Tuwing umaga, nasa
Ilog Pasig si Juanito. Namimingwit siya roon upang may pang-ulam sila. Kapag
marami siyang huli, binabangka niya ang kabilang bayan upang ibenta ang iba niyang
isda. Nakakabili pa siya ng bigas na sasaingin nila.
Tuwing tanghali,
naliligo si Juanito sa ilog kasama ang kaniyang mga kaibigan. Tuwang-tuwa
silang sumisisid sa ilalim ng tubig dahil nakikita nila roon ang mga makukulay
at iba’t ibang uri ng isda. May biya, kanduli, tilapia, hito, at marami pang
iba.
Tuwing hapon,
nag-iigib si Juanito ng inuming tubig doon. Pinupuno niya ang mga tapayan.
Tuwing gabi,
lalo na kapag maliwanag ang buwan, namamangka rin si Juanito Ilog Pasig.
Ititigil niya ang pagsagwan sa gitna ng Ilog Pasig para tingalain ang mga
bituin sa langit.
“Salamat,
Panginoon, sa mga biyayang ito!” madalas na nauusal ni Juanito.
Isang umaga, sa
pamamangka ni Juanito, napansin niya ang magandang dalaga sa pampang ng Ilog
Pasig. Nabighani siya sa binibini.
“Magandang umaga
sa iyo!” bati ni Juanito.
“Magandang umaga
rin sa iyo!” bati ng dalaga.
“Ako nga pala si
Juanito. May mga isda akong ibibigay sa iyo. Sana tanggapin mo, kapalit ng
pangalan mo.”
Tinanggap ng
dalaga ang mga isdang ibinigay ni Juanito.
“Maraming
salamat, Juanito! Ako nga pala si Lily.”
Araw-araw
naglalaba si Lily. Mas naging masipag lalo si Juanito sa pamimingwit dahil
araw-araw niyang binibigyan ng isda ang dalaga.
Isang araw, walang
isdang dala si Juanito para kay Lily.
Hindi nalungkot
ang dalaga. Makita lang niya ang binata, masaya na siya.
“Tulungan na
kitang maglaba,” alok ni Juanito kay Lily.
Hindi naman
tumanggi si Lily, pero nagulat siya nang kunin ni Juanito ang kanang kamay
niya.
“Tanggapin
mo ang singsing na ito, tanda ng pag-ibig ko sa iyo.” Isinuot ni Juanito sa
daliri ni Lily ang singsing.
“Salamat!”
maluha-luhang sabi ni Lily.
“Walang anuman! Ingatan mo sana iyan. Kapag
nakapag-ipon na ako, pakakasalan na kita. Gusto kong makasama ka habang buhay.
Mahal na mahal kita.”
“Mahal
na mahal din kita, Juanito. Oo, iingatan ko ito,” pangako ni Lily.
Nagpatuloy
ang kanilang pagmamahalan. Saksi ang Ilog Pasig kung gaano nila kamahal ang
isa’t isa. Nagpatuloy rin si Juanito sa pamimingwit at pagbebenta ng isda upang
makaipon siya ng pera.
Lumipas
ang ilang buwan, napansin ni Juanito na hindi suot ni Lily ang singsing.
“Nasaan
na ang singsing, Lily?” usisa ni Juanito.
“Nasa
bahay lang. Naiwan ko.”
Araw-araw,
hinahanap ni Juanito ang singsing kay Lily ngunit iba-iba ang dahilan nito.
“Magtapat
ka nga sa akin, Lily. Nasaan na ba talaga ang singsing?”
“Bukas,
makikita mo,” pangako ni Lily. Pag-alis ni Juanito, umiyak siya. Hindi niya
talaga alam kung paano nawala sa kaniyang daliri ang singsing. Hiyang-hiya siya
sa binata.
Kinabukasan,
wala sa pampang si Lily. Nangamba si Juanito kaya pinuntahan niya ang dalaga sa bahay nito. Mas lalo siyang
nalungkot dahil hindi rin alam ng mga kapatid at mga magulang ang kinaroroonan
ng dalaga. Walang sinuman ang nakapagsabi kung nasaan siya.
Labis
na nalungkot si Juanito sa pagkawala ni Lily. Hindi na siya namimingwit,
nag-iigib, naliligo, at namamangka sa ilog. Sinisi niya ang Ilog Pasig. Pero,
isang araw, may nakapagsabi sa kaniya, na may kakaibang halaman ang tumubo sa
pampang kung saan madalas naglalaba si Lily.
Agad
siyang pumunta roon. Nakita at namangha siya sa halaman. Makintab ang mga dahon
nito. Katulad ng mga daliri ni Lily ang tangkay. Ang bulaklak naman ay
kasingganda niya. Naniwala siyang si
Lily ang halamang iyon.
“Salamat,
Panginoon, dahil makakasama ko pa rin siya!” sabi ni Juanito.
Nang tumagal,
ipinangalan niya iyon kay Lily.
No comments:
Post a Comment