Followers

Tuesday, April 4, 2023

Ang Aking Journal -- Enero 2023

 Enero 1, 2023

Ala-1 na ako umakyat. Nagligpit pa kasi ako at nagtago sa ref ng mga pagkain. Alas-dos naman ako natulog kasi nanood pa ako ng Korean series. Past 7, bumangon na ako para mag-init ng pagkain.

Maghapon lang kaming kumain. Maghapon din akong nanood ng 'Reborn Rich.' Ang sarap! Ang saya! Kaya lang, kapag naiisip kong sa January 4 na ang resume ng klase, nalulungkot ako. Para akong nabitin sa bakasyon. Gayunpaman, kailangang mas marubdob na ang hangarin kong maging mabuti at epektibong guro ngayong 2023.

Enero 2, 2023

Bumangon ako nang maaga kahit gusto ko pang matulog. Masama pa rin kasi ang pakiramdam ni Emily. Tiyak na hindi siya babangon nang maaga.

Pagkatapos mag-almusal, nagdilig ako ng mga halaman. Nilinisan ko rin ang kulungan ng alaga kong African giant land snail o taklong. Nag-stay rin ako roon para maghanap ng puwedeng i-video para sa aking Tiktok at FB Reels. Nakita ko nga ang jumping spider na may kagat-kagat na queen ant. Ni-record ko rin ang paggalaw ng snail ko.

Tinapos ko ngayong araw ang 'Reborn Rich.' Medyo naguluhan ako sa ending, pero superb!

After dinner at after maligo, nagpaantok ako sa panonood. Then, natulog ako hanggang past 4. Ang sarap matulog!

Gabi, nagpaluto si Emily ng sinabawang tuna belly. Wala raw kasi siyang panlasa. Ilang araw na siyang walang ganang kumain simula ng umuwi sila ni Ion mula sa event nila. Haist! Sana hindi naman Covid.

Enero 3, 2022

Past 7:30, bumangon na ako kahit parang kulang ako sa tulog dahil sa dami ng panaginip kong parang totoo. Kailangan kong maglimas sa kusina.

Habang naglilimas, naghahanda ako ng almusal. Nagprito ako ng itlog at nag-toast ng tinapay. Pagkatapos mag-almusal, umalis ako para magpa-cash in sa GCash. Humingi si Hanna kagabi ng allowance niya. Bumili na rin ako ng mga biscuits, na pangmeryenda.

Ngayong araw, hindi muna ako nanood ng KDrama upang magawa ko ang mga schoolwork. Inuna kong gawin ang pagta-type ng story ni Lawrenzo. Nag-digital illustrate din ako ng cover photo nito. Bago ako nagluto ng lunch, natapos ko nang i-post sa Kamagfil ang kuwento niya.

After maligo, gumawa naman ako ng PPT sa Filipino 4. Gabi na ako natapos. Okay lang naman dahil para naman iyon sa mga estudyante. Ready na rin ako at mindset ko. Naihanda ko rin ang mga downloaded videos sa ESP at MAPEH bago ako nagluto ng dinner.

Habang nagluluto, gumagawa ako ng comic strip ng Sibuyas Serye. Sinimulan ko ito noong December 30, 2022. Sa tingin ko, marami ang sumusubaybay at susubaybay, kaya itutuloy ko ito.

After dinner, isa pang kuwento ng estudyante ang nai-post ko sa FB group ko. May cover photo rin, na ako ang gumawa.

Nine PM, naihanda ko na ang mga dadalhin ko bukas sa school.

Enero 4, 2022

Dahil sa ingay nina Ion, Emily, at Mama sa baba kaninang madaling araw, hindi ako nakatulog pagkatapos kong bumangon para umihi. Mga past 5:30 na yata ako dinalaw nang antok. Sandali lang naman iyon kasi six-thirty, gising na ako.

Pagkatapos magplantsa, bumaba na ako para maghanda sa pagpasok sa eskuwela. Kulang man sa tulog, kailangang simulan ang Bagong Taon nang masigla at may positibong pananaw. Kailangan kong maging masigla tuwing haharap ako sa mga klase.

Past 10, dumating ako sa school. Na-edit ko pa ang PPT ko bago dumating si Nazarene, ang estudyante kong pinapunta para i-remedial reading.

Nalungkot ako nang marinig ko kung paano niya binasa ang unang salita sa aklat. Letter reader lang pala siya. Kaya pala, panay na lang ang absent. Umiiyak pa sa klase tuwing hindi nakakapagpasa. Naawa rin ako sa kaniya. Kailangan niyang makahabol.

Marungko approach ang ginamit ko sa kaniya. Sobrang hirap na niyang turuan.

Dahil wala pa si Ma'am Ivory, pumasok sa Buko ang 12 na estudyante ng Mangga. Halos mapuno tuloy ang classroom ko kahit maraming absent sa advisory class ko.

Walang palitan ng klase ngayon. May sakit din kasi si Sir Hermie. Kaya, naituro ko ang lahat ng laman ng PPT ko sa Filipino, na supposedly ay good for 3 days iyon. Nahirapan sila kasi sunod-sunod na pagtatalakay. Gayunpaman, alam kong may mga natuto.

