At wala nang sugat sa katawan.
Muling umunga si Calla Kalabaw nang
nasa ilalim na siya ng puno. Inikot-ikot pa niya ang kaniyang buntot, na
animo'y nagyayabang.
Hindi naman nakita ni Jack Tagak
kung paano ngumisi si Calla Kalabaw.
Ilang saglit pa ang lumipas,
naririnig na ni Calla Kalabaw ang mga paparating na hayop at insekto.
Si Chrys Ahas ang unang dumating.
"Magandang umaga, Calla Kalabaw! Kumusta? Akala namin, patay ka na?"
nag-aalala ngunit nagtatakang tanong ng ahas.
Sasagutin na sana ni Calla Kalabaw
ang tanong ni Chrys Ahas nang halos sabay-sabay na nagsidatingan ang mga hayop,
mula sa iba't ibang direksiyon. Tahimik, ngunit nagtatanong ang kanilang mga
mata at isip, na pumalibot sila sa kanilang pinuno.
"Kumusta ka, Calla
Kalabaw?" nagagalak na tanong ni Chayong Tipaklong. "Mga kasama,
batiin naman natin ang ating pinuno."
Nagtinginan ang bawat isa. Tila
napipilitan lang ang iba. Gayunpaman, sabay-sabay nilang binati si Calla Kalabaw
ng "Maligayang pagbabalik, Calla Kalabaw!"
"Salamat!" sagot ng
kalabaw.
Nagbubulungan ang iba, ngunit hindi
iyon pansin ni Calla Kalabaw.
Lumukso-lukso si Chayong Tipaklong
hanggang makarating sa sungay ni Calla Kalabaw. "Kumusta ka, mahal naming
pinuno? Nalulugod kaming makasama kang muli. Ano po ang nangyari?"
Iwinasiwas muna ni Calla Kalabaw
ang kaniyang buntot. "Mahabang istorya. Malungkot na pakikibaka sa
kamatayan. Isang pagdurusa, ngunit aking napagtagumpayan... Ngunit, sa lahat ng
iyon, masasabi ko ngayon sa inyong lahat, I survived!"
Si Chayong Tipaklong at si Chrys
Ahas lang ang pumalakpak. Ang karamihan ay blanko ang mukha. Ang iba naman ay
nagtinginan nang makahulugan.
Napatawa pa naman nang paimpit si Jack
Tagak. Kaya bago pa siya mapansin ng iba, lumipad siya pababa at nakisama sa
mga kaibigang sina Lala Langgam, Bella Palaka, Susie Suso, Daniel Daga, at Susan
Uwang.
"Simula ngayon, magbabago na
ang parang. Hindi na ko makakapayag na abusuhin ninyo ang aking pamumuno.
Gagamitin ko na ang aking karapatan!" mariing pahayag ni Kalabaw.
Walang lumabas na salita mula sa
bibig ng kaniyang nasasakupan, maliban kay Chayong Tipaklong.
"Tama po iyan, Calla Kalabaw. Naging
mabuting lider ka naman ng parang, kaya dapat ka naming suportahan," anang
tipaklong.
Sa isip ni Jack Tagak, nagtatago
ang paghamon. "Tingnan natin," sabi niya sa kaniyang isip.
Hindi lumipat ang sandali,
isa-isang nag-alisan ang mga hayop at insekto.
"Halika, Chrys Ahas, may
ipagawa ako," ani Calla Kalabaw, bago pa nakatalikod ang ahas.
Nakita ni Jack Tagak ang pag-uusap
nina Chrys Ahas at Calla Kalabaw. Hindi man siya makalapit, parang alam na niya
ang pinag-uusapan.
Lumipas ang mga araw, naging
palautos si Calla Kalabaw. Ayaw na niya ang napuputikan. Lagi na siyang nasa
lilim ng puno. Ayaw rin niya nang may kasalo.
Nagkaroon uli ng bulong-bulungan sa
parang. Natigil na nga si Linda Linta sa pagsisipsip, si Chrys Ahas naman ang
umaariba. Alam lahat ng mga hayop at insekto roon na may iginagapang ang ahas
para sa kaniyang sariling kapakanan.
