Followers

Sunday, April 30, 2023

BALAGTASAN: Mahusay Magsalita ng Ingles o Mahusay Magsalita ng Filipino

LAKANDIWA:

Magandang araw sa ating madla!

Muling nagbabalik ang inyong Ginoong Lakandiwa.

Is it better to use English language,

O magsalita ng Filipino ang dapat gamitin?

 

Ating alamin ang kasagutan, mula sa dalawang dalubwikang kasama natin.

Pinapakilala ko sa inyo ang Binibining mahilig mag-Ingles,

At ang kan'yang katunggali na Ginoo na wikang Filipino ang ginagamit!

Tara na at pakinggan natin sila upang maliwanagan, entiendes(naiintindihan ba/understood)?

 

 

INGLES:

Magandang araw, Ginoong Lakandiwa!

Ako na ang unang babanat, wikang Ingles ang karapat-dapat na salita.

Universal language nga raw ito `ika nga ng iba,

Mas napapadali rin ang komunikasyon sa banyaga kung gano'n ang ating salita.

 

Akma lamang ang paggamit ng wikang Ingles sa modernong panahon,

May kasabihan nga tayo na out with the old, in with the new.

Ingles na ang makabagong salita at laos na ang Filipinong wikang ginagamit noon,

Makaluma na ang Filipino, katulad you!

 

Sa larangan ng pag-aaral, Ingles ang madaling wikain ng karamihan.

Pagdating sa bisnes, wikang Ingles din ang ginagamit kalimitan.

Sa panonood natin ng movie, wikang Ingles ang salita upang maintindihan,

Wikang Ingles ang makabagong salita, wikang Ingles ang sakalam!

 

FILIPINO:

Magandang araw, ang bati ko sa inyo

Ang inyong lingkod ay nagagalak sa balagtasang ito

`Pagkat sa paksang ito, malalaman ang pagka-Pilipino.

Sino ang tunay at sino ang nagbabalatkayo.

 

Wikang Filipino ang sukatan ng  katalinuhan at kahusayan

Mas mahirap kasi itong kabisaduhin at pag-aralan

Kaysa sa Ingles na kahit mga paslit ay kayang makipagtagisan.

Mga lola't lolo natin noon, kahit   `di nakatapos pero nag-i-Inglesan.

 

Tayo nga'y madaling matuto ng wikang banyaga

Pero bakit kapag sariling wika ay hirap na hirap na?

Ikinahihiya ba o sadyang kukote ay mahihina?

Kaya, Binibini, don't English me dahil Pilipino ka.

 

 

INGLES:

Pilipino ako pero ang pagsalita ng Ingles ang ginagamit ko,

Simple nga lang sa 'yo pero mahirap ding matutuunan ito.

Mas komportable gamitin ng kapwa natin na may ibang dayalekto,

Ang Ingles ay mahalaga sa ating komunikasyon upang magkaunawaan ang kapwa Pilipino.

 

Ikaw na ang nagsabi na kahit ang paslit ay alam itong gamitin,

Dahil nga sa impluwensiya ng pananonood ng English nursery rhymes.

Modernong panahon na tayo ngayon kaya Ingles din ang uso sa mga awitin,

Kailangan nating makiuso at sumabay para tayo ay mabuhay.

 

Ang Ingles ay alam ni lolo't lola,

Dahil 'yon sa mga banyaga.

Sinakop tayo ng mga banyaga noon,

Kaya Ingles ang ginagamit nila sa komunikasyon.

 

 

FILIPINO:

Hindi ka tunay na Pilipino kung wikang ingles ang ipinagmamalaki mo

Ang usapan natin dito ay kung sino ang tunay na matalino—

Ang nagsasalita ng wikang Ingles o ang nagsasalita ng wikang Filipino

Marami ang nagsasabi, ang wikang sarili ang sukatan ng talino.

 

Masdan mo ang mga estudyanteng Ingles nang Ingles sa klase

Pinalaki nang magulang sa mga banyagang cartoons sa tv

Nagtunog ibon, nagtunog Briton, pero ano ang nangyari?

Hindi sila makasabay sa karamihan ng asignatura, Binibini.

 

Mayaman sa panitikan ang Pilipinas, pero dahil nagpapasakop tayo

Niyayakap natin ang banyaga at kinaliligtaan ang mga tatak-Pilipino

Akala mo lang, matalino ang nag-i-Ingles, pero hindi iyan totoo.

Nauunawaan sila, subalit sa pagkikipagkaibigan, walang may gusto.

 

 

INGLES:

Nagkakamali ka rin sa 'yong sinasabi, Ginoo,

Matalino rin naman ang gumagamit ng wikang Ingles, `noh!

Huwag mo isisi sa wikang Ingles kung kaunti ang tumatangkilik sa salitang Filipino,

Boring kaya aralin ang Filipino at `yon talaga ang totoo.

 

Ang pinag-uusapan natin ay ang pagsasalita ng Ingles o Filipino,

Hindi ang talino natin o pagiging tunay na Pilipino.

Iba't ibang lenggwahe ang ginagamit natin sa bansang ito,

Kaya bakit sa wikang Ingles mo binubuhos `yang galit mo?

 

Kung Ingles nang Ingles ang mag-aaral,

Patunay lamang `yon na Ingles ay sakalam.

Mas marami ang gumagamit dito na ultimo sa pagdadasal,

Ay Ingles ang kinakabisado ng ating mamamayan.

 

 

FILIPINO:

Naku, naku, bawiin mo ang mga maling sinabi mo!

Sina Jose Rizal at Manuel L. Quezon ay magagalit sa `yo

Higit pa sa pagtatakwil ang iyong mga komento

Tungkol sa wikang Filipino, kung saan una kang natuto.

 

Mahusay magsalita sa wikang Ingles o wikang Filipino

Iyan ang paksa natin sa balagtasang ito

Mukha yatang naliligaw ka sa iyong punto.

Kaya nga tanggapin mo na, Filipino ay nakatatalino.

 

Mga nagsasalita ng Filipino ay higit na matatalino

Kaysa sa mga Inglesera at Inglesero kuno

`Pagkat dalawang wika, nagagamit naming pareho

Pero kayo, hindi... dahil kamo boring ito.

 

 

LAKANDIWA:

Paumanhin sa inyong dalawa, magigiting na makata

Ang akala ninyong pagkakamali at pagkakaiba

Sa usaping inyong pinagdedebatehan at pinapaksa

Ay tama, at katibayan ng language barrier ang ipinakikita.

 

Mga argumento ninyo'y masusukat ang kagalingan-

Ang kagalingan ninyo sa pakikipagtalastasan

Inyong mga diskurso'y nasa konteksto pa naman

Kaya, inyong ituloy ang mainit na balagtasan.

 

 

INGLES:

Ginoo, ikinararangal kong makatunggali ka,

Ngunit nagkakamali ka sa 'yong inaakala.

Ang pagsasalita ng mahusay ng Ingles ay inaral ko,

Dahil mahalaga ang komunikasyon sa trabaho ko.

 

Kahit Pilipino ako, may mga banyaga rin sa ating bansa,

Inaral ko ang salitang Ingles para sa maayos na

komunikasyon sa kanila.

Ilang taon din ang ginugol ko,

Upang aralin ito.

 

Inaral ko ito upang maging mahusay ako magsalita ng wikang Ingles,

Inaral ko ito upang maayos din ang pagsusulat ko nito, no more no less.

May angking katalinuhan din ang nagpapakadalubhasa sa wikang ito,

Huwag mo maliitin ang pagsasalita ng mahusay ng Ingles, Ginoo.

 

 

FILIPINO:

Ano ba ang iyong trabaho?

Kailangan ba talagang mag-Inglesan kayo?

Puwede naman sigurong ika'y mag-Filipino

Mas maipahahayag mo nang mabuti ang sarili mo.

 

Hindi ko minamaliit ang Ingles, na iyong gusto,

Nais ko lang ibandera nating mga Pilipino

At nais kong tumimo sa iyong isipan at puso

Na dapat ipinagmamalaki ang wikang Filipino.

 

Kung inaral mo ang wika ng iba, ika'y magaling!

Kung tinalikdan naman ang wikang sarili, ika'y taksil.

Ika'y nasa Pilipinas, ngunit wika'y kanluranin

Mahalin mo ang bayan; huwag maging sutil.

 

 

INGLES:

Ako'y isang nars at manunulat, Ginoo,

Trabahong lubos na kailangan ang Ingles para sa komunikasyon.

Ang wikang Filipino ang ginagamit ko sa mga katutubo,

Ngunit ang wikang Ingles ang ginagamit ko para sa aking propesyon.

 

Iyong ipagpaumanhin ang pagiging matabil kong dila,

Pero ang mahusay magsalita ng Ingles ay aking ibabandera.

Katulad ng ipinahayag ko kanina, nasa modernong panahon na tayo,

Patuloy sa pag-angkop ang bansa natin,

Patuloy tayong aangkop para sa ating mga suliranin.

 

Hindi ba'y marami ng banyaga ang sumakop sa atin,

Ang walang kaalaman sa wikang Ingles ay nagdulot upang tayo ay maliitin!

Dahil sa kanila na Indio ang pagtingin sa atin dulot sa kamangmangan sa wikang Ingles,

We learn the English language to adapt to the changing progress.

 

 

FILIPINO:

Anoman ang iyong trabaho, unahin ang wikang Filipino

Hindi naman siguro mga banyaga ang pinaglilingkuran mo

Sinakop na nga tayo, pagpapaalipin pa rin iyong gusto.

Pagbutihin ang wikang Filipino para sa hangad mong pagbabago.

 

Kaunlarang iyong sinasabi, taliwas sa ginagawa.

Hindi sa paggamit ng Ingles uunlad ang ating bansa

Kundi sa paggamit ng sariling wika na iyo ring sinasalita

Huwag mong yukuran ang wikang banyaga.