Before 8, nakauwi na ako. Basa ang sapatos at medyas ko dahil sa ulan.

After dinner, gumawa ako ng PPT sa Filipino. Gagamitin ko ito sa Buko as enhancement.

Enero 5, 2023

Napuyat ako dahil sa magdamag na ulan. Nag-alala ako sa tulo sa kusina. Kaya bandang 5:30 am, bumangon na ako. Hindi nga ako nagkamali. Umapaw na ang tubig-ulan sa malaking palanggana. Para na ring pool ang kusina. Hayun, naglimas agad ako.

Habang nag-aalmusal, gumawa ako ng isang serye ng Sibuyas Serye ko. Nai-post ko rin agad.

Past 8:30, bumiyahe na ako kahit masama ang panahon. Past 10, nasa school na ako.

Lahat kaming panghapong guro ay nag-abang ng suspension, pero wala. Pito lang ang estudyante ko. Past 1:30, kumalat ang fake news tungkol sa suspension, kaya nagsuguran ang mga magulang para sunduin ang mga anak. Nasundo ang dalawa ko. Naiwan ang lima. Pinaglaro ko na lang sila hanggang 5 pm. Kami namang mga adviser ay nagmeryenda at nag-bonding sa pasilyo habang nagbabantay sa mga bata.

Before 8, nakauwi na ako.

Enero 6, 2023

Maganda-ganda ngayon ang tulog ko. Six-thirty ako gumising at 7 am ako bumangon para mag-almusal. Namalantsa ako pagkatapos kumain.

Ten-thirty, nasa school na ako. Hindi dumating si Nazarene, na pinababasa ko. Sayang ang pagpasok ko nang maaga.

Seventeen lang ang pumasok na estudyante ko. Wala pa ring palitan ng klase. Si Sir Hermie lang ang pumasok sa bawat klase. Mabuti, magaling na ang paa niya.

Hindi naman ako na-stress sa mga bata. Bukod sa kakaunti lang sila, nagturo ako sa kanila. Gumawa naman sila. Sinikap kong hindi mainis sa mga nagpapasaway at hindi gumagawa. Hayun, effective naman.

Wala pang 8, nasa bahay na ako. Agad akong nag-dinner kasi gutom na gutom ako. After dinner, nanood na ako sa kuwarto ko ng Korean series. Nag-food trip din ako.

Enero 7, 2023

Kahit sobrang sakit ng likod ko, nakatulog naman siguro ako kasi may mga panaginip ako. Past 7 na ako nagising. Ako ang naghanda ng almusal.

Pagkatapos kumain, umakyat ako sa bubong para tapalan ang butas sa bubong sa kusina, gamit ang tape na binili ko sa Lazada. Bago iyon, kinausap ako ng kapitbahay kong contractor, na hindi agad ginawa ang repair. Nainis ako kaya nag-come up ako sa tape. kanina, gusto niyang ipagawa sa tauhan niya. Actually, kahapon nag-chat si Emily. Two thousand daw ang bayad sa repair. Namahalan ako. Tiyak may commission siya roon. Hindi na, kako. Noong nagsabi ako, hindi siya nagpakita ng interes porket repair lang. Ngayon, pati paglagay ng tape, gusto na niya. Ahaha.

Natuwa ako kasi nagawa ko iyon agad. Sana kahit umulan nang malakas, hindi na tumulo.

Pagkatapos niyon, inihanda ko na ang mga DLL ko. Gumawa na rin ako ng PPT sa Filipino at nag-download ng video sa YT.

Nagluto ako ng ginataang kalabasa at nagprito ng manok para sa tanghalian. Ang sarap ng kain ko. Nagustuhan din ni Mama.

After lunch, nanood ako ng Korean series na "Island." Inantok ako after, kaya pinagbigyan ko. Past 4 na ako nagising.

Bago ako bumangon, nasimulan ko ang 'Adamas,' K-series din.

Habang nanonood ng tv, nag-encode ako ng isinulat na kuwento ng estudyante ko. Ginawan ko na rin ng digital illustration. Kaya, bago ako umakyat, posted na iyon sa Kamagfil. Nakagawa na rin ako ng isang Sibuyas serye, na ipopost ko bukas.

Sa kuwarto, ipinagpatuloy ko ang panonood ng series. Bukas na ako magsusulat para sa Wattpad

Enero 8, 2023

Past 7, nasa baba na ako. Hindi naman aki agad nagsimulang maglaba. Naghanda muna ako ng almusal at nag-almusal na rin.

Mabilis ko lang natapos ang paglalaba, palibhasa kakaunti lang ang labahin ko. Nakapag-gardening pa nga ako nang saglit.

Pagkatapos maglaba, humarap na ako sa laptop. Hindi rin naman ako nakapagpokus kasi kailangan kong magluto. Mushroom-tofu sisig ang inihanda ko, plus misua soup. Ang sarap ng kain ko.

Hindi ako nakaidlip kasi nanood ako ng 'Adamas.' Kaya lang biglang huminto. Nawala ang site. Palibhasa free lang iyon. Sayang!

Sa halip na matulog o manood, nagluto na lang ako ng biko.

Gabi, carbonara naman ang niluto ko. No rice dinner kami ngayon.

Ngayong gabi, nakagawa ako ng dalawang Sibuyas Serye. Nakapagsulat din ako para sa Wattpad. Sabi sa na-research ko, moving forward daw ang kahulugan ng mga panaginip ko tungkol sa pag-akyat sa hagdan. Naniniwala akong may patutunguhang maganda ang mga ginagawa ko. Soon aanihin ko ang mga bunga ang akong efforts.

Enero 9, 2023

Pagkatapos kong mamalantsa, bumaba na ako para mag-almusal. Pinag-almusal ko rin si Mama ng biko, hot chocolate, at carbonara.

Maaga rin akong naligo para hindi ako maipit sa traffic. Araw ng Nazareno ngayon, kaya nakikita ko na ang resulta.

Hindi nga ako nagkamali. Natagalan ako sa pila sa PITX kasi walang dyip patungong Divisoria. Mabuti na lang, hindi naman ako na-late.

Wala pa ako sa mood pumasok at magturo. Mabuti, absent din si Nazarene kasi nagda-diarrhea. Kung pumasok siya baka hindi ko siya maturuan nang husto sa pagbabasa.

Sana pasukan ako ng espiritu ng kasipagan.

Kailangan ko ng inspiration at motivation.

Hindi naman pasaway ang Buko at ibang sections, kaya maayos naman ang mga klase ko sa kanila. Nakaraos naman ako kahit hindi ako masyadong jolly sa pagharap sa kanila. Lalo na't ang bilis ng oras dahil nagpalitan kami ng mga klase.

Past 7, nasa bahay na ako. Medyo uminit ang ulo ko, pero hindi masyadong halata ni Emily lalo na't kumain agad ako.

After dinner, nag-edit ako ng Sibuyas Serye. Nang nai-post ko, agad din akong gumawa ng bago. Then, tinapos ko ang isang chapter ng nobela para makapag-update na ako sa Wattpad. Past 9:30, nakapag-post na ako.

Enero 10, 2022

Six pa lang, gising na ako. Kahit gusto ko pang matulog, hindi na ako nakatulog uli. Bumaba na lang ako para bigyan si Mama ng hot choco drink.

Pagkatapos kong mamalantsa, nagkape at nag-almusal na ako. Maaga akong nakapaghanda sa pag-alis. In fact, past 9:30, nasa PITX na ako. Since napaaga ako, nagsular at nag-edit muna ako ng nobela ko sa Wattpad.

Past 10:30, nasa school na ako. Nandoon ang estudyante ko na pinapabasa ko. Hindi ko inaksaya ang oras. Pinanood at pinasabayan ko sa kaniya ang video ng Marungko. Hindi pa talaga halos siya makabasa ng mga pantig, kaya sana makatulong ako sa kaniya.

Past 11:30, miniting kami ni Sir Jess tungkol sa COT. Naiinis ako. Ayaw ko na lang magkomento. Hindi talaga ako pabor sa IPCRF na iyan!

Naging mabilis ang oras dahil nagpalitan kaminng klase. Hindi rin ako masyadong na-stress sa kasasaway. Kayang-kayang i-handle ang bawat section. Medyo lutang nga lang ang karamihan. Hindi talaga sila makasunod dahil poor readers pa rin.

Before 8, nakauwi na ako. Natagalan ako sa Tejero dahil sa traffic. Naglakad na nga lang ako.

After dinner, gumawa ako ng Sibuyas Serye. Naaadik ako sa ginagawa kong ito. Sana maituloy-tuloy ko. At sana marami pang ideya ang dumaloy sa isip ko.

Enero 11, 2022

Gaya kahapon, maaga uli akong nakaalis sa bahay. Kaya, 10:30, nasa school na ako. Agad kong pinabasa si Joniell. After an hour, dumating naman si Nazarene. Malaking tulong talaga ang dowloaded video ng Marungko. Seems effective.

Panay ang sermon ko sa bawat section kasi hindi lahat nakapokus sa lesson. Hindi pa sila nag-mememorize. Walang retention. Nakakawala ng motivation. Ang hirap nilang turuan.

Ang Buko naman, kay dadaldal pa rin. Para silang mga latang walang laman. Bumalik na naman ako sa pagsigaw. Sana naman hindi na ako ma-stress sa kanila, gaya dati.

Before, nasa bahay na ako. Agad akong nag-dinner.

Bago ako natulog, nagsulat muna ako para sa Wattpad.

Enero 12, 2023

Pagkatapos magplantsa, saka ako bumaba. Ang bilis ng oras, kaya binilisan ko ang kilos ko para maaga akong makarating sa school.

Sa sobrang aga ko, hindi naman pumasok si Joniell. Si Nazarene naman, late na dumating. Hindi ko na siya pinabasa. Nainis ako. Mabuti na lang, nakapag-illustrate ako para sa Sibuyas Serye.