Sa isang bahagi ng parang,
nangagtipon sina Lala Langgam, Jack Tagak, Susie Suso, Daniel Daga, at Susan
Uwang. Si Chrys Ahas ang kanilang pinag-uusapan.
“Alam ninyo, mga kaibigan,
nagagalit sa akin si Chrys Ahas, pati sa grupo natin. Kaya nga, tinatanong niya
sa mga kulisap kung bakit hindi natin madalas kasama si Bella Palaka. E,
samantalang ang karamihan, bilib na bilib sa samahan natin. Nagtutulungan daw
tayo,” ang malambing na kuwento ni Lala Langgam.
“Inggit ang dahilan niya kaya siya
nagkakaganiyan,” sabi ni Daniel Daga. “Alam ninyo, lagi niyang itinatanong o
binabanggit kung saan tayo pumupunta o kaya nagsasalo.”
“Hay, naku, may mga kaibigan naman
siya! Bakit hindi ba siya maging masaya sa kanila?” bulalas ni Susan Uwang.
“Kasi nga manggamit siya. Hindi
siya totoong kaibigan. Mabait lang siya kapag may kailangan. Pero kapag wala
na, huwag ka, nanunuklaw,” sagot ni Susie Suso.
“Tama kayo. Inggit siya sa
pagkakaibigan natin,” dagdag ni Lala Langgam.
“If she can’t beat us, sana join na
lang siya sa atin. Willing naman tayong magkaroong ng kaibigang ahas, e,”
natatawang sabi ni Daniel Daga.
“Huwag na! Minsan na niya akong
ginawan ng masama. Ayaw ko nang maulit iyon. Tandaan nating maghunos man ang
ahas, ahas pa rin,” wika ni Jack Tagak.
“True! Hayaan natin siyang mamatay
sa inggit,” sabi ng daga.
“Hindi niya kayang pantayan ang
samahan natin,” sabi ng tagak.
“Korek! Kaya manahimik na lang
siya. Si Gela Langaw lang ang ka-level niya,” natatawang komento ni Susan
Uwang.
Humalakhak muna si Daniel Daga,
bago nagsalita. “Kaya raw niyang lumipad at maabot ang pangarap niyang maging
reyna ng parang.”
Natawa ang magkakaibigan.
“Kahit makalipad siya, sa lupa pa
rin ang bagsak niya,” makahulugang saad ni Jack Tagak. “Ngayon pa lang
hinuhulaan ko na… Hindi mapapasakanya ang parang.”
Karamihan ng hayop at insekto sa
parang, napapangitan sa ugali at asal ni Chrys Ahas. Batid nilang lahat ang
kahungkagan nito at pagiging manggagamit. Mangilan-ngilan lamang ang
nagtitiwala at nakikipagkaibigan sa kaniya. Kaya nga, naaawa sila kay Calla
Kalabaw. Hindi nila maialis sa kanila ang pangamba na maging biktima na naman
ang kanilang reyna sa kamandag ng ahas.
Minsan, may nakakita kina Calla
Kalabaw at Chrys Ahas na palihim na nag-uusap. Kumalat iyon sa buong parang.
Nahulaan agad nilang may mga isinumbong na naman ito sa kanilang pinuno.
Isang araw, nagpatawag ni Calla
Kalabaw ng pulong. Inisa-isa niya roon ang kaniyang mga karapatan at tungkulin.
Ipinakilala rin ni Calla Kalabaw si
Julio Kabayo, ang kaibigan niyang pinuno sa isang rancho. Nang nagsalita ito,
sinabon niya ang mga hayop at insekto, lalo na si Barack Uwak. “Ikaw, magaling
na uwak. Balita ko, sinasaktan mo ang mga kasamahan ninyo. Para ano? Gusto mong
palayasin ka naming sa parang?”