 

Kaya nating umusad sa anomang larangan

Basta ang wikang Filipino ang ating pinaninindigan

Kahusayan ng bawat Pilipino ay mas nalilinang.

Sa komunikasyon, tayo ay higit na magkakaunawaan.

 

 

INGLES:

Pinapatawa mo ako, Ginoo, sa `yong sinasabi.

Maski kapwa natin Pilipino ay wikang Ingles ang salita ng kanilang labi,

Iba-iba ang wika natin dito sa bansang Pilipinas; may Cebuano, may Bikolano o ano pa `yan,

Mas ikinalulugod nilang mag-Ingles sa hindi nila kadiyalekto upang sila'y maintindihan.

 

At hindi ako nagpapaalipin sa mga dayuhan,

Dahil hindi lang sila ang aking pinagsisilbihan.

Nakadepende sa kausap ko ang pagsasalita, Ingles o Filipino o kahit ano pa `yan.

Modernong panahon na tayo ngayon, kaya ang kahusayan sa wikang Ingles ay pinagtitibay.

 

Komunikasyon ang mahalaga ngayon para tayo magkaunawaan,

Kaya naghuhusay ako sa wikang Ingles upang iba'y maintindihan.

Iba-iba ang kahulugan ng salita kaya hindi magkaunawaan,

Mahalaga ang komunikasyon sa aking propesyon upang maibigay ang tamang lunas na kanilang kailangan.

 


FILIPINO:

Seryoso ako, Binibini, pero mabuti naman, ika'y napatawa ko

Kung gayon, natutuwa ka sa aking mga pananaw at prinsipyo

Siguro nga'y nais mo nang pumanig sa wikang Filipino

Huwag mo nang itanggi sapagkat nararamdaman ko.


Batid kong puso't isipan mo'y minamahal mo ang ating wika

Subali't natatalo ka lamang ng iyong hiya at nasimulang adhika

Batid kong taglay mo ang makabansang puso at pusong makawika

Kaya, salamat sa iyo dahil parehong wika ika'y ay may pagpapahalaga.


Pareho lang naman tayong mahusay sa Ingles at Filipino

Datapwa't mas pinipili ko ang wika, kung saan ako unang natuto

Sapagkat ito ang wika ng mga Pilipino, ang wika ng pagbabago

Halika, samahan mo akong ikampanya ang wikang ito!

 

 

LAKANDIWA:

Mahuhusay! Pareho kayong may kahusayang taglay!

At pareho kayong may puntong iwinawagayway

Pagsasalita ngayon ng wikang Ingles ay ating buhay

Pagsasalita naman ng wikang Filipino ay may saysay.

 

Kaya, ang mga kababayan natin na ang huhusga

Kung sino sa inyong dalawa ang may mahusay na diwa

At kung aling argumento ang higit na kapani-paniwala

Subali’t nakatitiyak akong bawat isa sa inyo’y dalubhasa.

 

Malugod na pagbati sa magigiting na makata

Anomang wika ang inyong pinaglalaba’t sinasalita

Nawa’y kapayapaan at pagkakaisa sa bansa ay manguna

At kaunlaran ay hindi maapektuhan ng magkakaibang wika.

 


-- a collaboration with Mary Gonzales

Balagtasan-- K-12: Magandang Kurikulum

 Lakandiwa:


Lakandiwang magiting ay muling nagbabalik


Upang maging saksi sa usaping kanapa-panabik


Ang K-12 daw ay isang magandang kurikulum


Kaya sa dalawang panig kayo na ang maging hukom.




Si Ginoong Elizaga ay labis na naniniwala


Na ang K-12 Curriculum ay maganda't epektibo talaga.


Si Binibining Gonzales naman ay walang nakikita


Kundi isang balakid at malaking pag-aaksaya.




Naniniwala:


Maraming salamat, Lakandiwa sa iyong pagpapakilala!


Magandang araw sa aking katunggaling maganda!


Ako'y nagagalak na ang K-12 ay tagumpay na.


Kaya hindi ito nararapat na palitan o buwagin pa.




Dagdag na dalawang taon ay hindi hadlang


Bagkus ito'y ganansiya at may malaking kahalagahan


Inihahanda at nililinang nito ang mga kabataan


Sa kanilang pagpasok sa napiling dalubhasaan.




Hindi Naniniwala:


Maraming salamat sa papuri, Ginoong Froilan at pagbati sa ating magiting na Lakandiwa at sa ating madla!


Ginoo, ipagmaumanhin mo ngunit hindi mababago ng 'yong papuri ang aking paniniwala.


Ang K-12 ay dagdag lamang sa gastusin ng ating mamamayan,


Ang K-12 ay wala naman talagang pakinabang!




Kung kalidad ng pag-aaral ang layunin ng K-12,


Ako na nag-aral ng walang K-12 ay hamak na mas may alam.


Wala sa haba 'yan ng pag-aaral sa paaralan,


Bagkus sa kalidad ng edukasyong ibibigay sa mag-aaral.




Naniniwala:


Ang edukasyon ay isang investment, hindi dagdag-gastos


Bunga naman nito ay hindi kahirapan o paghihikahos


Kaya huwag sasabihing walang pakinabang


Dahil ito ay asset ng mga kabataan sa kinabukasan.




Sa uri ng disiplina na mayroon ngayon ang mga mag-aaral


Hindi ka tiyak kung sila ba talaga ay nag-aaral


Kalidad na edukasyon ay personal at nasa indibidwal.


Hindi lahat ng nasa paaralan ay palaaral.




Hindi naniniwala:


Pinagtibay at pinaganda na lang sana ang edukasyon dati,


Kaysa naman sa ngayon na dinagdagan lamang ang taon ng pag-aaral, mamamayan ngayon ay nagdadalamhati.


Para saan nga ba ang K-12 na 'yan?


Para makiuso sa ibang bansa at hindi mapag-iwanan?




Hindi makakapag-aral ng matiwasay ang mag-aaral,


Kung kalidad ng edukasyon ay kulang-kulang!


Pinagtuonan na lamang sana ng atensyon ang mga materyal na gagamitin,


Kaysa nagdagdag pa ng taon na dagdag lamang sa gastusin.




Naniniwala:


Bahagi ng pagbabago ang pagpalit ng kurikulum


Kung mananatili tayo sa lumang panahon,


Hindi tayo makakasabay, hindi tayo makaaahon


Kaya, yakapin natin ito at tayo ay sumulong.




Kalidad na edukasyon ay ating matatamo


Sa kasalukuyan, maayos naman ang ating mga instituto


Mga gradwado nito'y nakapagtratrabaho


Sa loob o labas ng bansa, may pag-asenso.




Hindi Naniniwala:


Sabihin mo nga sa akin, Ginoo; kung kalidad ng edukasyon ang mayroon sa K-12,


Bakit ang ibang mga estudyante ay hindi nag-aaral at hindi maka-graduate?


Bakit nasabi ng ating bise-presidente na "congested" at planong i-revise ang K-12?


Bakit may K-12 pa kung hinahanap sa trabaho ay college graduate?




Hindi solusyon ang K-12 sa ating edukasyon,


Dapat pag-ukulan ng pansin ay ang kagamitang gagamitin!


Ang ibang estudyante nga ay nababagot na sa pag-aaral ng mahabang panahon,


Bukod sa dagdag-gastos ay sakit pa sa ulo ang K-12, ay pirmi (sobra). Anya met din! (Ano ba naman 'yan!)




Naniniwala:


Binibini, kalidad na edukasyon ang dulot nitong K-12, ha!


Hindi mo makita dahil sarado ang iyong mga mata


At huwag mong isisi sa kurikulum ang katamaran ng mga bata


Hindi sila makatapos o makapagtrabaho dahil tamad sila.




Sa bagong administrasyon, paiigtingin ang kurikulum na ito


Tandaan: Paiigtingin, hindi papalitan, kaya may pagbabago


"Ang K-12 ay libre," ipinapaalala ko lang sa iyo


Hindi rin ito pampasakit ng ulo kundi pampatalas ng ulo.




Hind Naniniwala:


K-12 ang hinahayag ko, Ginoo at hindi kurikulum natin.


Dahil sa haba ng panahon at kakapusang pinansyal na dagdag-alalahanin,


Dahil sa kalagayan ng mga silid-aralan sa paaralan natin,


'Yon ang mga rason kaya estudyante'y hindi nakakatuloy sa pag-aaral - 'wag mo sila sisihin.




Hindi kaaya-aya ang estado ng mga silid-aralan,


Kaya sino ba namang gaganahan na mag-aral?


Nagbabayad ka ng malaking matrikula para sa K-12 na 'yan,


Ngunit bakit parang hindi parin kaaya-aya ang silid-aralan sa pag-aaral?




Lakandiwa:


Sadyang napakahusay ng argumento ng ating dalawang dalubwika,


Nais ko pa sana na kayo'y mapakinggan, ngunit kailangan ko na itong wakasan.


Maraming salamat sa inyong dalawang panauhin, 


Kami'y lubos ni'yong napapahanga sa inyong argumentong talagang nagbibigay-diin sa talakayin.




Kaya, sa ating madla,


Kayo na ang humusga.


Alin mang panig ang inyong papaburan,


Sa huli, usapin sa edukasyon ay dapat pahalagahan!




--a collaboration with Mary Gonzales

Friday, April 28, 2023

Makata O. Thoughts -- Bilog ang mundo

Kung nakararanas ka ngayon ng ginhawa, sige lang. Maging masaya ka sa mga natatamasa mo. Napakapalad mo dahil hindi lahat ay katulad mo.


Kung nahihirapan ka ngayon sa buhay, laban lang. Maging masaya ka pa rin sa mga bagay na mayroon ka. Mapalad ka dahil marunong kang magtiis at maghintay, hindi kagaya nila.

Tandaan mo, bilog ang mundo. Ngayon nasa baba ka, baka bukas, ikaw naman ang aangat.

