Followers

Friday, August 1, 2025

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentro at mga kapitbahay. Hindi ko masisisi ang pamilyang dating nananahan dito dahil sa buhay, dumarating talaga ang mga sitwasyong kailangang umalis, iwanan ang tahanan. Walang pamilya ang nagtayo ng tahanan upang iwanan lamang ito sa bandang huli. May malaking rason kung bakit ang bahay na ito ay isa na lamang alaala. Awang-awa ako sa bahay na ganito, ngunit nagpapasalamat ako dahil sa bawat paglisan ay may patutunguhan.

 

Binalikan ko ang bahay na ito, kinabukasan. Masama man ang panahon, pero hindi nito ako napigilan.

 

Takot ako noon sa ulan dahil tuwing umuulan, hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang pagtulo nito sa aming bubungan. Kung ano-anong pansahod ang iaabang, ngunit balewala lang.

 

Inakyat ko ang bahay na ito sa kabila ang karupukan nito. Isang anay na lamang ang pipirmi ay babagsak na ito. Subalit sa kagustuhan kong balikan ang nakaraan, inakyat ko pa rin ito upang magpatila na rin ng ulam.

 

Bakas sa bahay na ito ang masayang alaala ng nakaraan. Hindi naikakailang nagkaroon ng masasayang salusalo at kuwentuhan sa bahaging ito. Marahil dito sila namamalagi kapag araw. Dito kumakain. Nagkukuwentuhan. Sa likod ko naman ay isang malaking kuwarto, na ang sahig ay kawayan din.

 

Sigurado akong malamig dito sa gabi, at mapresko naman sa umaga at hapon. Subalit sa kalagayan nito ngayon, alaala na lamang ito sa dating pamilyang minsang nagsama-sama rito.

 

 

No comments:

Post a Comment

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentr...