"Magandang araw sa inyong
lahat! Malugod naming ipinakikilala sa inyo ang apat na nagagandahan at
masusustansiyang saging!" bungad ni Hector Kalabasa.
Nagpalakpakan ang lahat.
"Ola, mi amigos, mi amigas!
Ako si Rita Señorita. Sa inyong paningin, ako ay maliit, ngunit sobra ang aking
tamis! Sabi nga nila, walang malaking nakapupuwing. Salamat sa inyong
lahat!"
Naghiwayan ang ibang manonood.
"Lyka Lakatan ang nasa inyong
harapan. Seksi, makinis, at paborito ng karamihan. Hindi lang ako basta-basta,
pang export pa. Sa akin dapat mapunta ang korona sapagkat ako ang tunay
na reyna. Hindi ako katulad ng iba riyan na matayog ang lipad. Mapagpanggap.
Oops! Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit."
Nagsigawan at nagpalakpakan ang
madla sa pagpasok ng ikatlong kandidata.
"Katamtaman ang taas,
matamis, masustansiya, at abot-kaya ang halaga, ako si Wanda Latundan!
Nag-iiwan sa inyo ng isang kasabihan, "Aanihin ang kagandahan kung ang
utak ay walang laman." Salamat po, mga kababayan!"
Maingay na palakpakan ang
sumalubong sa ikaapat na kalahok.
"Ang pisikal kong kaanyuan
man ay hindi pangreyna ng kagandahan, ngunit sa nutrisyon, ako ay may laban.
Tandaan ninyo, "Hindi lahat ng kumikinang ay ginto dahil may sarili ring
kinang ang tanso. Ako nga pala si Savanna Saba. Mabuhay!"
"Maraming salamat,
naggagandahan at nagtatalinohang dilag!
Ngayon naman, tunghayan natin ang kanilang tagisan ng talento."
Unang nagpamalas ng
kakayahan si Rita Señorita. Ipinakita niya ang kakayahan niyang malaglag mula
sa piling kapag hinog na.
Si Lyka Lakatan naman ay naghanda
ng banana split. Gumawa rin siya ng cake at nilagyan ito ng hiniwang lakatan sa
ibabaw nito.
Umawit naman si Wanda Latundan.
Ipinadama niya sa mga manonood kung gaano siya kaligaya dahil paborito siya ng
mga ito.
Nang si Savanna Saba na ang
lumabas para magtanghal, tahimik ang lahat. Nakasuot siya ng kasuotan ng isang
chef. At isa-isa niyang ipinakita ang mga pagkain, na ginamitan ng saba.
"Masarap ang saba, niluto mo
man o hindi. Mas masustansiya ito kapag
hindi inilaga. Siyempre, mas masarap ang hinog na saba. Kaya nitong tapatan ang
señorita, lakatan, at latundan."
Nagpalakpakan na ang ibang
manonood.
"Masarap ang saba sa
halo-halo, ginataang halo-halo, maruya, banana que, banana chips,
nilagang karne, banana con yelo, at marami pang iba."
Pagkatapos mag-bow ni Savanna
Saba, isang masigabong palakpakan ang kaniyang narinig.
"Sa ating question and answer
portion, tinatawagan ang unang kalahok— Binibining Rita Señorita!' sabi ng
emcee. "Ang magtatanong sa iyo ay si Maiza Mais."
"Hello, Rita?" bati ng
mais.
"Hello rin po!"
"Ang tanong ko sa iyo—Ano ang
maaari mong ipagmalaki bilang saging?"
"Salamat sa makabuluhang
tanong! Ang maipagmamalaki ko bilang saging ay ang aking sustansiya. Hayop man
o tao, kailangan ang saging, lalo na ng señorita!"
"Salamat, Rita Señorita.
Tawagin naman natin si Lyka Lakatan. Ang magtatanong sa iyo ay si Nadia
Mangga," sabi ng kalabasa.
"Hi, Lyka Lakatan?" bati
ng mangga.
"Hi, Nadia Mangga!
"Ito ang tanong ko: Ano ang
lamang mo sa tatlo mong katunggali?"
"Kitang-kita naman po ang
lamang ko sa kanila. Bukod sa kagandahan, tinitingala rin ako sa ibang bansa
dahil sa taglay kong linamnam, tamis, kalidad, at sustansiya," mayabang na
sagot ng lakatan.
"Salamat, Lyka Lakatan! Tinatawagan
naman si Wanda Latundan."
"Magandang araw, Wanda
Latundan!" bati ni Ken Pinya.
"Magandang araw rin, Ginoong
Ken Pinya!"
"Narito ang aking katanungan
para sa iyo. Ano ang kontribusyon mo sa ating bansa?"
"Ang kontribusyon ko sa ating
bansa ay napapanatili kong malusog ang bawat tao sapagkat sa bawat
hapag-kainan, madalas ako ang kasalo. Mas abot-kaya kasi ang presyo ko kumpara
sa ibang saging. Sa katunayan, kaya ko ring lumabas sa ibang bansa, ngunit ako
ay isang tunay na Pilipino, kaya hindi ko iyon gagawin."
"Salamat, Wanda Latundan. At
ang huli nating kandidata ay si Savanna Saba."
"Kumusta ka, Savanna
Saba?" bati ni Shawn Talong.
"Mabuti po. Kinakabahan
po."
"Huwag kang kabahan. Madali
lang ang tanong ko para sa iyo. Heto… Kung hindi ikaw ang makoronahan bilang
Binibining Saging, ano ang magiging reaksiyon mo?"
"Malulungkot po, pero
magiging positibo pa rin po ako sa buhay dahil sa sarili kong pananaw, isa na
akong reyna. Ang mga tao na lang marahil ang magsasabi kong ano nga ba ang tunay
kong halaga sapagkat sila naman may panlasa. Maraming salamat po!"
Nagpalakpakan ang lahat, kabilang
ang mga hurado.
“Ngayon, tawagin na natin ang
lahat ng kandidata upang ianunsiyo kung sino ang kokoronahang "Binibining
Saging. Maraming salamat po pala sa ating mga hurado na sina Maiza Mais, Nadia
Mangga, Ken Pinya, at Shawn Talong."
Kapit-kamay na naghihintay sa
entablado ang mga saging. Lahat sila ay nag-aasam ng korona at titulo.
"Ang pinakanagningning sa
araw na ito at hihirangin bilang Binibining Saging ay si… ay si... Savanna
Saba! Maligayang bati sa iyo, gayundin sa tatlo pang lumahok!" sabi ng
emcee.
Isang matamis na ngiti ang
ipinakita ni Savanna Saba sa lahat pagkatapos siyang koronahan.
No comments:
Post a Comment