Naawa ang mga magkakaibigang daga,
tagak, langgam, suso, at uwang sa uwak. Para sa kanila, hindi tama ang ginawa
nina Calla Kalabaw at Julio Kabayo. May mali naman talaga si Barack uwak, pero
hindi tamang magsabwatan sila para mapalabagsak ang pobreng uwak. May suliranin
na nga ito sap ag-uugali, masamang paraan pa rin ang soulusyon nila.
Kinabukasan, naghinanakit si Barack
Uwak. Kung ano-ano ang sinabi niya laban kay Calla Kalabaw. Nauunawaan ng
karamihan ang damdamin ng uwak, maliban kay Chrys Ahas. Nagkasagutan nga sila.
Galit na galit si Jack Tagak. Alam
niyang ang ahas ang nagsusulsol kay Calla Kalabaw. Ayaw niyang may nag-aaway sa
parang o may nanglalamang sa kapwa.
“Ahas na pakialamera! Hindi niya
alam ang nangyari. Hindi niya alam ang buong istorya. Masakit para kay Barack
Uwak ang pahiyaain ka ng pinuno mo at bisita sa harap ng madla.
Galit na galit rin si Chrys Ahas.
Hindi niya pinansin ang tagak nang nagkasalubong sila.
Natawa lang si Jack Tagak. “Hindi
ko ikamamatay ang pag-irap mo. Hindi ka kawalan sa buhay ko. Malawak pa naman
ang parang,” bulong niya.
Natagpuan ni Jack Tagak si Barack
Uwak sa ibabaw ng nag-iisang puno sa parang. Nasa iisang sanga sila.
“Kumusta ka, Barack Uwak?” masayang
bati ng tagak.
Ngumiti muna ang uwak. “Ayos lang!
Okay na ako. Okay na kami. Hindi na muna ako magsasalita laban sa kaniya.”
“Tama iyan! Pero, patuloy mong
ipaglaban ang tama. Iwasan nating gumawa ng mali para iwas tayo sa panghuhusga
at parusa.”
Tumango-tango lang si Barack Uwak
bago lumipad palayo. “Mag-iingat ka sa ahas!” pahabol niya.
Napangiti lang si Jack Tagak. “Siya
ang mag-ingat sa akin.”
Patuloy ang pang-aahas ni Chrys
Ahas. Hindi siya lumalaban ng patas. Wala siyang sinisino, makuha niya lang ang
kaniyang gusto.
Isang araw, pinatawag siya ni Calla
Kalabaw.
“Pinagkatiwalaan kita, Chrys Ahas!
Pero, ikaw pa pala ang tutuklaw sa akin,” galit na sabi ni Calla Kalabaw.
“Pero…”
“Huwag ka munang magsalita! Hindi
kita kayang unawain sa ngayon. Ang alam ko lang, sinikap kong maging mabuti sa
‘yo, pero ano ang isinukli mo? Masyado kang makamandag. Sinisira mo ang samahan
ng mga hayop at insekto rito sa parang. Akala mo ba, hindi ko alam ang mga
ginawa mo sa kanila? Grabe ka! Hindi ka pala karapat-dapat na maging kaibigan.
Ibinigay ko na sa ‘yo ang kanang kamay ko, pati kaliwang kamay ko, tinuklaw mo
pa! Sino pa ba ang bibiktimahin mo? Ano pa ba ang kayang mong gawin? Mahiya ka
naman sa balat mo. Wala ka namang mapakikinabangan sa iyo ang karamihan. Wala
kang silbi! Salot ka sa parang!” Umunga muna si Calla Kalabaw. Tanda iyon ng
galit niya sa ahas. “Sige, magpaliwanag ka.”
Nilabas-labas ni Chrys Ahas ang
kaniyang dila, pero walang salitang lumabas. Sa halip, galit siyang gumapang
siya palayo.
Nagrebulosyon si Calla Kalabaw.
Umikot-ikot siya hanggang sa magtalsikan ang lupa. Ipinakita niyang kayang-kaya
niyang sipain at piratin ang ulo ng ahas.
Dumiretso si Chrys Ahas sa kaniyang
lungga. Umiyak siya. Walang nakakaalam.
No comments:
Post a Comment