Maayos naman ang mga klase ko. Sa Guyabano, nagsermon ako. Sa Pinya, tumahimik muna ako saglit kasi sila ang magulo.

After recess, hindi na kami nagpalitan kaya may chance akong magturo, magdisiplina, at mag-impose ng rules.

All in all, okay ang maghapon ko. Nakauwi ako nang ligtas at masaya. May pasalubong nga ako sa mag-ina ko at kay Mama.

Pagkatapos kong kumain, agad akong umakyat para gumawa ng summative test sa Filipino. Natapos ko naman bago mag-9:30. Kaya lang, wala na akong time para gumawa ng Sibuyas Serye. Kailangan kong makagawa ng mas nakakatawang serye.

Enero 13, 2023

Inagahan ko uli ang pagpasok para ako ang mauuna sa mga estudyante kong pinababasa. Kaya lang, hindi sila dumating. Absent sila pareho. Okay lang, Friday naman, e. Absenera at absenero talaga ang mga iyon kaya marahil ganoon ang nangyari sa kanilang reading ability.

Wala na namang kaayusan ang klase namin ngayon dahil sa mga observations. Sina Ma'am Janelyn at Ma'am Ivory ang mga naka-schedule ngayon. Pagkatapos kong lumipat ng klase sa Avocado, wala nang palitan. Nainis tuloy ako sa Buko. Na-highblood na naman ako.

Nag-blowout si Ma'am Joan ngayong araw. Birthday niyabkasi noong January 3. Nakaisip din si Sir Hermie na mag-ambagan kami para makabili ng birthday cake. Hayun, andaming pagkain. Nag-blowout na nga rin siya sa aming Reseta Group kaninang lunch time.

Maaga kaming lumabas sa school ni Sir Hermie para makapag-withdraw. Ang haba lang ng pila at ang bagal ng machine. Na-traffic.pa ako sa Tejero kaya 8:30 na ako nakauwi.

After dinner, gumawa muna ako Sibuyas Serye saka nanood ng 'Adamas' sa Myflixer. Bukas ko na gagawin ang DLP ko para sa COT1. Kaya lang, inantok agad ako. Hindi ko pa natatapos ang isang episode.

Enero 14, 2023

Sa wakas, 7 na ako nakamulat. Kahit paano mahaba-haba ang tulog ko. Nakabawi ako sa ilang araw na puyat.

Nagluto ako ng Korean ramen para sa almusal namin. Pinagpawisan ako sa anghang. Nakpagdilig tuloy ako ng mga halaman nang hindi oras.

Agad kong inutusan si Emily na bumili ng mga gulay para sa aking lulutuin. Habang naghahanda siya sa pag-alis, sinimulan ko naman ang paghahanda ng DLP para sa COT1.

Agad akong nakaisip at nakapagsimula, kaya naisingit-singit ko ang paggawa ng Sibuyas Serye at panonood ng 'Adamas.'

Pagkatapos kong mananghalian, nagluto naman ako ng pansit at spaghetti. Mga tira-tira lang ang mga iyon noong lumang taon. Inagahan ko ang pagluluto kasi sigurado akong aantukin ako pagkatapos maligo.

Gabi, almost done na ang DLP ko. Sa Lunes na ako magpi-print. Saka na rin ako gagawa ng IMs kapag approved na.

Enero 15, 2023

Ang sarap matulog. Kung hindi lang aalis si Emily at hindi ako maglalaba, hindi sana ako babangon agad. Anyway, mga 8 na yata iyon nang bumaba ako. Kailangan ko pang bigyan si Mama ng maiinom na kape.

Nanoood kami ni Mama ng Ms. Universe habang nagwa-washing ako. Okay na sana, kaso nalungkot ako nang hindi nakapasok ang Philippines. Nagpokus na lang ako sa paglalaba.

Ngayong araw, almost done na ang DLP. Nakapaghanda na rin ako ng dalawang PPTs sa Filipino. Nakapanood ako ng 'Adamas.' At nakaidlip ako.

Gabi, after dinner, binawian ko na si Zillion ng laptop. Desidido na akong hindi na siya pahiramin. Hindi na siya responsable. Kahit sarili ay tinitikis niya. Kailangan pang tawagin para kumain. Kaya, ila-lock ko na ang kuwarto ko araw-araw para hindi na niya magamit ang laptop. Dapat na rin siyang matutong maging responsableng miyembro ng pamilya.

Enero 16, 2023

Natuwa ako sa magic tape na ipinangtapal ko sa butas na yero noong nakaraang linggo. Effective siya! Umulan kagabi, although mahina lang naman, pero patak-patak lang ang tulo. Wala pang isang baso ang naipon sa palangganang nakasahod. Kung mas naayos ko sana ang pagkalagay, baka 100%.

Hindi naman ako excited pumasok, pero pumasok ako nang maaga. Past 10, nasa school na ako.Maaga ring dumating si Joniell para sa reading remediation. Eleven-thirty namang dumating si Nazarene.