Friday, April 21, 2023

BALAGTASAN: Death Penalty: Okey o Hindi?

Lakandiwa:

Magandang araw sa ating madla at ating mga bisita!

Narito ako ngayon sa inyong harapan at magpapakilala,

Ako ang inyong lakandiwa na nagmula pa sa bayan ng Calamba!

Makikibahagi sa isang balagtasang tungkol sa napapanahong usapi't balita.


Dalawang dalubhasang may kanya-kanyang saloobi't panig,

Mga salitang mula sa kanilang bibig ang ating maririnig.

Halika! Pakinggan natin sila at maliwanagan,

Tungkol sa usaping death penalty na kontrobersyal at pinag-uusapan.



Okey:

Magandang araw sa inyo ating madla at aming lakandiwa!

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa at nais kong sabihin na,

Sang-ayon ako sa death penalty na ipatupad para sa ating bansa.

Para mabawasan ang krimen na nangyayari sa kapaligiran lalo na sa ating kapwa!


Hindi lihim sa atin na hindi patas ang ating batas,

Kapag mapera ka kahit anong kasalanan ay makakatakas.

Hindi tulad sa death penalty na wala nang piyansa.

Wala nang magagawa ang pera, na sinasanto ng iba.


Hindi:

Ikaw na mismo ang nagsabing hindi patas ang batas

Oo, mayayaman lang ang kinikilingan niyan dito sa Pilipinas

Kaya bakit death penalty ang iyong hinahangad?

Hindi ba ang sabi ng Diyos-- matuto tayong magpatawad?


Ako nga pala ang inyong ginoong Maka-Diyos at makatao

Lubos akong tumututol sa binibining ito at sa kaniyang gusto

Pakiusap, death penalty sa ating bansa ay huwag isa batas

Maraming paraan upang kriminalidad ay mabawasan at malutas.


Okey:

Maka-Diyos din ako, Ginoo, ngunit masasabi mo bang masama ang kumitil ng buhay, kung pamilya mo na ang sangkot sa krimen ng walang kamalay-malay?

Mapapatawad mo ba ang taong winakasan na kaagad ang magandang kinabukasan ng iba?

Huwag na tayong magpaimpokrito dito,

Maka-Diyos ka nga pero tao ka pa ring nakakaramdam ng matinding kapighatian tulad ko.


Sa panahon ngayon, hindi na uubra ang salitang patawad.

Paano ang mga kababaihang r-in-ape ng mga hayok sa laman,

O hindi kaya ng mga among ginawang punching bag ang kanilang mga kasambahay,

Mapapatawad mo ba ang may sala kung kinabukasan at buhay ng iba ang kanilang niyurakan?

Death Penalty ang solusyon para takot ay tumatak sa puso ninoman.


Hindi:

May mas karumal-dumal pa kaysa sa mga nabanggit mong krimen

Silang mga bigtime criminal ang dapat sampulan at paslangin

Sila ay walang iba kundi ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan

O, hindi ba, parang ginahasa at pinapatay nila ang mamamayan?


Kaya kung igigiit mo sa akin ang death penalty, Binibini,

Na dapat parusahan ang sinomang sa batas ay nagkamali

At sinasabi mong tama ang kamatayan bilang parusa

Piringan mo munang muli ang mga mata ng hustisya.



Okey:

Death penalty ay nararapat na ipatupad,

Upang mabawasan ang kriminalidad sa ating lipunan.

'Yang sinasabi mong bigtime criminal ang dapat sampulan at paslangin ay sasang-ayunan ko 'yan,

Upang matuto sila na sa batas lahat ay pantay-pantay at hindi pera ang makakapagligtas sa kanilang buhay.


Death penalty ang dapat ipatupad na batas ng pamahalaan,

Dapat walang pera na iiral para ang mga may sala ay parusahan ng kamatayan.

Kriminilidad ay mababawasan kapag may death penalty,

Matatakot rin ang taumbayan na gumawa ng mali.


Hindi:

Hindi okey ang death penalty sa bansa natin.

Hindi iyan ang solusyon sa pagsugpo ng krimen.

Kung nagkasala ang isang tao ay huwag kitilin

Dahil sa kulungan, impiyerno na ang kaniyang sasapitin.


Sapat nang kaparusahan ang habambuhay na pagdurusa

Hayaan ang mainit na selda ang magparusa

Sabi nga nila'y `di masosolusyunan ang problema

Kung isa pang kasalanan ang paraan ng pagtatama.


Okey:

Mawalang-galang sa inyo, Ginoo, ngunit ang pagkakakulong ay hindi sapat,

Lalo na sa bansa nating bulok ang seguridad.

ImpIyerno nga ang dapat sapitin ng mga kriminal sa loob ng rehas,

Ngunit para sa may pera, ginawa na lamang itong rehas na vacation house.


Ang death penalty ay nararapat isabatas,

Nang sa gano'n, kriminalidad ay mahulas!

Sa death penalty, lahat pantay-pantay at walang VIP treatment,

Sa death penalty, walang ubra ang kayamanan o asset.


Hindi:

Kung papatawan ng kamatayan ang may-sala,

Paano niya mapagbabayaran ang kaniyang ginawa?

Maaari pa siyang magbago at magsilbi sa Panginoon

At kapulutan ng aral ng iba at maging inspirasyon. 


Kaya, labis akong tumututol sa iyong gusto

Ang death penalty ay hindi maka-Diyos at makatao

`Pagkat ang Diyos nga ay nagpapatawad

Kahit ang makasalanan, minamahal niya nang tapat.


Lakandiwa:.

Salamat sa inyong dalawa, na kay gagaling!

Walang mahinang argumento't walang itulak-kabigin

Parehong may punto, na dapat dinggin

Parehong mabigat at malaman kung titimbangin.


Kaya, ang madla na ang bahalang humatol

Hindi na bale kung ang may sang-ayon, at may tutol

Ang mga mambabatas na ang magtatakda

Kung ang death penalty ba'y hindi o dapat ipatupad na.

Makata O. Thoughts -- Mababasa

Hindi lahat ng magagandang bagay ay nakikita.

Minsan, sa mga libro ito ay mababasa.

Makata O. Thoughts -- Driftwood

Ang pagtanda ay katulad ng driftwood.

Oras at panahon ang sumubok.

Kalikasan ang nagpatatag,

Nagpaganda at umukit.

Makata o. Thought -- Batuhin

Kapag binato ka raw ng bato, batuhin mo ng tinapay! Kalokohan! Nasaktan ka na, magpapalamang ka pa. Gaganti ka rin lang pala, bakit tinapay pa? Batuhin mo rin ng mas malaking bato para malaman nilang masakit ang ginawa nila sa `yo. Go! Lumaban ka. Saka ka tumigil kapag napagtanto na nilang nagkamali sila. Minsan, kailangan din nilang masaktan para alam nila ang pakiramdam ng nasasaktan. 

Makata O. Thoughts -- Nakakatakot

Nakakatakot mawalan ng kaibigan, 

na laging nariyan para ikaw ay pasayahin at damayan kahit sa chat lang.

Pero mas nakakatakot ang pangungumusta sa chat ng FB friend mong ngayon lang nagparamdam 

dahil may plano palang humingi ng tulong o mangutang.

Makata O. Thoughts -- Pumanig

 Hayaan mo sila kung ayaw nila sa `yong pumanig.

Ang mahalaga, ang katotohanan ang siyang manaig.

Makata o. Thoughts -- Saka na

Saka mo na ako angasan kapag marunong ka nang magtapon sa tamang basurahan.

Saka ka na magreklamo sa gobyerno kapag isa ka nang disiplinadong tao.

Makata O. Thoughts -- Pinipili

May taong mas pinipili ang pera kaysa sa pagkakaibigan.

Nawalan ng tiwala kaya wala na rin ang dating pagdadamayan.

Darating ang araw, wala na siyang matatakbuhan.

Makata O. Thoughts -- Pautang

 Ang yayabang, porket may pautang.

Kung maningil, akala mo, `di babayaran.

Sa akin nga, marami ang may utang,

Pero `di ako naningingil kasi nakakahiya naman.

Makata O. Thoughts - Takasan

 Huwag mong takasan ang mundo

Huwag lalayo, huwag magtatago
Sa iyong problema'y huwag sumuko
Mga balakid sa buhay, harapin mo
Kalabanin mo ang mga negatibo
Nang adhikain at tagumpay, matamo.

Sunday, April 16, 2023

Makata O. Thoughts - Utang

 Ang yayabang, porket may pautang.

Kung maningil, akala mo, di babayaran.

Sa akin nga, marami ang may utang,

Pero `di ako naniningil kasi nakakahiya naman.

Saturday, April 15, 2023

Makata O. Thoughts - Agos

Minsan, kailangan mong magpaanod lang at sumunod sa agos ng buhay.

Pero, kadalasan, kailangang sumaliwa at lumaban upang hindi matangay.

Friday, April 14, 2023

Balagtasan: Kasipagan VS. Katalinuhan

 KASIPAGAN VS. KATALINUHAN


Lakandiwa:

Magandang araw ang aking bati sa balana

Ako ang inyong magiting na lakandiwa

Nais kong inyong makilatis at makilala

Magtutunggali sa isang mahalagang paksa.

 

Kilalanin ninyo ang masipag na si Binibining Maria,

Angking kasipagan ay labis na pinahahalagahan niya.

Si Ginoong Froilan naman, na matalino talaga

Ayon sa kaniya, talino ay higit na mahalaga.

 

 

Katalinuhan:

Salamat sa pakilala't papuri, aming Lakandiwa!

Totoo namang katalinuhan ang mas mahalaga

At ang kasipagan ay pumapangalawa

Sa paaralan, matatalino ang mas kinikilala

May espesyal na okasyon, may parangal pa.

