KASIPAGAN VS. KATALINUHAN
Lakandiwa:
Magandang araw ang aking bati sa balana
Ako ang inyong magiting na lakandiwa
Nais kong inyong makilatis at makilala
Magtutunggali sa isang mahalagang paksa.
Kilalanin ninyo ang masipag na si Binibining Maria,
Angking kasipagan ay labis na pinahahalagahan niya.
Si Ginoong Froilan naman, na matalino talaga
Ayon sa kaniya, talino ay higit na mahalaga.
Katalinuhan:
Salamat sa pakilala't papuri, aming Lakandiwa!
Totoo namang katalinuhan ang mas mahalaga
At ang kasipagan ay pumapangalawa
Sa paaralan, matatalino ang mas kinikilala
May espesyal na okasyon, may parangal pa.
Ang matatalinong tao ay sadyang kahanga-hanga
`Pagkat napakadali naming makaunawa
Ang simpleng problema, agad may solusyon na
At palaging katanggap-tanggap ang mga ideya.
Kasipagan:
Pagbati para sa lahat at maraming salamat sa pakilala, aming
Lakandiwa!
Ako si Binibining Maria na nagsasabi na mas mahalaga ang
kasipagan at hindi pangalawa.
Pinupuri nga ang talino sa paaralan,
Ngunit sa mundo'y kasipagan ang pinaparangalan!
Aanhin mo ang talino sa botohan,
Kung sipag ang tinitingnan ng mamamayan?
Hindi ang diploma o tayog ng pinag-aralan ang kanilang
batayan,
Kun'di kung anong nagawa nila para sa taumbayan!
Katalinuhan:
Sa paghahanap ng trabaho, diploma ang kailangan
Hindi rin nilalagay sa biodata o resume ang kasipagan
Sa interbyu, mas lamang ang katalinuhan
At ang kasipagan, sa aktuwal na mapatutunayan.
Pagdating sa sahod, matalino ang lamang
May mababang suweldo naman ang mangmang
Kung tiyaga at sipag ang pag-uusapan,
Lahat ng empleyado ay mayroon niyan.
Kasipagan:
Sang-ayon ako sa nilalaban mo Ginoong Froilan,
Ngunit tingnan mo ang mga sikat na mga pangalan.
Mula sa mga atleta, artista, may-ari ng establisyimento, o
manunulat man
Kasipigan ang kanilang pinairal at hindi katalinuhan.
Halimbawa si Michael Jordan na sa basketball ay unang
nakilala,
Dahil sa kasipagan at dedikasyon, siya ngayon ay
tinitingala.
Tingnan mo si Howard Schultz na CEO ng Starbucks,
Sipag ang kanyang sandata, ngayon kape niya ay nagpapamalas.
Katalinuhan:
Salamat naman dahil sumang-ayon ka, Binibining Maria
Subalit pagsang-ayon sa iyo'y hindi ko magagawa
Sapagkat ang katalinuhan ay siyang tinitingala
Mga henyong tao, sa iyo ay aking ipakikilala.
Sina Isaac Newton at Galileo Galilei,
Sina Thomas Alva Edison at Leonardo da Vinci
Sa mundo ay may ambag at may silbi
Noon hanggang ngayon, sila ay maipagkakapuri.
Kasipagan:
Mga henyo nga silang maituturing, Ginoong Froilan
Ngunit dahil sa sipag nila kaya mas naging matunog ang
kanilang pangalan.
May angking talino man silang taglay pero kasipagan pa rin
ang bida!
Kasipagan pa rin ang aariba!
Sa panahon ngayon, kasipagan na ang mahalaga,
Katalinuha'y makaluma na! Kasipagan ngayon ang hanap ng
madla.
Sa sipag at tyaga ay aangat ka,
Kikita ka rin ng pera.
Katalinuhan:
Labis mo akong napatawa sa iyong argumento
Sadya talagang masipag ka lang, aking katoto
Hupyak na ideya ang laman ng iyong ulo
Kaya nasasabing makaluma na ang talino.
Bakit pa pala may bar examination ang mga abogado?
Bakit pa pala may licensure examination ang mga guro?
Balewala pala ang katalinuhan ng mga edukadong ito?
Hindi mo ba alam na masisipag din sila kaya sila tumalino?
Kasipagan:
Nasa inyo na ang desisyon sa pagkuha ng examination para sa
gusto ni'yong trabaho.
Labas na ang kasipagan sa problema ni'yong matatalino.
Pero tila yata sumasang-ayon ka sa akin, Ginoo,
Sabi mo na dahil sa sipag kaya sila tumalino.
Magaling! Magaling! Pinapahanga mo ako sa `yong argumento.
Ngunit pakatandaan mo ito, Ginoo,
"Walang magagawa `yang talino mo sa masipag na
binibining katulad ko."
Sipag ang kailangan nating lahat, hindi katalinuhan na
yumuyurak ng pagkatao.
Lakandiwa:
Maraming salamat sa inyong mga argumento!
Isang masigabong palakpakan para kina Binibining Maria at
Ginoong Froilan!
Ako'y napahanga sa mainit ni'yong pagtatalo,
Kapwa mahusay sa panig na tinatalakay at pinaglalaban.
Nawa'y nakapagbigay-liwanag sa ating madla ang pahayag ng
ating mga bisita,
Sa usaping
KATALINUHAN VS. KASIPAGAN, ano nga ba ang mas mahalaga.
Muli, maraming salamat sa inyong dalawa,
Ang argumento ni'yo sa ami'y tumimo sa isipan dahil ito'y
mahalaga!
---A collaboration with Mary Gonzales
No comments:
Post a Comment