After kong magturo sa Buko, hindi na ako nakalipat sa Avocado kasi may Religion class. Hindi na rin nagpalitan para makapaghanda kaming boys para sa observation. At dahil almost done na ang DLP ko, nag-print ako. Hinintay ko lang matapos si Sir Jess sa kaniyang observation kay Ma'am Ivy, then nagpa-pre ob na ako. Mabilis lang iyon. Wala naman siyang binago sa DLP ko. Natuwa ako sa kaniya.

Nang makabalik ako sa klase ko, in-orient ko sila tungkol sa observation. Sila na lang ang gagamitin kong klase. Medyo nahirapan lang akong magpraktis sa kanila. First time nila ang ganoon. Hindi rin sila sanay sa group work, kaya hirap na hirap ako. Pero sa ngalan ng IPCRF, sisikapin kong maturuan sila bago mag-Friday.

Past 7, nasa bahay na ako. Agad akong kumain para makagawa ang PPT. Past 9:30, almost 85% done na ako. May magagamit na ako sa rehearsal bukas.

Enero 17, 2023

Bago ako umalis, gumawa muna ako ng Sibuyas Serye. Mabilis ko lang ito natapos kasi nasimulan ko na kahapon.

Past 10, nasa school na ako. Nakapag-edit-edit pa ako ng aking DLP at PPT na gagamitin ko para sa class observation, bago dumating si Joniell. Late namang dumating si Nazarene kaya hindi ko na siya pinapasok.

Sa klase, agad kaming nag-rehearse. Kay hirap nilang iinspire. Sobrang hirap nilang pasunurin at turuan. Gayunoaman, unti-unti kong naituro sa kanila ang mga dapar ituro, gaya ng paraan ng pagtaas ng kamay, pagsagot nang buong pangungusap, maraming iba pa. Sinubukan ko rin silang mag-groupings at reporting. Kay hihina ng boses, pero kay lalakas kapag dumadaldal.

Nagturo pa ako ng MAPEH sa kabila niyon. Nakakasawa rin kasing mag-rehearse.

Bago mag-uwian, nasermunan ko sila kasi sobrang gulo at ingay nila habang naglilinis ang iba. Para silang mga animal. Sana magbago na sila.

Past 7:30, nasa bahay na ako. Agad akong nah-dinner para maharap ko pa ang editing ng DLP at PPT ko. At nang matapos, nanood ako ng 'Adamas' hanggang antukin ako.

Enero 18, 2023

Maaga akong nakarating sa school kaya nakagawa ako ng IMs para sa class observation ko sa Friday. Hindi ko man natapos, pero at least nakausad na ako. Kaunti na lang, ready to go na.

Sa klase, agad kaming nagpraktis. May timer na. Mas okay-okay na sila kaysa kahapon.

Pagkatapos niyon, nagturo ako sa Arts. Maiingay pa rin sila, pero okay lang kasi nag-enjoy naman sila. Nakapaglinis pa nga ako ng place ko, I mean, ng area kung saan naroon ang table ko.

After recess, nagturo ako ng bagong lesson sa Filipino. Doon na kami natapos hanggang mag-uwian.

Past 8, nasa bahay na ako. Agad akong naghapunan para makagawa pa ako ng Sibuyas Serye. Naka-20 episodes na pala ako.

Gumawa muna ako ng video ng mga Sibuyas Serye episode, saka ako nanood ng 'Adamas.' Malapit na ako sa ending. Sana matapos ko na agad.

Enero 19, 2023

Pagkatapos kong mamalantsa, gumawa muna ako ng learning materials. Almost ready na ako. Ang mga estudyante na lang ang ihahanda ko. Kaya, nang nagsimula ang klase namin, agad kong ni-finalize ang flow ng lesson. Hindi man perpekto ang pagkaka-present ng mga groupwork, at least may development. Bahala na si Lord.

After practice, nagturo na ako ng ibang lesson. Masyadong pasaway ang Buko. Lalo namang naging makulit si Angelo. Kahapon pa siya nagpapasaway. Ang hula ko, may ADHD siya. Nakausap ko na kahapon ang nanay niya. Kinausap ko ulit nang umuwian na. Pinakiusapan ko na huwag na munang sumali sa class observation. Naunawaan naman niya. Sabi ko pa, kung magpupumilit ang bata na pumasok bukas, papasukin niya pa rin.

Before 8, nasa bahay na ako. Pagod, pero hindi ako stress. Hindi rin mainit ang ulo. Thanks, God!

Enero 20, 2023

Past 10:30, nasa school na ako. Dumating agad si Joniell. Hindi agad ako nakapag-print ng DLP ko kasi gamit niya ang laptop sa reading remedial. Mabuti na lang, nahabol kong iprint bago nagsimula ang class observation.

Tagumpay ang pakitang-turo ko. Biglang naging active ang mga estudyante ko. Halos lahat, sumasagot. Nakakatuwa! Kahit babaan ako sa rating, feeling fulfilled naman ako. May ibubuga pala kasi ang mga bata ko. Naisip kong effective ang may reward system. Binigyan ko ng star ang mga nag-rerecite at naipagpapalit nila iyon sa akin ng school supplies or additional scores sa PT.