 

Ang matatalinong tao ay sadyang kahanga-hanga

`Pagkat napakadali naming makaunawa

Ang simpleng problema, agad may solusyon na

At palaging katanggap-tanggap ang mga ideya.

 

 

Kasipagan:

Pagbati para sa lahat at maraming salamat sa pakilala, aming Lakandiwa!

Ako si Binibining Maria na nagsasabi na mas mahalaga ang kasipagan at hindi pangalawa.

Pinupuri nga ang talino sa paaralan, 

Ngunit sa mundo'y kasipagan ang pinaparangalan!

 

Aanhin mo ang talino sa botohan, 

Kung sipag ang tinitingnan ng mamamayan?

Hindi ang diploma o tayog ng pinag-aralan ang kanilang batayan,

Kun'di kung anong nagawa nila para sa taumbayan!

 

 

Katalinuhan:

Sa paghahanap ng trabaho, diploma ang kailangan

Hindi rin nilalagay sa biodata o resume ang kasipagan

Sa interbyu, mas lamang ang katalinuhan

At ang kasipagan, sa aktuwal na mapatutunayan.

 

Pagdating sa sahod, matalino ang lamang

May mababang suweldo naman ang mangmang

Kung tiyaga at sipag ang pag-uusapan,

Lahat ng empleyado ay mayroon niyan.

 

 

Kasipagan:

Sang-ayon ako sa nilalaban mo Ginoong Froilan,

Ngunit tingnan mo ang mga sikat na mga pangalan.

Mula sa mga atleta, artista, may-ari ng establisyimento, o manunulat man

Kasipigan ang kanilang pinairal at hindi katalinuhan.

 

Halimbawa si Michael Jordan na sa basketball ay unang nakilala,

Dahil sa kasipagan at dedikasyon, siya ngayon ay tinitingala.

Tingnan mo si Howard Schultz na CEO ng Starbucks,

Sipag ang kanyang sandata, ngayon kape niya ay nagpapamalas.

 

 

Katalinuhan:

Salamat naman dahil sumang-ayon ka, Binibining Maria

Subalit pagsang-ayon sa iyo'y  hindi ko magagawa

Sapagkat ang katalinuhan ay siyang tinitingala

Mga henyong tao, sa iyo ay aking ipakikilala.

 

Sina Isaac Newton at Galileo Galilei,

Sina Thomas Alva Edison at Leonardo da Vinci

Sa mundo ay may ambag at may silbi

Noon hanggang ngayon, sila ay maipagkakapuri.

 

 

Kasipagan:

Mga henyo nga silang maituturing, Ginoong Froilan

Ngunit dahil sa sipag nila kaya mas naging matunog ang kanilang pangalan.

May angking talino man silang taglay pero kasipagan pa rin ang bida!

Kasipagan pa rin ang aariba!

 

Sa panahon ngayon, kasipagan na ang mahalaga,

Katalinuha'y makaluma na! Kasipagan ngayon ang hanap ng madla.

Sa sipag at tyaga ay aangat ka,

Kikita ka rin ng pera.

 

 

Katalinuhan:

Labis mo akong napatawa sa iyong argumento

Sadya talagang masipag ka lang, aking katoto

Hupyak na ideya ang laman ng iyong ulo

Kaya nasasabing makaluma na ang talino.

 

Bakit pa pala may bar examination ang mga abogado?

Bakit pa pala may licensure examination ang mga guro?

Balewala pala ang katalinuhan ng mga edukadong ito?

Hindi mo ba alam na masisipag din sila kaya sila tumalino?

 

 

Kasipagan:

Nasa inyo na ang desisyon sa pagkuha ng examination para sa gusto ni'yong trabaho.

Labas na ang kasipagan sa problema ni'yong matatalino.

Pero tila yata sumasang-ayon ka sa akin, Ginoo,

Sabi mo na dahil sa sipag kaya sila tumalino.

 

Magaling! Magaling! Pinapahanga mo ako sa `yong argumento.

Ngunit pakatandaan mo ito, Ginoo,

"Walang magagawa `yang talino mo sa masipag na binibining katulad ko."

Sipag ang kailangan nating lahat, hindi katalinuhan na yumuyurak ng pagkatao.

 

 

Lakandiwa:

Maraming salamat sa inyong mga argumento!

Isang masigabong palakpakan para kina Binibining Maria at Ginoong Froilan!

Ako'y napahanga sa mainit ni'yong pagtatalo,

Kapwa mahusay sa panig na tinatalakay at pinaglalaban.

 

Nawa'y nakapagbigay-liwanag sa ating madla ang pahayag ng ating mga bisita,

Sa usaping  KATALINUHAN VS. KASIPAGAN, ano nga ba ang mas mahalaga.

Muli, maraming salamat sa inyong dalawa,

Ang argumento ni'yo sa ami'y tumimo sa isipan dahil ito'y mahalaga!




---A collaboration with Mary Gonzales

Makata O. Thoughts -- Lumaban

Huwag mong takasan ang mundo

Huwag lalayo, huwag magtatago

Sa iyong problema'y huwag sumuko

Mga balakid sa buhay, harapin mo

Kalabanin mo ang mga negatibo

Nang adhikain at tagumpay, matamo.

Hindi na Natuto (Tula)

 Ikaw na nagmahal nang todo,

Walang pinakamaganda sa mundo

Kundi ang ex mong nanakit sa `yo.

 

Ikaw na nasaktan nang husto

Pero may mapagmahal na puso

Ay mananatiling tapat sa pangako.

 

Ikaw na iniwan pero nanatiling buo

At naniniwalang hindi ka niya niloko

Ay maghihintay hanggang sa dulo.

 

Ikaw na pinagpalit niya sa maling tao

Pero umaasa pa ring magiging kayo--

Ikaw ay talagang hindi na natuto.

Makata O. Thoughts -- Opinyon

Malaya kang magpahayag ng opinyon,

pero kung hindi naman hinihingi sa iyo, hindi mabuti iyon.

Manahimik ka na lang lalo na kung makakasakit ka ng damdamin ng kapuwa mo.

Huwag mong gamitin ang kalayaan at social media sa kapalaluan mo.

Makata O. Thoughts -- Bato

Kapag binato ka ng mga tao, 

huwag kang magkaroon ng mapaghiganting puso. 

Sa halip, ipunin mo ang mga bato 

at magtayo ka ng kastilyo. 

Kapag nagawa mo ito, hindi ka lang protektado, 

kundi ika'y titingalain pa ng mga nambabato.


Makata O. Thoughts -- Nakakapagod

Talagang nakakapagod ang gawaing parang walang katapusan, 

pero mas nakakapagod kapag walang pinagkakaabalahan. 

At ang pinakanakakapagod ay ang trabahong walang kabuluhan

Thursday, April 6, 2023

Memwa: Paano Ito Isusulat?

             “Ang pinakamagandang kuwentong maisusulat ng isang manunulat o kahit sino ay ang kuwento ng buhay niya.” Palagi kong pinanghahawakan ang pahayag na ito ng isang tao. Kung tutuusin ay tama naman. Kaya, ang kakayahang sumulat ng memwa (memoir) ay dapat taglayin ninoman.

              Ang memwa (memoir) ay isang akdang hindi produkto ng imahinasyon. Ito ay mga tala mula sa totoong buhay ng may-akda. Ito ay salitang Pranses na ang kahulugan ay memorya o alaala. Samakatuwid, ang manunulat nito ay nagtatala ng mga personal na mga kaganapan, alaala, o karanasan tungkol sa edukasyon, kabataan, matalik na kaibigan, paglalakbay, trabaho, karera, emosyonal na katotohanan, at marami pang parte ng buhay ng isang tao.

Ang manunulat ng memoir ay kadalasang may mapaglarong imahinasyon sapagkat naisasalaysay niya nang malikhain at malinaw ang kaniyang nakaraan, at nakabubuo siya ng magandang kuwento.

Ang memwa ay hindi katulad ng talambuhay. Ang talambuhay ay mga tala ng isang tao mula sa pagsilang hanggang sa kasalukuyan o kamatayan nito. Samantalang ang memwa ay mga tala ng mga bahagi ng mga pangyayari sa buhay ng isang tao. Ang may-akda nito ay namimili lamang ng mga pangyayari batay sa kaniyang paksa. Hindi niya pormal na inilalahad ang mga ito. Masining niyang isinusulat ang kaniyang akda. Maaaring hindi rin nasa kronolohikal na pagkakasunod-sunod, ngunit ang katotohanan ay dapat may katumpakan.

Magkaiba rin ang memwa at talaarawan. Ang talaarawan ay hindi sinadya upang maging buong kuwento ng buhay. At isinusulat ito nang magkakasunod-sunod, kaya nga nilalagyan ng petsa. Samantalang ang memwa ay maaaring hindi magkakasunod-sunod na pangyayari. Sa talaarawan, ang may-akda ang pangunahing tauhan. Sa memwa, maaaring hindi ang may-akda ang maging pangunahing tauhan. Maaari itong tumuon sa kaibigan, katrabaho, ibang miyembro ng pamilya o mga mahal sa buhay.  

Ang memoir ay isang sanaysay na may makitid sa saklaw. Katulad ito ng isang maikling kuwento o nobela dahil sadya at masining itong isinusulat at pinag-uugnay nito ang mga karanasan ng may-akda para makabuo ng isang panitikan.  

Malayang makapamili ng paksa ang may-akda. Walang masamang paksa, kumbaga. Hindi lang paksa ang mahalaga sa pagsulat nito, kundi ang estilo ng pagsulat. Ang isang simpleng alaala ay magiging espesyal kung mahusay ang pagkakabuo nito ng may-akda.

Subalit, paano nga ba sumulat ng isang mahusay na memwa?

Simple lang.