After ng class observation, binigyan ko ng prizes ang tatlong pinaka-active. Nagulat ako dahil isang tahimik na estudyante ang nag-top. Binigyan ko siya ng colored pens. Mahilig siyang mag-drawing kaya tuwang-tuwa siya.

After recess, naggawa ako sa mga estudyante ko. Pagsasaling-wika. Namudmod ako ng English children's story books, na kanilang isasalin sa Filipino.

Kami namang mga guro at si Sir Jess ay nagsalo-salo. Nagpa-deliver kami ng palabol lumpia, at pichi-pichi.

Miniting muna kami ni Sir Jess, then kainan na. Hindi naman siya nagtagal. Umalis na rin agad after kumain at makipagtawanan.

Inanyayahan din namin si Sir Erwin.

Inabot kami ng 5pm. Okay lang kasi maayos naman ang mga bata ko. May ginagawa sila at may mga nagliliista.

Dahil Friday naman, nag-stay muna ako sa PITX hanggang past 7. Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Napansin ni Emily na masaya ako kaya nakipagkulitan at nakipagkuwentuhan siya.

Nanood ako ng isang episode ng 'Adamas.' Isang episode na lang ang tatapusin ko bukas.

Enero 21, 2023

Dahil maagang umalis si Emily, naistorbo ang tulog ko. Six pa lang ng umaga, bumangon na ako para magbukas ng laptop. Pinanood ko ang 16th episode ng 'Adamas.' nang matapos ko, saka ako bumangon.

Pagkatapos kong mag-almusal, hinarap ko naman ang pag-edit ng downloaded periodic test sa Filipino.

Mga 9 am, namalengke ako para makatikim naman ng lutong bahay.

After kong magluto, na-finalize ko na ang PT. Nakagawa rin ako ng dalawang Sibuyas serye episodes at nakapag-post ng isa. Bukas ko ipo-post ang Chinese New Year episode nito.

Hapon, after maligo, umidlip ako. Hindi man ganoon kahimbing ang tulog ko, pero, at least, nakapagpahinga ako.

Gumawa ako ng vlog pagkatapos magmeryenda. Ginamit ko ang PPT ko sa ESP. Then, nanood ako ng KDrama. Marami akong nasimulan, pero hindi ko nagustuhan. Sa Bilibili na lang ako nanood kasi may 'Island' doon.

Bago ako natulog, nagsulat muna ako ng pang-update sa Wattpad. Kahit paano, mahaba-haba rin ang natapos ko.

Enero 22, 2023

Maaga akong bumangon kahit gusto ko pang matulog. Andami ko kasing gagawin. Maglalaba. Mag-eedit ng periodic test. Gagawa ng reviewer sa Powerpoint. Etc.

Pagkatapos mag-almusal, inako na ni Emily ang paglalaba, kaya nag-proceed na ako sa mga gawain ko.

Ngayong araw, nakagawa ako ng Sibuyas Serye, nakapag-gardening, nakagawa ng mga schoolwork, at siyempre, nakapanood ng series. Swedish series naman ang pinanood ko. Nakapagluto rin ako ng masarap na chicken adobo para sa aming pananghalian.

Enero 23, 2023

Nakaalis na si Emily nang bumaba ako. Okay lang naman kasi nakahanda na ang almusal. Tinimplahan ko na lang si Mama ng hot choco drink para ipares niya sa kaniyang almusal.

Maaga akong umalis sa bahay, pero natagalan ako sa PITX. Wala kasing dyip na nakapila. Past 10:30 na tuloy akong nakarating sa school.

Late na dumating si Nazarene. Napabasa ko rin naman siya kahit paano. Samantala, wala si Joniell.

Ngayong araw, nag-review kami sa Filipino. Nagpalitan kami ng mga klase. Maliban sa Guyabano, napasukan kong lahat.

Okay naman ang Buko ngayon. Maiingay sila, pero hindi ako nagalit. Kailangan kong maging kalmado.

Past 7:30, nasa bahay na ako. Agad akong nag-dinner, kasabay nila. Then, gumawa ako ng Sibuyas Serye, pagkatapos kong mai-submit ang e-SAT ko sa GC. Gusto ko sanang gumawa ng reviewer sa MAPEH, pero hindi maganda ang format ng test questionnaire. Gumagalaw ang mga figures kaya hindi ko ma-copy-paste. So, hindi na ako gumawa. Bahala na bukas.

Dumating si Kuya Emer bandang past 8:30 habang nanonood ako ng movie. Quarter to 11 na ako huminto. Hindi ko iyon natapos.

Enero 24, 2023

Quarter to seven na ako nagising. Nagmadali akong mamalantsa para makababa na ako.

Before 10:30, nasa sxhool na ako. Parehong wala sina Joniell at Nazarene. May sakit daw ang una. Nakipagkuwentuhan na lang ako sa Reseta Group. Natulungan ko rin si Sir Archie sa pag-stapler ng test papers nila.

Itinuloy ko ang pag-rereview sa ibang sections since tapos na kami sa Buko. Nagturo ako ng pang-uri vs. pang-abay sa kanila.

Kanina, mababait naman ang lahat ng sections. Maiingay lang talaga ang Buko kapag uwian na. Gayunpaman, less stress ako maghapon, palibhasa nagpalitan kami ng klase. Ang bilis ng oras.

Past 7, nakauwi na ako. Maaga-aga iyon kumpara sa ibang araw.

Tinapos ko ang pinapanood kong movie pagkatapos kumain. Wala na nga lang ako sa mood manood ng iba pa, siguro dahil sa antok at pagod na rin. Hindi na rin ako nakapagsulat para sa Wattpad. Tutal, ginagawa ko naman iyon sa biyahe. Malapit na akong matapos sa isang chapter.

Enero 25, 2023

Napuyat na naman ako dahil sa bubuwit sa kisame. Nginangatnat nito kaya ang ingay.

Gayunpaman, naghanda pa rin ako nang maaga para makarating sa school nang maaga.

Past 9:30, nasa PITX na ako. Nag-stay ako roon para magsulat ng update sa Wattpad. Doon na rin ako nag-post nang mabuo ko ang isang chapter.

Dumating si Nazarene. Pinabasa ko siya habang kumakain ako. Pero, bago ako matapos, may guardian na nagrereklamo sa pupil ko dahil na-spray-han nito ang mata ng alaga. Sinamahan ko sila sa Guidance Office. Maburi, mabilis lang natapos.

Sa klase, inspired akong mang-inspire. Sa katunayan, nakuwentuhan ko ang Avocado ng mga karanasan ko noong college days. Sana na-inspire ko sila. Gusto kong habang bata pa lamang sila ay nag-iimbak na sila ng kaalaman sa utak upang pagdating ng panahon ay may mahugot sila.

Nagturo din ako sa Buko ng pagsulat ng tula. Ang hirap nilang turuan. Parang mga hidni interesado. Wala silang pokus. Gayunpaman, may mga ilang estudyante na nakitaan ko ng eagerness.

Before 7:30, nasa bahay na ako. Natuwa ako sa ulam namin-- sinabawang isda. Andami kong nakain.

After dinner, nag-register ako sa bagong pakulo ng Microsoft para sa mga guro. Gumawa rin muna ako ng Sibuyas Serye, bago nanood ng movie.

Before 10, nag-off na ako ng laptoop kahit hindi ko pa tapos ang pelikula. Kailangan ko nang matulog.

Enero 26, 2023

Nabalahaw na naman ang tulog ko, hindi dahil sa bubuwit, kundi dahil sa paggising at pagbangon ni Emily. Nang nagbukas siya ng pinto, nagising ako. Nahirapan na akong matulog, lalo na't inisip ko ang IV-Buko. Pinag-isipan ko ang mga strategies para madisiplina sila.

Para antukin ako, nanood ako ng movie. Then, nag-play ako ng lullaby. Effective naman. Muntik na nga akong magising nang late. Seven na yata ako bumangon para magplantsa.

Bago ako nag-almusal, nagdilig muna ako ng mga halaman. Tuyong-tuyo na kasi ang ilan sa kanila dahil sa hangin.

Before 8:30, lumabas na ako ng bahay. Ten-thirty ako nakarating sa school. Hindi nagpakita ang dalawa kong pinababasa. Okay lang dahil wala akong dalang laptop.

Maayos naman ang unang araw ng periodic test. Nadisiplina ko sila. Hindi ako masyadong stress lalo na't per group ang lista ng noisy. Damay-damay sila kapag nalista ang team nila. Kahit paano, effective ang reward and punishment system ko.

Masakit ako ulo ko nang pauwi na ako. Siguro dahil sa antok. Pagdating sa bahay, kumain agad ako para makapagpahinga na. Hindi ko nga lang nagawa kasi gumawa ako ng Sibuyas Serye at nanood ng movie. Tinapos ko ang sinimulan ko kagabi.

Enero 27, 2023

Nang bumangon ang mag-ina, nagising ako. Hindi na ako nakatulog uli. Kaya, kulang na naman ako sa tulog. Okay lang, Friday naman ngayon. Maaga pa rin akong umalis para pumasok.

Ito ang second and last day ng 2nd Grading test. Okay naman. Hindi ako masyadong nagalit. Nakatulong ang strategy ko. Kaya nang nagsalo-salo kami, kasi birthday ni Marekoy, tahimik naman sila. Sana tuloy-tuloy na.

Past 6:30, nasa PITX na ako. Nag-stay muna ako roon para magpalamig. Nag-window-shopping din ako. Eight na ako bumiyahe pauwi.

Enero 28, 2023

Kahit Sabado, maaga pa rin ang gising ko. Hindi ko talaga magawang magtagal sa higaan, lalo na't kailangang mahainan ko na ng almusal si Mama. Okay lang naman kasi marami akong gagawin.

Una kong ginawa ay magsulat, pagkatapos mag-almusal. Tinapos ko na ang kuwentong "Ang Medalya ni Joshua.' Then, sinunod ko ang pagtapos ng Tulaang Prutas. Naisingit ko rin ang pagluluto ng lunch. Chopseuy at pritong isda ang ulam namin.