Una. Magbasa muna ng mga memoir. Nariyan ang ‘Greenlights’ ni Matthew McConaughey; ang “Becoming” ni Michelle Obama; “Born a Crime” ni Trevor Noah; “Educated” ni Tara Westover; “Men We Reaped” ni Jesmyn Ward; “The Liars’ Club” ni Mary Karr; “Will” ni Will Smith; “Travels with Charley in Search of America” ni John Steinbeck; “Tuesdays with Morrie” ni Mitch Albom; o “I Know Why the Caged Bird Sings” ni Maya Angelou.

Pangalawa. Magkaroon ng isang malinaw na paksa. Huwag isulat ang buong autobiography. Ituon lamang ang pokus sa mga pangyayaring konektado sa napiling paksa.

Pangatlo. Simulan ang memwa sa isang agarang nakakaengganyong kuwento o sandali mula sa sariling buhay. Sa madaling salita, huwag magsimula sa simula. Ang pinakamahusay na naisulat na memwa ay hindi nagsalaysay ng mga pangyayari sa buhay ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga ito. Hayaang kusang dumaloy pabalik ang mga nalampasang pangyayari. Kusa nitong pupunan ang mga blangko sa kuwento upang magpukaw ng interes sa mga mambabasa.

Pang-apat. Magkaroon ng sariling estilo sa pagsusulat. Wala namang format ang memwa. May kalayaan ito kumpara sa ibang akdang pampanitikan. Ang mahusay na may-akda ng memwa ay magagawa niyang maging kapana-panabik ang bawat talata.

Panlima. Magpakita, huwag basta maglahad. Ang isang mahusay na memwa ay nakahihimok ng mga mambabasa. Lumikha ng mga eksenang may diyalogo upang makabuo ng pag-aalinlangan. Maglaan ng mas maraming paglalarawan ng aksyon kaysa sa labis na paglalahad ng impormasyon at ideya. Ito ang magbibigay ng kulay at buhay sa memwa.

Pang-anim. Isama sa memwa ang lahat ng mga taong nakasalamuha. Lahat ng kaibigan, katrabaho, kakilala, kapamilya o kamag-anak na naging bahagi ng buhay mo ay maaaring maging karakter sa susulating memwa. Subalit, piliin lamang ang mga taong mahalaga at may kinalaman sa mga kaganapang pinupunto ng paksa. Maaari silang banggitin, pero huwag bigyan ng mahabang paglalarawan o mahalagang papel kung hindi naman sila magiging bahagi ng memwa hanggang sa huli.

Pampito. Gumamit ng mga pandama. Mahirap magsulat ng memwa dahil kailangan nitong isalin sa mga mambabasa ang mga damdamin ng may-akda. Ang isang mahusay na memwa ay dapat nakikita, naaamoy, naririnig, nalalasahan, at nadarama ng mga mambabasa. Kung paano ito isinulat, gayundin ito mababasa.

              At pangwalo. Sumulat palagi. Kung maaari, gawin itong araw-araw. Magkaroon ng oras para maisulat ang memwa. May pagkakataong magaganap ang tinatawag na writer’s block, pero huwag susuko. Gumawa ng mga paraan para manumbalik ang interes sa pagsusulat. At habang dumadaloy ang mga ideya, sulat lang nang sulat.

              Huwag nang mag-aalinlangan pa. Sumulat na ng memwa. Hindi kailangang sikat para sumulat nito. Ang mahalaga, ang memwang susulatin ay magbibigay ng kaalaman, magdudulot ng aliw, at hihipo sa emosyon ng mga mambabasa. Tandaang ang memwa ay hindi lang isinusulat para sa kapakanan ng may-akda, kundi para din sa mga mambabasa na maaaring magkakaroon ng kaugnayan at maaaring matuto sa pinagdaanan ng may-akda.

               

 

 

Tuesday, April 4, 2023

Tula ng mga Hayop

 Ito ay matsing.

Mahilig ito sa saging.
Magaling itong magbaging.



Ito ay pagong.
Nakatira ito sa ilog.
Nabibigatan, pero sumusulong.



Ito ay gagamba.
Ito ay may walong paa.
Bahay nito ay sariling gawa.



Ito ay kambing.
Mabait ito at malambing.
Damo ang paborito nitong kainin.


Ito ay paruparo.
Kay ganda ng mga pakpak nito
Sa mga bulaklak ito dumadapo.



Ito ay ibon.
Humuhuni ito maghapon.
Nakatira sa punongkahoy.



Ito ay kalabaw.
Masipag itong alalay.
Tibay at lakas ang taglay.



Ito ay isda.
Sa tubig ito nakatira.
Lumalangoy ito sa ilog, dagat o sapa.



Ito ay pusa.
Hatid nito sa lahat ay saya
Dahil ito ay malambing na alaga.


Ito ay aso.
Ito ay bantay sa bahay ng amo.
Matalik na kaibigan ito ng mga tao.


Ito ay bubuyog.
Nag-iipon ito ng matamis na pulot.
Sa katas ng mga bulaklak ito ay nabubusog.



Ito ay baka.
Gatas nito ay pambihira.
Katuwang din ito ng mga magsasaka.



Ito ay kuneho.
May malalaking tainga ito.
Kay sarap hawakan ng balahibo nito.



Ito ay kabayo.
Mabilis itong tumakbo.
Sa karera, mahusay ito.



Ito ay palaka.
Nakatira ito sa tubig at lupa.
"Kokak! Kokak" ang tawag nito sa kasama.



Ito ay pato.
Nangingitlog ito.
Mga bibe nito ay mahilig maglaro.



Ito ay manok.
Ito ay tumitilaok.
Nagbibigay rin ito ng itlog.



Ito ay tupa.
Sa sabsaban ito nakatira.
Balahibo nito ay ginagawang tela.



Ito ay elepante.
Para itong higante.
Pero mabait ito at mabuti.



Ito ay buwaya.
Maingat dito kapag nakanganga.
Ang balat nito ay kay tigas talaga.



Ito ay daga.
Kung saan-saan ito lumulungga.
Ngipin ito ay talagang pambihira.



Ito ay tipaklong.
Talon ito nang talon.
Kinakain nito ang mga dahon.



Ito ay paniki.
Gising ito sa gabi.
Sa mga prutas ito lumalaki.


Ito ay balyena.
Sa dagat ito nakatira.
Isa itong nilalang na dambuhala.



Ito ay baboy.
Inaalagaan ito, kaya hindi palaboy.
Malusog ito at palaging busog.



Leon iyan.
Huwag mong lalapitan.
Hayaan lang sa kagubatan.


Ito ay usa.

Sa kakahuyan ito nakatira.

Sa pagkain ng damo ay sapat na.

 

 

Ito ay tigre.

Para itong pusang malaki.

Maamo ba ito? Naku, hindi!

 

 

Ito ay ahas.

Hindi kumakain ng prutas.

Hawakan ito’y huwag mangahas.

 

 

Ito ay oso.

Ito ay mabalahibo.

Dambuhala ang hayop na ito.

 

 

Ito ay pugita.

Walo ang mga galamay niya.

Karagatan ang tirahan, kasama ang mga isda.

 

 

Ito ay alimango.

Urong-sulong ay kaya nito.

Mag-ingat ka sa mga sipit nito.

 

 

Ito ay zebra.

Kabayo ang kapamilya.

Guhit na puti-itim ang katawan niya.

 

Ito ay pating.

May maliliit itong ngipin,

Pero mag-ingat, baka ikaw ay sakmalin.

 

 

Ito ay giraffe.

Sobra nitong tangkad.

Kayang abutin sa puno ang pugad.

 

 

Ito ay kangaroo.

Ito ay palukso-lukso.

Tiyan nito ay parang may buslo.

 

 

Ito ay malmag.

Tarsier ang isa pang tawag.

Pinakamaliit na mamalya kaya tanyag.

 

 

Ito ay kabayito.

Kabayo o isda ba ito?

Tama! Isda, na mukhang kabayo.

 

 

Ostrich ito.

Abestrus sa wikang Filipino.

Hindi nakalilipad ang ibong ito.

 

 

Ito ay dikya.

Sa dagat ito makikita.

Maaaring may kuryente o wala.

 

 

Ito ay kamelyo.

Nasasakyan ito ng mga tao.

At nabubuhay kahit sa disyerto.

Ang Aking Journal -- Marso 2023

 Marso 1, 2023

Hindi sana ako papasok dahil sa nararamdaman kong sakit sa may kanang singit at puwet ko, kaya lang may LAC Session pala kami. Baka mahalaga ang pag-uusapan. Ayaw kong ma-miss iyon. Kaya kahit masakit kapag naglalakad ako, pumasok ako nang maaga. Ten o' clock kasi ang start. Nakarating naman ako sa school bandang 9:30. Nakapagkuwentuhan pa kami nina Ma'am Edith at Ma'am Joan.

Sa klase, ipinagpatuloy ko ang pagpapabasa habang may written activity ang lahat. Tinulungan ako ni Sir Hermie kaya natapos agad kami. May time pa ako para sa ibang bagay. Ang iba mga estudyante, nahirap sa paggawa ng activity dahil mas Madali para sa kanila ang dumaldal. Nagawa nga ng halos kalahati ng klase.

Pagod na pagod at antok na antok ako habang nasa biyahe pauwi. Nakaidlip nga ako sa bus. Parang ang bilis tuloy ng biyahe.

Pagkatapos kong mag-dinner, tinapos ko ang pagsusulat ng grades sa cards. Sa Friday na kasi ang bigayan nito. Mabuti, nausod ito. Dati Sabado ang schedule.

Marso 2, 2023

Medyo mahaba-haba ang naging tulog ko. Masakit pa rin naman ang likod ko pero nakakatulog din ako agad.

Pero pagdating sa school, antok na antok ako. Wala na naman kasing palitan ng klase. Nagpabasa ako at magpa-test ng ANA. Hindi rin ako maaaring matulog nang matagal habang nasa harap ng klase. Power nap lang. Nagpa-activity na lang ako sa GC ng ITWNG. Kahit paano, nawala ang antok ko.

Pag-uwi ko, kailangan ko uli sumali sa GC. Kailangan kong maging active kasi nakikitaan ko ng potential income ang grupong ito. Kailangang mamuhunan ng oras.

Ngayong gabi, napadalhan ko ng allowance si Hanna at pa-birthday si Zj through GCash. Hindi nga lang ako nakabayad sa Pagibig.

Marso 3, 2023

Mas naunang umalis si Emily kaysa sa akin. Kaya, wala na namang maiiwan sa bahay. Wala rin si Herming. Haist!

Nagsulat ako ng mga tanaga sa PITX, kaya 11 na ako nakarating sa school. Ito kasi ang ituturo ko ngayon sa Buko.

Sa klase, naging busy ang mga estudyante ko sa pagsulat ng tanaga. May mga tinulungan ako, kaya nakabuo sila. Then, ipinakita ko sa kanila kung paano gumawa ng image para maging kaakit-akit. Ipinakita ko rin sa kanila kung saan ko ipinost.

Past 4, nagdatingan na ang mga parents na kukuha ng card. Hindi na ako masyadong nagsalita dahil nagawa ko na noong 1st quarter. Dahil doon, maaga akong natapos. Natahimik ang classroom. Nakagawa tuloy ako ng ibang gawain bago umuwi.

Pagdating ko sa bahay, nanood ako sa YT ng 'Batang Quiapo.'

Nag-aalala naman ako kay Herming kasi kagabi ko pa siya hindi nakikita. Hindi ako nakatulog agad sa kaaabang sa pagpasok niya sa bahay. Past 1 na yata ako natulog..

Marso 4, 2023

Maaga akong bumangon.para alamin kung umuwi si Herming kagabi. Nalungkot ako nang makita ko ang kainan niya. Wala pa ring bawas ang cat food.

Nang nagdesisyon akong matulog muli, saka naman ang pagbaba ni Emily. Narinig kong tinawag niya si Herming. Para akong timang na bumaba para salubungin si Herming. Ang dumi na naman niya! Pero,.okey lang dahil ligtas siya. Naglalampong lang talaga siya.

Nakasulat tuloy ako ng dagli ngayong araw bago ako nagsimulang gumawa ng vlog.

Nakadalawang vlogs ako maghapon. Gabi na ako nakapanood ng movie. At siyempre nakaidlip din ako.

Marso 5, 2023

Past 8 na ako bumaba. Nagbabad muna ako sa cell phone. Late na rin ang almusal namin kasi hindi agad nagsaing si Emily. Mga 9:30 na yata iyon. Naglalaba na ako sa mga oras na iyon. Okay lang naman.

Habang naglalaba, humaharap na ako sa laptop para gumawa ng anomang kapaki-pakinabang na gawain. After maglaba, nagpokus ako sa pagsulat ng lathalain, na kailangan ko sa paggawa ng vlog.

Nakaidlip naman ako sa sofa pagkatapos kumain. Hindi na tuloy ako nakaligo, lalo na't may pinagkaabalahan ako.

Six-thirty, umalis ako para bumili ng bond paper sa mall. Naglakad lang ako papunta roon. Sumakay naman ako pabalik. Kailangang magtipid.

After dinner, nakipagkulitan ako sa ITWNG GC. Inabot kami ng past 12 mn. Okay lang kasi hindi naman ako papasok bukas.

Marso 6, 2023

Since, nagdesisyon na akong hindi pumasok, past 7 na ako bumangon. Hindi rin papasok si Sir Hermie. Tinawagan niya ako, kaya nakakuha ng ideya.

Maghapon akong nagsulat, gumawa ng vlog, sumali sa ITWNG GC. Nagluto rin ako ng lunch at dinner, since umalis si Emily. Tahimik din ang bahay maghapon, since kami lang ni Ion ang naiwan.

Nakagawa rin ako ngayon ng FB

Reels, mula sa dati kong akda. Andami ko pa sanang gustong gawin, hindi lang kaya ng oras at katawan.

Marso 7, 2023

Natulog ako nang up-to-sawa kasi plano ko kagabi pa, na hindi pumasok. Again, it my own little way to support the plight for #NoToJeepneyPhaseOut.

Hayan, napa-English tuloy ako. Sana tumama ako.

Anyway, nagdilig muna ako ng mga halaman pagkatapos mag-almusal. Si Emily nga pala ang naghanda ng aming almusal. Then, humarap na ako sa laptop. Gumawa ako ng vlogs maghapon. Siyempre, nakapag-upload ako. Marami akong accomplishment. Hindi rin ako naging inactive sa ITWNG GC. Nakipagkulitan ako.

Hapon, umidlip ako. Then, nagluto ng spaghetti. Since marami akong naluto, naging hapunan na rin namin.

Marso 8, 2023

Kailangan ko na talagang pumasok dahil binawi na ang jeepney strike. Maabsenan na ako. At siyempre, umalis ako nang maaga sa bahay para makapag-adjust ako sakaling wala pang jeep sa PITX.

Past 9:30, nasa PITX na ako. Napakaaga pa kaya nag-stay muna ako roon at nagsulat ako. Nakapag-post din ako ng mga akda ko.

Sa school, nakagawa o nakapagsimula ako ng mga PPTs na gagawin kong vlogs.

Sa klase, nagturo ako ng pagsulat ng sariling kuwento. Wala pa ako sa mood, pero dahil nagpalitan kami ng klase, kailangan kong maging motivated.

Nainis naman ako kina DK at Franz sa ITWNG. Pinagmukha akong engot. Nakikipagtalo na naman sa bilang ng pantig ng 'mga,' gayong napagkasunduan na namin. 'Tapos, minali pa ang 'matututuhan' ko. Ako pa ang mali. Siyempre, dahil may mga patunay ako, na tama ang claim ko, ipinaglaban ko. Ayaw pa ring magsitigil, kaya nag-left ako. Chinat ako ni DK, pero decided na akong hindi balik. Tahimik akong mag-isang natututo, pero sa mga kagayang nilang pabibo pa ako makikisalamuha, I'd rather work alone.

Malungkot akong umuwi. Pero, hindi ako nagsisisi. Hindi ko sila pinanghihinayangan.

Marso 9, 2023

Bago ako nag-almusal, nagdilig muna ako ng mga halaman. Nag-transplant o nagtanim muna ako. Inayos ko rin ang mga houseplants ko.

Ngayong araw, naging mabilis ang oras dahil nagpalitan kami ng klase. Nagkaroon pa ng earthquake drill.

Medyo masakit lang ang Lower back ko. Ramdam ko ang parang namumuong laman o lamig sa may kaliwa. Ang sakit kapag namamali ng upo o galaw. Ito ang dahilan kaya halos hindi ako makatulog sa gabi.

Marso 10, 2023

Paggising ko, nakaalis na si Emily. Siyempre, nakapasok na rin si Ion sa school.

Naghanda muna ako ng LM sa PE 4, bago ako bumaba. Nakaplantsa na rin ako. Sa baba, gumawa muna ako ng video para sa Reels.

Past 8:30 na ako nakaalis sa bahay at past 11 nakarating sa school. Nag-stay pa nga ako sa PITX nang ilang minuto para magsulat.

Nakahalubilo ko ang Tupa Group sa library. Bigayan ng financial assistance ngayon kaya matao sa school ground. Kailangan din naming lumayo sa kanila.

Twenty-one lang ang pumasok sa Buko. Porke't nakatanggap ng allowance nagsi-absent. Okey lang, hindi naman kami nagpalitan ng ka

lase. Nakakatamad din magturo. Ang ingay ng paligid at ang alikabok dahil sa on-going construction ng school building.

Umuwi agad ako after ng klase. Kailangan ko kasing manood ng 'Batang Quiapo' sa YT. Kaya, pagkatapos kong kumain, sinimulan ko nang manood hanggang sa antukin ako. May isang episode pa akong hindi natapos.

Marso 11, 2023

Ngayong araw, pagkatapos kong magdilig, buong araw akong gumawa ng vlogs. Hindi muna ako naglaba kasi gusto kong gawin kaagad ang mga nasa isip kong ideya. Good thing is nakapag-upload ako at nakapag-post.

Bukas sana ay dadalo ako ng binyag ng anak ng classmate ko noong college na si May. Nag-chat siya. Sabi ko, hindi ako makakadalo. Nagdahilan ako. Ayaw ko talagang pumunta kasi gastos na naman.

Gabi, nagsulat naman ako para sa Wattpad. May nasimulan na ako, pero dahil nakukulangan ako sa word counts, dinagdagan ko muna ito bago ipinost.

Marso 12, 2023

Nakakainis ang mga aso ng mga kapitbahay! Nambubulahaw. Kung hindi umaalulong, kahol nang kahol naman. Sira ang tulog ko.

Pagbaba ko, agad akong nagsimula sa paggawa ng learning material sa PPT. Pagsulat ng Talambuhay ang lesson ko. At dahil si Emily muna ang naglaba, medyo mahaba na ang aking nagawa bago ako nagsimula. Past 10 na ako natapos maglaba.

Maaga ang lunch namin kaya maaga rin akong inantok sa sofa. Pinagbigyan ko muna bago ako naligo.

Pagkatapos maligo, nag-stay ako sa kuwarto para matulog sana, pero gumawa pa rin ako ng vlogs.

Napaka-productive ko ngayong araw! Kung natuloy ako sa binyagan, malamang aligaga ako ngayon para bukas.

Gabi, after dinner, namalantsa ako ng mga uniporme. Pagkatapos, gumawa uli ng vlog. Marami pa akong gustong simulan, pero hindi na kaya ng oras, mata, at katawan.

Marso 13, 2023

Pagdidilig ng halaman ang una kong ginawa pagkababa ko. Hindi muna ako pumindot sa cell phone ko para mag-FB. Tiningnan ko lang ang oras. Lunes kasi ngayon-- siguradong ma-traffic.