After lunch, inantok ako. Pinagbigyan ko ang mga mata ko. Sa sofa ako nakatulog. Past 2, naligo ako para makapagluto naman ng spaghetti. Hindi na ako nakatulog muli. Itinuloy ko na ang pagtapos sa 'Tulaang Prutas.'

After dinner, nanood naman ako ng Thai horror movie.

Enero 29, 2023

Naglaba ako pagkatapos kong gumawa ng Sibuyas Serye. Actually naubusan na ako ng ideya. Mabuti na lang, nakaisip pa ako ng isa. Ika-30 na iyon. Baka ihinto ko na.

Habang nakasalang ang mga damit ko sa washing machine, nagdilig ako ng mga halaman. Kailangang marami akong matapos ngayong araw. In fact, hindi na ako nagluto ng lunch. Pinabili ko na lang si Emily.

Before maligo o after lunch, pinanood ko ang 'M3gan." Hindi ko natapos dahil inantok ako.

Ngayong araw, natapos ko ang Tulaang Prutas. Nagawa ko na itong vlog. Nakagawa rin ako ng PPT sa Filipino para bukas. Then, ginawan ko rin ng video para mai-upload ko sa YT.

Gabi, bago mag-dinner, sinimulan ko ang 'Speedy Monologues.' ito ang bago kong comic strip. African giant land snail naman ang bida rito.

Bago ako matulog, tinapos kong panoorin ang 'M3gan.' Ang ganda ng pelikulang ito!

Enero 30, 2023

Pag-alis ni Emily, bandang 6:30, saka ako bumaba. Tinulutan ko si Mama ng choco drink. Then, nagluto ako ng skinless longganisa para ipares sa pritong itlog na niluto ni Emily.

Mabilis din akong nakapagplantsa kaya nakapag-upload ako sa YT at mga FB pages ko ng vlog na ginawa ko kagabi. Naipost ko rin ang 'Speedy Monologues,' na sinimulan ko kagabi.

Eight-thirty, umalis na ako sa bahay. Natagalan ako sa PITX kasi ang haba ng pila sa sakayan ng dyip. Nag-iba na lang ako ng ruta nang alas-10 na.

Walang dumating na estudyante para sa remedial reading. Okay lang naman. Gusto ko rin kasing mag-relax.

Hindi nga ako nakapag-relax dahil sobrang hihina ng Buko pagdating sa kaibahan ng Pang-uri at Pang-abay. At nang oras na para sa pagtsek ng test papers, mas lalo akong na-high blood. Para silang Kinder na noon lamang nakapagtsek. Kung saan-saan nila nilalagat ang score. May over-over pa silang nalalaman, mali naman minsan, like 40/23. Nasa ibabaw rin ng pangalan ang 'Corrected by.' Uminit ang ulo ko. Mabuti na lang, nakontrol ko.

Maghapon kaming nag-check ng papel. Hindi ako masyadong masaya sa test results. Sadyang mahihina ang mga estudyante ngayon. Ni-review na. Binigay na ang mga sagot hindi pa rin nakakuha ang matataas na scire. May mga nakakuha ng perfect score, pero nakakalungkot pa rin.

Mga 7:30, nasa bahay na ako. May dala akong ilang groceries, na binili ko sa Alfamart. Wala pa si Emily sa mga oras na iyon.

Agad akong naghapunan para makagawa ako ng 'Speedy Monologues.'

Enero 31, 2023

Maaga akong nagising dahil sa sakit ng likod ko. Ang lamig kasi. Nirarayuma talaga ako kapag malamig.

Maaga kong natulutan ng almusal si Mama. Then, nakapagplantsa ako agad bago magdilig ng mga halaman. May time pa akong makipaglaro kay Herming at gumawa ng 'Sibuyas Serye.'

Maaga rin akong nakarating sa school. Nakagawa ako roon ng dalawang 'Speedy Monologues' bago dumating si Nazarene.

Sa klase, agad kong in-explain sa Buko ang tungkol sa sabayang pagbigkas, na nais kong ituro sa kanila at i-present nila sa February 17, kung kailan gaganapin ang 2nd Quarter Recognition Day. Since, naipanood ko sa kanila kahapon ang ilang samples from YT, kumasa ang iba. Agad ko silang prinaktis. Nagustuhan ng ilan. May mga hindi naman sumali dahil mahiyain.

Maghapon kaming nagpraktis. Kahit paano ay umusad na ang sabayang pagbigkas nila. Marami na ang gustong sumali, kahit ang mga slow readers o poor readers.

Masaya akong umuwi.

Sa bahay, nakausap ko si Mama. Ibinalita ko na nangumusta si Jano. Doon nagsimula ang paglahad ni Mama ng kagustuhan niyang umalis na rito. Nalungkot ako kasi parang ayaw niya sa amin. Hindi siya makuntento nang may kasama ay may pinakikisamahan. Aniya, mas gusto niyang mag-isa sa isang bahay.

Chinat ko si Taiwan. Doon na lang daw sa kanila, kaya ihahatid ko sa Linggo. 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...