Hndii ako nagkamali. Bukod sa haba ng pila ng mga pasahero, natrapik ako sa FB Harrison Street. Boploks kasi ang driver, doon dumaan, hindi sa Roxas Boulevard. Hayun, past 11:30 na ako dumating. Nagmadali akong kumain.

Nagpalitan kami ng klase ngayong araw. Ready ako kaya motivated akong magturo. Ang mga estudyante na lang talaga ang kulang. Kahit gaano mo sila i-motivate, hindi pa rin talaga all the time na nakapokus.

Gayunpaman, ang bilis ng oras. Ganoon talaga kapag nagpapalitan ng klase.

Past 8 ako nakauwi sa bahay. Bago ako naghapunan, nag-send muna ako ng reading materials sa Google Drive ng LRMDS coordinator. Sana magamit nang wasto at hindi ma-corrupt.

Gumawa ako ng vlog pagkatapos kumain. Nai-upload ko rin iyon bago ako natulog.

Thanks, God, sa mga biyaya!

Marso 14, 2023

Nakatulog naman ako nang maayos-ayos kahit paano, kaya maganda ang kondisyon ng katawan ko ngayon. At maayos ang mood. Sa school na nga lang ako na-bad mood. Kay hihina kasi ng comprehension ng mga estudyante. Kasasabi mo pa lang, itatanong ulit. Aguy! Nakakaubos ng pasensiya. Ang problema kasi sa kanila ay pakikinig. Ang iksi pa ng attention span.

Nagpalitan kami ng klase, kaya mabilis uli ang uwian. Nawalan nga pang ako ng vacant kasi hindi pumasok si Marekoy. Naghanda siya para sa observation niya bukas. Nag-MAPEH ako sa Buko, gamit ang oras niya. Okay lang naman.

Past 8, nasa bahay na ako. Agad akong kumain para manood ng Korean series na 'The Glory.' Hindi muna ako gumawa ng vlog.

Marso 15, 2023

Maaga akong nagising. Tamang-tama naman, kasi kailangan kong magdilig ng mga halaman.

Pagkatapos kong magdilig, nag-research ako tungkol sa mga mga bayaning kasama ni Pepa sa 1000-peso bill.

Maaga rin akong nakarating sa PITX. Nag-wifi muna ako roon. Pinost ko roon ang akda kong naisulat sa biyahe.

Past 11, nasa school na kami. Nagkaroon kami ng bonding bago kumain sa Reseta Group place namin.

Masaya kong hinarap ang lahat ng section. Tinuruan ko sila nang maayos at masigla in kung paano magsulat ng talambuhay. Sa tingin ko, natuto sila nang husto. May magandang epekto talaga kapag jolly ka sa harap ng klase.

Eight-thirty na ako nakauwi. Agad akong nag-dinner para makapag-plantsa ako. Then, makanood ng 'The Glory.' may inayos lang akong video, na ipo-post ko sa FB Reels.

Marso 16, 2023

Maaga akong umalis sa bahay. Nagkasabay nga kami ni Emily sa traysikel. Kailangan ko kasing mag-judge sa school-based Kindergarten Festival of Talents-- Story Reading category. Sinabihan ako ni Ma'am Leah kahapon.

Kahanga-hanga ang mga kalahok na Kinder pupils. Ang gagaling nang magbasa.

Writing kami ngayong araw. Application, kumbaga. Talambuhay na Pansarili ang pinasulat ko sa mga estudyante. Nakatipid ako sa boses. Mabilis ding natapos ang bawat period ko.

Past 8, nakauwi na ako. Wala pa si Emily. Past 9:30 na siya nakauwi. Nakapanood na ako ng 'Batang Quiapo' at 'The Glory.'

Bukas, may overnight kami sa school. May girl scouting. May anim na Buko akong dapat bantayan.

Marso 17, 2023

Hindi na ako nakatulog nang maayos, noong nagising ako dahil sa ingay ng mag-ina. Naunawaan ko naman sila. Kailangan nilang gumising nang maaga para sa pagpasok ni Ion. Isa pa, kailangan ko na ring bumangon nang maaga para makapagdilig ako ng mga halaman.

Pagkatapos ko nang magdilig, nakapanood pa ako ng isang episode ng 'The Glory.' Hindi ko nga lang naayos ang learning material ko.

Before 8:30, umalis na ako sa bahay. Alam na ni Emily na may overnight kami sa school.

Pasado alas-onse, nasa school na ako. Hindi na ako natuloy mag-judge sa Storytelling kasi maagang nagsimula. Late na ako. Okay lang.

Kakaunti ang estudyanteng pumasok. Hindi ako masyadong nahirapan. Pero, nagturo ako ng pagsulat ng talambuhay na pang-iba. Nang nagsimula ang camping ng mga girl scout, hinayaan ko nang maglaro ang mga naiwan. Nakagawa naman ako ng digital illustration at nakapagpa-activity sa ITWNG 2023.

After ng klase, tinulungan ko si Sir Hermie na ikabit ang ginawa niyang styro-cuttings.

Past 10, nag-inuman kami nina Sir Hermie at Sir Joel G. Kinalaunan, nag-join sa amin si Sis Jess. Alfonso Light ang ininom niya. Naki-join na rin sa amin si Mange at Ma'am Venus. Nakisaya rin sina Ma'am Vi at Ma'am Ivy. Ang saya namin! Panay tawanan at kulitan.

Past 5 na kami natapos. Gising na ang mga bata. Saka lang ako natulog sa classroom ni Ma'am Joan.

Marso 18, 2023

Past 7:30 ako nagising. Pero dahil antok pa, nahiga ulit ako at sinikap makatulog. Bumangon ako bandang 9:30. Nagkape lang ako kasi inihahanda ko ang tiyan ko para sa buffet lunch namin ng Tupa Group sa Tramway.

Past 11, nandoon na kami nina Ma'am Jing at Ma'am Edith, the birthday celebrant. Kasunod naman naming dumating si Ms. Krizzy. Next is Papang. Sabay namang dumating sina Ate Bel at Ma'am Divine. Kasama ng huli si Randiv, ang anak niya. Very late si Ma'am Mel.

After mag-buffet, nagkape kami sa JCo sa Bluebay Walk. SB sana kami kaso walang table na kasya sa amin. Okay naman sa JCo. Solo namin sa itaas. Okey lang kahit ang iingay namin. Kaya lang, antok na antok ako. Hinayaam ko lang silang magkuwentuhan habang umiidlip ako.

Past 5, nasa school ako para kunin ang bag ko. Nag-ayos din ako sa classroom na ginamit ng mga girl scouts.

Nakasalubong ko ang kumare, kumpare, at inaanak ko--Bruma Family. Binigyan ko ng P500 ang bata dahil sa tuwa ko.

Before 7, nakauwi na ako. Wala ang aking mag-ina. Siguradong nasa biyahe na sila pauwi, galing sa FVP office. Nine na sila dumating. Nakapanood na ako ng 'Batang Quiapo.'

Dahil sa sobrang pagod at antok, maaga akong natulog. Hindi ko na inalintana ang ingay ng mag-ina sa kabilang kuwarto.

Marso 19, 2023

Past 7 na ako bumangon. Ang sarap pa kasing matulog. Masasabi kong nakabawi na ako.

Bago ako naglaba, nagdilig muna ako ng mga halaman. Mabilis ko lang natapos, kaya nasimulan ko rin agad ang paggawa ng learning material sa Filipino. Maghapon kong ginawa iyon. Naisingit ko lang ang pag-idlip.

Gabi, nanood na ako ng 'The Glory." Namalantsa na rin ako bago mag-dinner.

Marso 20, 2023

Nag-gardening ako nang kaunti bago ako naghanda sa pagpasok. Napakagaganda na ng mga halaman ko. Kay sarap sanang tumambay sa garden maghapon.

Nakarating ako nang maaga sa PITX. Since maaga pa naman, nagsulat muna ako roon at nag-research. Gumawa rin ako ng activity para sa ITWNG GC.

Ngayong araw, inspired akong magturo ng 'Pagsulat ng Talata.' Pinaghandaan ko ito nang mabuti, kaya sinikap kong matuto ang lahat.

Ang bilis ng oras kapag nagpapalitan! Sana kasimbilis nito ang pagkatuto ng mga estudyante.

Past 8:30 na ako nakauwi. Gutom na gutom ako kasi kape at dalawang bite-size brownies lang ang meryenda ko.

After dinner, tinapos ko ang paglalagay ng audio sa isa kong PPT presentation. Gagawin kong MP4 para sa YT content ko.

Bago ako inantok, nanood muna ako ng K-series. Hindi na muna ako nakipagkulitan sa GC.

Marso 21, 2023

Bago ako nagkape, nagdilig muna ako ng mga halaman. Then, may ginawa ako para sa ITWNG.

Past 11, nasa school na ako. May meeting kasi ako with the principal. Kinabahan nga ako kasi isa ako sa tatlong ipinatawag. Iyon pala ay tungkol lang sa journalism. Na-stress lang tuloy akong bigla. Kailangan ko nang mag-train para sa collaborative writing.

Sa klase, stress din ako kasi ang hirap magpokus ng mga estudyante. Ang hirap nilang turuan. Panay ang sermon ko. Haist!

After class, nag-decorate kami nina Sir Hermie, Ma'am Mel, at Sir Joel G para sa Women's Month Celebration bukas. Seven-thirty na kami natapos. Late na rin ako nakauwi.

Nagplano kaming ITWNG group tungkol sa YT na aming itataguyod. Gusto ko ang ideyang iyon kasi nakisali ako sa pagpaplano.

Marso 22, 2023

Maaga akong bumangon para maaga akong makarating sa school. Hindi nga ako nabigo. Nakatulong pa ako kay Ma'am Mel sa pag-prepare sa venue. Nag-mop pa ako sa harap kasi masyadong maalikabok.

Past 10:30, nagsimula na ang Women's Day Celebration. Hindi masyadong inspiring ang speaker. Politiko kasi. Nambola lang. Mas na-inspire ako sa speaker last year.

May part ako sa program. Binasa ko ang tulang ipinasukat sa akin ni Ma'am Mel. Ginawan niya ng video kaya may background music.

Natuwa naman sila at nagandahan sa tula ko. Wala nga yatang nakapag-picture sa akin. Namangha yata. Ahaha

Past 2:30 na natapos ang program. Sobrang init na. Kaya pag-akyat namin, nag-aircon kami. Wala namang palitan ng klase.

Nagpasulat ako ng talata sa Buko. Maghapon nilang ginawa iyon. Haist!

Nakauwi ako agad. Pero sa sobrang gutom, naghapunan ako agad pagkatanggal ng sapatos.

Bago ako natulog, nanood muna ako ng 'Batang Quiapo' sa YT. Updated na ako.

Wala naman akong nagawa ngayon para sa vlog o sa Wattpad. Okey lang! Malapit na rin naman ang Holy Week. Nakakabuwelo na ako.

Marso 23, 2023

Maaga akong umalis sa bahay para hindi ako mahuli sa journalism meeting. Nakapag-lunch pa ako bago kami umakyat sa venue.

Okay naman ang meeting. Medyo malinaw. Medyo inspired din akong bumalik sa journalism. I hope hindi ako ma-disappoint.

Nagpalitan kami ng klase kaya mablis ang oras. Sa Mangga, hindi ako nagturo kasi kailangan kong mamili ng mga trainees para sa desktop publishing. May training na kami bukas.

Sa biyahe, antok na antok ako. Hndi na ako nakapagsulat. Okey lang kasi nakaidlip naman ako sa bus.

Sa bahay, pagdating ko, nasermunan ko si Emily kasi andaming tira-tirang ulam. Bili sila nang bili tapos palaging may tira.

After dinner, inihanda ko ang lesson ko para bukas sa training. Pagsulat ng balita muna ang topic ko. Mabuti, may nagawa na ako dati.

Naglagay rin ako ng voiceover sa isa kong PPT bago ako natulog.

Marso 24, 2023

Maaga akong umalis sa bahay para sa journalism training. Eleven, nasa school na ako. Nauna nang dumating si Ma'am Ivy. Hinintay na lang naman ang mga bata. Habang naghihintay, tinuruan ko siya sa Publisher. At nang dumating ang mga trainees, umakyat na kami sa 3rd floor, sa ICT room. Mabuti, naroon na si Sir Dave.

Para akong nag-workshop sa mga bata. Ang pagsulat ng balita ang itinuro ko sa kanila. Kulang na kulang ang oras. Lumampas nga kami ng alas-dose kaya nagmamadali na kaming nananghalian kasi may mga naghihintay pang estudyante.

Nagpalitan kami nina Ma'am Joan at Sir Hermie ng mga klase, pero ang tatlo ay hindi. Nang makapagturo na ako sa Avocado, bumalik ako sa Buko. Nagturo uli ako at nagpasulat.

After recess, hinayaan ko na lang silang manood ng short film. Maiingay nga lang sila. May mga nagpresenta namang maglinis.

After class, umuwi agad ako. Nag-dinner agad para makapanood ng 'Batang Quiapo' sa YT. Then, nagbasa ako ng winning entries sa Carlos Palanca Literary Awards. Kailangan kong malaman ang sikreto nila bago ako muling sumabak. Kaya lang, antok na antok na ako, kaya hindi ako makapokus sa pagbabasa.

Marso 25, 2023

Kahit sobrang init na, masakit pa IIkod ko. Napapaisip tuloy kung lamig-lamig ba talaga sanhi nito o may problema na ako kidney.

Gumawa ng PPT ng Pang-ukol para sa Lunes. Maghapon kong ginawa. Extended pa nga kasi kailangang gumawa ng iba at magpahinga. Nagdilig ako ng mga halaman sa umaga. Umidlip sa hapon. Naki-join sa ITWNG activity. Nanood ng Batang Quiapo at The Glory.

Gabi, natapos ko ang PPT ng lesson, kaya nakagawa naman ako ng PPT para gawing FVP vlog. Nakapanood din ako ng series.

Marso 26, 2023

Habang naglalaba, naisingit ko ang gardening. Nakapag-transplant ako ng ilang mga halaman.

Past 10 na ako natapos. Nakaalis na niyon si Emily.

Natahimik ang kabahayan pag-alis niya. Hinarap ko ang laptop para gumawa ng vlog. Siyempre, hindi ko pinalampas ang panonood. Isinisingit ko iyon para magpahinga. Umidlip din ako after maligo.

Nang dumating si Emily, umakyat na ako. Nakatulog ako habang nakikinig sa winning entry sa Palanca. Nang magising ako, baumalik uli ako sa harap ng laptop. Naghanda ako ng DLLs at pang-workshop bukas sa journalism. Then, namalantsa ako ng mga uniporme.

Bago matulog, nakagawa ako ng maikling vlog at nasimulan ko ang illustrations ng 'Tula ng mga Hayop.'

Thanks, God!

Marso 27, 2023

Dahil Lunes ngayon, maaga akong bumangon. Mahirap sumakay sa PITX.

Bago ako nagluto ng almusal, nagdilig muna ako ng mga halaman. Wala akong sinayang na sandali. Naisingit ko pa ang pag-post ng 'Word of the Day' sa FB group ng ITWNG 2023 bago ako naligo.

Past 9:30, nasa school na ako. Nakapag-digital illustrate pa ako bago kami umakyat sa ICT para sa journalism training.

Sa biyahe, nagsulat ako para sa Wattpad.

Walang dumating na Grade 5, kaya kakaunti lang ang nakarinig sa talk ko tungkol sa pagsulat bg editoryal.

Nagpalitan kami ng klase. Wala pa ako sa mood magturo, pero sinikap kong maging epektibong guro.

Medyo disappointed na naman ako sa Guyabano kasi nakikipagsabayan sa akin habang nagtatalakay ako. Hindi ko na iyon itinuloy. Nag-flash na lang ako ng PPT ko. Umalis din ako nang tahimik after class. Naging maayos naman ang klase ko sa mga sumunod na section.

Habang bumibiyahe pauwi, nagsulat uli ako. Marami akong gustong isulat, pero kung ano muna ang nakapag-inspire sa akin, iyon ang inuuna ko.

Pagkatapos kong kumain, naglagay ako ng voiceover sa vlog. Natapos ko naman iyon bago mag-10. Bukas ko na i-upload sa YT.

Marso 28, 2022

Maaga ulit akong nakarating sa school. Naaga akong nagsimulang mag-play ng video ko sa pagsulat ng lathalain. Andaming late na dumating. Okay pa ang mga ilang minutong late, pero ang iba, natapos na ang video, wala pa. Pinagsabihan ko silang lahat. Sinabi ko kung gaano kahalaga ang bawat minuto at kung gaano ako ka-strict sa oras. Sana hindi na maulit.

Masyadong mababaw ang pagkakaunawa ng mga young journalist sa lathalain. Hindi ako natuwa sa mga sinulat nila. Bukod sa napakaikli, kinopya pa nila sa diyaryo.

Okay lang! Madugong training ang kailangan. Kakayanin.

Nagpalitan kami ng klase kaya mabilis ang oras. Hindi rin masyadong mainit kaya hindi masyadong stressful.

Nakauwi ako bandang 8:30. Kumain agad ako upang mai-send ko sa journalism trainees ang mga link ng videos na dapat nilang matutuhan. I hope, isaisip at isapuso nila ang kanilang ginagawa.

Marso 29, 2023

Nakarating ako sa school nang maaga, bago magsimula ang Re-orientation on Financial Assistance Requirements. Nalinawan na ang lahat, kaya sana wala na masyadong magtatanong at wala na sanang problema. Pagkatapos niyon, miniting pa kami ng principal.

Nagpalitan uli kami ng klase.Kaya, parang napakabilis ng mga pangyayari. Uwian na agad.

Pagkatapos kong mag-dinner, naghanda ako ng materials para sa journalism training bukas. Science writing kami bukas.

Then, nanood ako ng Batang Quiapo bago natulog.

Marso 30, 2023

Marami ang pumasok nang maaga kanina sa journalism training. May mga hindi rin pumasok dahil late na. Sinabihan ko kasi sila na huwag nang papasok kung late na dahil nakakaistorbo sila.

Nagturo ako ng mga bantas. Nagpalitan kami ng klase. Kaya, hayun, mabilis ang ikot ng oras. Medyo napikon lang ako sa Mangga, kaya bago lumabas, nagsermon muna ako.

Antok na antok ako sa biyahe kaya kahit gusto kong magsulat o magbasa, hindi ko na nagawa. Pagdating naman sa bahay, hindi na ako nakapanood. Naghanda lang ako ng ituturo at ipapagawa bukas sa journalism training, then natulog na ako.

Marso 31, 2023

Maaga naman akong bumangon, naghanda para bumiyahe, at nakaalis sa bahay, pero natagalan pa rin ako sa biyahe. Muntik na akong ma-late. Ayaw ko pa namang may late sa training ko.

Effective naman kasi naroon nang lahat ang mga trainees. May nadagdag pang isa. Eager matuto kaya sinali. In-approach ba naman ako sa labas. May ipinakita sa akin. Journal pala. Ginawa ko na lang cartoonist, since marunong at mahilig namang mag-drawing.

Walang palitan ng klase kaya ang bagal ng oras. Gayunman, hindi masyadong stress.

After class, nagtungo kami ni Sir Hermie sa Cartimar para bumili ng isda. Nakabili ako ng betta fish. Koi naman ang nabili niya.

Mga 9 na yata ako nang nakauwi. Gayunman, masaya ako kasi may bago akong pet.

Nanood ako ng "Batang Wuiapo" pagkatapos kumain. 


Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...